Pahayag

Mga tropa ng 54th IB, nag-misengkwentro sa Ifugao

,

Nag-misengkwentro ang mga pasistang tropa ng 54th IB sa isang production area sa Brgy. Namal, Asipulo, Ifugao. Ayon sa mga residente ng lugar, nakarinig sila ng magkakasunod na putok ng baril at malalakas na pagsabog, bandang alas-12 ng tanghali nitong ika-9 ng Mayo, mismong Araw ng Eleksyon, kaya’t kumalat ang balita na nagkaroon diumano ng labanan sa pagitan ng mga militar at ng Bagong Hukbong Bayan sa lugar noong araw na iyon. Ngunit ayon naman sa BHB-Ifugao (Nona Del Rosario Command) ay wala sila sa lugar na iyon nang mangyari ang “labanan.” Ang naturang production area ay malapit sa isang eskwelahan kung saan bumoboto ang mga taga-baryo, kaya’t sila’y nagulantang at nahintakutan. Posibleng nakaranas rin ng trauma ang mga gurong nagsisilbing board of election inspector maging ang mga pulis na nagbabantay sa mga presinto.

Kasalukuyang naglulunsad ng focused at tuloy-tuloy na combat operations ang AFP-PNP, kaya’t napakalaki ng posibilidad na sila-sila ang nag-misengkwentro sa dami ng mga nag-ooperasyong tropa sa mga bundok, gubat, at maging sa mga baryo. Target diumano ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC) na malusaw na ang mga yunit ng BHB sa rehiyong Kordilyera bago matapos ang termino ng rehimeng Duterte sa Hunyo 2022, kaya’t tuloy-tuloy ang paglulunsad ng AFP-PNP ng malalaking operasyong combat at psywar sa buong rehiyon. Matapang itong hinaharap ng mga yunit ng BHB kasandig ang masang magsasaka at pambansang minorya, at buong tapang itong haharapin at bibiguin sa mga susunod na panahon.

Mga tropa ng 54th IB, nag-misengkwentro sa Ifugao