Hustisya para kay Pretty Sheine at Rose Jane! Panagutin ang berdugong AFP-PNP sa pagpatay sa mga sibilyan!
Mariing kinukundena ng NDFP-ST ang AFP sa pandadamay nito at pagpatay sa mga sibilyang sina Pretty Sheine Anacta, 19, at Rose Jane Agda, 30, sa nangyaring labanan noong Disyembre 17 sa Brgy. Malalay, Balayan, Batangas. Malinaw itong krimen at paglabag sa internasyunal na makataong batas hinggil sa pagtrato sa mga sibilyan sa gitna ng gera sibil. Dapat na managot sa kanilang krimen ang mga sangkot na pwersa ng AFP at kanilang mga opisyal at ang rehimeng US-Marcos.
Ayon sa ulat ng NPA-Batangas, nasa loob ng himpilan ng NPA sina Pretty Sheine at Rose Jane dahil dinalaw nila ang kanilang kamag-anak na Pulang mandirigma na si Ka Komi, o Precious Alyssa Anacta. Isa si Ka Komi sa limang kasapi ng NPA na namartir sa naturang labanan. Natutulog sila nang salakayin ng pinagsanib na pwersa ng 59th IB, Philippine Navy at Philippine Airforce noong madaling araw ng Disyembre 17. Nawalan ng malay sa unang bugso ng pamumutok ng AFP si Pretty Sheine samantalang malamang na maagap na tinamaan kaya’t nasawi si Rose Jane.
Lahat ng mga ulat ay nagtuturo sa posibilidad na malapitang pinatay ng militar si Pretty Sheine saka tinamnan ng baril upang palabasin na isa ring Pulang mandirigma. Malisyoso namang pinangalanan ng militar na “Ka Binhi/Amlai” ang isa sa dalawang babaeng sibilyang biktima upang gawing “lehitimo” ang pagpaslang sa kanila. Kalokohan ito lalo’t positibo nang kinilala ng mga kapamilya ang labi nina Pretty Sheine at Rose Jane. Sagad sa buto ang kasamaan ng mga berdugong militar na matapos patayin ang dalawa ay gagamitin pa ang mga ito sa kanilang hungkag na propaganda laban sa rebolusyonaryong kilusan sa Batangas.
Ang dapat sana’y masayang okasyon ng pagsasama-sama ng pamilya ni Ka Komi ay nauwi sa trahedya dahil sa kabuktutan at kahayupan ng AFP. Labis ang ginamit na pwersa ng AFP upang atakehin ang yunit ng NPA. Malinaw na masaker ang nangyari sa dalawang sibilyan at maging sa mga Pulang mandirigma. Pangita sa manera ng strike operation ang patakarang “walang ititira kahit isa” kaya’t walang patumanggang namaril ang mga militar kahit na malapit sa sibilyang populasyon ang pinangyarihan ng labanan. Lansakang nilalapastangan ng AFP ang Internasyunal na Makataong batas at mga alituntunin ng digma dahil sa pagkahayok nito sa dugo ng mga rebolusyonaryong pwersa at sa pabuyang makukuha tuwing may napapaslang na kasapi ng NPA.
Dapat singilin ang mga pinuno ng AFP at ang rehimeng US-Marcos na nagbasbas sa overkill na operasyong ito: 59th IBPA Commanding Officer Lt. Col. Ernesto Teneza Jr.; 2ID Commander Maj. Gen. Roberto Capulong; PAF Commanding Gen. Lt. Gen. Stephen P. Parreño; PN Flag Officer-in-Command VADM Toribio Adaci Jr. Dapat ding pagbayarin ang mga kumander ng mga umatakeng tropa ng Army, Navy at Airforce sa ginawang paglapastangan sa labi ng mga Pulang mandirigma at pati nina Pretty Sheine at Rose Jane. Inulat na nakababa ang pantalon ng labi ni Pretty Sheine sa lugar ng pinaglabanan bago pa dalhin sa punerarya at ni Rose Jane nang datnan sa punerarya.
Hinihikayat ang mga makabayang abugado at mga lingkod bayan na tulungan ang mga kapamilya nina Pretty Sheine at Rose Jane na maghanap ng hustisya. Kailangan ding suportahan ng mamamayan ang pamilya ng mga biktima sa pagharap at pakikipagtuos upang panagutin ang berdugong AFP-PNP sa kanilang mga krimen.
Sa pagdami at pagsahol ng mga paglabag, lalong humihigpit ang pangangailangan na tumindig at malakas na kundenahin ng iba’t ibang uri at sektor ang lansakang paglabag ng estado sa karapatang tao,tampok ang pang-aatake ng reaksyunaryong AFP-PNP sa mga sibilyan sa ilalim ng kampanyang supresyon sa tabing ng huwad na gera kontra-terorismo. Dapat dalhin ang panawagang panagutin ang mga maysala sa lahat ng daluyan upang ilantad ang krimen ng estado. Maaaring humingi ng tulong sa mga internasyunal na mekanismo at organisasyong nagtataguyod ng hustisya sa harap ng kapalaluan ng GRP at pagtatakip nito sa krimen ng AFP-PNP. Subalit higit na mahalaga ang malawak na pagkakaisa mamamayan para puspusang ilantad at labanan ang pasista-teroristang estado, singilin at panagutin ito sa mga krimen laban sa mamamayan.
Walang kaparis na dalamhati ang nararamdaman ng rebolusyonaryong mamamayan ng TK sa nangyari sa Batangas. Taos-pusong nakikiramay ang NDFP-ST sa mga kaanak nina Pretty Sheine at Rose Jane ganundin sa mga kapamilya ng limang namartir na kasapi ng NPA-Batangas: Precious Alyssa “Ka Komi” Anacta, Maria Jetruth “Ka Orya” Jolongbayan, Alyssa “Ka Ilaya” Lemoncito, Joy “Ka Kyrie” Mercado, at Leonardo “Ka Mendel” Manahan. Sila’y pawang mabubuting anak na lubos na minamahal hindi lamang ng kanilang kaanak kundi ng buong mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan.
Sa kabilang banda, walang pagsidlan ang poot ng mamamayan sa pamamayani ng brutalidad at inhustisya sa bansa at itinutulak nito ang bayan para lumaban at ipagtanggol ang kanilang mga karapatang-tao. Ang nabubulok na malakolonyal at malapyudal na sistema na pilit na ipinagtatangol ng estado ng magkasanib ng pwersa ng malaking burgesya kumprador, uring panginoong maylupa kasabwat ang imperyalismong US ang ugat ng karahasan at walang pakundangang pangyuyurak sa karapatang tao ng sambayanang Pilipino. Dapat puspusang lumaban upang wakasan ang naagnas na lipunang ito at bigyang katarungan ang mga biktima ng pasista-teroristang estado.###