Pahayag

Labanan ang mapandambong at pag-aari-ng-Tsinang offshore black sand mining sa Cagayan! 

Sa kailaliman ng malawak na karagatan sa hilaga ng Cagayan matatagpuan ang napakayamang reserba ng magnetite o black sand. Hindi lamang bakal ang kaya nitong patibayin kundi pati na rin ang mga haligi at pundasyon ng ating mga pambansang industriya.

Sa kabila nito, wala sa interes ng papet na gubyerno ang pambansang industriyalisasyon. Sa halip na pakinabangan ng ating bansa, malaya lamang na dinadambong ng mga imperyalista kagaya ng Tsina ang mga yamang-mineral tulad ng black sand bunga ng sagarang liberalisasyon sa ekonomya. Hindi ito lingid sa kaalaman ng mga burukrata-kapitalista tulad nina Rodrigo Duterte at Manuel Mamba. Sa katunayan, panay ang pagpapabango nila sa mga dayuhang mamumuhunan at ipinapangalandakan ang foreign direct investments (FDI) o ang tuwirang paglalagak ng puhunan ng mga dayuhang negosyante sa bansa bilang susi tungo sa kaunlaran na sa katunayan ay higit pang pangangayupapa sa mga neoliberal na polisiya.

Bunga nito, malaya at pinahihintulutan ng gobyerno na gahasain ng mga imperyalistang dayuhan ang mga likas na yaman ng Pilipinas. Sa 11,840 ektaryang saklaw ng Mineral Production Sharing Agreement o MPSA ng JVDC Resource Corporation, isang subsidyaryo ng Apollo Global na pag-aari ng burgesya-kumprador na si Vittorio Lim, umaabot sa 632-milyong tonelada ang reserba ng black sand (o katumbas ng $71 bilyon o P3.53 trilyon batay sa $112/tonelada na presyuhan sa merkado) ang maaari nilang kamkamin. Kung tutuusin, kaya na nitong bayaran ang 35% ng kabuuang utang ng Pilipinas. Labas pa rito ang maaaring pigain ng anim pang malalaking kumpanyang Tsino sa pitong coastal na bayan sa Cagayan na nasa yugto pa lamang ng eksplorasyon sa kasalukuyan.

Ang ganito kalaking halaga ng yamang black sand sa Cagayan ang nais ipagpalit nina Duterte at Mamba para sa maibubulsang dambuhalang kickback at insentiba mula sa mga negosyanteng Tsino. Ito ang kaunlarang nais nila para sa kanilang mga sarili kapalit ng pagkasira ng kalikasan at kabuhayan ng mga masang mamamalakayang nananahan at nagtatrabaho sa saklaw ng 60,637 ektaryang pinagmiminahan ng black sand at sa mga gilid nito.

Nagmumula sa probinsya ng Cagayan ang 72.3% ng suplay ng isda sa buong Cagayan Valley kung saan 60.2% nito ay galing sa municipal waters o 15 kilometro mula sa baybayin. Nanganganib itong dumausdos dulot ng operasyon ng mga imperyalistang minahan ng black sand at tiyak na magdudulot ng kakulangan ng suplay para sa pagkain at kabuhayan ng mga mamamayan.

Hinala pa ng mga masang mangingisda sa bayan ng Gonzaga, ito rin ang dahilan kung bakit sila pinagbabawalang pumalaot nang lagpas sa isang kilometro mula sa baybayin. Dagdag-pahirap lamang itong muli sa mga mangingisda lalo na’t hindi pa nakakaahon ang bansa sa krisis dulot ng bigong pagtugon ng rehimeng Duterte sa pandemyang COVID-19.

Hindi na bago sa mga mamamayang Cagayano ang isyu ng pagmimina ng black sand sa probinsya. Makailang ulit na itong binabatikos at nilalabanan ng mga mamamayan kung kaya’t gusto itong ilusot ni Mamba sa tabing ng mitigasyon sa kalamidad at kaunlarang pang-ekonomya kuno. Ngunit titiyakin ng malalaking daluyong ng aklasang-masa na ang mga pakanang ito ni Duterte-Mamba at mga amo nilang imperyalistang mandarambong ay muling mabibigo.

Dapat na mariing tutulan at labanan ang lahat ng klase ng mapanira at mapandambong na dayuhang pagmimina sa bansa sa ngalan ng pagtatanggol ng kalikasan, kabuhayan, at interes ng mga mamamayan at pambansang patrimonya sa kabuuan. Pabagsakin ang rehimeng US-Duterte na taksil at inutil sa harap ng paglalapastangan ng mga amo nitong imperyalista. Higit sa lahat, ubos-kayang itaguyod at ipagtagumpay ang pambansa-demokratikong rebolusyon na lubos na magtataguyod sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon para sa kapakinabangan at kaunlaran ng masang Pilipino.###

Labanan ang mapandambong at pag-aari-ng-Tsinang offshore black sand mining sa Cagayan!