Kababaihan, magkaisa! Ipaglaban ang karapatan, kagalingang panlipunan at kalayaan sa imperyalistang pandarambong!

Mapulang pagbati ang ipinararating ng NDFP-ST sa Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA), kasama ang lahat ng kababaihan sa Timog Katagalugan at buong Pilipinas, sa pagdiriwang ng ika-111 Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis.

Minarkahan ang araw na ito na Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis bilang paggunita sa makasaysayang pagmartsa ng 15,000 kababaihan noong 1908 sa lansangan ng New York City para igiit ang mas maikling oras sa paggawa, dagdag na sahod at karapatan sa pagboto. Sa isang pandaigdigang kumperensya ng kababaihang anakpawis na ginanap sa Copenhagen, Denmark noong 1910, pinagkaisahan ng kapulungan na ipagdiwang ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis tuwing Marso 8. Kalaunan, ipinalaganap ito ng United Nations bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.

Mayorya ng kababaihan sa Pilipinas at buong mundo ay mula sa uring anakpawis. Katuwang ng mga kalalakihang anakpawis, sila ang pumapasan ng pinakamabibigat na gawain sa bukid, pagawaan, plantasyon, pamilihan at palengke, lansangan, ospital, eskwelahan, riles, paliparan, restawran, hotel, opisina at iba pang pook hanapbuhay. Mula ng umiral ang makauring lipunan, iniatang sa kababaihan ang mga trabaho sa loob ng tahanan at pangangalaga sa mga anak at nakatatanda. Wasto ang tinuran ni Kasamang Mao Zedong na hawak ng mga babae ang kalahati ng kalangitan.

Sa kabila ng kanilang mahalagang papel sa produksyon at buhay-lipunan, grabeng pang-aapi ang dinaranas ng kababaihan, laluna ang kababaihang anakpawis. Mababa ang kanilang katayuan sa lipunang malakolonyal at malapyudal, biktima ng diskriminasyon at misogyny ng patriyarkal na lipunan. Sinasagkaan ng mapang-aping sistema ang pag-unlad ng kababaihan dahilan para hindi nila makamit ang kanilang buong potensyal bilang tao at para sa pag-aambag sa lipunan.

Sa Timog Katagalugan na sentro ng mga pagawaan at engklabo sa bansa, nagdurusa ang manggagawang kababaihan sa ilalim ng malubhang kalagayan sa paggawa. Talamak ang kontraktwalisasyon, mababa ang sahod, walang kaseguruhan sa trabaho at sinusupil ang karapatan sa pag-uunyon. Umiiral din ang mga patakaran at kalagayang umaatake sa kababaihan kagaya ng mga sekswal na pang-aabuso, pagkakait ng pantay na karapatan ng lalaki at babae sa paggawa, pagkakait ng benepisyo lalo sa mga ina, buntis at nakatatandang babae at iba pa. Sa mga masahol na kaso, hindi iniempleyo ng mga kapitalista ang mga ina para magtipid sa benepisyong maternity leave at iba pa.

Labis na naghihirap ang mga kababaihang magsasaka sa gitna ng neoliberalismo sa agrikultura at pangangamkam ng lupa ng mga panginoong maylupa at burgesya komprador. Matingkad na halimbawa nito ang kamakailan lamang na pagsasara ng Roxas Holdings Inc. sa mga departamento ng milling, steamer at boiler sa Central Azucarera de Don Pedro, Inc. sa Nasugbu, Batangas. Resulta ito ng monopolyo sa industriya ng asukal ng mga burgesya komprador at pagpapalubha ng importasyon ng Pilipinas ng asukal at iba pang pampatamis sa tulak ng imperyalismo. Apektado nito ang 12,000 pamilyang magsasaka na nawalan ng trabaho at pagkakakitaan. Manhid ang Sugar Regulatory Administration sa kalagayan ng magsasaka at mamamayan hindi lamang sa buong Batangas, kundi kasama na ang libong pamilya sa Cavite, Laguna at Quezon. Ipinaglalaban ito ng mga kababaihang magsasaka at manggagawang bukid sa tubuhan para patuloy silang makapaghanapbuhay.

Laging banta sa mga magsasaka na mawalan ng panirikan at sakahan dahil sa mga proyektong ekoturismo, pagmimina at reklamasyon. Nais pang ipatupad ng ilehitimong rehimeng Marcos II ang charter change na magkakaloob ng 100% pag-aari ng lupa at likas na yaman ng bansa sa mga imperyalista. Kapit-tuko si Marcos sa pagpapatupad ng patakarang neoliberal hanggang sa garapalang itulak ang charter change para ihandog ang pambansang soberanya at patrimonya sa mga among imperyalista.

Upang suportahan ang kanilang mga pamilya, natutulak ang mga babaeng peti-burgesya, manggagawa at mala-manggagawa na makipagsapalaran sa ibayong dagat. Sa datos ng PSA noong 2021, 60.2% o 1.1 milyon sa 1.83 milyong OFW ay kababaihan. Karamihan sa kanila ay biktima ng human trafficking at hindi protektado ng gubyerno ng Pilipinas at bansang kanilang pinagtatrabahuhan. Dinaranas nila ang rasismo at pang-aalipin para sa kakarampot na kita. Pinakahuling kaso ang pagmamaltrato, panggagahasa at pagpatay ng amo kay Jullebee Ranara na isang domestic helper sa Kuwait. Inutil ang gubyernong Marcos II na maghanap ng hustisya para kay Ranara katulad ng mga nauna pang biktima sa mga nagdaang papet na rehimen.

Napakabigat ng pinapasan ng mga kababaihan na inaasahang magbadyet ng pang-araw-araw na kita sa lumalaking gastusin ng pamilya. Abot langit ang presyo ng mga pangunahing bilihin, singil sa kuryente at tubig, upa sa bahay at iba pa. Problemado ang mga ina ng tahanan kung paano papakainin ang kanilang pamilya liban pa sa gastusin sa edukasyon, kalusugan at transportasyon. Nagdadamot pa ng ayuda at subsidyo ang reaksyunaryong gubyerno sa kabila ng paghambalos ng iba’t ibang sakuna sa bansa. Sa halip, nagpapataw pa ito ng mga dagdag na buwis sa mamamayan.

Sa harap nito, binabayo pa ang mamamayan ng pang-aatake ng AFP-PNP-CAFGU. Tinatarget ng estado ang mga kababaihang lumalaban o tinitingnan nilang banta sa kanilang paghahari. Walang tigil ang mga focused military operations at retooled community support program na naglalayong baliin ang gulugod ng matibay na paglaban ng mga magsasaka at mamamayan para sa kanilang karapatan. Pinupuntirya ang mga lider-aktibista at mga kasapi ng progresibong organisasyon. Noong Disyembre 23, 2022, iligal na inaresto ng mga pulis si Melanie Sumayang, organisador ng Kadamay-Rizal, sa Brgy. Mayamot, Antipolo, Rizal. Isa siya sa mga lider-maralita na nanguna sa pakikibaka laban sa demolisyon sa Peña Francia sa Brgy. Mayamot noong 2010. Pinalalabas na isa siyang NPA at sinampahan ng gawa-gawang kasong two counts of frustrated murder. Ipiniit siya sa Antipolo City Jail bago pinagbayad ng P64,000 bilang piyansa para pansamantalang makalaya. Ganito din ang nangyari kay Yvonne Chua Plaza, isang negosyante sa Davao City, na ipinapatay ni BGen. Jesus Durante, kumander ng 1001st (walang) Pag-asa Brigade, gamit ang mga tauhang nasa pamumuno nito. Pinatay si Plaza matapos bantaan si Durante na ilalantad niya ang lahat ng mga nalalaman sa mga pamamaslang nito lalo sa mga rebolusyonaryo at progresibong pwersa.

Sa kabila ng mga ito, patuloy na nakikibaka ang kababaihan. Nagpoprotesta sila laban sa pagtaas ng presyo ng langis at iba pang bilihin. Bilang mga lider, pinangungunahan nila at inoorganisa ang mga kapwa manggagawa at magsasaka. Kakapitbisig ng buong bayan ang kababaihan sa paglaban sa ilehitimong rehimeng US-Marcos-Duterte.

Patuloy na dumarami ang mga balangay ng MAKIBAKA sa kanayunan at kalunsuran. Lumalahok ang mga kababaihan sa pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Sumasampa sa NPA ang mga abante at militanteng kababaihan.

Tunay na mapapalaya lamang ang mga kababaihang Pilipino sa pang-aapi at pagsasamantala sa kasarian kung sasanib sila sa pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba. Tanging sa pagsusulong ng armadong pakikibaka makakamit ng sambayanan ang tunay na kalayaan at demokrasyang malaon nang ipinaglalaban ng ating mga ninuno. Malaki ang papel ng kababaihan para matupad ang pambansa-demokratikong hangarin ng sambayanan.

Kababaihan, magkaisa! Mabuhay ang MAKIBAKA!

Magkapitbisig laban sa kurap, tuta, pasista at pahirap na rehimeng US-Marcos!

Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!

Kababaihan, magkaisa! Ipaglaban ang karapatan, kagalingang panlipunan at kalayaan sa imperyalistang pandarambong!