Itanghal ang kagitingan at kabayanihan ng ating mga dakilang martir ng Malbang, Pantabangan!

,

“Ang pakikibakay pagpapakasakit , ang kamatayan ay pangkaraniwan, nagkakaiba lamang ng kahulugan kung sino ang ipinakikipaglaban, ang mamatay ng para sa bayan, simbigat ng bundok Sierra Madre ang kabuluhan , ngunit ang mamatay ng para sa imperyalismo ay sing gaan ng balahibo ang kahulugan.”

Saludo sa mga tunay na hukbo ng mamamayan, ang Bagong Hukbong Bayan!! Saludo sa mga bayani ng Malbang, Pantabangan! Kahanga-hanga ang kagitingan, kabayanihan at katagang ipinamalas ng ating mga dakilang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan sa labanan sa Malbang, Pantabangan, Nueva Ecija. Walang salita at kataga ang maaring itumbas sa kabayanihan, katapangan at kahandaan na kanilang ipinamalas.. Pinakamataas na pagpupugay, pagdakila at parangal ang ating iginagawad sa kanila.

Hinihikayat natin ang buong rebolusyunaryong pwersa at ang sambayanang Pilipino na sabay sabay na mag-alay ng sampung minutong katahimikan upang magbigay pugay sa ating mga bayani ng bayan, Sila’y ating ihatid sa dambana at himlayan ng tunay na bayani ng bayan. Hinihikayat at nananawagan tayo sa sambayang pilipino, na maglunsad ng mga pagpupugay at parangal sa ating mga martir ng Malbang, Pantabangan.

Saludo ang sambayanang Pilipino sa inyo mga minamahal naming kasama, Hindi kayang wakasan ng berdugong kaaway sa lupa ng Pantabangan ang diwa ng inyong pagsasakripisyo at kabayanihan, bagkus magsisilbing pataba ito sa puso ng milyon-milyong aping mamamayan upang higit na mag-alab ang pagpupunyagi at yakap sa digmang bayan. Hindi magwawakas at hindi kayang tuldukan sa Pantabangan ang diwa ng kabayanihang inyong ipinamalas.. Magpagpapatuloy ang digmang bayan sa Silangan Gitnang Luzon at sa buong kapuluan. Ang inyong kamatayan ay inspirasyon ng milyong nagbabangong mamamayan, magiging isang malakas na agos at daloy ng tubig sa kailugan ng Pantabangan na tatahak sa malawak na kanayunan ng Gitnang Luzon, dadaloy hanggang sa kalunsuran. Isang gahiganteng agos na di kayang harangan at sagkaan ng mga buhong at berdugong kaaway. Isang malakas na pwersang magbabalikwas para sa tagumpay ng digmang bayan.

Itanghal natin sa bantayog ng kagitingan ang ating mga kasama; itambol at ipalaganap ang kanilang kabayanihan sa buong kapuluan ;

Sina Hilario “Ka Berting/Tonyo” Guiuo, Harold “Ka Luzon” Menosa, Marian “Ka Lunti” Castro, Archie “Ka Ron/Soral Malaya” Arceta, Asaze “Ka Shyla/Mabel” Galang, Pepito “Ka Dylan” Bautista, Noel “Ka Eric/Tagumpay” Bedonia, Noel “Ka Angel” Bedonia, Jr., Reynan “Ka Mel” Mendoza, at Angelika Joan “Ka Molly” Villalon Sila ang ating mga bayani.

Nagwakas ang kanilang ultimong buhay at katawan noong Hunyo 26, sa Malbang Pantabangan, Pang apat na labanan ito mula Mayo 19, simula ng ilunsad ng AFP ang kanyang operasyong ” pagkubkob at paglipol “.

Napatunayan ng ating mga bayani at ng ating hukbo, na bigo ang kampanyang ito na inilulunsad ng kaaway. Hinding hindi nayayanig at natitinag ang Bagong Hukbong Bayan sa mga modernong kagamitan ng buhong na kaaway. Sa tatlong labanan mula noong Mayo 19, walang pinsala ang Bagong Hukbong Bayan mula sa pag iistraping ng machine gun, bomba at raket na ihinulog ng 2 atak helikopter. Epektibong naiwasan ang mga ito at nakontra ang walang patid na nagliliparang drones at mga spy planes sa araw at sa gabi. Sa halip, ang kaaway pa nga ang napinsalaan. Sa desperasyon ng AFP, nagsagawa ito ng dalawang ng pekeng labanan na naglustay ng malaking pondo ng bayan. Walang NPA o kampo ng NPA ang kanilang pinaulanan ng bala mula sa himpapawid at binomba ng madaling araw ng Hunyo 20 sa baryo ng Marikit, bayan ng Alfonso Castañeda, Nueva Viscaya. Dalawang sibilyang nagbubukawe naman ang hinabol ng putok nang magkasanib na pwersa ng 71st IB at 84th IB noong hapon ng Hulyo 4 sa pagitan ng baryo ng Cambitala at Baracbac sa Pantabangan. Sa sobrang takot ng kasundaluhan, naputukan nila ang kapwa sundalo at nagtamo ng kaswalti sa mismong kagagawan nila. Para pagtakpan ang kapalpakan, tinindigan ng opisyal ng AFP na may kalaban sila. Inistrapping ng 2 attack helicipter ang lugar, pinawalan ng rocket at bomba kahit walang nakikitang kalaban.

Tigreng papel ang AFP, lubos na nakasalalay sa modernong kagamitan dahil walang suporta mula sa milyong mamayan.

Sa labanan sa Malbang noong Hunyo 26, hindi bababa sa isang full size company ang kagyat na kaharap sa labanan ng ating mga kasama, mga drones at dalawang attack helicopter, maliban pa sa sapin-sapin at masinsin na pormasyong pangharang, Gayunman, buong tatag ang kapasyahang lumaban at kumawala sa kubkob ng kaaway ang ating mga kasama. Nasawi lamang ang ating mga martir hindi dahil sa helikopter at drone, kundi bumigay at nasira ang kanilang baril, nawalan o naubusan ng bala sa bandang huli.

Hindi nayanig ang ating Hukbo at ang ating mga bayaning martir. Buong katapangan na inilaan ang kanilang ultimong buhay alang alang sa kapakanan ng sambayanan at ng nakakarami. Di nito nadurog at di kailanman madudurog at magagapi ang Bagong Hukbong Bayan. Sa katunayan, isang parmol at isang weapon ang naghakot at pinagsakyan sa mga patay na berdugong kaaway. Hinakot ito ng alas onse ng gabi noong Hunyo 26, upang ilingid sa tao ang dami ng kanilang kaswalti. Bigo sa kaibuturan ang AFP.

Tunay na kapuri puri at kahanga hanga ang ipinamalas ng ating mga kasama. Saludo sa kanilang katapangan!

Ang mga naganap na mga labanan ay resulta ng ating pagpupunyagi sa digmang bayan, pagpupunyagi na isulong ang ating mga tungkulin, lalong higit dito ay ang walang patid at di nasasaid na suporta, pakikiisa at pakikibahagi ng malawak na masa sa Gitnang Luzon sa inilulunsad nating digmang bayan.

Nagdadalamhati man tayo sa pagkawala ng mga mahuhusay na kadre, kumander at mandirigma, subalit ang kanilang kabayanihan ay nagbigay sa buong rebolusyunaryong pwersa at sa sambayanang Pilipino ng ibayong tapang, giting, katatagan at ng rebolusyonaryong optimismo at inspirasyon upang ipagpatuloy ang mga rebolusyonaryong tungkulin. Hitik at mayaman sa aral ang nahalaw sa karanasang ito na dagdag sa arsenal ng sandata na ating tangan-tangan ngayon. Buo ang ating kumpyansa, na higit pang susulong ang ating digmang bayang inilulunsad sa ating saklaw.

Hinding hindi mapapaatras ng pangyayari sa Malbang, Pantabangan ang digmang bayan na ating inilulunsad. Walang pagkasaid na bukal na pwersa ang sambayanang inaapi at pinagsasamantalahan na nagbabangon at nagbabalikwas. Hinding hindi aatras ang Bagong Hukbong Bayan, hinding hindi aatras ang sambayanang Pilipino. Hinding hindi kaylanman magagapi ang Bagong Hukbong Bayan.

Saludo sa mga bayani ng Malbang Pantabangan!

Magpunyagi at lumahok sa digmang bayan.

Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Itanghal ang kagitingan at kabayanihan ng ating mga dakilang martir ng Malbang, Pantabangan!