Pahayag

Itigil at labanan ang Balikatan Exercises! Palayasin ang mga sundalo ng imperyalismong US sa Pilipinas!

Mariing kinukundena ng Bienvenido Vallever Command-NPA Palawan ang kasalukuyang nagaganap na Balikatan Exercises sa South China Sea sa pagitan ng mga mersenaryong tropa ng imperyalismong United States, Pilipinas at Australia.

Nagsimula ang pagsasanay militar noong Abril 11 na magtutuluy-tuloy hanggang Abril 28. Ito ang pinakamalaking pagsasanay militar sa buong kasaysayan na inilunsad sa rehiyong Indo-Pasipiko na nilahukan ng halos 18,000 tropa (humigit-kumulang 12,000 Amerikano, 5,000 Pilipino at 100 Australiano). Tampok na nilalaman ng Balikatan ngayong taon ang live-fire exercise na magpapabagsak sa isang barko—ehersisyong gagawin sa kauna-unahang pagkakataon sa nakaraang 38 taon. Malinaw sa ganitong mapang-upat na katangian ng pagsasanay ang opensibang aksyon ng US at higit na pagpapaigting ng tensyon sa pagitan ng US at China.

Sa esensya, pagpapaigting ito ng interbensyong militar ng US sa Pilipinas at tahasang paglabag sa soberanya ng bansa. Nakatudla ang mga pagsasanay militar sa pagpapataw ng mas malaking kapangyarihan ng US sa Asia upang maghanda sa napipintong inter- imperyalistang digmaan. Hindi nito layunin na depensahan o ipagtanggol ang Pilipinas, ni ang tulungan ang bansa na magmodernisa sa depensa nito. Ang pagsasanay ng mas malaking bilang ng tropang Amerikano sa tereyn at dagat ng Pilipinas ay upang makapagpamilyarisa ito sa teritoryong saklaw ng Pilipinas na inihahanda niyang lunsaran ng digma laban sa China at digma laban sa sambayanang Pilipino.

Sa ganitong senaryo, paniguradong maiipit sa pagitan ng dalawang imperyalistang higante ang Pilipinas. Nagaganap ang pagsasanay matapos na ideklara ni Marcos II ang apat na lugar na tatayuan ng base militar ng US sa Pilipinas, dagdag sa naunang lima sa ilalim ng rehimeng US-Aquino II. Natatangi ang Palawan sa rehiyon ng Southern Tagalog sa lulunsaran ng mga aktibidad militar nito, kasama ang Northern Luzon, Central Luzon at Western Visayas. Matatandaang kabilang ang Balabac Islands sa Palawan sa bagong pagtatayuan ng mga base militar ng US bilang pangharap sa WPS, dagdag sa Antonio Bautista Air Base at Naval Station Carlito Cunanan sa Puerto Princesa City. Tulad ng nakaraan, ipapakita at pagtitibayin ng kasalukuyang Balikatan ang kontrol ng US sa doktrina at mga operasyon ng AFP, kabilang ang Western Command na isa sa mga mayor na kalahok kasama ng Northern Luzon Command at Visayas Command. Paiigtingin nito ang pagpapatupad ng mga operasyong kontra-insurhensya na bibiktima sa mga sibilyang Palaweño.

Tiyak na magiging salot sa kabuhayan at magreresulta ng mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng mga Palaweño ang kasalukuyang Balikatan. Hindi malayong maranasan din ng mga Palaweño sa mga susunod na araw ang kinahaharap ng mga mangingisda sa Zambales na 18 araw na pagbabawal sa kanilang mangisda habang may Balikatan. Gayundin, maririnig ang kaliwa’t kanang putok ng mga baril, pagsabog ng mga bomba at missile, kabi-kabila rin ang nagliliparan at naglalayag na mga sasakyang pandigma at nag-iikot na mga mersenaryong armadong tropang Amerikano sa West Philippine Sea (WPS) na magdudulot ng takot at teror sa hanay ng mamamayan ng Palawan.

Dapat na manindigan at ipagtanggol ng mamamayang Palaweño, kasama ng buong sambayanang Pilipino ang kalayaan ng bansa laban sa pagsusubo ng imperyalismong US sa Pilipinas sa unahan ng digmaan. Dapat na itigil ang mapanghamong Balikatan Exercises at ibasura ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at iba pang hindi pantay na tratadong militar ng bansa sa US. Dapat palayasin ang lahat ng pasistang tropa, kanilang base at mga kagamitan at sandatang militar ng US sa Pilipinas. Gayundin, dapat palayasin ang lahat ng barkong pandigma ng China na lumalabag sa teritoryong pandagat ng Pilipinas at nagkakait sa kabuhayan ng mga mangingisdang Palaweño. Kundenahin ang rehimeng Marcos II sa pagkakanulo nito sa kasarinlan at soberanya ng bansa sa imperyalismong US at pagiging bahag naman ang buntot sa imperyalismong China. Ipaglalaban ng BVC-NPA Palawan at buong pambansa-demokratikong pwersa ang soberanya ng bansa laban sa papatinding agresyon at pananalakay ng mga imperyalista. Ang pagsampa sa NPA ng maraming patriyotikong Pilipino ang higit na magpapasulong sa digmang bayan hanggang mawakasan ang paghahari ng imperyalismo at makamit ang tunay na kalayaan ng bansa!

Itigil at labanan ang Balikatan Exercises! Palayasin ang mga sundalo ng imperyalismong US sa Pilipinas!