Pahayag

Kabulukan ng Rehimeng US-Marcos II at paghihirap ng taumbayan, ibayong lumala 40 taon makalipas ang EDSA I! Pambansa Demokratikong Rebolusyon, Isulong!

,

Apatnapung taon ang nakalipas mula ng patalsikin ng nagkakaisang mamamayan sa EDSA I ang pasistang diktadurang US-Marcos. Pero sa halip na magtamo ng ginhawa, lalong nalugmok ang sambayanan sa kahirapan at pang-aapi ng mga bulok at burukrata kapitalistang tuta ng imperyalismong US.

Tuluyang bumagsak ang naghihingalo nang mga industriya at empresa, lalong nawalan ng lupa ang mga magsasaka. Ang mga manggagawa ay malawakang nawalan ng trabaho at kung meron man ay kontraktwal at “endo” lamang. Sistematikong ibinunsod ang milyong mga Pilipino sa kapit sa patalim na pagtatrabaho sa ibang bansa na sinimulan ng diktador na si Marcos noong 1974 at itinuloy at pinalala pa ng mga sumunod na rehimen. Ito ang Labor Export Program o LEP na lalo pang sinistematisa nang naitayo na ang Department of Migrant Workers (DMW) na siyang nagtataboy sa mamamayan para magtrabaho sa labas ng bansa.

Sa LEP, pinagkakitaan ng dolyar na remittance ang milyong Pilipino sa ibayong dagat na pantustos sa luho at katiwalian ng mga bulok at kurakot na mga burukrata kapitalistang nakaupo sa reaksyonaryong estado maging sa kasalukuyan na pinangunahan ni Bongbong Marcos, anak ng dating diktador.

Nitong nakaraang mga buwan ay nabunyag sa madla ang mga bilyon-bilyong pisong ninakaw na pera ng bayan ng mga tiwali sa gobyerno. Si Bongbong Marcos ang nabubunyag na pinuno sa katiwalian at siyang utak sa 8 Bilyong pisong kotong kaugnay ng mga proyekto ng reaksyonaryong gobyerno. Mula sa Malacanang tungo sa mga pinuno ng mga departamento sa Public Works, Budget, Edukasyon, Kalusugan, at tungo sa mga lokal na gobyerno sa probinsya, lungsod at bayan nabantad sa madla kung gaano kagarapal ang korapsyon. Buntong pera ang nakabundok sa upisina, mga maleta ng pera at mga SUV na puno ng pera ang lumantad sa social media. Sangkot din dito ang Executive Secretary ni Marcos na si Lucas Bersamin at ang pamangking si Adrian Bersamin, ang budget minister na si Pangandaman, at ang dating Speaker ng mababang kapulungan na si Martin Romualdez na pinsan ni Bongbong Marcos.

Mula tuktok hanggang baba, talamak ang pagnanakaw sa kaban ng bayan at ang mga ghost project na may budget pero wala namang naitatayo na daan, tulay, flood control, gusali o naibibgay na proteksyon at serbisyo sa ating mga migrante at OFW sa ibayong dagat. Maging opisyal ni Marcos na nakatalaga sa labas ng bansa tulad sa Estados Unidos ay sangkot sa mga katiwalian.

Lahat ng sangkot, dapat managot, mula sa ibaba hanggang sa tuktok! Dapat panagutin si Bongbong Marcos, Speaker Romualdez, at mga tauhan ng DPWH, Budget, DMW, Philhealth sa mga malawakang pagnanakaw nila sa pera ng bayan. Dapat ding habulin si Vice President Sara Duterte sa mga katiwalian at pagnanakaw ng milyon-milyon sa upisina ng Vice President at maging sa Department of Education noong siya pa ang namamahala nito.

Ang mga upisyales ng gobyerno ay ginagamit ang pwesto upang lalong magnakaw at magpayaman. Habang nakakapagnakaw sila at nagkakamal ng bilyon, lalo silang nakaka-angat ng pwesto sa gobyerno. Sila ang mga burukratang kapitalista na ginagawang puhunan ang pwesto sa gobyerno. Sila ang mga plunderer sa tuktok.

Sa apatnapung taon ng EDSA people power, patuloy na namayagpag at naghari ang mga burukrata kapitalista sa Pilipinas. Ipinatupad nila ang patakarang neoliberal globalisasyon ng amo nilang imperyalismong US na panatilihing atrasado ang ekonomya upang magluwal ng mas maraming walang hanapbuhay at desperadong manggagawa para sa mga dambuhalang empresang multinasyunal ng imperyalismo. Ito ang nasa likod ng Labor Export Program ng lahat ng rehimen, mula sa panahon ng diktadura hanggang pagkatapos ng EDSA I.

Sa halip na mabigyan ang mga magsasaka ng lupa sa pamamagitan ng tunay na repormang agraryo, lalong nalugmok ang mas marami sa kawalang lupa at kawalang kabuhayan sa kanayunan. Sa mga lungsod at sentrong bayan, nangamatay ang mga empresang lokal at nasagasaan ng mga dambuhalang kumpanyang multinasyunal at agri-Industrial ng imperyalismong US at mga kapanalig nitong imperyalistang bansa.

Ang pagkamatay ng industriya at ang kawalang lupa ng mga magsasaka ang ugat ng napakalaganap na paghihirap at kawalang kabuhayan ng mga Pilipino. Ito ang nagtulak sa milyon-milyong Pilipino na mangibang bayan, iwanan ang pamilya at mga mahal sa buhay, umako sa pinakamahirap at mapanganib na trabaho sa napakaliit na sahod.

Tama na! Sobra na! Dapat nating baguhin ang kaayusang ito sa pamamagitan ng paglahok sa pambansa demokratikong rebolusyon. Maging bahagi tayo ng rebolusyong magtitiyak na ang bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal na pinaghaharian ng mga naghaharing uri at mga burukrata kapitalista at kinukubabawan ng imperyalismong US ay mabunot sa ugat at mapalitan ng isang tunay na demokratiko, malaya, makatarungan at mapayapang kaayusan.

Pinakita ng kahungkagan ng EDSA 1986 na hindi mga eleksyong kontrolado ng mga burukrata kapitalista at ng amo nilang Imperyalismong US ang magdudulot ng pagbabago sa lipunang Pilipino.

Ang tunay na solusyon ay ang paglahok sa demokratikong rebolusyon ng bayan na dudurog sa paghahari ng mga naghaharing uri at mga burukrata kapitalista, lulusaw sa pyudal na kawalang lupa sa kanayunan, magtatayo ng makabayang industriya ng Pilipino para sa Pilipino, magpapalaya sa bayan sa paghahari ng imperyalistang US, at may malinaw na tanaw sa pagtataguyod ng Sosyalistang lipunan.

Ito ang rebolusyong isinusulong ngayon ng malawak na masang magsasaka, mga manggagawa at iba pang aping uri sa Pilipinas. Ito ang rebolusyong isinusulong ng Bagong Hukbong Bayan o BHB at ng National Democratic Front o NDF sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Bilang mga Pilipino sa ibayong dagat, bahagi tayo ng mga aping uri sa Pilipinas. Tungkulin nating suportahan at sumanib sa pambansa demokratikong rebolusyon na magtitiyak ng masaganang kabuhayan sa Pilipinas, hindi sa labas, hindi lang para sa atin, kundi para sa ating mga anak at salinglahing darating.

Halos isang taon na, noong Marso 5, 2025, itinayo ang rebolusyonaryong kilusan ng mga kababayan sa ibayong dagat o Compatriots-NDFP, bahagi ito ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), isang malawak na prente ng mga api at demokratikong uri at sektor sa loob at labas ng Pilipinas. Lumahok tayo sa Compatriots-NDFP! Suportahan natin ang armadong pakikibaka ng Bagong Hukbong Bayan at maging bahagi ng pambansa demokratikong rebolusyon.

Makibaka! Lumahok sa pambansa demokratikong rebolusyon!

Lahat ng sangkot, dapat managot! Mula sa ibaba hanggang sa tuktok!

Marcos II at Sara Duterte, litisin at ipakulong sa salang pandarambong sa yaman ng bayan!

Ibagsak ang rehimeng US-Marcos II!

Isulong ang Pambansa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan!

Kabulukan ng Rehimeng US-Marcos II at paghihirap ng taumbayan, ibayong lumala 40 taon makalipas ang EDSA I! Pambansa Demokratikong Rebolusyon, Isulong!