Mga Mangyan na Iligal na inaresto at ikinulong ng 203rd Bde, palayain!

,

Dahil sa mga pinsalang tinamo ng pasistang pwersa ng 203rd BDe laban sa mga nakasagupang yunit ng LDGC-NPA-Mindoro noong Hulyo 11, pinagbalingan ng mga pasista ang mga katutubong sibilyang residente at ang kanilang mga lider sa komunidad. Tampok na kaso ang iligal na pag-aresto at pagpapakulong kay Sityo Lider Igaw Aybong, sityo lider ng Sityo Lukban, Barangay Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro matapos ang bigong pag-atakeng isinagawa ng mga pasista laban sa isang yunit ng Lucio De Guzman Command-NPA Mindoro. Walang batayan at walang kaukulang proseso ng batas ang pag aresto at pagbinbin kay G. Aybong kung kaya malinaw na paglabag ito sa karapatang pantao ng mga katutubo at pagsalaula sa batas ng digma.

Mariing kinokondena ng MINDORO, rebolusyonaryong organisasyon naming mga katutubong Mangyan, ang iligal na pag-aresto at pagbinbin kay Sityo Lider Igaw. May pananagutan ang mga berdugong 203rd Brigade sa lansakang paglabag na ito sa karapatan ng mga katutubong Mangyan.

Nauna pa dito, dalawa namang Hanunuo-Mangyan na taga-Bulalacao ang iligal na inaresto at ikinulong matapos silang maharang sa tsekpoynt sa simpleng pagdududa na nagpik-ap diumano sila ng pasaherong miyembro ng NPA. Mapatutunayan ng karaniwang mamamayan sa pamayanan na hindi NPA ang mga katutubong ito.

Napakadaling mag-imbento ng gawa-gawang kaso ang berdugong 203rd Bde kapag ang nais nilang gipitin ay mga katutubong Mangyan. Hindi na mabilang ang mga kaso bagamat malinaw sa aming ala-ala ang madugong kamay ng AFP-PNP kung sa pagtrato ng mga katutubong Mangyan pa lamang ang pag uusapan.

Hinahangad namin ang katarungan at ang agad na pagpapalaya kay Sityo Lider Igaw at sa dalawa pang Hanunuo Mangyan na nakakulong sa Roxas District Jail, Oriental Mindoro hanggang sa mga oras ito.

Ang pagbaling sa sibilyan laluna sa aming mga katutubo tuwing nabibigo ang operasyon ng sundalo ay nagiging karaniwang kaganapan na. Kaya lalong nabubuo ang galit naming mga katutubong Mangyan sa mga pasistang sundalo at lalo lamang na patunay ito na walang maasahang proteksyon ang mga Mangyan sa kamay ng sundalo ng reaksyunaryong gobyerno. Kabaliktaran sila itong mga tagapagyurak sa aming karapatan at kagalingan, mga berdugong nanghahalihaw sa aming pamayanan, mga salot na nagbabagsak ng bomba sa aming mga bahayan at bukid at nagpapaputok ng walang patumangga saan man at kailan man nila naisin. Sila din itong sapilitang nagpapasuko at may pagbabanta kung hindi susundin ang sapilitan nilang pagpapasuko kahit wala kaming kasalanan. Sila din itong nanggagahasa sa aming mga ina at kadalagahang katutubo.

Kailangang kumilos ang mamamayan katuwang ng mga katutubo upang ipatigil na ng pasistang rehimeng US-Marcos II ang ibinubuhos na pondo ng bayan sa mersenaryong hukbo. Kailanman ay hindi napapakinangan ng mamamayan ang mga pondo ng bayang inilaan dito at nawawaldas lamang sa programang kontra insurhensya na walang ibang binibiktima kundi kaming mga katutubo at iba pang mga mamamayang lumalaban para sa kanilang lehitimong karaingan at interes.

Tunay ngang nakikita naming mga Mangyan at kapatid na mamamayang Mindoreño na ang New People’s Army (NPA) ang tunay na Hukbong nagtatanggol sa aming mga katutubo at mga mahihirap. Ang NPA ang siyang naging katuwang namin upang ipaglaban at ipagtanggol ang aming mga lupang ninuno at naggagarantiya ng aming karapatan sa pagpapasya-sa-sarili.

Nauunawaan namin na ang karapatan sa pagpapasya-sa-sarili ay hindi maihihiwalay sa aming pagkatao at ang pinakamataas na aplikasyon nito ay ang karapatang lumaban sa isang mapang-aping gobyerno na hindi umaayon at naglilingkod sa aming batayang karapatan at interes.

Nananawagan kami sa aming kapwa Mangyan na igiit natin ang paglaya ng nakakulong nating kapwa katutubo, at habang nasa kulungan ay dalawin at magpaabot ng hinaing at mga kahilingan sa kinauukulan para sila ay mapalaya. Patuloy tayong kumilos at magpataas ng kakayahan sa pulitika at organisasyon tungo sa pagtatayo ng isang gobyernong tunay na demokratiko, representatibo at malaya sa dayuhang kontrol. Isang gobyernong iluluwal ng rebolusyonaryong pakikipagkaisa sa iba pang aping uri at sektor sa lipunang Pilipino.

Nanawagan kami na igiit ang karapatan sa papapasya sa sarili at hanapin ang katarungan sa ating kaapihang sinapit. Nanawagan din kami sa lahat ng Mindoreno na aktibong kumilos upang patuloy na imulat, pataasin ang pag-unawa sa lipunan at pataasin ang pagkakaisa ilalim ng pambansa demokratikong programa na isinusulong ng rebolusyonaryong pwersa sa ilaim ng CPP-NPA-NDFP.

Ipaglaban ang karapatan at kagalingan ng mga katutubong Mangyan at mamamayan. Ito lamang ang tamang landas ng pagsulong upang makamit ang tunay na kalayaan, karapatan, katarungan at kapayapaan.

Mga Mangyan na Iligal na inaresto at ikinulong ng 203rd Bde, palayain!