Igalang ang labi ng mga rebolusyonaryong martir! Kundenahin ang AFP sa pagyurak sa karapatan ng mga nakikidigmang pwersa!

,

Kinukundena ng NDFP-ST ang GRP at AFP sa hindi makataong pagtrato ng mga ito sa labi nina Gladys Cassandra “Ka George” Mendoza (25), Jethro Royce “Ka Alex” Magtira (21) at Jian Markus “Ka Reb” Tayco (23), tatlong kabataang kasapi ng New People’s Army na nasawi sa serye ng labanan sa Tuy, Batangas noong Hunyo 23 sa Bolbok at Dao, Tuy, Batangas. Labag sa internasyunal na makataong batas at mga kasunduan sa karapatang tao ang ginawa ng reaksyunaryong estado at labis na nagpapasakit sa mga naulilang pamilya. Dapat igalang ang mga labi at hayaan ang kapamilya ng mga nasawi na mapayapang magluksa at makapagpaalam sa kanilang mahal sa buhay.

Sa mga nakalap na ulat, wala sa maayos na kalagayan ang labi ng mga martir nang datnan ng mga kaanak at ng mga grupong makatao. Hirap nang makilala ang mga ito dahil lumobo na ang mukha at katawan. Tanda ito na pinabayaan at hindi kagyat na dinala ang mga labi sa isang pasilidad na magpepreserba at magtitiyak na maayos ang mga ito. Nagpapakita ito ng kawalang respeto sa mga nasawing kasapi ng NPA.

Tulad ito ng nangyari sa labi ng anim na kasama at dalawang sibilyang nasawi sa labanan sa Malalay, Balayan, Batangas noong Disyembre 18, 2023 kung saan hinayaang nakabilad sa araw hanggang mabulok ang mga bangkay at nang kukunin na ng mga pamilya ay gusto pang ibimbin ng mga militar. Napakawalang-puso ng AFP, partikular ng 59th IB, dahil naaatim nitong abutin ng pamilya ang mga labi sa ganoong kasaklap na kalagayan. Malinaw itong mga paglabag sa karapatan at dignidad ng mga nakikidigmang pwersa na nakasaad sa Geneva Conventions at sa Ikaapat na Seksyon ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law. Dapat ipaalala sa GRP na nakalagda ito sa mga naturang kasunduan. Ang ginagawa ng AFP ay pangyuyurak din sa karapatan ng mga pamilya at tradisyon ng mga Pilipino na mapayapang ipagluksa ang pumanaw na mahal sa buhay.

Kinukundena rin ng NDFP-ST ang panggigipit at panlilinlang ng mga ahente ng militar sa kapamilya ng mga martir na NPA. Sa kaso ni Ka George, hindi tinantanan ng mga militar ang kanyang pamilya at nagpakana pang sila ang “maghahatid” sa labi ng kasama. Sa aktwal, brinaso ng mga militar ang mga kaanak at pinigilan ang mga organisasyong makatao na lumapit sa mga pamilya kaya’t nakuha ng mga pasista ang labi ni Ka George.

Sa gitna ng pagluluksa sa mga minamahal na kabataang mandirigma, nagngangalit ang rebolusyonaryong mamamayan at lalong tumitimo sa kanilang isip kung gaano kahalang ang kaluluwa ng mga pasista. Lango sa kapangyarihan ang mga pwersa ng estado kaya’t malakas ang loob na tratuhing parang hayop ang mga nasawing NPA.

Hindi dapat hayaang mamayagpag ang mga asal-hayop na militar. Dapat kundenahin at panagutin ang AFP sa kanilang tahasang paglabag sa mga alituntunin ng digma. Partikular sa kaso ng Bolbok 3, dapat kasuhan ang mga opisyal at mga sangkot na tropa ng 59th IBPA sa pagpapabaya sa mga labi. Kailangang patuloy na ilantad, usigin at labanan ang pasistang militar na katuwang ng imperyalismo at naghaharing uri sa pagpapahirap at pang-aapi sa bayan.

Nais ding ipaabot ng NDFP-ST ang taos puso nitong pakikiramay sa mga naiwang pamilya at mahal sa buhay nina Ka George, Ka Alex at Ka Reb. Sana’y makaluwag sa inyong kalooban ang kabatirang puspos ng kabuluhan, paninindigan at pagmamahal sa bayan ang kanilang mga buhay. Tinangkilik sila at itinuring na parang anak ng mamamayang kanilang nakasalamuha dahil matapat nilang isinulong ang pambansa demokratikong interes ng bayan. Kasama sila ng mamamayan na nakikibaka para matamo ang kahilingan para sa lupa, sahod, trabaho, karapatan at panlipunang hustisya. Sa kanilang murang edad, ipinamalas nila ang diwa ng pagsasakripisyo ng sarili at busilak na hangaring maglingkod sa kapwa. Dakila silang mga kabataan at habambuhay na pagpupugayan ng rebolusyonaryong mamamayan ng Timog Katagalugan at ng buong bansa.

Hinahamon ang mga rebolusyonaryong pwersa sa TK na ibaling ang pighati sa katapangan at determinasyong isulong hanggang tagumpay ang digmang bayan na iniwan nina Ka George, Ka Reb at Ka Alex. Gawin nating inspirasyon ang tatlong magigiting na kabataang walang pag-iimbot na nag-alay ng kanilang kaisa-isang buhay sa bayan at sa rebolusyon. Kailangang ilang ulit na magsikhay at walang pagod na makibaka hanggang makamit ng bayan ang tunay na kalayaan at demokrasya, at matanaw ang landas tungo sa isang sosyalistang hinaharap.

Mabuhay ang alaala nina Ka George, Ka Alex at Ka Reb!
Kabataan, sumapi sa NPA!
Isulong ang digmang bayan hanggang sa tagumpay!

Igalang ang labi ng mga rebolusyonaryong martir! Kundenahin ang AFP sa pagyurak sa karapatan ng mga nakikidigmang pwersa!