Magpalakas at sumulong sa gitna ng umiigting na pampulitika at pang-ekonomyang krisis ng naghaharing sistema
Binabalot ang bansa ng di mabatang krisis pang-ekonomya na nagbubunga ng kaakibat na krisis sa pulitika ng mga naghaharing paksyong pampulitika sa bansa na kapwa ganid sa kapangyarihan at kayamanan. Sa gitna ng ganitong kalagayan, dapat magkaisa at kumilos ang bayan para sa kanilang pang-ekonomya at demokratikong mga karapatan at interes at sumulong sa pambansa at panlipunang paglaya.
Hindi na maitatago ang kumukulong pampulitikang tunggalian sa pagitan ng paksyong Marcos at paksyong Duterte. Tuluyan nang nawasak ang pinagsaluhang “Uniteam” ng mga Marcos at Duterte matapos ang mga lantad at di-lantad na maniobrahan para makuha ang solong kapangyarihan at magpasasa sa kayamanan at kapangyarihan. Kapwa sila humihimod ng suporta sa US at China sa gitna ng umiinit na imperyalistang sigalot ng dalawang makapangyarihang bansa na nagpapaligsahan sa hegemonya sa Asia-Pacific.
Habang umuugong ang bantang kudeta na ibinubunsod ng paksyong Duterte-Arroyo, nagkukumahog naman ang paksyong Marcos sa iniraratsadang pag-amyenda sa konstitusyon.
Sa paglipas ng mga araw ay lalong nagiging lantad at garapalan ang magkabilang paksyon sa pagsusulong ng kani-kanilang makasarili at makauring interes sa pulitika at ekonomya sa gitna ng pagdurusa ng bayan.
Ang bantang kudeta ay nagpapakita ng malalim na krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal. Habang umiigting ang krisis sa ekonomya, mas kumikitid ang kayamanang mapaghahatian ng mga magkaribal na paksyon at nagtutulak sa kanila sa matitinding tunggaliang pampulitika na maaaring humantong sa armadong kumprontasyon.
Sa alinmang paksyon, mahalaga ang kanilang sariling kontrol sa AFP-PNP bilang gulugod ng reaksyunaryong estado. Sa ilalim ng nakaraang rehimeng Duterte, kitang-kita kung paano niya binusog sa sahod, pabuya at benepisyo ang AFP-PNP para mapasunod ito sa kanyang kagustuhan. Ito ngayon ang kapital na ginagamit ni Duterte para pwersahin ang rehimeng Marcos na huwag siyang balewalain, kundi man ay agawin ang poder kay Marcos.
Sa gitna ng ugong ng kudeta, nagmamaniobra si Marcos na pigilan ang plano ni Duterte. Napabalita ang pagbabawal sa mga retiradong opisyal ng AFP at PNP sa pagpasok sa mga kampo militar na sinasabing nasa likod ng planong kudeta. Makailang ulit din ang ginawang pakikipagpulong ni Marcos sa mga opisyal ng AFP ngayong buwan at nitong huli ay muling binuhay ang counterintelligence group (CIG) sa loob ng mersenaryong institusyon laban sa anumang pakana ng pang-eespiya, pananabotahe at mismong kudeta sa loob ng AFP.
Mabilis ding iniraratsada ng rehimeng US-Marcos II ang pakanang pag-amyenda sa konstitusyon bilang pangontra at para palawigin ang sarili sa poder. Grabeng pagpapahinuhod din ito ng rehimeng Marcos II sa imperyalismong US sa pamamagitan ng lubusang pagbubukas sa ekonomya ng bansa sa dayuhang kapital at interes at ibayong pagsagasa ng imperyalistang globalisasyong neoliberal sa mabuway na ekonomya ng bansa. Gumagapang ang pagpapapirma para sa “People’s Initiative” gamit ang pondo ng bayan na sinusuportahan ng mababang kapulungan ng kongreso habang naobliga namang sumayaw sa “Cha-cha” ang Senado matapos kausapin ni Marcos ang liderato nito.
Bilang malakolonya ng imperyalismong US, tiyak na may basbas ang US sa magiging takbo ng pag-igting ng hidwaan ng magkaribal na paksyong Marcos at Duterte. Higit itong paborable sa interes ng US na para pahigpitin pa ang kontrol sa bansa at gamitin ito sa pakikipagpaligsahan at pakikitunggali sa China. Lalong magdudulot ito ng kapahamakan sa bayan sa pagkakaipit sa napipintong armadong sigalot ng dalawang imperyalistang kapangyarihan.
Anu’t anuman ang maging resulta sa tunggalian ng magkaribal na paksyon ay walang mahihita ang sambayanang Pilipino, bagkus lalo silang mabubulid sa ibayong kahirapan at pagdurusa sa gitna ng pagsahol ng krisis pang-ekonomya at papatinding pasismo at terorismo ng estado.
Habang ipinangangalandakan ng rehimeng Marcos ang hambog na deklarasyon na nakamit na diumano nito ang “strategic victory” laban sa rebolusyonaryong kilusan ay patuloy namang dinudumog ng pasistang tropa ang kanayunan at komunidad kung saan may malakas na pakikibakang bayan. Nagpapatuloy ang pamamaslang, pekeng pagpapasurender at patuloy na sinusupil ang mga lehitimong pakikibaka ng mamamayan. Patunay nito ang umuugong na planong pagdadagdag ng dalawang panibagong batalyon ng Philippine Army sa rehiyon ng Timog Katagalugan. Higit ding pinalalaki ng rehimen ang pondo para sa pasismo at terorismo. Gayunman, higit nitong ginagatungan ang alab ng pakikibakang bayan para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at interes.
Sa gitna ng ganitong kalagayan, dapat maghanda ang bayan sa higit pang pagsahol ng pasistang panunupil. Kaakibat nito, dapat kumilos at makibaka ang mamamayan para sa kanilang interes sa lupa, buhay at kabuhayan. Dapat nilang ipaglaban at ipatanggol ang kanilang mga karapatang-tao sa harap ng paninibasib ng estado. Dapat ilantad at labanan ang patuloy na panghihimasok ng imperyalismong US sa pulitika, ekonomya at militar ng bansa.
Dapat magkaisa ang masang magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa at labanan ang pang-aagaw at pagpapalit-gamit ng lupa. Dapat ding manawagan ang mga magbubukid sa pagpapababa ng upa sa lupa, pagpawi sa usura at pagpapataas ng farmgate price ng kanilang mga produkto. Dapat paigtingin ang pakikibaka ng mga manggagawa at manggagawang bukid para sa nakabubuhay na sahod. Dapat palawakin ang pagkakaisa ng iba pang sektor na apektado sa patuloy na pagkaltas sa badyet para sa edukasyon, kalusugan at iba pang serbisyo, habang patuloy na kinokopo ng rehimen ang pondo ng bayan at ibinubuhos sa madugong gera laban sa taumbayan. Dapat magkaisa ang buong bayan para ipaglaban ang kanilang kabuhayan sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, petrolyo at serbisyo habang wala at kulang ang hanapbuhay at kulang ang sahod at kita para tugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Kapuri-puri at dapat pagpugayan ang patuloy na pakikibaka ng sektor ng transportasyon na apektado ng PUV modernization. Sa kabila ng pagiging manhid at kawalang-pakialam ng rehimen, patuloy silang lumalaban at higit na nagpapalakas at nagpapalawak habang nakikipaglaban. Gayundin ang patuloy na pakikibaka ng iba pang sektor para sa kanilang mga karapatan at demokratikong interes.
Dapat ding matanto ng higit na nakararaming mga opisyal at kawal ng papet at mersenaryong AFP-PNP-CAFGU, laluna iyong galing sa uring anakpawis na ginagamit lamang sila nina Marcos, Duterte, Arroyo at ng mga amo nitong US at China sa kanilang makasarili at ganid na interes laban sa pambansa-demokratikong interes ng sambayanang Pilipino. Sa ganito, wala silang dapat na wastong gawin kundi ang suportahan ang pakikibaka ng mga demokratikong uri at sektor, bumaklas sa AFP-PNP-CAFGU, sumapi sa National Democratic Front of the Philippines sa pamamagitan ng pagbubuo at pagpapaloob sa mga lihim na selula ng Lt. Crispin Tagamolila Movement at abutin ang kapasyahang sumanib sa New People’s Army, ang tanging tunay na hukbo ng sambayanang Pilipino.
Nakahanda ang Partido Komunista ng Pilipinas-Timog Katagalugan na pamunuan ang pakikibaka ng bayan sa kanyang saklaw para sa kanilang pambansa at demokratikong interes. Patuloy ring bibiguin ng Bagong Hukbong Bayan sa pamumuno ng PKP ang tangka ng rehimen na durugin ang rebolusyonaryong pakikibaka ng bayan. Sa gabay ng panawagan para sa kilusang pagwawasto at sa gitna ng patuloy na paglubha ng krisis ng lipunang malakolonyal at malapyudal, determinado itong lumaban at pangibabawan ang mga kahirapan. Patuloy itong magpapalakas at susulong kasabay ang malawak na masa ng sambayanan para kamtin ng bayan ang tunay na kalayaan, demokrasya at sosyalismo.