Pahayag

Sa malulubhang epekto ng pagpirma sa Kasunduang 123 hinggil sa Enerhiyang Nukleyar sa pagitan ng reaksyunaryong rehimeng Marcos Jr at imperyalistang US Masang anakpawis, ipagpatuloy at pag-alabin ang rebolusyong sinimulan ni Bonifacio!

Sa paggunita ng ika-160 taong kapanganakan ng magiting na bayani ng masang anakpawis at isa sa mga tunay na anak ng bayan na si Gat Andres Bonifacio, muli nating sariwain ang diwa ng kanyang pagmamahal sa bayan at sa kanyang adhikain para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Karugtong ng dakilang rebolusyong 1896 nina Bonifacio ang ating pakikibaka sa kasalukuyan sa harap ng pulos paghihirap, karahasan at panlilinlang ang dinadanas ng malawak na mamamayang Pilipino dahil sa mga imbing pakana ng imperyalismong US at mga naghaharing uri upang dambungin ang ating likas na yaman at yurakan ang ating pambansang kasarinlan at soberanya.

Papalala ang krisis pampulitika dulot na rin ng mga implikasyon at ligalig sa larangan ng ekonomya, partikular na sa mga mapandambong na dayuhang pamumuhunan at mga inaabot na mga kasunduan sa pagitan ng reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas at ng imperyalistang US at mga alyado nito.

Kamakailan lamang ang naganap na opisyal na lagdaan ng mga kinatawan ng mga reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas at ng US sa 123 Agreement Negotiations for Civil Nuclear Energy Cooperation nito lamang Nobyembre 17. Itinuring ang naganap na pirmahan na isang panandang-bato ng “mutwal na pakikipagkaisa” ng mga bansa-estado. Saksi rito mismo ang papet na pangulong si Ferdinand Marcos Jr habang ginaganap ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa San Francisco, California. Sa ilalim nito, pahihintulutan ang mga korporasyon sa Amerika na mamuhunan at mag-export ng nuclear fuel, reactors, equipment at iba pang specialized nuclear materials sa bansa.

Nilalayon din daw nito na panghawakan ang mga probisyong nilalaman ng U.S. Atomic Energy Act – Section 123 (kaya lahat ng mga natitiyak na kasunduan ay tinaguriang “123 Agreements”): rekisito ito sa pagkokongklusyon ng isang mapayapang nuclear cooperation agreement ayon sa mga ligal na balangkas, para sa signipikanteng pagpasok ng mga materyales at kagamitang nukleyar ng US sa mga kaugnayan nitong bansa. Umaayon ito sa paimbabaw at mapalinlang na postura ng Amerika na mariing iusad at tiyakin ang mga prinsipyo ng non-proliferation (pagbabawal para sa produksyon ng mga armas-nukleyar), at pangasiwaan umano ang kooperasyon sa iba pang aspeto tulad ng syentipikong pananaliksik, palitan sa teknika, at safeguards discussions.

Patunay ng agresibong pagpapatupad ng United States sa polisya ang inabot na 24 na kahalintulad na civil nuclear agreements sa 48 na mga bansa magmula pa noong Nobyembre 2, 2022, katuwang ang inutil na International Atomic Energy Agency (IAEA) ng UN. Kaya ganoon lamang ang desperasyon ng monopolyo kapitalistang estado ng US na itulak at masiguro ang kanilang adyendang geo-political magmula pa noong pagbisita ng nakaraang taon ni US Vice President Kamala Harris upang bigyang-daan at pabilisin ang paglagda ng kasunduan.

Talaga namang walang hinangad ang mga bulaan at mambubuyo kundi lukubin ang buong kapuluan ng Pilipinas sa kulandong ng hegemonya ng imperyalismong US, sa tabing ng kaginhawaan at kaunlaran. Katulad lamang ito ng hinabing kasinungalingan ng mga sinaunang mananakop na Espanyol tulad nila Magellan at Legaspi nang sila ay dumaong sa mga isla ng Visayas upang di-umano “gawing sibilisado ang Pilipinas sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo”.

Malinaw ang ating pagsusuri at tindig na ikinukubli ng Kasunduang 123 ang papasaklaw na dominasyon ng imperyalistang US at mapang-upat nitong paghahanda sa ikinakasang gyera sa rehiyong Indo-Pacific, sa tabing ng pagnanais ng US na tugunan ang krisis sa enerhiya ng ating mga kapuluan. Umaayon ito sa nasimulan nang kasunduan at hakbanging militar tulad ng EDCA, Balikatan exercises, at di bababa sa 11 base-militar kabilang na ang apat na matatagpuan sa ating probinsya.

Batid din ng mamamayang Palaweño na ang anumang mga pasilidad-nukleyar (small modular reactors, SMRs, man ng NuScale Power Corporation o micro-modular reactors, MMRs, na nais naman ng Meralco na pag-aari ni Manuel V. Pangilinan at ng US-based Ultra Safe Nuclear Corp) na itatayo sa ating mga isla ay magdudulot ng matinding panganib di lamang sa kabuhayan, kalusugan, at kapaligiran kundi isa ring malaking target sa anumang ganting-salakay sa oras na pumutok ang digmaan ng ribalang US-China sa namumuong tensyon sa West Philippine Sea. Liban pa sa balon ito ng korapsyon at tiyak na matatabong ganansya ng multinational corporations (MNCs) at mga kasabwat nilang malalaking burgesya-kumprador sa enerhiya, maaari itong magaya sa kinauwian ng nabubulok nang pasilidad na Bataan Nuclear Power Plant na nag-ipon lamang ng alikabok, at pinalobong utang na pasan pa rin ng taumbayan–isang mapait at maaksayang pamana ng diktadurang paghahari ng Marcos Sr.

Ngayong saklot na ng dumadausdos na pandaigdigang krisis sa ekonomya ang mga monopolyo kapitalistang bayan, at kabi-kabilang pumuputok ang pagkilos at paglaban ng mamamayan para igiit ang kanilang mga demokratikong kahingian at pambansang kasarinlan, nararapat lamang na lubusang panghawakan at tahakin ng mga Pilipino ang naunang landas ng armadong pakikibaka nina Gat Andres Bonifacio at ng mga unang binhi ng pakikibakang proletaryado.

Bilang kinatawan ng masang anakpawis sa pagsusulong ng pambansang paglaya at pagpawi sa pyudal na pagsasamantala, nagawang bigkisin ni Bonifacio at ng Katipunan ang malawak na mamamayang inalipin at nagdurusa laban sa mapaniil na paghahari ng kolonyalistang Espanyol. Tangan niya ang burges- liberal na panawagang kalayaan, pagkakapatiran at pagkakapantay-pantay. Nasa atin namang mga kamay ngayon na ipagpatuloy ang di natapos na rebolusyon ng Katipunan. Dapat tayong magpunyaging isulong, palawakin at patatagin ang bagong-tipo ng pambansa demokratikong rebolusyon sa pamumuno ng uring proletaryado sa pamamagitan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) na bibigwas at tatapos sa neokolonyal na paghahari ng imperyalistang US sa Pilipinas at itatag ang isang demokratikong estadong bayan.

Sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba, makakamit ng BVC-NPA Palawan, kaisa ng mamamayang Palaweño at ng sambayanang Pilipino ang tunay na tagumpay para sa isang lipunang masagana, malaya at makatarungan. Sa mapagpasyang gabay at pamumuno ng PKP , patuloy na nagpupunyagi ang mga rebolusyonaryong pwersa at malawak na masa sa mahigit limang dekadang pagsusulong ng isang makatarungan at makatwirang digmang bayang gagapi sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Kung kaya’t sa paggunita ng kapanganakan ng magiting na bayani na si Andres Bonifacio, di magmamaliw ang pag-ibig at pagtatangi hindi lamang sa ating tinubuang lupa, kundi sa makauring hangarin ng proletaryado na lagutin ang tanikala ng pagsasamantala at pang-aalipin. Atin ang maningning na bukas at mapulang silangan!

Masang anakpawis, ipagpatuloy at pag-alabin ang rebolusyong sinimulan ni Bonifacio!