Nasa Kamay ng Mamamayan ang Soberanya

Tinatahak ngayon ng Rehimeng Duterte ang landas ng pampulitikang pagpapatiwakal sa kanyang pagsasantabi ng interes ng mamamayang nagluklok sa kanya sa pusisyon. Sa gitna ng kanyang pagkalango sa kapangyarihan, nakakalimutan niyang ang mapagpasyang lakas ng mamamayan ang magtatakda ng hangganan ng kanyang pakana upang maging diktador-pasista.

Bagamat puspusan ang kanyang kampanya para kontrolin ang lahat ng daluyan ng opinyong pampubliko, bigo ang rehimeng Duterte na linlangin ang mamamayan ng mga pangakong mas mabilis pa sa bulang nawala. Hindi kataka-taka kung humugos ang mamamayan mula sa iba’t ibang panig ng rehiyon para ipadama ang kanilang pang-uusig sa rehimen. Gayundin, ang mga taktikal na opensiba sa rehiyon ang magpapakita ng kahandaan ng NPA at buong rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan na harapin ang todo gerang kampanya ng rehimen.

Maamong tupa kung yumukod ang gubyernong Duterte sa hayagang paglabag sa soberanya ng Pilipinas ng tropang militar ng Tsina sa Panatag Shoal sa West Philippine Sea. Samantala, buong bangis naman nitong sinususugan ang balangkas ng US laban sa paghihimagsik ng mamamayan.

Sunod sunod na patakarang pang-ekonomya ang ihinapag ng rehimen na mas lalo pang nagsadlak sa mamamayan sa kahirapan at kasalatan. Ang mga dagdag na pataw na buwis sa ilalim ng TRAIN law, pagpapatupad ng mga patakarang neoliberal at kaakibat nitong pagsirit ng mga pangunahing bilihin ay lalo pang naglimita sa kapasidad ng mamamayang tugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Samantala, busog ang bulsa ng mga dambuhalang empresa sa petrolyo, kuryente, tubig at iba pang batayang industriya sa paghakot nila ng tiba-tibang tubo habang ipinapasa sa mamamayan ang pasanin ng dagdag na buwis. Walang tiyang nakalma sa mga dambuhalang proyekto sa edipisyo tulad ng mga tulay at kalsada sa ilalim ng Build, Build, Build program ng rehimen liban sa mga dati nang bundat na mga burukrata at alipures nila. Nananatiling nakapako sa napanlulumong P245 ang minimum na pasahod sa rehiyon habang tuloy tuloy ang kontraktwalisasyon.

Tinalikuran na ng rehimen ang anumang pagpapanggap na harapin ang kakulangan sa lupang malilinang at pagsesentro ng pagmamay-ari nito sa iilan habang linalamon ng krisis pang-ekonomya ang kakarampot na puhunan ng maliliit na magsasaka. Samantala, nanatili ang hindi pantay na hatian sa kita pagkatapos ng ani o papisar at lalong isinasadlak sa hindi makatuwirang pasahod ang mga parapatandan o manggagawang bukid. Ang kopra na pana-panahon lamang inaasahan ng mga magniniyog ay umaabot na lamang ng P23 bawat kilo. Samantala, pinagpapasaan ng mga burukrata ang diumano’y kakapusan sa suplay ng bigas para pagtubuan ang mga naipong bigas nitong huling anihan na nabili lamang sa P21 bawat kilo habang patuloy ang pagpapasok ng inimport na bigas mula sa ibang bansa.

Naninibasib sa kalunsuran at kanayunan ang terorismo ng estado sa ilalim ng Oplan Kapayapaan. Libu-libong indibidwal at pamilya ang biktima ng gera laban sa droga at gera laban sa tambay. Pinapasok maging ang mga komunidad sa kanayunan ng kapulisan at ahente nito sa paniktik upang di-umano’y tugisin ang mga durugista. Sa ilalim ng operasyong saywar, operasyong paniktik at operasyong kombat ng AFP, sinusuyod ng Peace and Development teams (PDT) ang mga baryo’t sityo na kanilang binibigyang pokus. Nagdudulot ito ng pang-ekonomiya’t panlipunang ligalig. Puo-puong mamamayan ang hindi ligtas at payapang magampanan ang kanilang araw-araw na pagproproduksyon dahil sa mga arbitraryong polisiyang ipinapataw ng mga militar tulad ng pagkontrol sa kanilang paglabas at pagpasok sa sentro ng baryo, curfew, pagsiyasat sa kanilang mga personal na mga impormasyon at maging sa pag-urirat ng kanilang mga pinamiling pangkonsumo. Parang dinaanan rin ng duron (locust) ang kanilang taniman at hayupan sa tuwing kukumpiskahin ng mga militar ang kanilang mga produkto.

Paulit-ulit ang mga kaso ng paglabag sa karapatang tao. Matingkad na halimbawa ang kaso sa Patalonan, Ragay, Camarines Sur, kung saan tatlong magsasaka ang dinukot ng mga militar habang inaasikaso ang kanilang kopras. Matapos ang ilang linggo, natagpuan ang kanilang bangkay sa isang mababaw na hukay. Bakas sa kanilang mga katawan ang sari-saring porma ng pagsalaula’t pagpapahirap. Samantala, ang isa sa kanila ay ilinibing ng buhay. Iba’t ibang antas ng pananakot ang ibinibigwas ng teroristang hukbo ng estado. Nariyang tuwirang hinaharas, hinahalughog at sinisira ang mga ari-arian ng mga pamilya ng mga pinaghihinalaang kasapi ng NPA. Hindi rin ligtas ang mga pinaghihinalaang tagasuporta ng rebolusyonaryong kilusan. Sa isang baryo sa Sorsogon, halos putaktihin ng ilampung militar ang iilang kabahayan at pinakalat ng mga ito ang di-umano’y listahan ng mga tagasuporta’t kamag-anak ng mga pulang mandirigma na itinuro ng mga pumanig na sa kanilang dating kasapi ng NPA.

Nahihibang ang rehimeng Duterte na mabubusalan ang tinig at pag-aalpas ng mamamayan sa pamamagitan ng kanyang pagpapatupad ng batas militar. Lalong tatapang at lalong mangangahas ang mamamayan na sundan ang landas ng paglaban habang pinapakipot ng estado ang mga daluyan ng kanilang pagproprotesta. Sunod-sunod ang pamamaslang sa mga kagawad ng simbahan, kagawad ng midya at mga lumantad na kritiko ng gubyerno sa buong bansa. Sa halip na magkakawatak-watak, ibinubunsod nito ang pagbubuo ng malawak na nagkakaisang hanay sa kalunsuran upang papanagutin ang rehimeng Duterte sa paglabag sa dati nang linilimitahang karapatan ng mamamayan. Ang banta ng chacha at No Elections sa mga susunod na buwan ay higit na magpapadaluyong sa mga kilusang protesta sa mga lansangan.

Itutulak ng nagbabadyang diktadurya ang mamamayan na lalo pang patatagin ang kanilang hanay at kilalanin na tanging sa pamamagitan ng pag-aarmas sa kanilang sarili makakamit ng mamamayan ang hustisya’t katarungang ipinagkakait sa kanila. Habang nakararanas ng paninikil ang mamamayan, lalo itong magpupumiglas at magiging mapanlikha sa paghahanap ng daluyan ng kanilang pagtatanggol sa kanilang sarili. Hanggang ngayon, maaliwalas ang landas na iniwan ng sanlaksang inaapi’t pinagsasamantalahang mamamayan tungo sa kanayunan. Babagtasin ito ng libong manggagawa, magsasaka, propesyunal, kabataa’t kababaihan at iba pang mga makabayan. Sa pagpinid ni Duterte sa pinto ng usapang pangkapayapaan, lalo lamang niyang ilinalantad ang layunin niyang alisan ng armas-pananggol ang mamamayan sa pagtutulak niya na magsalong na armas ang NPA bago tuluyang pirmahan ang pinakamahalagang hakbang para bigyang solusyon ang ugat ng armadong sigalot sa bans–ang CASER.

Taliwas sa ilinalako ng mga mahikero ni Duterto sa opinyong pampubliko, makatarungan at makatwiran ang mamamayan sa paggiit nito ng kanyang soberanya sa isang namumunong hindi na kumakatawan sa kanyang interes. Karapatan ng mamamayan na bawiin ang kapangyarihan sa gubyerno. Nasa kamay ng mamamayan ang pagluluklok ng namumuno sa estado at nasa kamay niya rin ang pagpapatalsik sa sinumang mangangahas na abusuhin ang otoridad na ito. Haharapin ng mamamayang mulat sa kanyang papel sa kasaysayan ang bigwas ng diktadurya na nais ipamarali ng rehimeng Duterte.

Nasa Kamay ng Mamamayan ang Soberanya