Kampanyang kontra-insurhensiya ng AFP at PNP sa Masbate hindi pa rin suportado ng mamamayang Masbatenyo

,

Nitong huling linggo ng Septyembre 2022, ippinatawag at minanduhan ng PNP at AFP ang lahat ng mga Punong Barangay sa bayan ng Pio V. Corpus, Masbate na mag-ulat sa lahat ng kanilang nakikita at nalalaman na may kaugnayan sa NPA at rebolusyonaryong kilusan. Inoobliga rin ang mga opisyal ng barangay na magrekluta ng magiging kasapi ng Cafgu at ahente ng miltar sa kani-kanilang saklaw na barangay. Binantaan pa ang mga kapitan sa barangay na sasampahan ng kaso at ipakukulong kung hindi sumunod sa utos ng mga pasista.

Dahil sa pagsuway sa kautusan ng punong barangay ng Brgy. Buenasuerte na si PB Benedecto Cesar ay sinampahan siya ng mga pulis at militar ng kasong “double murder” sa kabila na wala naman itong pinaslang na tao. Umalma naman ang alkalde ng Pio V. Corpus matapos malaman ang ginawang panggigipit at pambabanta ng mga pasista sa kanyang nasasakupang mga barangay opisyal.

Ganito rin ang kalagayan ng mga residente sa bayan ng Palanas, Cawayan at Dimasalang sa Masbate, na muling ipinatawag ng mga militar ang dati na nilang pwersahang pinasuko matapos nila itong pagbintangan na mga tagasuporta at kasapi ng NPA. Pinapunta sa kanilang kampo sa Brgy. Miabas, Palanas ang mga residente. Pinilit silang magbigay ng impormasyon laban sa NPA. Pwersahan din silang nirerekluta at pinarerekluta ng maaaring maging kasapi ng Cafgu at ahente ng militar na gagawing kasangkapan laban sa kapwa nila masang anakpawis. Pangunahing target ng pagrekluta ang hanay ng kalalakihan laluna ang kabataan. Mistulang mga preso ang mga sibilyang surenderi sa pag-oobliga sa kanila na buwan-buwan na pumunta sa detatsment upang magpa-logbook. Liban sa labag sa kanilang karapatang tao ang araw-araw na pagsubaybay sa kanilang aktibidad malaking sagabal din ito sa kanilang kabuhayan sa magastos na pagpunta sa kampo militar.

Labag man sa kalooban ay napipilitang pumunta sa patawag ng mga pasistang pwersa ng estado ang mga residente dahil sa takot na muling pagbintangan at pagbantaan. Maging ang mga matatanda na hirap na nga maglakad sa malalayong lugar ay hindi nakaligtas sa patawag ng mga militar. Ilang matatanda naman ang tinakot at binantaan pagdating sa kampo.

Kinompronta naman ng alkalde ng bayan ng Dimasalang ang mga militar matapos magreklamo ang mga residente sa ginawang pamumwersa sa kanila. Hindi makatarungan at labag sa makataong batas ang ginawang pamimilit at pambabanta ng mga pulis at militar sa mga sibilyan. Nilalagay nila sa kapahamakan ang buhay ng mga Brgy. Opisyal at residente sa ginawang sapilitang pagrekluta sa mga ito na maging kasapi ng Cafgu at ahente ng mililtar.

Pinatunayan nito na hanggang ngayon nananatiling hindi nakukuha ng mga pasistang armadong pwersa ng estado ang suporta ng mamamayang Masbatenyo sa kanilang kampanya kontra insurhensiya laban sa NPA at rebolusyonaryong killusan sa Masbate. Ito ay sa kabila na kaliwa’t kanan ang mga programang mapanlinlang ng reaksyunaryong estado tulad ng E-CLIP at BDP sa probinsya sa halip lalo lamang pinaaalab ng mga pulis at militar ang galit ng mamamayang Masbatenyo dahil sa kanilang hindi pagrespeto at paglabag sa karapatang pantao ng mga sibilyan. Nangangalit sila sa pag-iral ng batas militar sa Masbate.

Ang pagpuntirya sa mga sibilyang komunidad ay alinsunod sa deklarasyon ng rehimeng Marcos Jr. na “tapusin agad kung kaya” ang armadong paglaban sa bansa. Nagkukumahog at ibinaling ng pulis at militar sa sibilyang populasyon ang kanilang mga operasyong kombat sa layuning “pahubasin ang tubig upang wala ng lalanguyan ang isda”. Pilit din nilang ipinagsisiksikan ang kanilang mga sarili sa mamamayang nanggangalaiti naman sa galit sa kanila sa layuning makuha ang simpatya at tuluyang talikuran ang pagsuporta sa digmang bayan.

Ang pag atake sa mga sibilyan ay taliwas sa ipinanganngalandakan ng reaksyunaryong gobyerno na magdadala ng kaunlaran at kapayapaan ang mga pulis at millitar sa mga probinsya at rehiyon ng bansa. Sa halip perwisyo at kaguluhan ang hatid ng mga ito sa buhay at kabuhayan ng mamamayan laluna sa masang anakpawis.

Kampanyang kontra-insurhensiya ng AFP at PNP sa Masbate hindi pa rin suportado ng mamamayang Masbatenyo