Kolonyal, hindi pagka-makabayan ang awit at panata ng “Bagong Pilipinas”

,

Kasuklam-suklam ang iniatas ni Ferdinand Marcos Jr. na Memo Circular #52 kung saan ipinapakabisa at pinabibigkas sa flag ceremony tuwing Lunes at Biyernes sa mga pampublikong paaralan at institusyon ang imno at panunumpa ng “Bagong Pilipinas”. Bahagi ito ng gimik ni Marcos Jr. sa pagsalubong sa Araw ng Huwad na Kalayaan at pabanguhin ang imahe ng pamilya Marcos at ng kanyang rehimen. Ipinatupad ang atas noong Lunes, Hunyo 11.

Nakadidismaya ang pakana ni Marcos Jr. at kanyang rehimen na isaksak sa utak ng mga Pilipino ang indoktrinasyo ng “Bagong Pilipinas” sa pamamagitan ng awit at sumpa na pinamagatang “Panahon na ng Pagbabago” at “Panata sa Bagong Pilipinas”. Garapalang hakbangin ito ni Marcos Jr. para ipalunok sa mamamayan ang pagbabalik sa poder ng kanyang pamilya. Kopyang-kopya ito sa pakana ng diktador niyang amang si Marcos Sr. noong panahon niya. Nagsisilbi ito sa pansariling interes ng pamilya. Nangangarap si Marcos Jr. na ihele at buhusan ng malamig na tubig ang nagpupuyos na galit ng sambayanan sa madugong rekord at lansakang pagnanakaw ng kanilang pamilya. Nahihibang si Marcos Jr. sa paglalako ng mga islogang “kaunlaran at pagkakaisa” na para bang mabubura ng simpleng paggamit ng mababangong salita ang kanilang mga krimen sa bayan. Hindi kailanman matatabunan ng malalabnaw at ampaw na retorika ang kainutilan ng rehimeng US-Marcos II na nagpapanatili at higit pang nagpapalubha ng krisis sa ekonomiya at pasismong lumulukob sa buong bansa. Hindi nito mapagtatakpan ang lantarang pagkapapet sa US at ang istorikal na kasalanan ng mga Marcos sa sambayanang Pilipino.

Nababagay lamang sa “Bagong Pilipinas” ang inaani nitong kritisismo at pagtuligsa, hindi lamang mula sa karaniwang mamamayan kundi mula sa mga makabayan at progresibong artista at manggagawang pangkultura. Hindi ito kailanman makakaantig ng diwang makabayan dahil hindi lapat ang awit at sumpa sa tunay na kalagayan, hinaing at aspirasyon ng sambayanan. Nakaayon ang mga himig at berso ng mga ito sa huwad at artipisyal na nasyunalismo, kaunlaran at monopolistang globalisasyon. Mistulang pagsasabuhay ito sa “American dream” na itinanim ng imperyalismong US kung saan kailangan lamang ng isang tao ang indibidwal na pagsisipag at pagtitiyaga upang umasenso. Inihihiwalay nito ang katotohanan na ang kahirapan ng bayan ay iniresulta ng lipunang malakolonyal at malapyudal sa ilalim ng paghahari ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Inililihis nito na ang tunay na panata at pagmamahal sa bayan ay ang pagsusulong ng tunay na pambansang kalayaan at demokrasya. Kung kaya’t nagsisilbi ito sa imbing layunin ng papet na estado at imperyalismong US na kitlin ang pag-usbong ng kritikal na pag-iisip ng mga kabataan at ng mamamayang Pilipino.

Hindi malilinlang ang mamamayang Pilipino ng himig at mga hungkag na titik na hinabi sa awiting “Panahon na ng Pagbabago” at “Panata sa Bagong Pilipinas”. Paglulustay lamang ito ng pondo ng bayan sa pagkokomisyon ng basurang pyesa ng pasipikasyon at paniniil. Dapat itakwil at ilantad ang pakanang “Bagong Pilipinas” ni Marcos Jr na walang iba kundi pagiging papet, pasista at pahirap. Sa halip, dapat ibandila ang kultura at sining ng masa na humihiyaw para sa karapatan, tunay na kalayaan, demokrasya at hustisyang panlipunan.

Mga manggagawang pangkultura, makiisa sa masang anakpawis, isulong ang pambansa demokratikong kultura at sining!

Kolonyal, hindi pagka-makabayan ang awit at panata ng “Bagong Pilipinas”