Sulong rebolusyonaryong kilusang guro Mensahe ng Pakikiisa mula sa Liga ng Agham para sa Bayan
Rebolusyonaryong pagbati mula sa Liga ng Agham para sa Bayan! Mataas na pagpupugay sa Ika-4 na Pambansang Kongreso ng Katipunan ng mga Gurong Makabayan (KAGUMA). Tiwala kami na magiging tagumpay ang inyong Pambansang Kongreso na na may temang:
“Sulong rebolusyonaryong kilusang guro: Magwasto! Magpalawak! Makibaka! Magtagumpay! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba!”
Ikinagagalak namin ang pag-unlad ng KAGUMA sa balangkas ng kilusang pagwawasto at paglakas ng buong rebolusyonaryong kilusan kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Magkapareho ang dinadanas ng mga siyentista at inhinyero sa dinadanas na kahirapan ng mga guro sa malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Mababang sahod, kakulangan sa pasilidad at gamit, maliit na pondo para sa edukasyon, kakarampot at kawalan ng benepisyo, at mahabang oras ng pagtatrabaho, ang ilan sa pagpapahirap kapwa sa mga guro, syentista, inhenyero, at iba pang propesyunal.
Para sa mga nagtatrabaho sa pampublikong sektor, ramdam na ramdam ang epekto ng napakaliit na badyet para sa mga institusyong ikinabibilangan natin, habang nagpapakasasa ang mga burukrata kapitalista sa pera ng taumbayan. Matabang lupa ang sitwasyong tumitinding tunggalian sa pagitan ng mga reaksyonaryong paksyon ng mga Duterte at Marcos kasabay ang paglakas ng paglaban ng mamamayan sa korupsyon at burukrata kapitalismo para sa pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos sa propesyunal at intelektwal tulad ng mga guro at siyentista. Sa tamang mga hakbangin, magreresulta ito sa lalong paglakas ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa tulad ng KAGUMA at LAB.
Sa gayon, malaki ang papel ng mga progresibo at rebolusyonaryong pwersa sa pagsulong ng tunay na pagbabago para sa atin at para sa sambayanang Pilipino—at malinaw na walang ibang ibig sabihin ito kundi ang pagsulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba, bilang pangmatagalang solusyon sa mga suliraning ikinahaharap ng mamamayang Pilipino.
Muli, pagpupugay sa KAGUMA at pamunuan nito sa inyong Pambansang Kongreso at sa inyong hakbang pasulong sa ibayong konsolidasyon sa inyong hanay, at muling pagpapalakas ng rebolusyonaryong kilusan sa pangkalahatan.
Mabuhay ang KAGUMA! Viva CPP-NPA-NDFP! Mabuhay ang sambayanang Pilipino! Hanggang sa tagumpay!