Ipaglaban ang soberanya, biguin ang pang-uupat ng gera ng imperyalismong US!

,

 

“Masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod
Masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor nasa laot!”
—’Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan’, Amado V. Hernandez

Mahigit kalahating siglo na mula nang isulat ni Amado V. Hernadez ang tula ngunit totoo at angkop pa rin ito sa kasalukuyang panahon. Sa okasyon ng ika-126 taon ng deklarasyon ng huwad na kalayaan ng Pilipinas, kasabay ang tumitinding banta sa soberanya at seguridad ng mamamayang Pilipino, marapat lamang na gunitain ang araw na ito sa pamamagitan ng lahatang-panig na paglalantad sa pananakop at siglong paghahari ng imperyalismong US sa Pilipinas. Ang buong kasaysayan ng kolonyal at neo-kolonyal na paghahari nito sa bansa ay kinatampukan ng mga pinakamasasahol na krimen, paglapastangan sa mga karapatang-tao at walang-habas na pandarambong sa mga likas na yaman ng bansa.

Hindi mawawaglit sa gunita ng sambayanang Pilipino ang pamamaslang at marahas na panunupil ng militar ng US sa pamumuno ni Gen. Elwell Otis, sa tinatayang 1.4 milyong Pilipino (10% ng populasyon noon) sa mga unang taon ng gerang Pilipino-Amerikano. Sa mga panahong ito, isinailalim ang buong kapuluan sa kahindik-hindik na tortyur tulad ng water cure, hamleting at pagsunog sa puu-puong baryo at komunidad. Minasaker ang lahat ng batang may edad 10 pataas samantalang libu-libong Moro kabilang ang kababaihan at bata ang walang-awang pinatay.

Ipinagpatuloy ang pandarahas at panunupil sa ilalim ng neo-kolonyal na estado matapos igawad ng US ang huwad na kalayaan noong 1946. Sa pamamagitan ng mga tagibang na kasunduan, nanatiling mahigpit ang kontrol ng US sa bansa sa larangan ng pulitika, ekonomya, kultura at militar, kasabwat ang ang uring malalaking burgesya komprador bilang pangunahing ahente at tagapamandila ng imperyalismong US sa Pilipinas, at mga tradisyunal na panginoong maylupa na nagtali sa mayorya ng mga Pilipino sa pyudal at malapyudal na pagsasamanta na siyang baseng sosyal ng imperyalismo

Malinaw sa kasaysayan kung papaanong inagaw ng kolonyalistang US ang tagumpay ng mga Katipunero laban sa mga kolonyalistang Espanyol at binili ang Pilipinas mula sa huli sa halagang $20 milyon sa ilalim ng Treaty of Paris. Sa pagputok ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig kung saan nakaladkad ang bansa sa gyera ng imperiayalistang US at Japan, itinayo ng US ang USAFFE laban sa mga kasapi at yunit ng HUKBALAHAP na nagsulong ng pakikidigmang gerilya laban sa Hapon. Katulad ng deklarasyon ng kalayaan noong 1989, inagaw ng US ang tagumpay ng HUKBALAHAP na siyang tunay na gumapi at nagpabagsak sa okupasyon ng Hapon sa bansa.

Dahil sa neo-kolonyal na paghahari ng imperyalismong US sa Pilipinas, hindi kailanman nakamit ng sambayanang Pilipino ang tunay na pambansa at panlipunang paglaya. Bagkus ito ang lalong nagtali sa bansa sa dikta ng dayuhan at nagpanatili sa atrasadong ekonomya. Sa pagpataw ng US sa neoliberalismo, lalong nasadlak sa kumunoy ng kahirapan ang mamamayan. Patuloy na pinipiga ang murang lakas-paggawa ng mga aliping sahuran at walang pakundangang nilalapastangan ang kalikasan at mga likas na yaman.

Ang mga malalaking burgesya komprador at mga dinastiya sa burukrasyang sibil na iniluklok ng US sa Malacañang at Kongreso bilang mukha ng “malaya” at “nagsasariling” bayan, na siya ring may monopolyo sa kapangyarihang pang-ekonomya at pampulitika, ang siya ngayong nagtutulak sa bansa sa bingit ng kapahamakan, alinsunod sa dikta ng imperyalismong US. Silang mga taksil sa bayan na handang itulak ang Pilipinas sa inter-imperiayalistang gyera. Ang mga uring ito, sa pamamagitan ng tutang rehimeng US-Marcos Jr, kanilang armadong pwersa, ang AFP at PNP, patuloy na namamayagpag ang presensya at dominasyong militar ng US sa bansa.

Dahil sa mga di-patas na kasunduang militar tulad ng MDT, VFA at EDCA, malayang nakakapasok at nanghihimasok ang militar ng US sa bansa. Sa pamamagitan ng mga tratadong ito, lubusang isinusuko ng rehimen at naghaharing uri ang soberanya ng Pilipinas, na sa isang panig ay nagbibigay ng pribilehiyo at ekstrateritoryal na karapatan sa mga sundalong Amerikano. Sa kasalukuyan, Pilipinas ang isa sa pinakamalaking base militar ng US sa buong mundo kung saan nakaposisyon ang mga kagamitang pandigma, mga deklarado at hindi na kampo at pasilidad kabilang ang siyam na EDCA site, taunang lunsaran ng malawak at malalaking ehersisyo militar, at deployment ng mga tropang Amerikano na lumalahok at namumuno sa kontra-insurhensiyang kampanya ng AFP.

Sa pagtindi nga krisis ng monopolyo kapitalismong sistema sa buong mundo, at paghina ng hegemonya ng US, nagpapakawala ito ng pinakamalulupit at pinakabrutal na gyera laban sa mga mamamayan. Mula sa nabibigong proxy war ng NATO-Ukraine laban sa Russia, at ngayo’y pampulitikang pagkatalo dahil sa suporta nito sa henosidyo ng Zionistang Israel laban sa mga Palestino, nagkukumahog itong pasiklabin ang gyera sa Asya-Pasipiko laban sa karibal na China.

Sinasamantala nito ang kontradiksyon sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay sa usapin ng West Philippine Sea at sistematikong minamanipula ang sentimyento ng mamamayang Pilipino upang bigyang-matwid ang pang-uupat ng gyera laban sa China. Sa halip na igiit ang diplomatikong resolusyon sa hidwaan sa WPS sa pamamagitan ng desisyon ng UNCLOS, hinahayaan naman ng rehimeng US-Marcos Jr na tuluyang makaladkad ang bansa sa gyera sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa US na yurakan ang kasarinlan ng Pilipinas.

Dapat na sariwain ang alab ng damdamin nang humawak ng armas ang mga Katipunero sa Rebolusyong 1896. Hindi natapos sa pakikibaka nila Andres Bonifacio ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa tunay na pambansang kalayaan at demokrasya. Bagkus, simula lamang ito at hanggang ngayon ay ipinagpapatuloy sa pamamagitan ng paglulunsad ng bagong tipo ng rebolusyon – pinamumunuan ng uring proletaryado, hindi ng burgesya, at pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba.

Sa ilalim lamang ng absolutong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas at paglulunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanayunan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan na pangunahing itinataguyod ng Bagong Hukbong Bayan, mahahawan at makakamit ng sambayang Pilipino ang isang lipunang tunay na malaya, demokratiko at may hustisya. At tanging sa pananagumpay lamang ng dalawang-yugtong rebolusyon mawawakasan at mapuputol ang kadena ng imperyalismong US sa Pilipinas.

Ipaglaban ang soberanya, biguin ang pang-uupat ng gera ng imperyalismong US!