Lalong hindi matatalo ang NPA sa ihinahasik na terorismo ng AFP-PNP-CAFGU laban sa masang Masbatenyo

,

Hangga’t may pang-aapi, pagsasamantala, kahirapan at kawalang-hustisya, hindi kailanman mawawala ang NPA at ang rebolusyonaryong armadong paglaban. Iyan ang katotohanang hindi masikmura ni Marcos Jr at ng Armed Forces of the Philippines sa harap ng nabibigong deklarasyon ng rehimen na wakasan ang armadong pakikibaka ngayong Hunyo 2024.

Dahil hindi matu-talo ang NPA, pinatitindi ng AFP-PNP-CAFGU ang terorismo ng estado sa mga sibilyan, laluna sa Masbate. Mula Enero-Hunyo 2024, walang pakundangang naghasik ng brutalidad ang militar at pulis sa prubinsya kung saan umaabot na sa 31 ang bilang ng mga pampulitikang pinaslang, kung saan pito sa mga ito ay naitala sa unang hati ng 2024.

Kabilang sa mga pinaslang si Boyet Rodrigo na dinampot ng militar at pinagbabaril sa Barangay Miabas, bayan ng Palanas nito lamang Hunyo 23. Ayon sa mga residente, pinatawag si Rodrigo ng mga militar na nagpanggap na NPA sa isang abandonadong bahay at doon pinagbababaril. Pinagbantaan ang mga upisyal ng barangay na papatayin kung hindi pipirma sa kasulatang nagpapatotoong may engkwentrong naganap sa lugar.

Dahil sa pangyayari ay napuwersa ang mga residente na magbakwit sa baryo at iba pang karatig barangay, bagay na sang-ayon sa layunin ni Gov. Kho na pagpapalayas sa mga magsasaka sa kanilang lupa upang mapadali ang pag-agaw nito.

Higit na inilalantad nito ang kainutilan ng Department of Agrarian Reform-Masbate na itaguyod ang interes ng masang magsasakang Mabatensyo. Ang kanilang pagbubulag-bulagan at kawalang-aksyon laban sa malawakang pangangamkam ng lupa at pagpatay sa mga magsasaka sa prubinsya ay malinaw na patunay na interes ng mga panginoong maylupa ang kanilang itinataguyod.

Gamit ang teroristang dahas, pakay ni Marcos Jr na palalimin pa ang takot at ligalig sa prubinsya sa desperasyong ilayo ang mga Masbatenyo sa rebolusyonaryong kilusan. Subalit batid ng mga Masbatenyo na mas nakakatakot kung mawala ang NPA sa kanilang buhay.

Batid ng mga Masbatenyo na kung mawala ang NPA, tuluyan nang mawawala ang anumang pag-asa para sa hustisya. Batid ng mga Masbatenyo na kung mawala ang NPA, lalong makakabuwelo ang pagwasak sa kabuhayan, pang-aagaw ng lupa, pagdambong sa likas na yaman at kaakibat na pang-aabusong militar.

Sa pangambang mawala ang armadong kilusan sa kanilang buhay, nauunawaan ng mga Masbatenyo ang pangangailangang lalong suportahan at palakasin ang kanilang Bagong Hukbong Bayan. Handa ang mga Masbatenyo na buuhin ang kanilang mga organisasyon, pagtibayin ang kanilang pagkakaisa at kumilos para ipagtanggol ang kanilang lupa, buhay at karapatan. Maraming mga kabataan ang mas nahihikayat na sumapi sa Hukbo. Aktibo ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa prubinsya sa pagrerekrut ng mga bagong Pulang mandirigma.

Hinihikayat ng BHB-Masbate ang iba’t ibang mga personalidad, institusyon at organisasyon sa loob at labas ng bansa na bigyang suporta ang pakikibaka ng mga Masbatenyo laban sa paghaharing militar sa prubinsya.

Nakikiramay ang Jose Rapsing Command-Bagong Hukbong Bayan Masbate sa pamilya’t mga kaanak ni Rodrigo at iba pang mga biktima ng pampulitikang pamamaslang sa prubinsya. Nauunawaan ng BHB-Masbate na nababalot ng pangamba ang mga pamilya ng mga biktima. Hindi sila pababayaan ng rebolusyonaryong kilusan at patuloy silang sasamahan sa laban para sa hustisya. Titiyakin ng BHB-Masbate ang paglulunsad ng mga taktikal na opensiba upang parusahan ang mga kriminal na AFP-PNP-CAFGU at upang patuloy na bigyang inspirasyon ang masang Masbatenyo na magkaisa at lumaban.

Lalong hindi matatalo ang NPA sa ihinahasik na terorismo ng AFP-PNP-CAFGU laban sa masang Masbatenyo