Pahayag

Ipagdiwang ang ika-50 na anibersaryo ng LAB! Magwasto, magpalawak, magpalakas at makibaka para sa pambansang demokrasya!

,

Binabati ng Liga ng Agham para sa Bayan (LAB) ang mga rebolusyonaryo at progresibong siyentista, inhinyero, teknolohista, mga propesyunal at kabataang estudyante sa larangan ng agham at teknolohiya sa ika-50 anibersaryo ng pagkatatatag nito. Pinaparangalan ng LAB si Jan Michael “Ka Simon” Ayuste, isang biologist, sa kanyang walang pag-iimbot na paglilingkod sa masa sa kanayunan. Kinikilala rin ang natatanging mga kontribusyon ni Engr. Ramon “MonRam” Ramirez sa larangan ng integrasyon ng teknolohiya para sa pagsusulong ng rebolusyon, at si Cora Casambre sa iba’t ibang pananaliksik. Binibigyang-pugay din ng LAB ang dakilang rebolusyonaryong sina Prof. Jose Maria Sison, Louie Jalandoni, at marami pang iba, na hinawan ang daan ng pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Nagsisilbi silang mga tanglaw at inspirasyon sa lahat ng kasapian ng LAB upang patuloy na isulong ang agham at teknolohiya para sa sambayanan at rebolusyon.

Sa higit limang dekada, nakamit ng LAB ang tagumpay sa organisasyon, pakikilahok sa armadong pakikibaka, at paglilinaw sa mga isyu ng agham, teknolohiya at praktikal na silbi sa rebolusyon. Sa gabay ng kilusang pagwawasto ng inilulunsad ng Partido Komunista ng Pilipinas, binabalikan ng LAB ang kasaysayan ng pakikibaka upang patuloy ng pagtibayin ang mga kalakasan at iwasto ang mga pagkukulang sa mga nakaraang taon.

Kasaysayan ng rebolusyonaryong pakikibaka ng sektor ng agham at teknolohiya

Itinatag ang LAB noong Disyembre 1975, sa gitna ng Batas Militar ng diktadurang US-Marcos Sr. Sa mga panahong ito, lumikha ng mga Molotov cocktail at iba pang kagamitan para sa Diliman Commune at First Quarter Storm ang makabayan at rebolusyonaryong siyentista’t inhinyero. Ginamit nila ang kanilang kakayahan upang direktang labanan ang pasismo ng Batas Militar.

Lumawak ang LAB sa hanay ng mga propesyunal sa agham at teknolohiya. Tumugon ito sa mga pangangailangan ng rebolusyon–mula mabilisang reproduksyon ng mga lathalain, mga encryption protocol para sa ligtas na komunikasyon, hanggang sa kagamitang militar kagaya ng mga bomba.

Humina ang LAB dulot ng rebisyunismo at sektaryanismong kumakalat noong dekada ‘80. Ngunit sa pagsisikap ng ilang mga kagawad, muling naitatag ang LAB noong 1996 at nailunsad ang Unang Kongreso nito.

Sa kasalukuyan, patuloy na lumalawak at lumakas ang LAB. Inilunsad nito ang Ikalawang Kongreso noong 2020, sa kabila ng mga restriksyon dulot ng pandemyang COVID-19. Pinamunuan ng mga kasapi nito ang pakikibaka ng mga siyentista, inhinyero, propesyunal at estudyante sa larangan ng agham at teknolohiya.

Mga tagumpay, kalakasan, at kahinaan sa mga nakaraang taon

Mula 1996, lumawak ang kasapian at baseng masa ng LAB, mula sa bilang noong Unang Kongreso, nakapagrekluta ng ilang-daang kasapi sa loob ng tatlong dekada. Hindi bababa sa apat na aktibong balangay (bukod pa sa mga aktibong selula) ang pinangasiwaan ng LAB. Malawak rin ang lambat-lihim ng mga alyado na nakakapagbigay ng suporta sa rebolusyonaryong gawain sa iba’t ibang paraan. Libu-libo na rin ang naaabot na masang aktibista at masang pinamumunuan. Sa pangkalahatan, mahusay na ginampanan ng kasapian ng LAB ang tungkulin nitong pamunuan ang pakikibaka ng sektor ng agham at teknolohiya.

Nag-ambag ang LAB ng teknikal na kaalaman at pagsusuri ng isyu katulad ng epekto ng iniwang toxic wastes ng base militar ng Estados Unidos, oil price hike, hindi-makatarungang pagtaas ng singil sa kuryente, dambuhalang mga minahan at dam, mga landslide, iba’t ibang oil spill, mga planta ng kuryente, peste sa agrikultura, at iba pa. Sinusuri ng LAB ang mga lumilitaw na panlipunang isyu na kaugnay ng sektor ng agham at teknolohiya, tulad ng GMOs, climate change, artificial intelligence, palpak na imprastrukurang flood control at iba pa.

Bunga ng resolusyon noong Ikalawang Kongreso ng LAB, muling nailathala ang Agham Bayan noong 2021, kung saan naipapalaganap ng LAB ang suri nito sa mga mahahalagang isyu at usapin. Sa kasalukuyan, may apat na isyu ang Agham Bayan sa bawat taon, muling inilunsad ang sariling website, at mga account sa social media. Regular rin na nakakapaglabas ng pahayag ang LAB sa mga maiinit na isyung panlipunan.

Masigla rin ang pagtataguyod sa Hukbo–mula sa pangangalap ng pinansyal at materyal na suporta para sa mga ilang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Nakatugon ang LAB sa mga teknikal na rekwes ng ilang larangang gerilya. Lumalawak rin ang kasapian ng LAB na nakakapag-exposure, tour of duty, at sumasampa sa BHB.

Sa kabila ng mga tagumpay na ito, nananatili ang konserbatismo sa hanay ng LAB. Sa mga nakaraang taon, relatibong matumal ang pagrekluta, partikular sa hanay ng mga propesyunal. Naipakita ng nagdaang mga taon na susi sa paglutas ng problemang ito ang napapanahon at malalim na panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri sa mga isyung kinakaharap ng masang siyentista, inhinyero, at propesyunal. Palagiang binabangungot ang sektor ng mataas na bayarin sa edukasyon, kawalan ng oportunidad sa scholarship, delay sa sahod, mababang sahod, kawalan ng pondo para sa pananaliksik, at marami pang iba. Kailangan ugatin ang mga problemang ito sa namamayaning malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino at totohanang malulutas lamang sa rebolusyon.

Napakahalaga din na ilapit sa batayang masa ang mga masang siyentista, inhinyero, at propesyunal para higit na mamulat sa realidad ng lipunang mapang-api at mapagsamantala at tumatag ang kanilang kapasyahang maglingkod sa sambayanan.

Bagama’t may mahalagang papel ang mga ligal na kampanya sa pagpapalawak at pagkonsolida ng inoorganisang masa at masang aktibista, higit pa rito ang maaaring ambag ng mga siyentista, inhinyero at mga teknolohista. Dapat sikapin ng kasapian ng LAB na direktang mag-ambag sa rebolusyong agraryo sa kanayunan sa pamamagitan ng mga pamamaaraan upang mapaunlad ang produksyon para suportahan ang war economy, magpaunlad ng mga kagamitan para sa armadong pakikibaka, at disimulado, mabilis at maingat na mga komunikasyong elektroniko. Dapat maging mapangahas at malikhain ang kasapian ng LAB at gampanan ang iba’t ibang tipo ng rebolusyonaryong gawain, maliit man o malaki.

Kagyat na tungkulin ng LAB

Sa diwa ng kasalukuyang kilusang pagwawasto, dapat nating balikan ang mga sentral na tungkulin ng ating rebolusyonaryong organisasyon.

1. Pagpukaw, pag-organisa, at pagpapakilos sa sektor ng agham at teknolohiya para sa pambansa-demokratikong rebolusyon.

2. Magkondukta ng rebolusyonaryong propaganda: iugnay ang mga suliranin ng masa at ng sektor sa pambansa-demokratikong rebolusyon.

3. Pagpapalawak ng kasapian ng mga balangay ng LAB.

4. Itaguyod, makilahok at magbigay ng teknikal na serbisyong suporta sa pagsulong ng rebolusyong agraryo, armadong pakikibaka at pagtatag ng baseng masa.

5. Tumulong sa pagbubuo at pagpapalaganap ng isang siyentipikong at pangmasang kultura. Makibaka para sa pagtataguyod ng demokratiko at makamasang agham at teknolohiya.

6. Isulong ang karapatan at kagalingan ng sektor ng AT, habang ikinakawing ang sektoral na mga isyu at usapin sa mga suliranin at isyu ng kalakhang masa.

7. Makipag-ugnayan sa mga rebolusyonaryo at progresibong pwersa sa ibang bansa at makiisa sa kanilang demokratiko’t anti-imperyalistang pakikibaka. Kamtin ang pinakamalawak na suporta para sa rebolusyong Pilipino.

8. Tiyakin ang tuluy-tuloy na pagpapanibagong-hubog ng mga kasapi ng LAB tungo sa malalim na pagsapol sa mga prinsipyo ng rebolusyon at aktwal na paglahok sa praktika ng DRB. Tiyaking sa lahat ng panahon ay mahigpit ang ugnayan ng mga siyentista’t teknolohista sa uring anakpawis.

Humugot tayo ng aral mula sa limang dekadang pag-iral at pakikibaka ng rebolusyonaryong siyentista’t teknolohista sa LAB. Mapangahas na magrekluta ng mga miyembro, magpakilos sa gawaing ligal at iligal, at imaksimisa ang mga kalakasan at kasanayan ng ating mga kasapi. Pairalin natin ang kolektibong pamumuno sa mga balangay at yunit ng LAB. Payabungin natin ang ating gawain sa propaganda. Mag-ambag sa armadong pakikibaka sa paraang pinansyal, materyal, at teknikal, hanggang sa pagpapasampa ng mga Pulang mandirigma sa Bagong Hukbong Bayan.

Kasama ang buong rebolusyonaryong kilusan, yayakapin ng LAB ang hamon ng panahon na magwasto, magpalawak, magpalakas, at makibaka para sa pambansang demokrasya. Walang ibang pag-asa ang mamamayang Pilipino kundi sa rebolusyon.

Ipagdiwang ang ika-50 na anibersaryo ng LAB! Magwasto, magpalawak, magpalakas at makibaka para sa pambansang demokrasya!