Pahayag

Kampanyang militar pinatitindi laban sa pagtotroso at mina sa Daguma

, , , ,

Limang sundalo ang nasawi at pito ang nasugatan sa isinagawang pananambang ng BHB-Sultan Kudarat laban sa mga pwersa ng 37th IB-PA noong Mayo 31, 2022. Naganap ang aksyon sa isang bahagi ng National Highway malapit sa Sityo Babangkaw, Brgy. Paril sa bayan ng Kalamansig, Sultan Kudarat habang nakakonboy ang mga pasista patungo sa kanilang operasyon sa bayan ng Palimbang.

Bandang alas 6:00 ng umaga nang dumaan ang konboy at kagyat na pinasabugan ng command detonated explosives ng BHB. Malubhang natamaan ang isang KM540 na nagresulta sa maraming kaswalti sa panig ng pasista. Ligtas namang nakawidro ang mga Pulang mandirigma.

Dahil sa pangyayari ay temporaryong isinara ng militar ang nabanggit na daang-bayan na dumudugtong sa mga probinsya ng Sultan Kudarat at Sarangani. Naantala rin ang kanilang ikinasang operasyon sa ilang bahagi ng Palimbang.

Samantala, ikinagalak naman ng mga masa ang inilulunsad ng BHB na kampanya kontra-na pagtotroso sa Timog Daguma.

Sa isang operasyon na isinagawa noong Hunyo 1, 2022, matagumpay na napatigil ng BHB ang isang iligal na operasyon sa Sityo Manga, Brgy. Kibohol sa bayan ng Palimbang. Nadakip ang dalawang opereytor nito na kinilalang sina Riodel Musa Digandang at Ebet Lasangan habang nakatakas naman ang lider ng grupo na si Mondragon Digandang.

Kinilala ng mga masa ang nasabing mga indibidwal bilang mga kasapi ng isang lokal na grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nakikipagsabwatan sa DMCI para pasukin ang lugar at ipagpatuloy ang pagtotroso. Tinututulan naman ito ng mga masang Moro na naninindigan para sa kanilang lupang ninuno.

Pinakawalan din ng BHB ang dalawang nadakip matapos silang kausapin at napaintindi sa kahalagahan ng pagtatanggol sa lupang ninuno at pangangalaga sa kalikasan. Nangako naman silang ititigil na ang kanilang iligal na operasyon at pakikipagtulungan sa DMCI.

Isinakatuparan ng BHB ang nabanggit na aksyon at kampanya bilang suporta sa panawagan ng mga mamamayang Moro at Lumad na pag-ibayuhin ang pagtatanggol sa kanilang lupain laban sa pagmimina at pagtotroso.

Kamakailan lang ay inumpisahan ng M&S Company-DMCI ang mga hakbang para muling makapagpatuloy sa kinalang pagtotroso. Kasabay nito ay sinang-ayunan ng pamahalaan ang pagpapatuloy ng operasyon ng anim na mga kumpanyang humahawak ng pitong konsesyon ng mina na matatagpuan sa mga bayan ng Kalamansig at Palimbang. Ang pag-aapruba ay bahagi ng pagpapatupad sa E0 130 ng rehimeng Duterte na tumutulak sa pagmimina sa tabing na pagpapabangon sa ekonomiyang sinalanta ng pandemya.

Umabot sa 28,120 ektarya ang pinagsamang lawak ng nasabing mga konsesyon at tinatayang ilampung libong residente ang maaapektuhan ng operasyon nito. Ang tatlong konsesyon sa Kalamansig ay pag-aari ng mga kumpanyang RX 11 Mineral Development Corp. (dating Fil-Asian Strategic Resources & Properties Corporation) at South Davao Development Corp. (SODACO) na mga subsidyaryo ng DMCI Mining Corp. Ang RX 11 Minerals ay mayroong Exploration Permit (EP) para sa dalawang konsesyon na sumasaklaw ng 6,626 ektarya, habang ang SODACO ay may hawak na MPSA (Mineral Production Sharing Agreement) para sa 1,274 ektaryang mina ng ginto at tanso.

Kasalukuyang pinoproseso naman ang MPSA ng apat na mga kumpanyang nagmamay-ari ng mga konsesyon sa Palimbang. Kinabibilangan ito ng Mt. Peak Mining Development Corp. (5,190 ektarya), Kalamazoo Mining Corp. (5,355 ektarya), Lazarus Mining Corp. (4,590 ektarya) at Galactica Mining and Development Corp. (5,085 ektarya). Ang Monument Peak, Kalamazoo at Lazarus Mining ay pawang pag-aari ng mga Amerikanong multinasyunal sa mina.

Sinamantala ng estado ang dalawang taon na kasagsagan ng pandemya para pakilusin ang militar sa paghahawan ng daan para sa kapitalistang panghihimasok sa Daguma. Habang ipinapatupad ang lockdown at kwarantina ay tinutukan ng 6th ID at Joint Task Force Central ang mga lokalidad dito at pinatibay ang presensya ng militar sa tabing na kontra-insurhensya at kontra-terorismo. Iginiit din ang kampanya ng sapilitang pagpapasurender at rekrutment ng paramilitar para nyutralisahin ang paglaban ng mga Lumad, Moro at magsasakang setler.

Ang pagtindig ng masang Lumad at Moro para sa karapatan sa lupa at sariling pagpapasya ay makatarungan at makabuluhang pagpupunyagi laban sa kapabayaan at panunupil ng pamahalaan. Malinaw sa kanila ang mga kataksilan sa pagbalangkas ng mga programa at desisyon na lubhang mapanganib ang idudulot sa kanilang buhay, pamumuhay at pag-iiral bilang mamamayang tribu at minorya. Tumitindi rin ang panlilinlang, koersyon at mga karahasan laban sa kanila at kailanma’y walang tunay na free prior and informed consent (FPIC) na tinutupad ang mga kumpanya at ang gubyerno.

Kampanyang militar pinatitindi laban sa pagtotroso at mina sa Daguma