Ibasura ang mapaniil na ATL! Buwagin ang teroristang NTF-ELCAC! Ibagsak ang civil-military junta na rehimeng US-Duterte!
Dapat na agad ng ibasura ang Anti-Terror Law (ATL), buwagin ang NTF-ELCAC at gawin ang buong makakaya upang ibagsak ang civil-military junta na rehimeng US-Duterte! Kagyat ang kahalagahan ng mga ito upang alisin ang sobrang pahirap sa sambayanang Pilipino at hawanin ang daan upang kamtin ang tunay na demokrasya at kalayaan sa bansa.
Sa esensya, isang de facto na paghaharing diktadura ng sibilyan-militar na hunta ang rehimeng US-Duterte. Binihisan ito ng pagiging ligal sa pagkakapasa ng mapaniil na ATL. Pangunahing makinarya ng diktadura ang pangingibabaw ng NTF-ELCAC na kontrolado ng mga pasistang heneral at pangunahing ahente ng imperyalismong US at China sa Pilipinas. Ginagamit nito ang marahas na instrumento ng estado pangunahin na ang mersenaryong AFP-PNP. Kumukubabaw ito sa lahat ng sibilyang yunit, departamento at ahensya ng reaksyunaryong gubyerno. Ganap na nakontrol nito at naging rubber stamp ang dalawang kapulungan ng reaksyunaryong kongreso, maging ang hudikatura.
Inaabuso ng rehimeng US-Duterte ang kapangyarihan upang walang kahihiyang pagsilbihin sa pampulitika at pang-ekonomyang interes ng naghaharing paksyon, burukratikong korapsyon ng sariling pamilya at mga kroni habang sukdulan ang pagiging papet sa among imperyalistang US at China sa pagbebenta sa pambansang soberanya at patrimonya. Marahas nitong ipinapataw ang terorismo ng estado laban sa sambayanang Pilipino.
Pagtupad ito sa pangako ni Duterte sa among US na ganap na wawakasan ang armadong rebolusyon ng CPP-NPA-NDFP sa Pilipinas sa loob ng kanyang termino. Sa balangkas ng doktrina ng 2009 US Counter-Insurgency Guide at “anti-komunismo’t anti-terorismo,” binubuhay ng rehimen ang McCarthyistang anti-komunistang panunugis ng dekada 1950 sa US para tugisin ang mga aktibista, progresibo, grupong oposisyon at kritiko ng rehimeng Duterte. Binubuhay din ng rehimen ang ala-Oplan Phoenix na ipinatupad ng US sa gera sa Vietnam noong 1965-1972 sa isinasagawang malawakan at brutal na ala-Tokhang na pamamaslang sa mga isinasagawang focused military operation (FMO) at synchronize enhanced management of police operation (SEMPO) ng AFP at PNP.
Ang terorismo ng estado ng rehimeng Duterte ay nagluwal ng higit na pagdami ng mga kaso ng paglabag sa karapatang tao. Walang pakundangan ang red-tagging at kabi-kabilang pagpatay sa hanay ng mga sibilyan. Ginagawang tropeo ng NTF-ELCAC, sa bisa ng ATL, ang mga sibilyang pinapaslang sa ngalan ng madugo at maruming kontra-rebolusyonaryong gera. Ang brutalidad at kabuktutan ng rehimeng ito ay masasalamin sa sumusunod:
1. Sa 5-taong paghahari ni Duterte, 61 abogado ang pinaslang kumpara sa 49 na napatay sa nagdaang 44 na taon mula kay Ferdinand Marcos hanggang kay Benigno Aquino III. Mahahati ito sa 22 sa loob ng 9-na-taong panunungkulan ni Macapagal-Arroyo, tig-9 sa panahon nina Corazon at Benigno Aquino III; 7 sa panahon ng diktadurang Marcos; 2 sa panahon ni Estrada habang wala sa ilalim ni Ramos.
2. Lampas sangkatlo ng mahigit 350 biktima ng ekstra-hudisyal na pamamaslang ng rehimeng US-Duterte ay nangyari matapos maitatag ang NTF-ELCAC noong huling bahagi ng 2018. Tampok dito ang masaker sa 14 magsasaka sa Negros noong Marso 2019; ang masaker sa 9 na mga katutubong Tumandok sa Iloilo noong Disyembre 30, 2020; masaker sa 5 manggagawa sa Baras, Rizal noong Disyembre 17, 2020; at ang ‘Bloody Sunday’ na pumaslang sa 9 na aktibista sa CALABARZON nitong Marso 7.
3. Noong 2020 pa lamang, naisadokumento ang may 46,581 biktima ng paglabag sa karapatang tao; ang 87 rito ay mga pampulitikang pamamaslang. Pinakamarami sa mga pinaslang ay mula sa hanay ng mga magsasaka (277). Kabilang din dito ang mga pinatay na mga abogado at 18 mamamahayag. Dagdag dito ang mahigit 30,000 biktima ng EJK sa pekeng gera nito laban sa droga, ganondin ang milyong biktima ng pagpapalikas at pagwasak ng tirahan at kabuhayan sa gera laban sa mamamayang Moro.
Sa Timog Katagalugan, naitala noong 2020 ang sumusunod na kaso ng paglabag sa karapatang tao dahil sa anti-komunistang panunugis: 22 pampulitikang pamamaslang; 30 paglabag sa karapatan ng belligerent forces; 81 iligal na pang-aaresto; 445 sapilitan at pekeng pagpapasuko; aabot sa 30,000 nadisloka at 2 aerial bombing.
Malaganap na red-tagging bilang bisperas sa pamamaslang ng Duterte Death Squad at grupong bidyilante ng AFP at PNP tulad sa kaso ng pamamaslang sa mga human rights defender na sina Zara Alvarez at Atty. Anthony Trinidad kapwa sa Negros; mag-asawang Dr. Mary Rose Sancelan at Edwin Sancelan ng Guihulngan City, Negros Oriental; bigong pagpatay kay Atty. Angelo Karlo Guillen sa Iloilo City at marami pang humahabang listahan ng ala-Tokhang na pamamaslang.
4. Red-tagging at panunupil sa mga lider at kasapi ng progresibong unyon tulad sa nagaganap sa mga unyon na nasa export processing at special economic zones sa CALABARZON.
5. Pinaigting na paniniktik, pagbabanta at panggigipit sa mga kasapi at lider ng mga demokratiko at progresibong mga grupo at organisasyon pati mga kritiko at oposisyon.
Tumatagos sa bawat himaymay ng lipunan ang paghahari ng lagim na pinakakawalan ng rehimeng Duterte. Ang saklaw at pagiging talamak ng paggamit ng dahas ng rehimen laban sa mamamayan ay ipinapakita ng SWS survey kung saan ang 65% ng lumahok sa sarbey ay naniniwala na mapanganib ang maglathala o magpahayag ng anumang kritikal sa gubyerno.
Nangangarap nang gising ang rehimeng US-Duterte na magagawa nito sa CPP-NPA-NDFP at sambayanang Pilipino ang tulad na pagwasak sa armadong kilusang rebolusyonaryo ng FARC at ng mga Colombiano sa ilalim ng Plan Colombia ng Pentagon at CIA.
Sa haba ng listahan ng mga biktima ng karumal-dumal at brutal na paglabag sa karapatang tao ng NTF-ELCAC sa bisa ng ATL ng rehimeng Duterte, mistulang walang halaga ang buhay ng tao at normal na lamang ang pamamaslang sa lipunan.
Buong kabuhungan na ginagamit ng rehimen ang pandemya at mga kalamidad para magpatupad ng ibayong paghihigpit at panunupil. Ginamit pang gatasang baka ni Duterte, mga pasistang heneral at kanyang mga alipores ang mga programa at pondo ng NTF-ELCAC tulad ng P19.1 bilyong pondo para sa anti-insurgency funds, P9.5 bilyon na confidential and intelligence funds at ang pinakabagong P16.4-bilyong pang-saywar na pondo ng Barangay Development Program (BDP).
Iwinawasiwas ng rehimen ang P65,000 sa mga “susukong” NPA sa programang E-CLIP subalit karamihan sa mga biktima nito ay mga sibilyan. Milyun-milyon ang kikbak ng NTF-ELCAC dahil iilan lamang sa mga diumanong sumukong NPA ang binibigyan ng buong halaga, samantalang ilang kilong bigas, ilang latang sardinas at noodles ang binibigay sa karamihan ng mga nalinlang.
Ang mga proyektong ito ay nagsisilbing pork barrel ng mga heneral na binubusog ni Duterte sa suhol upang suportahan ang kanyang pasistang paghahari at pangarap na manatili sa kapangyarihan lampas ng 2022. Ang Davao City na balwarte ni Duterte ang may pinakamalaking parte sa BDP. Gagamitin itong pondong pangkampanya ng kanyang paksyon sa elekyong 2022.
Mabilis na nahihiwalay sa mamamayan ang rehimeng US-Duterte. Kumukulo ang galit ng sambayanan sa kasakiman at brutalidad ng rehimeng ito. Mabilis na umaani ng pagtutol sa malawak na hanay sa loob at labas ng bansa ang mabangis at malupit na Anti-Terror Law. Makasaysayan ang 37 petisyon sa Korte Suprema mula sa iba’t ibang organisasyon para ipabasura ang ATL—palatandaan ng lawak ng pagkakahiwalay ng rehimen.
Mariing kinukundena ng mga human rights advocate sa loob at labas ng bansa, mga taong simbahan, manananggol, mamamahayag, progresibong pwersa at oposisyon ang kultura ng karahasan ng rehimeng Duterte. Nilalabanan ng mga manggagawa, magsasaka, pambansang minorya at maralita ang terorismong inihahasik ng NTF-ELCAC. Patuloy ang panawagang layas-militar sa mga komunidad sa kanayunan at kalunsuran laluna sa gitna ng krisis dulot ng COVID-19.
Sinasagasaan ng rehimen at nilalabag ang sariling konstitusyon ng reaksyunaryong gubyerno sa paglalagay ng huntang sibilyan-militar sa tuktok ng kapangyarihan ng mga lokal na halal na opisyal ng gubyerno sa balangkas ng E.O. 70. Gamit ang dahas at pamimilit pinakikialaman ng militar ang lahat ng aspeto ng lipunan. Walang pakundangan nitong isinasantabi ang mga karapatan ng mamamayan na nakasaad sa Bill of Rights ng Konstitusyon ng GRP.
Ang pag-iral ng ATL at NTF-ELCAC ay palatandaan ng malalim na krisis ng naghaharing sistema sa Pilipinas kung saan hindi na makapaghari sa dating paraan ng burges-demokratikong palamuti ang naghaharing paksyon. Sa halip na malutas ang kronikong krisis ng naghihingalong lipunang malakolonyal at malapyudal, mabilis nitong itinutulak ang polarisasyon ng lipunan at inilalapit ang mamamayan sa rebolusyon.
Hindi kailanman ito magtatagumpay na wasakin ang rebolusyonaryong kilusan na nagbabandila at nagtatanggol sa pambansa-demokratikong adhikain ng sambayanang Pilipino upang lumaya sa kinasadlakang krisis, kahirapan at pagkaatrasadong nilikha ng imperyalismong US, katutubong pyudalismo at burukratang kapitalismo.
Ang huntang sibilyang-militar na rehimeng Duterte ang pinakakonsentradong ekspresyon ng paghahari ng malalaking komprador, uring panginoong maylupa at burukratang kapitalista sa Pilipinas ngayon. Ito rin ang pinakamakitid na target ng rebolusyon para sa katuparan ng pambansa at demokratikong interes ng sambayanang Pilipino. Dapat itong ibagsak ng nagkakaisang lakas ng sambayanang Pilipino upang makamit ang katarungang panlipunan, kalayaan, demokrasya at kasaganaan ng bansang Pilipinas. Nasa unahan ng pambansang pagsisikap na ito ang Partido Komunista ng Pilipinas at lahat ng mga demokratikong pwersa ng lipunan na lumalaban sa dayuhan at lokal na reaksyon at kontra-rebolusyon.###