Malagim na pagpaslang ng 80th IB kay Ka KM/Honda ng NPA-Rizal, labag sa IHL

Dapat panagutin ang 80th IB at mga opisyal ng 2nd ID ng Philippine Army sa walang konsensyang pagpatay kay Wally Collandes Agudes o Ka KM/Honda, opisyal ng NPA-Rizal na nahuli ng mga pwersa ng GRP noong Hulyo 18 sa Rodriguez, Rizal. Labag sa international humanitarian law (IHL) ang summary execution kay Ka Honda na wala nang kalaban-laban noong paslangin. Isa na naman itong kasong nagpapakita sa pagiging barbariko ng reaksyunaryong estado sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II.

Batay sa mga ulat, nahuli nang buhay si Ka KM sa Sitio Marang, Barangay Burgos, Rodriguez noong gabi ng Hulyo 18. Taliwas sa pekeng balita ng AFP, hindi pinagbabaril ng yunit ni Ka KM ang mga pwersa ng 80th IBPA, bagkus, ang mga reaksyunaryong sundalo ang lumusob sa lugar na tinutuluyan ni Ka KM. Imbes na tratuhing prisoner of war si Ka KM at kilalanin ang kanyang mga karapatan, pataksil siyang pinatay ng 80th IB at saka naglubid ng kwento upang pagtakpan ang krimen. Ang palusot ng AFP na maghahain lang sana ito ng warrant of arrest ay bahagi lang ng gasgas na script nito tuwing magsasagawa ng mga operasyong labag sa karapatang tao at internasyunal na makataong batas. Ganito rin ang kanilang pahayag noong nangyari ang masaker sa Baras 5 noong Disyembre 2020 at Bloody Sunday Massacre noong Marso 2021.

Hindi dapat palampasin ang kalapastanganan ng AFP. Ayon sa Part III, Section I, Article 41 ng Additional Protocol to the Geneva Conventions, itinuturing nang isang hors de combat ang isang taong hawak na ng kalabang panig at hindi na dapat pang atakehin o saktan ng pwersang may kustodiya rito. Tahasang nilabag ng AFP ang kasunduang ito sa kaso ni Ka KM at sa marami pang nadakip nitong nakikidigmang pwersa mula sa panig ng CPP-NPA. Tampok nitong nakaraang taon ang kahayupang ginawa sa Bohol 5 na matapos hulihin ay tinortyur at pinagapang sa putik upang magmukhang nanlaban saka malagim na pinaslang.

Napakasakit ng pangyayari sa mga kapamilya at lahat ng nagmamahal kay Ka KM kabilang ang mamamayan ng Rizal na kanyang ilang dekadang pinaglingkuran. Hindi nila matanggap ang pangyuyurak ng estado kay Ka KM, isang magsasakang namulat sa tunay na ugat ng krisis ng lipunang Pilipino at nangahas na magsulong ng armadong rebolusyon upang palayain ang kapwa niya magsasaka at lahat ng api. Sa mga lihim na pagtitipon sa loob at labas ng mga sonang gerilya, ipinagbubunyi at pinararangalan ng mga rebolusyonaryong Rizaleño ang dakilang buhay at pakikibaka ni Ka KM.

Inilalantad ng brutalidad ng AFP sa huling mga sandali ni Ka KM ang kahungkagan ng mga boladas ng rehimeng US-Marcos hinggil sa pagtataguyod nito ng karapatang tao at pagtatanggol sa kapayapaan at kaayusan. Sa likod ng mga pakitang-taong pahayag, umaalingasaw ang duguang kamay ni Marcos Jr. at ng mga pasistang heneral ng AFP, pati ng imperyalismong US na nagdisenyo ng marahas na kontra-komunistang gera. Nakasandig ang mga ito sa pasismo dahil desperadong apulahin ang naghihimagsik na damdamin ng sambayanang Pilipino na higit isang siglo nang binubusabos sa loob ng malakolonyal at malapyudal na lipunan.

Dapat kumilos ang bayan upang panagutin ang AFP at rehimeng US-Marcos II sa kanilang mga krimen at lansakang pagbabalewala sa karapatang tao at IHL. Dapat sampahan ng kaso ang mga opisyal ng 80th IB, 2nd ID at SOLCOM na nasa likod ng operasyong pagpaslang kay Ka KM. Labanan ang mga pananakot ng mga militar at ahente ng NTF-ELCAC sa mamamayan upang pigilan ang pagsisiwalat ng katotohanan sa pangyayari. Gawing inspirasyon sa matatag na pakikibaka ang pamana ni Ka KM na walang takot na paglaban sa teroristang estado.

Tinitiyak ng rebolusyonaryong mamamayan na hahanapin ang rebolusyonaryong hustisya para kay Ka KM. Nananawagan ang NDFP ST sa mga tagapagtaguyod ng karapatang tao, batas at hustisya na tumindig at labanan ang teroristang estado lalo ang marahas na instrumento nitong AFP. Kailangang puspusang isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon upang kamtin ang hustisya para sa mga biktima ng estado at ang mithing tunay na kalayaan, kasaganaan at demokrasya ng bayan.

Hustisya para kay Ka KM!

Malagim na pagpaslang ng 80th IB kay Ka KM/Honda ng NPA-Rizal, labag sa IHL