Pahayag
Kampanyang disimpormasyon ng AFP at NTF-ELCAC, pagwaldas sa pondo ng taumbayan at pagsabotahe sa usapang pangkapayapaan
February 07, 2020
Kinukundena ng NDF-Bikol at mamamayang Bikolano ang pagbibitbit ng AFP ng kanilang kontramamamayang adyenda sa ibayong-dagat sa harap ng krisis na kinakaharap ng bansa. Habang kapos na kapos ang rekurso para sa mga rescue operations, tulong pampinansyal at rehabilitasyon sa masang nasa Timog Katagalugan at Kabikulang hinaharap nang sabay-sabay ang pag-aalburoto ng Bulkang Taal at Mayon at pagkalat ng 2019-nCoV, milyun-milyong pondo ng taumbayan ang winawaldas ni Parlade sa pagpapatambol ng militaristang tunguhin ng NTF-ELCAC. Sa pagbubukas ng taon, nagpunta ang tim ni SOLCOM Chief Maj. Gen. Parlade sa Australia upang lantarang atakehin ang mga makabayang organisasyong lumalaban sa pasismo ng rehimeng US-Duterte at bansagang teroristang organisasyon ang rebolusyonaryong kilusan. Sa halip na magmobilisa para sa mabilisang tulong sa mamamayan, puro panlilibak at red-tagging ang inaatupag ng upisyal ng militar.
Higit pa rito, malinaw na bahagi ito ng lantarang pananabotahe ng kontra-kapayapaang AFP sa usapang pangkapayapaan. Sa kabila ng pagtalima ng CPP-NPA-NDFP sa pinagkaisahang goodwill and confidence building measures upang maitulak ang usapang pangkapayapaan, patuloy pa rin ang paglulunsad ng AFP at NTF-ELCAC ng malawakang paninira sa rebolusyonaryong kilusan kasabay ng tahasang pagtarget sa mga ligal at progresibong organisasyon.
Sa huling bahagi ng nagdaang taon, nagtagpo ang mga kinatawan ng NDFP at GRP upang pag-usapan ang posibilidad ng pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan. Napagkasunduan ng dalawang panig na sa muling pagbubukas ng negosasyon ay itakda ang adyenda at isama ang Interim Peace Agreement na kinabibilangan ng tatlong kasunduan. Una rito ang general amnesty at pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal. Ikalawa, ang pag-apruba sa mga mayor na artikulo tungkol sa repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon sa Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER) at huli, ang posibilidad ng isang coordinated unilateral ceasefire.
Ngunit, kasabay nito, tuluy-tuloy din ang pagkontra ng mga militar na nakaluklok sa gubyerno tulad nina National Security Adv. Esperon, Defense Sec. Lorenzana, DILG Sec. Ano, OPAPP Sec. Galvez at AFP Chief of Staff Santos. Sa halip, ipinagpipilitan pa rin nila ang militaristang tunguhing ipagpatuloy ang kontramamamayang gera ng rehimen.
Sa panahong lahat ay nananawagan para sa pagkakaisa sa harap ng mga sakuna at nananawagan para sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan upang makamit ang mga makabuluhang sosyoekonomikong pagbabago, abala naman ang AFP at NTF-ELCAC sa pagsasagawa ng mga patraydor at mapanabotaheng hakbangin laban sa interes ng sambayanan. Hindi nakapagtatakang maging sa Australia ay sinasalubong si Parlade at ang buong tim ng NTF-ELCAC ng protesta at pagkondena ng mga Pilipinong OFW at mga progresibong organisasyon.
Nananawagan ang NDF-Bikol sa masang Bikolano na patuloy na makipaglaban para sa makatarungang kapayapaan. Sinisikap ng rebolusyonaryong kilusan na muling magpatuloy ang usapang pangkapayapaan alinsunod sa interes at kagustuhan ng sambayanang Pilipino. Ngunit kung hindi man matuloy ang negosasyon dahil sa sulsol ng mga utak-pulburang militarista, marapat lamang na ipagpatuloy ang lahat ng anyo ng pakikibaka laban sa rehimeng US-Duterte. Mayroon mang usapang pangkapayapaan o wala, naririyan ang karapatan ng mamamayang lumahok sa iba’t ibang anyo ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at katarungang panlipunan.
Kampanyang disimpormasyon ng AFP at NTF-ELCAC, pagwaldas sa pondo ng taumbayan at pagsabotahe sa usapang pangkapayapaan