Mapulang Pagpupugay kay Kasamang Jose Maria Sison!

,

Walang kamatayang pamana

“Tuloy ang rebolusyon hanggang sa tagumpay!” Ito ang panata at pahayag ng rebolusyonaryong pwersa sa Gitnang Luzon sa pagpanaw ng dakilang guro, kadre at Pangulong tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas na si Kasamang Jose Maria Sison.

Simula nang siya’y namulat sa pangangailangan ng armadong rebolusyon para ibagsak ang naghaharing estado ng lipunang mala-kolonyal at malapyudal, inialay na niya ang kanyang talino, kasanayan, panahon at tanging buhay sa katuparan ng adhikaing ito. Ginugol niya ang kanyang kabataan sa matamang pag-aaral at pagsusuri sa lipunang Pilipino sa teoretikong gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Itinaya niya ang buhay sa pakikipagtagisan sa pulitika at ideolohiya sa mga rebisyunista at taksil sa rebolusyonaryong adhikain ng mamamayan na dumungis sa dangal ng lumang Partido at Hukbo. Sa kanyang pangunguna at pagpupunyagi ay muling naitatag ang Partido Komunista ng Pilipinas noong Disyembre 26, 1968 at ang Bagong Hukbong Bayan noong Marso 29, 1969. Nahuli siya at nabilanggo sa panahon ng diktadura ng rehimeng US-Marcos mula 1977 hanggang 1986. Dinanas niya ang malulupit na pisikal at mental na tortyur sa kamay ng AFP at mga ahente sa saywar. Subalit kahit nakakulong, hindi nagawang ipiit ng estado ang kanyang adhikain para sa tunay na kalayaan. At sa kanyang paglaya ay agad siyang bumalik sa rebolusyonaryong agos sa kabila ng patuloy na banta sa kanyang buhay at ng kanyang pamilya. Patuloy siyang ginigipit at binawalang makabalik sa sariling bayan mula 1988 hanggang sa kanyang pagpanaw noong Disyembre 16, 2022 sa edad na 83.

Ang kanyang mga pampulitikang akda, mga rebolusyonaryong talumpati, mga likhang sining, pampulitikang gabay at mayamang karanasan sa aktwal na pagsusulong ng digmang bayan, ang kanyang walang kamatayang pamana sa rebolusyong Pilipino. Bahagi siya ng maringal na kasaysayan ng rebolusyonaryong pakikibaka ng masang anakpawis, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibayong dagat. Isa siyang tunay na proletaryado. Wala siyang ibang hangad kundi ang ganap na paglaya ng buong uring api at pinagsasamantalahan sa saklot ng imperyalistang kapangyarihan, at maitayo ang sosyalistang lipunan hanggang sa ganap na pagkapawi ng makauring pagsasamantala.

Ikinararangal ng mamamayan sa Gitnang Luzon na nakadaop palad si Kasamang Joma sa aktwal na pagpupundar ng rebolusyonaryong lakas sa rehiyon. Pinangunahan niya ang pagsusulong ng rebolusyong agraryo at pagbubuo ng kauna-unahang Komiteng Rebolusyonaryo sa Baryo (KRB) sa noo’y tinatawag na “Marlboro Country” sa hangganan ng Tarlac City, Capas at Concepcion sa lalawigan ng Tarlac. Bagamat agad na inapula ng nahihintakutang rehimeng US-Marcos ang noo’y musmos pa lang na rebolusyonaryong kilusan, nakapagpunyagi ang mga rebolusyonaryong pwersa rito sa kabila ng konsentradong atake ng estado. Naglingkod ang rehiyon na base ng serbisyo at suporta para sa pambansang pagpapalawak. Naging posible ito dahil sa “nakatuntong sa lupa” na pamumuno ni Kasamang Joma. Mula sa pagpupunla ng armadong pakikibaka sa Inang Larangan ng Gitnang Luzon, sa pambansang pagpapalawak, pag-ugat sa masa at pagyabong nito ay kasama siya. Sa mga kahinaan at limitasyon ng kamusmusan ng rebolusyonaryong pakikibaka, sa pag-aaral at pagwawasto ay kasama siya. Sa pagkatas ng aral sa mga naging pagsulong, pag-atras man at pagkabalaho, at muling pagsulong ay kasama siya. Sa pagpupunyagi ng rebolusyonaryong pwersa para ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan sa Gitnang Luzon at sa buong bansa, kahit pa pumanaw na siya ay mananatiling buhay ang kanyang mga turo at gabay.

Walang kamatayan ang kabayanihan ni Kasamang Jose Maria Sison.

Sa kanyang mahal na asawa at kasama na si Ka Julie, sa kanilang mga anak at sa lahat ng nagmamahal kay Ka Joma, ipinapaabot namin ang aming kataas-aasang pagpupugay. Dakilang guro, lider-Komunista. Walang kamatayan ang kanyang kabayanihan!

Mapulang Pagpupugay kay Kasamang Jose Maria Sison!