Pahayag ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Timog Katagalugan sa Okasyon ng Ika-54 na Anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan Pag-ibayuhin ang Paglahok ng Masa sa Digmang Bayan para sa Pambansang Kalayaan at Demokrasya!

 

Download: PDF EPUB

Pambungad

Sa makasaysayang araw na ito, ibinibigay ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Timog Katagalugan ang pinakamataas na pagpupugay sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa kanyang 54 na taong pagsusulong ng matagalang digmang bayan upang tupdin ang makasaysayang tungkuling dalhin hanggang ganap na tagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan at itatag ang demokrasyang bayan sa Pilipinas.

Itinatag ng Partido ang BHB sa ikalawang distrito ng Tarlac noong Marso 29, 1969 mula sa pinagsimulang 60 mandirigmang naarmasan ng 35 riple kabilang ang 9 na ripleng awtomatik at mga pistola. Mula sa maliit na pinagsimulan, lumawak at lumaki ang BHB bilang isang pambansang hukbo at hinigitan nito ang mga naunang rebolusyonaryong Hukbo ng sambayanang Pilipino sa panahon ng Katipunan at Unang Republikang Pilipino laban sa kolonyalismong Espanyol at pananakop ng imperyalistang US gayundin ng Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon (HUKBALAHAP) noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB) pagkatapos ng gera. Napagtagumpayan nitong biguin ang lahat ng kampanyang supresyon ng mga papet na rehimen sa nakaraang 54 na taon. Tampok dito ang 14-na-taong brutal at pasistang paghahari ng diktadurang US-Marcos I at ang sumunod na paghahari ng mga rehimeng papet ng US na kinabibilangan ng unang rehimeng Aquino, Ramos, Estrada, Arroyo, ikalawang rehimeng Aquino, ng tiraniko’t kriminal na rehimeng US-Duterte at ng kasalukuyang ikalawang rehimeng Marcos. Subalit, sa halip na mawasak o humina, sumulong at nakapag-ipon ng lakas ang BHB sa buong bansa sa nakaraang 54 taong rebolusyonaryong paglaban.

Kinikilala ang BHB sa ilalim ng pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas bilang isa sa pangunahing tagapagdala ng sulo ng armadong rebolusyon at kilusang mapagpalaya sa daigdig. Naganap ito sa panahon ng estratehikong pag-atras ng sosyalistang kampo dahil sa pagkakanulo sa sosyalismo ng mga modernong rebisyunista sa Partido Komunista ng Unyong Sobyet matapos na pumanaw si Joseph Stalin noong 1953 at sa Partido Komunista ng Tsina pagkaraang pumanaw ang dakilang Tagapangulong si Mao Zedong noong 1976.

Pinatunayan ng rebolusyonaryong praktika ng Partido at Bagong Hukbong Bayan na posibleng sumulong at magpunyagi ang armadong rebolusyon sa isang bansang maliit, pulo-pulo at ginugutay-gutay ang malawak na kanayunan sa maraming isla, pinaghaharian ng pinakamalakas na imperyalistang kapangyarihan sa daigdig at sa kundisyon ng relatibong “katahimikan” at walang gera sa pagitan ng magkakaribal na imperyalista. Nagawa ito nang may mataas na pag-asa sa sarili at walang makapangyarihang sosyalistang likuran o ng malakas na mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya. Ang ipinamalas na ito ng Partido’t BHB ay nagbibigay ng inspirasyon at aral sa iba pang aping mamamayan sa daigdig upang ilunsad ang rebolusyon sa kanilang mga bansa alinsunod sa kanilang mga partikular na sirkumstansya.

Utang ng BHB ang di magagaping lakas nito sa wastong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas at teoryang gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo (MLM). Ang PKP ang nagbigay ng wastong linyang pang-ideolohiya, pampulitika, pangmilitar at pang-organisasyon.

Sa okasyon ng ika-54 anibersaryo ng BHB, binibigyan ng pinakamataas at natatanging pagkilala ng Partido sa rehiyong TK ang dakilang Tagapangulong tagapagtatag Jose Maria Sison na siyang susing instrumento sa pagkakabuo, paglakas at pagsulong ng BHB sa gitna ng ngipin sa ngiping pakikihamok sa reaksyunaryong armadong pwersa ng tatlong salot sa lipunang Pilipino—ang imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Pinakamataas na parangal at pagpupugay ang ibinibigay sa mga dakilang martir at bayani ng BHB at rebolusyong Pilipino sa nakaraang 54 taong pagsusulong ng matagalang digmang bayan. Ibinibigay ng Partido sa rehiyon ang pagkilalang ito kina Kasamang Menandro “Ka Bok” Villanueva, Pambansang Kumander ng BHB, Jorge “Ka Oris” Madlos, Pambansang Tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan at iba pang pambansang lider ng Partido at BHB na sina Kasamang Eugenia “Ka Fiel” Magpantay, Agaton “Ka Boy” Topacio, Abdias “Ka Omar/Badul” Guadiana, Helenita “Ka Elai” Pardalis, at Emmanuel “Ka Ampog/Akuy” Fernandez.

Sa rehiyong TK, binibigyan ng pinakamataas na pagpupugay ang mga panrehiyong pinuno ng Partido at Bagong Hukbong Bayan na sina Ermin “Ka Romano” Baskiñas Bellen, Bonifacio “Ka Nato/Eboy” Magramo, Mario “Ka Jethro” Caraig, Charity “Ka Rise” Diño, Lowel “Ka Bernie/Jonas” Riza Mendoza, Pablito “Ka Alco/Elmer” Glindo at Misael “Ka Goring” Ongtangco.

Binibigyang pugay din ng KRTK si Kasamang Jaime “Ka Diego” Padilla, ang Tagapagsalita ng Melito Glor Command ng NPA sa Rehiyong TK at Ernesto Lorenzo, konsultant ng NDFP sa Timog Katagalugan, na iligal na hinuli’t patuloy na ipiniit ng reaksyunaryong Gubyerno ng Republika ng Pilipinas.

Pagpupugay din kina Joseph “Ka Ken” Delos Santos, Dayna Benna “Ka Karen” Glorioso Lagrama, at Ricaño “Ka Jenny” Bulalacao, mga kasamang namartir habang magiting na nakikipaglaban sa kaaway sa Brgy. Huyon-uyon San Francisco, Quezon noong Enero, 29, 2023. Pulang pagpupugay rin kay Emmanuel “Ka Alfie/Angelo” Nazareno na namartir matapos ang dalawang taong pakikipaglaban sa colon cancer. Sila ang mga tunay na mga anak ng bayan at uliran sa walang hanggang pagpapahalaga sa dakilang adhikain ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo.

Sa okasyon ng ika-54 anibersaryo ng BHB, inilalagay sa pinakaunahan ng pagkilala’t pagpupugay ng Partido sa rehiyon ang masa ng sambayanang Pilipino, laluna ang uring mangagawa at magsasaka na siyang bukal ng di-masasaid at di-magagaping lakas ng BHB at ng sumusulong na digmang bayan sa Pilipinas. Pinagtitibay at muling itinataas ng Partido at BHB ang panata na kasama ng masa, gagampanan ng BHB ang kanyang dakilang tungkulin sa rebolusyong Pilipino bilang pangunahing sandata ng sambayanan upang durugin ang armadong pwersa at haligi ng marahas na paghahari ng imperyalismong US, pyudalismo at burukrata-kapitalismo hanggang maitatag at mapatatag ang kalayaan, demokrasya at sosyalistang sistema sa Pilipinas.

Tiyak ang Partido’t Bagong Hukbong Bayan na makakamit nito ang tagumpay ng matagalang digmang bayan sa Pilipinas. Tiyak din ang Partido’t BHB na mabibigo ang pasismo ng ilehitimong rehimeng US-Marcos-Duterte. Ang katiyakang ito ay nagmumula sa napakapaborableng kundisyon sa pagrerebolusyon dulot ng napakasahol na krisis ng imperyalismo at ng lokal na naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal sa Pilipinas. Pinabilis ng kung ilang taon ng pagputok ng pandemyang Covid-19 ang nagnanaknak na pandagdaigang krisis ng imperyalismo at lumilikha ito ng panlipunang bulkan na sumasambulat ngayon sa buong daigdig. Nakatakdang lumawak at umigting pa ang ang inter-imperyalistang digmaan sa Ukraine sa pagitan ng US-NATO’t neo-Nazi rehimeng Zelensky at ng Russia. Nagbabadya ding mauwi sa komprontasyong militar ang agresibong pang-uupat ng gera ng US at AUKUS sa China sa rehiyong Asia-Pacific.

Kumikilos at lumalaban ang uring proletaryado’t masang anakpawis at iba pang demokratiko’t aping uri sa daigdig laban sa grabeng kahirapan, pagsasamantala, pang-aapi, gera’t pagkawasak ng kapaligiran dulot ng imperyalismo, at sa burgesyang paghahari at ng mga kasabwat nilang lokal na mapagsamantalang uri sa iba’t-ibang mga bayan. Itinutulak ng krisis na ito ang pagkamulat ng maraming sambayanan at ng sangkatauhan para sa pangangailangan ng armadong rebolusyon upang ibagsak ang imperyalismo at para sa pambansang pagpapalaya at sosyalismo bilang tanging lunas sa krisis. Tiyak ang Partido at BHB sa maaliwalas na rebolusyonaryong bukas para sa sambayanan at sangkatauhan.

I. Ibagsak ang imperyalismo: ang ugat ng kahirapan, digmaan at karahasan laban sa uring manggagawa at mamamayan ng daigdig!

Mula nang pumutok ang krisis sa pinansya noong 2008, hindi na nakaahon at ibayo pang nalugmok sa krisis ang imperyalismo sa nakaraang tatlong buwan ng 2023. Ang krisis na ito, na nasa estado ng pandaigdigang super-krisis sa ekonomya, ay nag-uugat sa labis-labis na produksyon at pagkaganid ng pandaigdigang monopolyong burgesya sa supertubo at pribadong pag-angkin sa yaman ng mundo.

Lubhang pinatatalas nito ang apat na mayor na kontradiksyon sa daigdig. Ito ay ang mga kontradiksyon sa pagitan ng monopolyong kapital at paggawa sa mga imperyalistang kapangyarihan; sa pagitan ng mga imperyalistang burgesya at manggagawa; sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at ng mga aping mamamayan at bayan; at yaong sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at mga bansang naggigiit ng pambansang kasarinlan at sosyalistang programa at adhikain. Dahil dito, hinuhukay ng burgesya ang kanyang sariling libingan at nililikha ang paborableng salik sa pagsulong ng pandaidigang rebolusyong proletaryo.

Tunay ang tinuran ng dakilang Lenin na kakambal ng imperyalismo ang gera – maalinman sa digmang mapanakop o digmang inter-imperyalista. Layunin nitong muling paghatian ang daigdig sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan upang mapalawak ang pinag-aagawang mga teritoryo para pagtapunan ng sobrang produkto’t kapital. Ang imperyalismo ang ugat ng mga digmaan na nagaganap sa daigdig bago at mula pagpasok ng ika-20 siglo hanggang sa kasalukuyan. Pinatunayan sa kasaysayan, at ng mga nagaganap ngayon na digmaan laban sa sangkatauhan, na gera ang solusyon ng mga imperyalista’t burgesya upang makaalpas sa krisis at patuloy na pumiga ng supertubo mula sa uring anakpawis.

Hinding-hindi makakalimutan ng sangkatauhan ang naganap na una’t ikalawang digmaang pandaigdig na pawang mga inter-imperyalistang gera; ang pagputok ng mga digmang mapanakop; at mga low intensity proxy wars matapos ang ikalawang digmang pandaigdig laban sa mga aping bayan at mamamayan (kabilang na ang Pilipinas). Pinakatampok sa huli ay ang digmang mapanakop sa Indochina at Korea, na sa lawak at tindi ng pinsala at ginamit na mga rekursong pandigma ay maituturing na katumbas ng isang digmang pandaigdig. Hindi rin natin makalilimutan ang inilunsad na malupit at matagalang digmang mapanakop ng US sa mga bansa at mamamayan sa Gitnang Silangan, laluna laban sa Iraq at Afghanistan sa tabing ng gera laban sa terorismo.

Naganap ang unang digmang inter-imperyalista o unang Digmaang Pandaigdig mula 1914 hanggang 1918 sa pagitan ng pwersang Allied at Central Powers. Ang Central Powers, o mas kilala sa tawag na Triple Alliance, ay pinangungunahan ng Germany, Austria-Hungary at Ottoman Empire. Ang mga pwersang Allied naman o tinatawag na Triple Entente ay ang mga imperyalistang bansa na nasa pangunguna ng France, Britanya at Russia kasama ang iba pang mga imperyalistang bansang Japan, Italy, United States at mga bansang sakop ng kanilang mga imperyo. Pinag-agawan ng mga imperyalistang bansa sa digmaang ito ang sakop na teritoryo sa Europa, Africa, Gitnang Silangan, Pacific Islands, China, Indian Ocean, North at South Atlantic Ocean. Matapos manalo, nakinabang nang husto ang mga imperyalistang kapangyarihang Allied (France, Britanya, Japan, Italy, United States) sa digma sa pamamagitan ng paglawak ng kanilang mga kolonya mula sa mga bansang dating sakop ng Triple Alliance (Germany, Austria-Hungary at Ottoman Empire) at mga bagong kolonya sa iba’t ibang panig ng mundo. Namobilisa ang kabuuang 42,928,000 hukbo ng pwersang Allied laban sa 25,248,000 hukbo ng natalong Central Powers. Ito ang isa sa pinakamadugong digma sa kasaysayan kung saan tinatayang umaabot sa halos 39 milyong katao ang kaswalidad. Halos 10 milyon ang namatay na sundalo sa labanan at halos 8 milyong sibilyan ang namatay sa pananakop, pambobomba, gutom at sakit. Pinakamalala sa nakapinsala ang henosidyo ng Ottoman at ang pandemyang Spanish Flu na ikinalat ng mga pwersang kalahok sa digma na milyon-milyon ang naging pinsala. Ang US lamang ay gumastos na ng $334 bilyon sa gera.

Bumagsak ang Tsaristang Russia at ang imperyo nito hindi dahil natalo ito ng kalabang imperyalista, kundi dahil sa nasamantala nina Lenin at ng rebolusyong Ruso ang digmang imperyalista upang ilunsad ang digmang sibil sa anyo ng rebolusyong burges demokratiko noong Pebrero 1917 at ang sosyalistang rebolusyon noong Oktubre 1917. Resulta nito, nagtagumpay ang kauna-unahang sosyalistang rebolusyon at naisilang ang kauna-unahang sosyalistang bansa sa buong mundo. Nagawa ito sa ilalim ng wastong pamumuno ng Russian Socialist Democratic Labor Party (Bolshevik) na pinamunuan ng dakilang komunistang lider at gurong si Vladimir Ilyich “Lenin” Ulyanov.

Dalawampu’t isang (21) taon matapos ang unang digmaang pandaigdig, naganap ang Ikalawang Digmang Inter-imperyalista o mas kilala sa tawag na Ikalawang Digmaang Pandaigdig (WW2) mula 1939 at nagtapos noong 1945. Inupatan ang gerang ito ng mga pwersang Pasista o Axis Powers na binubuo ng Germany, Japan at Italy. Nakilala ang mga pinakapasista’t diktador sa daigdig na sina Adolf Hitler ng Germany, Hirohito ng Japan at Benito Mussolini ng Italy na nais kopohin at paghati-hatian ang buong Europa, Africa at Asya. Nais kopohin ng imperyalistang Germany sa pamumuno ni Adolf Hitler ang mga bansa sa buong Europa, ilang bahagi ng Africa at Asya. Nais namang kopohin ng bansang Italy sa pamumuno ni Benito Mussolini ang kalakhang bahagi ng Africa at ilang bahagi ng Asya. Inaambisyon naman ng imperyalistang Japan sa pamumuno ni Hirohito na kopohin ang kapangyarihan sa kalakhan ng Asya at halos kabuuan ng Asya Pasipiko.

Nilabanan ng sangkatauhan sa pangunguna ng rebolusyonaryong hukbo ng Unyon Sobyet, China at iba pang partido komunista ang digmang mapanakop na inilunsad ng pasistang pwersa. Nabuo ang Allied Forces laban sa pwersang Axis. Pinangunahan ito ng Russia at China at sumama ang United States at Britain. Nagapi ang pwersang Axis ng pwersang Allied. Susing papel ang ginampanan ng mga sambayanan at pwersang nasa pamumuno ng ikatlong internasyunal at ng mga Partido Komunista upang durugin at pahinain ang pwersang Axis. Sa pangunguna nito, nabuo ang Anti-Pasistang Pandaigdigang Prente.

Ang sosyalistang Sobyet sa pamumuno ni Stalin ang dumurog sa pwersang mapanakop ni Hitler at resulta nito’y napalaya ang mga bansa at mamamayan ng Silangang Europa hanggang Silangang Germany, maging sa ilang bahagi ng Asya. Nagresulta ito sa pagkakabuo ng Union of Soviet Socialist Republics na ang bag-as ay ang sosyalistang Russia sa pamumuno ng dakilang Joseph Stalin. Mapagpasya rin ang ginampanang papel ng Partido Komunista ng Tsina, Peoples Liberation Army (PLA) at sambayanang Tsino sa ilalim ng pamumuno ng dakilang Mao Zedong upang durugin ang pwersang mapanakop ng imperyalistang Japan. Kumalat na parang apoy sa parang ang kilusang mapagpalaya at sosyalismo sa buong daigdig sa mga kolonya’t malakolonyang bansa.

Sa Pilipinas, ang Hukbalahap ang gumapi sa mga pwersang Hapones sa Luzon bago pa man bumalik si MacArthur at agawin ang tagumpay mula sa rebolusyonaryong hukbong gerilya. Ang kalakhan ng iba pang lokal na pwersang gerilya sa ilalim ng USAFFE ay ipinatupad ang “lay-low” policy at tanging ang Hukbalahap lamang ang aktibong naglunsad ng pakikidigmang gerilya. Noong Oktubre 1, 1949, ganap na nagtagumpay ang bagong demokratikong rebolusyon ng bayan sa China. Matapos ang WW2, sangkatlo (1/3) ng sangkatauhan ang kabilang na sa sosyalistang bloke.

Sa kabilang banda, sa panig ng mga imperyalista, ang US ang nakinabang nang husto sa resulta ng WW2 at tanging hindi napinsala at napreserba ang kanyang lipunan at ekonomya sa gitna ng gera. Dahil dito, umangat bilang nangungunang imperyalistang kapangyarihan sa daigdig ang US matapos ang WW2. Matapos ang WW2, ang US na ang pangunahing promotor ng imperyalistang digma: maalinman ng digmang mapanakop, digmang proxy, at pang-uupat ng gera upang pagsilbihin sa kanyang imperyalistang interes.

Matapos na magtagumpay ang sambayanang Vietnamese na magapi ang pwersang French sa mapagpasyang labanan na rumurok sa Dien Bien Phu noong 1954, isinagawa ng US ang digmang mapanakop laban sa Vietnamese at sambayanang Indochinese. Naganap ang tinatawag na Ikalawang Indochina War o mas kilala sa digmang mapagpalaya ng mamamayang Vietnamese, Lao at Kampuchean mula 1955-1975 sa ilalim ng pamumuno ng mga partido komunista laban sa digmang mapanakop ng imperyalismong US at mga papet nitong rehimen at pwersa. Naganap ito mula 1955 hanggang 1975 matapos na matalo ang mga pwersang US at papet nito at ganap na makamit ng sambayanang Vietnamese, Lao at Kampuchean ang pambansang kalayaan, demokrasya at pagsusulong ng kanilang mga sosyalistang adhikain.

Kahanga-hanga’t kagila-gilalas na kagitingan at kabayanihan ang ipinamalas ng mga Vietnamese, Lao at Kampuchean na hinarap nang walang takot ang itinuturing na pinakamalakas at pinakamodernong hukbo ng mga imperyalista sa daigdig, ang hukbo ng imperyalismong US. Ginapi ng lakas ng sambayanang Indochinese ang imperyalismong US na gumamit ng humigit kumulang sa 1,420,000 pwersang mapanakop na ang bag-as ay ang 543,000 pwersang ekspedisyon ng imperyalismong US. Sa kabilang banda, umani ng pandaigdigang galit ang di-masukat na karahasan, kalupitan at mga krimen na ginawa ng imperyalismong US laban sa sambayanang Vietnamese, Lao at Kampuchean. Ang imperyalismong US ang salarin sa mga pinsala sa gerang ito na umabot sa tinatayang halos 4 na milyong katao kabilang ang 3 milyong Vietnamese, Lao at Kampuchean ng Pulang Hukbo’t mga sibilyan at ang kabuuang 58,220 mga mersenaryong sundalo ng US. Sa kwentada, katumbas ng mga bombang pinasabog at ginamit sa WW2 ang ginamit ng US laban sa mamamayang Indochinese. Hindi masukat ang epekto nito sa mga sambayanan na hanggang ngayon ay iniinda pa nila. Mula 1965 hanggang 1973 lamang, gumastos ang US ng kabuuang $120 bilyon sa gera sa Indochina.

Sa kabilang dako, halos kasabay na naganap ang digma sa pagpapalaya sa bansang Korea laban sa pananakop ng imperyalismong US at papet nito mula 1950 hanggang 1953. Kahalintulad sa Indochina, matapos ang tagumpay ng mga Koreano sa pagpapalaya laban sa imperyalismong Hapones noong Agosto 1945, inilunsad ng imperyalismong US ang digmang mapanakop sa Korea. Nilabanan ito ng sambayanang Koreano sa pamumuno ni Kim Il-Sung at sa tuwang ng sosyalistang China. Nagtagumpay ang mamamayan sa Korea na mapalaya ang kalahati ng kanilang bansa sa hilaga at isulong ang sosyalistang rebolusyon dito, ngunit hindi pa nila ganap na napalaya ang buong timog Korea sa kontrol ng imperyalismong US at papet nito. Pansamantalang humupa ang digmaan nang pirmahan ang Korean Armistice Agreement na lumikha ng Korean Demilitarized Zone (DMZ) na naghihiwalay sa North at South Korea. Ang digmang mapanakop ng US sa Korea ang itinuturing ding isa sa pinakamapaminsalang digmaan sa panahon ng imperyalismo. Tinatayang umaabot sa 3 milyong katao ang kaswalti. Tulad sa Vietnam, sa digmang ito napabilang ang North Korea bilang isa sa mga bansang pinakamatinding tinamaan ng pambobomba ng imperyalismong US. Naganap din ang pamamaslang sa puu-puong libong pinaghinalaang komunista sa South Korea. Nagpapatuloy ang kilusang mapagpalaya para sa muling pag-iisa ng Korea hanggang sa kasalukuyan.

Matapos ang WW2, itinulak ng US ang pagtatayo at pagpalakas ng mga diktador na rehimen at paglulunsad ng mga kudeta sa mga bansang kolonya’t malakolonya nito sa Latin America, Asia at sa Africa upang supilin ang mga sambayanang nagsusulong ng kilusang mapagpalaya at pumapanig sa sosyalistang kampo at panatilihin ang imperyalistang kontrol. Nakilala sa buong mundo ang mga demonyo-sa-kalupitang mga diktador na papet ng US tulad nina Fulgencio Batista sa Cuba, Augusto Pinochet ng Chile, Anastasio Somoza sa Nicaragua, Ngo Dinh Diem at Nguyen Van Thieu sa South Vietnam, Lon Nol at Sisowath Sirik Matak sa Cambodia, Park Chung-hee sa South Korea, Tan Num Kittikachorn sa Thailand, Suharto ng Indonesia at Idi Amin ng Uganda.

Sa Pilipinas, bantog ang diktador na si Ferdinand Marcos Sr. bilang pinakamasahol na papet, mandarambong at mamamatay-tao na naghari mula 1972 hanggang bago ito maibagsak noong 1986. Sa panahon ng 14 taong pag-iral ng batas militar, nagsagawa ang diktadurang US-Marcos ng malubha at sistematikong henosidyo laban sa mamamayang Moro at lansakang paglabag sa karapatang pantao upang supilin ang anumang paglaban sa pasistang diktadurang paghahari. Umabot sa lagpas 70,000 ang biktima ng arbitraryong pagdetine, hindi mabilang na desaparecidos, 35,000 dokumentadong biktima ng tortyur at 3,257 biktima ng extrajudicial killings. Milyong mamamayan ang biktima ng sapilitang pagpapalikas at mga naging internal refugee. Napakarami pang kaso ang hindi naiulat. Inilugmok ng pasistang rehimeng US-Marcos I sa mas malalim na hukay ng krisis ang lipunang malakolonyal at malapyudal sa loob ng 21 taon nitong paghahari. Mula sa pinagsimulang $600 milyon na utang noong 1965, umabot sa $28.3 bilyon ang utang panlabas ng Pilipinas noong 1986 o pumaimbulog ng 4,300%. Dito nagmula ang malaking bulto ng $10 bilyon na pondong dinambong ng pamilyang Marcos at kanyang mga kroni.

Alinsunod sa digmang proxy, ginamit nang husto ng US ang Israel sa kanyang estratehikong planong sakupin at kontrolin ang mga bansang mayaman sa langis sa gitnang silangan. Mula 1948, itinulak ng US ang paglakas ng pwersang Zionista sa Israel na siyang ginamit upang ilunsad ang mga digmang mapanakop laban sa mga bansang Arabo at sambayanan sa Middle East tulad ng Palestine, Syria, Jordan, Iraq, Egypt, Lebanon at Iran gamit ang bansang Israel. Ang Zionismo ay kilusan upang itatag ang estado ng mga Hudyo na nakasentro sa Canaan, o Holy Land na sakop ng rehiyon ng mga Palestino, Syria, Jordan, Egypt at Lebanon. Ito ang tinatawag na digma sa pagitan ng Arab at Israel na ang nasa likod ay ang US. Resulta nito, ibayong lumakas ang makabayan at anti-imperyalistang kilusan ng mga bansa at mamamayan sa Arab Nations at naglunsad ng paglaban na iba’t-ibang antas at tindi. Nagpapatuloy pa ito hanggang sa ngayon at inaasahang magtatagal pa hanggang sa mga susunod na panahon. Hindi bababa sa daang libo ang namatay laluna sa panig ng mamamayang Arab sa Middle East.

Dahil sa pagkakanulo ng mga modernong rebisyunista sa sosyalismo at Marxismo-Leninismo sa USSR, Yugoslavia at iba pang dating sosyalistang bansa sa Europa, nakalasap ng estratehikong pagkatalo ang sosyalismo sa buong daigdig. Ang USSR ay naging sosyal-imperyalistang Sobyet mula 1953. Humina ang mga saligang industriya ng Russia dahil sa pagwasak nito sa sosyalismo at mga pambansang industriya, pag-aagawan at pagkopo dito ng kontrol ng mga burgesya’t monopolyo kapitalistang Ruso. Mula dekada ’50 hanggang 1976, matatag na ipinagtanggol ng dakilang Tagapangulong Mao Zedong ang sosyalismo at ang MLM laban sa modernong rebisyunismo at mga naglalandas kapitalista sa loob ng China. Isinulong nito ang mga programa para sa Dakilang Igpaw Pasulong at ang makasaysayang Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura. Nakamit ng sosyalistang China ang walang kaparis na pag-unlad at kasaganaan. Ganunman, ganap na naglandas kapitalista ang China matapos manaig ang kudeta ng mga modernong rebisyunista na pinamunuan ni Deng Xiaoping pagkamatay ni Mao Zedong.

Hinulma ng sosyal imperyalistang Sobyet ang sistemang pang-ekonomya’t pampulitika ng mga bansang nasa kanyang saklaw bilang mga malakolonya nito. Karamihan ng mga bansang ito ay yaong mga satellite na mga bansa ng USSR na kabilang sa Warsaw Pact at Comecon sa silangang Europa at iba pang mga bayan sa Latin America, Middle East at Central Asia. Tulad ng US, nagsagawa din ito ng mga interbensyong militar (Hungary at Czechoslovakia), proxy wars at digmang mapanakop sa Middle East at Central Asia. Tampok dito ang ang inilunsad na Operation Storm-333 noong 1979 na pumatay kay Hafizullah Amin ng naghaharing People’s Democratic Party sa Afghanistan at iniupo ang papet ng imperyalistang Sobyet na si Babrak Karmal. Ito ang pinagsimulan ng 10 taong digmaan sa pagitan ng sosyal-imperyalistang Sobyet at mga pwersang mapagpalayang Afghan na suportado ng US. Magtatapos ito sa pagkatalo ng sosyal-imperyalistang Sobyet noong 1989.

Mula 1991, umiral ang tinatawag na unipolar na pandaigdigang kapitalistang mundo na pinangungunahan ng US bunga ng kawalan ng malakas na imperyalistang karibal na maaaring humamon sa US. Sa kabila nito, hindi naglubay ang US at iba pang imperyalistang bansa sa paglulunsad ng digmang mapanakop laban sa mga aping bansa’t mamamayan sa daigdig. Upang iwasang muling lumaganap ang kilusang mapagpalaya, isinakatuparan ng US ang mga proxy wars at mga digmang low-intensity conflict laban sa mga bansang kolonya at malakolonya. Sa pamamagitan nito, naitatago ng US ang kamay nito sa tuluy-tuloy na digmang nagaganap sa daigdig.

Mula 1991 hanggang 2021, inilunsad ng US ang digmang mapanakop sa mga anti-US na mga bansa sa Gitnang Silangan. Layunin nitong panatilihin ang hegemonya sa Middle East, Central Asia at North Africa para kontrolin ang mayamang rekursong langis at mineral. Pinakatampok at pinakamalupit sa mga ito ang naganap laban sa sambayanang Iraqi mula 1991-2011, laban sa sambayanang Afghanistan (2001-2021) at laban sa sambayanang Libya mula Pebrero hanggang Oktubre 2011.

Inilunsad ang digmang mapanakop laban sa sambayanang Iraqi sa tabing ng gera laban sa rehimen ni Saddam Hussein upang diumano’y protektahan ang buong mundo sa itinatagong weapons of mass destruction (WMD) na hawak ni Saddam Hussein. Napatay si Saddam Hussein, napabagsak ang kanyang rehimen, at nagawang mapasok at makontrol sa ilang panahon ang bansang Iraq; ngunit kailanman ay hindi napatunayan na mayrong itinatagong WMD ang rehimen ni Hussein. Hindi masukat na kahirapan at karahasan ang dinanas ng sambayanang Iraqi. Umabot sa mahigit isang milyong katao ang kaswalidad, kung saan malaking mayorya dito ay mga sibilyang Iraqi. Umabot lamang sa 36,669 ang kaswalti mula sa mga hukbo ng magkabilang panig. Gumastos ang US ng $3 trilyon sa madugong gerang ito.

Mula 2001, tinuntungan ng US ang diumanong isinagawang pag-atake sa World Trade Center at Pentagon noong September 11, 2001 ng grupong Al Qaeda ni Osama Bin Laden upang ilunsad mga gerang interbensyon at agresyon sa tabing ng Global War on Terror (GWOT). Malakas ang duda ng mga rebolusyonaryo at progresibong mamamayan sa daigdig na ang September 11 pag-atake ay inorkestra ng US sa pamamagitan ng CIA-Pentagon upang likhain ang batayan sa GWOT at mga gerang interbensyon sa Middle East at iba pang panig ng daigdig para protektahan ang geopulitikal at ekonomikong interes ng US. Isang dahilan dito ay ang US mismo ang nagsanay kina Bin Laden at naghikayat sa kanyang buuin ang Al Qaeda laban sa sosyal-imperyalistang USSR noong dekada ’90. Ginamit din ang GWOT upang supilin ang mga armadong kilusang rebolusyonaryo sa Asia, Latin America, Africa at Middle East partikular ang mga pinamumunuan ng mga Moaistang partido komunista.

Unang tinarget ng pwersang US-NATO ang Afghanistan dahil diumano’y ito ang bansang kumukupkop sa Al Qaeda at lider nitong si Bin Laden at diumano’y upang wasakin ang kampo ng Al Qaeda dito na pinamumunuan ni Abu Musab al-Zarqawi. Umabot sa kulang 200,000 katao ang kaswalidad ng digmang ito kung saan nasa 50,000 ang mga sibilyan. Gumastos ang US ng kabuuang $2.3 trilyon sa 20 taong digma. Matapos ang 20 taon, napalayas ang pwersa ng US ng armadong pwersa ng Taliban noong 2021.

Inilunsad ng US ang digmang mapanakop laban sa sambayanang Libya sa ilalim ng pamumuno ni Muammar Qaddafi mula Pebrero hanggang Oktubre 2011. Nagresulta ang digmang ito ng kulang 20,000 kaswalidad kung saan higit sa 12,000 ay mga sibilyan. Itinuring na kaaway ng US at mga Kanluraning gubyerno si Qaddafi ng Libya dahil sa pagsasabansa nito sa industriya ng langis matapos niyang agawin ang kapangyarihan sa isang ‘di madugong kudeta na nagpabagsak sa monarkiya ni Haring Idris noong 1969. Mula sa lumaking kita sa langis dahil sa nasyunalisasyon, pinaunlad niya ang ekonomya ng Libya at ipinatupad ang mga programang panlipunan sa benepisyo ng mamamayan. Sinuportahan din ni Qaddafi ang mga kilusang anti-imperyalista noong dekada 1970 at 1980.

Inilunsad din ng US ang digmang proxy laban sa sambayanan ng Syria mula 2011-2021. Ginamit nito ang mga bansang Israel at Lebanon upang isakatuparan ang digma. Umaabot na sa higit 360,000 katao ang kaswalidad, kung saan nasa 10,000 ay mga sibilyan. Nagpapatuloy pa ito hanggang sa kasalukuyan. Layunin ng US na palitan ang rehimeng Bashar al-Assad ng Syria dahil sa paglaban nito sa imperyalistang mga pakana sa Gitnang Silangan. Ang Israel, bilang isa sa mapanibasib na poste ng US sa gitnang Silangan, ang ginamit ng US sa mga gerang Arab-Israel para okupahin ang Golan Heights sa hilagang hangganan nito sa Syria. Matapos ng 9/11, tinukoy ni Bush ang Syria bilang bahagi ng “aksis ng kasamaan” (axis of evil), at isa sa mga “buhong na estado” (rogue states) na tinatarget ng “gera laban sa teror” sa pamumuno ng US.

Inilunsad din ng US, kasama ang mga alyado nitong bansang Israel, Saudi Arabia, Turkey at mga bansang kasapi ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) ang mga digmang mapanakop at mapanupil laban sa mga sambayanan ng Palestine, Yemen, Algeria at Kurdistan. Nagpapatuloy ang mga digmaang ito hanggang sa kasalukuyan.

Alinsunod sa GWOT, idineploy ang United States Special Operations Command Pacific sa Pilipinas noong Enero 2022 para diumano’y tulungan ang AFP sa paglaban sa mga grupo ng ekstremistang Islam ngunit ang ultimong target ay wasakin ang rebolusyonaryong kilusang isinusulong ng PKP (MLM), BHB at National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Tinarget ang armadong kilusang rebolusyonaryo sa Pilipinas dahil ito ang isa sa nagdadala ng sulo ng armadong paglaban laban sa imperyalismong US at para sa pambansang pagpapalaya, demokrasya at sosyalistang kinabukasan ng sambayanang Pilipino. Mula September 2017 inilunsad ang Operation Pacific Eagle – Philippines (OPE-P) upang itaas ang antas ng estratehikong planong wasakin ang PKP-BHB-NDFP. Noong 2018, umabot na sa 300 pwersang Amerikano ang imbwelto sa mga operasyong militar laban sa PKP-BHB-NDFP.

Bukod sa Pilipinas, inilunsad din ang mga operasyon ng US Armed Forces sa Northern Africa at sa pamamagitan ng Operation Enduring Freedom – Trans Sahara (OEF-TS) na ngayon ay tinatawag ng Operation Juniper Shield. Bukod dito, tinarget din ang Horn of Africa at Red Sea sa pamamagitan din ng Operation Enduring Freedom at ng itinayong Combined Joint Task Force – Horn of Africa (CJTF-HOA) na siyang nagsagawa ng digmang mapanakop sa Somalia.

Hindi maubos-ubos ang mga dahilan para bigyang katwiran ang paglulunsad at pagputok ng digmaan, gumawa ng sunod-sunod na probokasyon ang US-NATO para itulak ang Russia na salakayin ang Ukraine at gawing katwiran ito para maglunsad ng gerang proxy laban sa Russia. Upang maganap ito, walang patumanggang nagpalawak ang US-NATO sa mga bansang dating sakop ng USSR at sa gayon ay nilabag ang 1991 Minsk Agreement, naglunsad ng kudeta sa Ukraine at iniupo ang kanyang papet na rehimeng Zelensky na nagmasaker sa 43,000 mamamayan ng rehiyong Donbas na karamihan ay mga Ruso. Matapos ang isang taon, pinakanagdusa sa gerang ito ang sibilyang mamamayan ng Ukraine at mga karatig na bayan. Hanggang Pebrero 12, naitala ng UN Office of the High Commissioner for Human Rights ang 18,955 kaswalti sa mga sibilyan kung saan 7,199 ang napatay at 11,756 ang nasugatan. Liban dito, aabot na sa 7.9 milyong Ukrainian ang lumikas dahil sa gera. Ayon naman kay Ukraine Prime Minister Denys Shmyhal, mahigit na sa $700 bilyon ang pinsala sa pambansang ekonomya ng Ukraine noong Disyembre 2022, samantalang umabot naman sa $100 bilyon ang pondong inilaan ng US sa gera.

Ang US ang nakinabang nang husto sa gera sa Ukraine. Dahil sa gera, naglakihan ang kita ng pangunahing mga industriya sa depensa sa US kung saan ang gubyerno nito ang pangunahing tagabili ng mga produktong nililikha nito. Nananatiling nangunguna sa paglaki ng kita sa pagtatapos ng taong 2022 ang limang kumpanya sa depensa ng US na Lockheed Martin, Raytheon Technologies, Boeing, Northrop Grumman at General Dynamics. Ang taunang $700 bilyong inilalaan ng gubyerno ng US sa depensa ay pangunahing napupunta sa kita at tubo ng mga kumpanyang ito.

Sa buong taon ng 2022 ang mga monopolyong kapitalista sa langis sa US ang tumiba nang husto. Ang ExxonMobil ay kumita ng $55.7 bilyon o $6.3 milyon kada oras. Habang ang Chevron naman ay kumita ng $36.5 bilyon, doble kumpara sa kinita nito noong 2021. Sa kaparehong taon, ang Shell ay kumita ng $32.2 bilyon, pinakamataas sa loob ng 115 taong pag-opereyt nito; at ang BP ay kumita din ng $27.7 bilyon, mas mataas kumpara sa $12.8 bilyon noong 2021. Makikitang malaki ang kinita ng mga higanteng kumpanya ng langis sa pinalobong presyo ng langis. Umabot na sa $131.1 bilyon ang kinita ng ExxonMobil, Chevron at Shell dulot ng walang tigil na ispekulasyon na nagpasirit sa presyo ng mga produktong petrolyo. Sa kasibaan sa digma at sa tindi ng krisis na kinakaharap ng US at iba pang imperyalistang bansa sa Europa, nasa sariling interes nitong ituloy ang digmang US-NATO-Ukraine laban sa Russia at gumawa ng mapanggerang probokasyon sa Indo-Pacific upang sawatain ng China.

Pinakabagong palatandaan ng lala ng pagputok ng krisis ng imperyalismo ang naganap na sunod-sunod na pagbagsak ng ilan sa pinakamalalaking bangko sa US at Switzerland at may panganib na makahawa sa iba pang bangko hindi lamang sa Europa kundi sa buong daigdig. Sinimulan ito ng pagbagsak ng Silvergate Capital Corp, sinundan ng Silicon Valley Bank at Signature Bank, at ang pinakahuli’t pinakamalaki ay ang pagbagsak ng Credit Suisse ng Switzerland. Lahat ay naganap sa buwan ng Marso, 2023 sa napakabilis at seryeng pangyayari. Ang Credit Suisse ng Switzerland ang pinakamalaki at isa sa haligi ng sistema ng pagbabangko sa buong mundo sa nakaraang 167 taon at ikinukunsidera bilang isa sa 30 sistematiko’t pinakaimportanteng pandaigdigang bangko sa daigdig. Ang pagbagsak ng mga bangkong ito ay pinangangambahan na maaaring makahawa sa kabuuang sistemang pampinansya sa daigdig.

Sa tindi ng krisis ng imperyalismo ngayon, napipinto ang pagsambulat ng mga inter-imperyalistang digmaan sa anyo ng mas malawak na mga gerang proxy at mga gerang rehiyunal na maaaring sumiklab sa Asia-Pacific dahil sa pakikialam ng US sa kumukulong usapin sa Taiwan at Korean peninsula at sa Middle East kaugnay sa agawan sa rekursong langis at pagsugpo sa lumalakas na impluwensya ng Islamic Republic ng Iran. Kapag hindi ito napigilan ng sangkatauhan, nanganganib itong tumungo sa ikatlong digmang pandaigdig na higit na mas malupit at lubhang makapipinsala sa masang anakpawis at sa sangkatauhan. Ganunman, ang takot sa parehong pagkalipol at paglaho ng sangkatauhan na pwedeng idulot ng paggamit ng armas nukleyar ang tanging pumipigil sa magkaribal na imperyalistang nuclear superpower na gamitin ito. Ang digmang inter-imperyalista ay magaganap at lulubha sa pagitan ng dalawang mayor na blokeng imperyalistang umiiral ngayon sa daigdig—sa isang panig, ang US at mga bansang kabilang sa NATO at AUKUS, at sa kabilang panig, ang tambalang China at Russia. Hinahati at pinaghihilahan ng dalawang mayor na blokeng ito ang daigdig ngayon na lalung nagtutulak sa paghinog at paglawak ng mga proxy at regional wars at paglaki ng panganib sa pagsiklab ng gerang pandaigdig.

Kaugnay nito, tuluy-tuloy ang militarisasyon sa kabuuan ng South China Sea sa pamamagitan ng mas madalas at mas malakihang military drills sa pangunguna ng US kalahok ang mga bansang South Korea, Pilipinas, Japan at Australia. Halimbawa nito ang magaganap na military exercise sa Luzon mula Abril 11-28 na mag-iimbwelto ng 17,600 na pwersa kabilang ang nasa 12,000 pwersa ng US. Isasagawa sa nasabing exercise ang “live fire exercises sa katubigan” sa kauna-unahang pagkakataon.

Sa pangunguna ng US, pinalalawak at pinalalakas ang alyansang militar nitong NATO. Mayroon itong kasaping 30 bansa, kabilang ang 28 bansa sa Europa at 2 bansa sa North America. Nangunguna rito ang pangunahing mga imperyalistang bansa tulad ng US, Britanya, Germany, France at Italy. Kasapi nito ang Turkey na isa sa bansa sa gitnang silangan. Ang NATO ang ginamit na alyansang militar sa mga digmang mapanakop na isinagawa ng US laban sa Korea, Iraq at sa pagsasakatuparan ng GWOT laban sa Afghanistan, Syria, Yemen at iba pang mga bansa sa Asia Pacific at sa kasalukuyang proxy war sa Ukraine. Nagpapalawak ito ngayon sa mga bansa sa Asia Pacific. Bukod sa NATO, itinayo ng US ang alyansang militar na AUKUS noong 2022 sa balangkas ng ginawa nitong Indo-Pacific Strategy para pigilan ang paglakas ng China at pahinain ito bilang pangunahing imperyalistang karibal ng US sa daigdig. Kasapi ng AUKUS ang Australisa, UK at US. Nito lamang Marso, nagpulong ang AUKUS sa US kung saan pinirmahan ang isang nuclear submarine deal na naglalayong lumikha ng isang bagong fleet ng mga nuclear-powered submarine. Nakatudla ito sa pagkontra sa impluwensya ng China sa Indo-Pacific region.

Tampok na palatandaan at hudyat ng paghahanda sa inter-imperyalistang digma ang isinagawang desisyon ng Japan noong Disyembre 16, 2022 na muli nitong palalakasin ang kanyang militar sa susunod na 5 taon. Nilaanan ito ng Japan ng pondong umaabot sa $320 bilyon. Dahil dito, ang Japan na ang maituturing na pangatlong bansa, kasunod ng US at China sa laki ng inilaang badyet para sa depensa. Ganap na pagbaliktad ito sa dating patakaran ng Japan na hindi na magtatayo ng malakas na armadong pwersa matapos ang WW2. Nakahanay ang Japan sa blokeng pinangungunahan ng US. Nitong nakaraang mga buwan, nasaksihan ang aktibong mga pahayag at pag-iikot ng mga opisyal ng Japan upang tuligsain ang China at suportahan ang gera sa Ukraine laban sa Russia.

Sa kabilang panig, pinalalakas ng China at Russia ang kanilang alyansa. Ngayon lamang Marso, nagsagawa ng dalawang araw na pag-uusap si Xi Jinping ng China at Vladimir Putin ng Russia upang pahigpitin pa ang kanilang relasyon sa kalakalan at ekonomya, laluna sa pangangailangan ng China para sa pagmumulan ng langis. Kaugnay nito, magtatayo ng bagong pipeline ang Russia papuntang China para sa langis. Naganap ito sa gitna ng ipinatutupad ng US at kaalyado nito na sangsyon laban sa Russia.

Pinalalakas din ng China-Russia ang Shanghai Cooperation Organization. Kasapi nito ang mga bansang China, Russia, India, Iran, Pakistan, Egypt, Saudi Arabia at Belarus. Itinuturing na mga dialogue partner naman ng SCO ang bansang Bahrain, Maldives, UAE, Kuwait at Myanmar.

Dumadaluyong ang paglaban at pakikibaka ng uring manggagawa, mga aping bansa at aping uri’t mga sambayanan kapwa sa imperyalistang mga bansa at mga kolonya’t malakolonyang bansa ng imperyalismo. Sinisindihan ito ng hindi na mabatang kahirapan bunga ng pagbagsak ng pamumuhay, pagkawasak ng kapaligiran at epekto ng digmang mapanakop at panunupil ng mga imperyalista at kanilang mga papet. Nasasaksihan ng buong mundo ang pagsigabo’t pagdaluyong ng kilusang welga ng puo-puong milyong mangagawa sa UK, France, Germany, Italy, US at maging sa China’t Russia para sa dagdag na sahod, benepisyo at serbisyong panlipunan at paglaban sa mapanupil na mga lockdown. Kahit ang mga manggagawa’t mamamayan sa mga dating sosyalistang bansa na ipinagkanulo ng modernong rebisyunismo ay unti-unting namumulat at nananariwa ang alaala ng pag-unlad at kasaganaang dulot ng sosyalismo. Ngayon lamang uli ito nangyayari matapos ang estratehikong pagkatalo ng sosyalistang kampo. Sa katulad na anyo, naglulunsad ng welga ang mga manggagawa sa South Korea. Sa kabilang panig, lumalawak ang mga anti-imperyalistang pwersa sa lahat ng dako ng mundo na nananawagan sa pagwawakas sa imperyalismo. Pinakokonsistente at militante sa mga ito ang kilusang mapagpalaya at armadong pakikibaka para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalistang bukas na sumusulong sa India, Pilipinas, Turkey, Kurdistan at Palestine.

Sa harap ng paglawak ng digmang proxy at digmang inter-imperyalista at sa paghahanda ng mga imperyalista sa napipintong inter-imperyalistang digmaan, dakilang tungkulin ng mga Komunista’t rebolusyonaryo sa daigdig na labanan ang inter-imperyalistang digma, ilunsad ang digmang sibil at ipagtagumpay ang rebolusyong pambansa-demokratiko at mga rebolusyong sosyalista sa kani-kanilang bayan. Bigyan tayo ng inspirasyon sa praktikang ipinamalas nina Lenin nang kanilang ipagtagumpay ang sosyalistang rebolusyon sa Russia sa panahon ng WWI. Ganondin ng mga tagumpay ng pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya at sosyalismo noong WW2 na nagtatag ng sosyalistang bloke sa 1/3 ng populasyon sa daigdig.

II. Itinutulak ang sambayanan ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II na patindihin at palakasin, hanggang ipagtagumpay, ang rebolusyonaryong paglaban ng sambayanang Pilipino

Nananaginip nang gising ang ilehitimong rehimeng US-Marcos-Duterte sa hibang na pangarap nitong mawawakasan ng kontra-rebolusyonaryong kampanyang panunupil ang rebolusyonaryong paglaban ng sambayanang Pilipino. Nakatuntong sa napakarupok na pundasyon ang pangarap na ito sa harap ng pangkalahatang krisis ng imperyalismo, sa walang kaparis na kronikong krisis ng lipunang malakolonyal at malapyudal, sa paglawak at pagtindi ng digmang inter-imperyalista at sa kumukulong galit ng sambayanang Pilipino sa naghaharing rehimen at sistema.

Kabaliktaran, matibay ang pundasyon ng di magagaping rebolusyong Pilipino at nakatakdang kamtin ng rebolusyonaryong kilusan sa pamumuno ng Partido, BHB at NDFP ang paglakas ng ilampung ulit sa mga susunod na taon sa proseso ng pakikibaka ng sambayanan upang labanan ang papet at ilehitimong rehimeng US-Marcos-Duterte.

Dahil sa kapit-tukong bulag na pagsunod sa neoliberal at pasistang patakaran ng kanyang among imperyalismong US, ibinaon pa ni Marcos-Duterte ang ekonomya ng Pilipinas sa mas malalim na kumunoy ng pagkabangkarote. Sa unang dalawang buwan pa lamang ng 2023, sumirit sa 8.7% (Enero) at 8.6% (Pebrero) ang implasyon sa bansa. Mas mataas pa ito sa 5.8% na implasyon sa taong 2022. Ito na ang pinakamataas na implasyon sa nakaraang 14 na taon. Repleksyon ito ng pagtaas ng mga pangunahing bilihin. Pinakatampok ang grabeng pagsirit ng presyo ng sibuyas na umabot hanggang P760 bawat kilo at ng presyo ng itlog na umabot sa P12 ang piraso. Grabeng pagtampalasan ito sa masang magsasaka sa harap ng pambabarat sa presyo ng kanilang sibuyas sa farm gate na umaabot lamang ng P8 bawat kilo. Ibayo pang pinabagsak nito ang tunay na halaga ng sahod at kita ng mga manggagawa, magsasaka at mamamayan.

Pinapatay ng sindikatong rehimen ni Marcos Jr. ang industriya ng asukal at ang lahat ng mamamayang nakaasa dito ang kabuhayan. Pinakamalalang tinatamaan ang mga manggagawa, magsasaka’t manggagawang bukid at mga plantadores sa tubuhan sa bansa nang gawin nito ang pag-import ng 440,000 metriko toneladang (MT) asukal mula sa ibang bansa, sa panahon pa mandin ng iluhan ng tubo. Masahol pa, garapalang kinopo lamang ng tatlong sindikatong kartel na pinaboran ni Marcos Jr. ang kabuuang inangkat na asukal ng bansa.Ang mga ito ay ang All Asian Countertrade na kumopo ng 240,000 MT; S&D Sucden Philippines na kumopo ng 100,000 MT; at ng Edison Lee Marketing na kumopo naman ng 100,000 MT. Napakalayo nito sa kairalan na 10-20 libong MT lamang ang maaaring iimport ng isang kumpanya. Malinaw na sindikato ang may gawa nito na ang nasa likod ay ang pamilyang Marcos at kanilang pinakamalalapit na kroni. Sa kabila nito, patuloy ang pagtaas ng presyo ng asukal sa palengke na umaabot na sa P85 bawat kilo habang nabibili lamang ng mga sindikatong cartel ni Marcos Jr. sa halagang P25 bawat kilo ang asukal sa Thailand.

Pinabagsak ni Marcos Jr., at ng kanyang kartel, ang industriya ng asukal. Katunayan, nagsara ang Central Azucarera de Don Pedro (CADP) nito lamang ika-15 ng Disyembre 2022 sa Nasugbu, Batangas, sa kasagsagan ng pagsisimula ng gapakan ng tubo. Ang CADP, na pagmamay-ari ng pamilyang Roxas, ang pangalawa sa pinakamalaking asukarera sa Luzon. Dito nakasalalay ang pag-ilo ng tubo ng mga magtutubo sa buong lalawigan ng Laguna, Batangas, Quezon at Cavite. Dahil sa pagsasara ng CADP, nawasak ang isang taong lokal na produksyon ng tubo at asukal at nabangkarote ang mga plantadores ng asukal, lalung laluna ang mga manggagawa sa nasabing asukarera, mga magsasaka at manggagawang bukid sa tubuhan. Grabeng kahirapan ang dinanas ng kagyat na 12 libong pamilyang direktang umaasa sa tubo at asukal sa Batangas pa lamang, hindi pa kasama ang ilampung libo pa sa Laguna, Cavite, Quezon, at iba pang panig ng Luzon.

Ibayo pang dumami ng 1.7 milyong mga Pilipino ang nawalan ng trabaho sa unang buwan ng 2023. Mula 49 milyong may trabaho sa taong 2022, umabot na lamang ng 47.4 milyon ito pagdating ng Enero 2023. Dadagdag ang mga ito sa naitalang 2.6 milyong walang trabaho noong 2022. Kung isasama ang 32.8 milyong informal workers o walang pirming trabaho na 71.6% ng kabuuang may trabaho sa taong 2022, aabot na sa 37.1 milyong Pilipino ang wala at kulang sa trabaho o katumbas ng halos 75% ng pwersang paggawa sa Pilipinas.

Habang nalulugmok sa kahirapan ang mayorya ng mamamayan, napakalaki ng kinaltas sa inaprubahang badyet ni Marcos Jr. para sa ayuda sa mamamayan. Ang dating P233.7B badyet para sa suportang pampinansya sa mahihirap na mamamayan noong 2020 na naging P9.5 bilyon sa taong 2022 ay pinaliit pa sa P510.5 milyon sa taong 2023. Kahalintulad, pinaliit din ang badyet sa regular na pang-emerhensyang ayuda, na mula P97.4 bilyon noong 2022 ay naging P90 bilyon na lamang sa taong 2023. Napakalaki rin ng kinaltas sa badyet ng Programang Pantawid Pamilyang Pilipino (4P’s): mula P102.6 bilyon tungong P5.1 bilyon na lamang o pagkaltas ng P97.5 bilyon. Ganito din ang ginawa sa KALAHI-CIDSS Community Development Program kung saan mula P6.7 bilyon ay naging P2.8 bilyon na lamang ito.

Kabaligtaran, pinalaki nang todo ng rehimeng Marcos II ang laang pondo na madaling dambungin o kurakutin. Lumaki tungong P1.2 trilyon ang badyet na nakalaan sa imprastraktura na batbat ng pork barrel at karaniwang target ng pandarambong ng mga burukrata kapitalista. Pinalaki din nang todo ang confidential at intelligence funds ng ilehitimong pangulo tungo sa P2.3 bilyon, at ng ilehitimong Bise Presidente Sara Duterte tungong P650 milyong piso. Bukod dito, pinalaki nang todo tungong P807 bilyon ang pondo sa mga hindi programadong pondo na pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa. Halos limang doble ang laki kumpara sa naipasang badyet mula 2017 hanggang 2022. Tatak ng mandarambong na pamilyang Marcos ang inaprubahang pambansang badyet.

Papalaki pa ang utang ng bansa sa panahon ni Marcos Jr. Noong Nobyembre, 2022, umaabot na sa kabuuang P13.6 trilyon ang kabuuang utang ng pambansang gubyerno na pamana pa ng nagdaang rehimeng Duterte at inaasahang lalaki tungong P14.6 trilyon sa pagtatapos ng taong 2023. Umutang si Marcos II ng kabuuang P2 trilyong piso, at ang P1.6 trilyon dito ay pambayad lamang sa utang.

Sa kabila ng pagkabangkarote ng ekonomya ng Pilipinas at napakalawak na pagtutol ng mamamayan, tigas-mukhang patuloy na ipinipilit ng rehimeng Marcos II ang Maharlika Investment Fund (MIF), na tulad ng Coco Levy Fund ay isang pakana sa pandarambong. Anumang palusot ng rehimen na hindi na pera ng taumbayan ang gagamitin upang makaipon ng MIF ay hindi pinaniniwalaan ng taumbayan, at malinaw na pandarambong ang ultimong layunin ni Marcos Jr., ng kanyang pamilya at kanilang mga kroni.

Dagdag pa, pilit na niraratsada ng rehimen ang Charter Change sa anumang paraan para maisagawa ito. Nilalayon nitong alisin ang natitira pang probisyon upang protektahan ang soberanya at patrimonya ng bansa, laluna ang usapin ng pagmamay-ari ng negosyo’t mga lupain sa Pilipinas. Ninanais ng rehimen na bigyan ng karapatan ang mga dayuhan na 100% magmay-ari ng mga negosyo’t lupain sa Pilipinas na ipinagbabawal ng kasalukuyang saligang batas ng GRP. Palalalain nito ang dati nang malalim na kontrol ng imperyalismo sa lipunang Pilipino. Bukod dito, nilalayon ng mga burukrata-kapitalista na pahabain ang kanilang mga termino at ilusot ang sistemang gubyernong pederal upang bigyang daan ang walang hanggang paghahari ng mga pinakabuhong at pinakamandarambong na paksyon ng mga naghaharing uri sa papet na gubyerno ng Pilipinas.

Ibayo pang pinahihirapan ang sambayanang Pilipino ng pagtama ng mga kalamidad resulta ng pagkawasak ng kapaligiran dahil sa abusadong pagtotroso ng malalaking logging concessionaires, malakihan at mapaminsalang operasyon ng pagmimina, pagtatayo ng mga plantasyon ng mga dayuhang korporasyon at ng epekto ng pag-init ng mundo bunga ng pagkasira ng ozone layer dahil sa pag-akumula ng greenhouse gas emissions ng mga kapitalistang industriya at yutilidad na pinatatakbo ng langis at panggatong na carbon. Nitong nakaraang mga buwan lamang, nasaksihan ang malalalang pagbaha dulot ng mahabang panahong pag-ulan bunsod ng shear line mula Mindanao hanggang Luzon. Ilampung libong mamamayan ang namatay, napinsala at ilandaang bilyong pisong halaga ng kabuhayan at ari-arian ng masa at ng bansa ang nasira. Nagpalala pa sa kahirapan at pagkawasak ng yaman ng karagatan ang naganap na pagtagas ng langis sa karagatan ng rehiyong Timog Katagalugan, laluna sa bahaging Oriental Mindoro at Batangas mula sa lumubog na oil tanker na MT Princess Empress na mayroong dalang 800,000 litro ng industriyal na langis.

Tunay na numero uno at sagad-sa-butong papet ng US ang rehimeng Marcos-Duterte. Ginagampanan nito ngayon ang susing papel bilang isa sa pangunahing piyon ng US sa estratehikong plano nitong labanan at pahinain ang China. Sinelyuhan ng sunod-sunod na mga pag-uusap sa pagitan ng US at papet na rehimeng Marcos II ang papel ng Pilipinas bilang isa sa first island chain ng US laban sa China. Tampok na rito ang pagbubukas ng dagdag pang 5 lugar sa Pilipinas upang gamiting base militar ng US. Kapalit nito ang tulong militar sa AFP-PNP na nakatuon sa ambisyon at desperasyong ilunsad ang final push upang ganap na durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas.

Bukod dito, pumasok ang rehimen ni Marcos Jr. sa iba pang kasunduang pang-ekonomya’t pangmilitar sa US. Tampok sa mga ito ang 1-2-3 Agreement kung saan pinahintulutan ni Marcos Jr. ang paglalagay ng pasilidad nukleyar sa Pilipinas sa tabing ng pagpapaunlad ng nuclear energy sa bansa. Gagamitin itong dahilan ng US para makapagpapasok sa Pilipinas ng mga kagamitan at armas nukleyar.

Nitong huli, isinali ni Marcos Jr. ang Pilipinas sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP). Ang RCEP ang itinuturing na pinakamalaking bloke sa kalakalan sa daigdig na nagsasakatuparan ng neoliberal na patakaran at mga programang napatunayan nang ugat ng paglala ng krisis sa daigdig. Binubuo ito ng 10 kasaping bansa ng ASEAN (Singapore, Thailand, Vietnam, Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Philippines) kasama ang Australia, Japan, China, South Korea at New Zealand. Bukod dito, pumasok din si Marcos sa Liquified Natural Gas Partnership sa pagitan ng 1st Gen at Tokyo Gas ng Japan at sa Technical Cooperation sa Australia para sa PPP — sa pamamagitan ng Partnership for Infrastructure (P4I).

Magiging malaking bahagi din ang Pilipinas sa Indo-Pacific Endeavor (IPE) 2023, isang taunang regional engagement activity sa pangunguna ng Australia para “tiyakin” ang seguridad ng Indo-Pacific Region sa pamamagitan ng mga ehersisyong militar, pagsasanay at workshops.

Sa harap ng napakatinding krisis sa ekonomya, ibayong lumiit ang kabang yaman ng bayang pinaghahati-hatiang dambungin ng mga lokal na naghaharing uri at mga ahente nitong burukrata kapitalista. Dahil dito, nagaganap ang panloob na alitan hindi lamang sa hanay ng mga naghaharing uri kundi sa loob mismo ng hanay ng naghaharing paksyong Marcos-Arroyo-Duterte (MAD). Paghina’t pagkalusaw ng alyansa ng mga mandarambong at hindi pagkakaisa ang tinutungo ngayon ng naghaharing paksyon.

Hindi pa man nag-iinit ang puwet sa pwesto, naganap na ang sipaan sa gabinete ni Marcos Jr. Sinindihan ng nalantad na anomalya sa naunang plano ng pag-import ng 300,000 MT asukal ang pagsisibak sa mga opisyales ng Department of Agriculture at Sugar Regulatory Administration (SRA) na pawang mga hinirang ni Marcos Jr. Sinundan ito ng paghain ng resignasyon ni Vic Rodriguez bilang tagapagsalita at tumayong kanang kamay ni Marcos Jr. mula panahon ng kampanya. Kasunod nito ang pagbibitiw ng tagapagsalita ng Malacañang na si Trixie Cruz-Angeles na diumano’y tao ni Vic Rodriguez. Kapalit nila, ipinwesto si Lucas Bersamin.

Sa pagsisimula ng taong 2023, nasaksihan ng bayan ang sipaan at agawan para sa pambansang pusisyon sa AFP, PNP at pambansang depensa ng rehimeng US-Marcos II. Noong Enero 6, naganap ang patago at ala-sindikatong pagpapasumpa kay Gen. Andres Centino bilang bagong Chief-of-Staff ng AFP. Biglaang inilaglag nito si Gen. Bartolome Bacarro na nauna nang naitalaga ni Marcos Jr. upang maging Chief-of-Staff ng AFP sa susunod na anim na taon. Lumikha ito ng kaguluhan sa loob ng AFP at DND na umabot sa pagmobilisa ng pwersa at pagtataas ng alerto ng mga yunit ng AFP-PNP at pagtatangka ng maramihang pagbibitiw ng mga opisyal ng AFP sa DND. Dumulo ito sa pagbibitiw sa pusisyon ni acting DND Secretary na si General Jose Faustino, kasama ang 9 na iba pa. Kasunod nito, pinalitan naman si Faustino ni Gen. Carlito Galvez na hanggang ngayon ay umaakto lamang bilang Senior Undersecretary. Noon namang Enero 14, pinalitan si Clarita Carlos ni Gen. Eduardo Año bilang National Security Adviser.

Mas nauna pa sa kaguluhan sa AFP, pinagbibitiw ng DILG Secretary Benhur Abalos ang lahat ng mayor na opisyal ng PNP mula antas pambansa at mga rehiyon para sa diumanong paglilinis sa hanay ng PNP ng mga opisyal na sangkot sa negosyo ng iligal na droga. Ngunit ang totoong motibo ni Marcos Jr. ay patalsikin ang mga opisyal ng PNP na wala sa kanya ang katapatan.

Nalantad ang papel ng asawa ni Marcos Jr. na si Liza Araneta-Marcos sa balasahang ito bilang padrino sa pagnonombra ng mga pangunahing opisyal-militar sa gubyerno ni Marcos Jr. Mapapansin na ang lahat ng mga iniupong heneral sa AFP, DND at National Security Council (NSC) ay pawang mga heneral na numero-unong ahente ng US sa Pilipinas at mga tao ni Duterte na siyang mga naging operador sa madugong gera laban sa bayan at rebolusyonaryong pwersa sa nakaraang anim na taon. Sa pag-upo ni Centino, Galvez at Año sa AFP, DND at NSC, nakatitiyak ang US sa mga maaasahang ahente nito sa Pilipinas. Gayunman, sa balasahang ito, nakalalamang pa rin ang mga tao ni Duterte kaysa sa mga maka-Marcos laluna’t hawak ng mga ito ang susing pusisyon sa AFP, DND at NSC. Estratehiko ang epekto nito sa kahihinatnan at pagtagal ng kapangyarihan ng mga Marcos sa Malacañang. Naghihintay lamang ng tamang tyempo ang pamilyang Duterte upang agawin ang kapangyarihan sa mga Marcos alinman ng ekstra-konstitusyunal na mga hakbang o kudeta.

Subalit, ang anumang pagpapalit ng rehimen sa bansa ay may basbas ng US o maaaring itulak ng malubhang krisis sa ekonomiya’t pulitika resulta ng malakas na pagdaluyong ng mga pakikibaka ng sambayanang Pilipino tulad ng naging pagbagsak ng diktadurang Marcos Sr. at ng korap na rehimeng Estrada.

Hindi naglulubay, bagkus ibayo pang lumala ang pag-atake sa karapatan at buhay ng mamamayan sa mga unang buwan pa lamang ng ilehitimong rehimen sa tindi ng desperasyon nitong wakasan ang diumanong last bastion ng lakas ng rebolusyonaryong paglaban ng sambayanang Pilipino. Sa nakaraang tatlong buwan, idinagdag ang 4 na pasistang batalyon sa Samar at Silangang Kabisayaan. Nagbabadya ang paglala pa ng mga paglabag sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas sa mga nasabing lugar. Araw-araw ang mga insidente ng pag-aresto, pamamaslang, pagdukot, tortyur at sapilitang pagpapasuko. Karaniwang nagaganap ang walang habas na pambobomba at istraping sa mga komunidad at sakahan ng mga magsasaka at katutubo sa kanayunan. Pangunahing tinatarget ang mga progresibong mamamayan na lumalaban para sa kanilang buhay, kabuhayan at kapaligiran. Daig pa ang asong ulol nina Marcos, Duterte at ng mga tagapagsalita ng NTF-ELCAC sa kampanyang red-tagging upang tatakang terorista ang lehitimong pakikibaka ng sambayanan. Maging mga bata ay tinatarget ng pagdukot, pagpatay at paggamit sa maitim na gera laban sa mga rebolusyonaryo.

Hanggang ngayon, inihihingi ng hustisya ng masang manggagawa sa naganap na ILO High Level Tripartite Mission noong Enero ang 68 kaso ng pamamaslang, 5 kaso ng pagdukot, 68 na gawa-gawang kaso, pag-aresto at detensyon at 275 kaso ng pagbabanta, harassment, intimidasyon, red tagging at sapilitang pagtiwalag sa kinaaanibang organisasyon ng manggagawa.

Sa kabila ng malawakang pagtutol ng sambayanan, laluna ng sektor ng mga kabataan-estudyante, pinipilit pa din ni Marcos-Duterte na ipasa ang batas sa muling pagbuhay ng ibinasura nang ROTC sa bagong katawagang National Citizens Service Training Program (NCSTP), na Mandatory ROTC (MROTC) sa kaibuturan. Nilalayon ng maitim na pakanang ito na ipatanggap sa kabataan ang kultura ng pasismo at impyunidad at magsanay ng mga kabataang bulag na tagasunod ng imperyalismong US at naghaharing sistema.

Pinatitibay pa ang pag-iral ng kultura ng impyunidad sa sunod-sunod na mga desisyon ng reaksyunaryong korte na nagpawalang sala sa mga kriminal at mandarambong. Tampok dito ang pag-abswelto sa 17 pulis sa kaso ng pagpatay sa lider-manggagawang si Manny Asuncion sa naganap na Bloody Sunday sa Timog Katagalugan noong Marso 2021. Wala ring kahihiyan ang sunod-sunod na mga desisyon ng reaksyunaryong korte ng pag-abswelto sa mga kaso ng pandarambong ng pamilyang Marcos, pamilyang Arroyo at Enrile. Sagad at garapalan ang pagtatanggol ng rehimeng Marcos II kay Rodrigo Duterte sa pagharang na malitis ito ng International Criminal Court (ICC) sa mga krimen laban sa sangkatauhan.

Sa harap ng sitwasyong ito, nasasaksihan sa buong bansa ang pagpapanibagong sigla ng paglaban ng sambayanang Pilipino laban sa anti-nasyunal at anti-mamamayang patakaran at programa ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II. Pinakamalaki ang transport strike ng mga tsuper laban sa Jeepney Phaseout at PUV Modernization Program ng rehimeng Marcos-Duterte. Umani ng malawak na suporta ng sambayanan ang makatarungang tigil-pasada. Matagumpay na pansamantalang napatigil ng tigil-pasada ang pagpapatupad ng Jeepney Phaseout at kinakalburong kooperatibisasyon at korporatisasyon ng pampublikong transportasyon sa bansa. Lumalawak at tuloy-tuloy na lumalaki ang paglaban ng mga manggagawa para sa nakabubuhay na sahod, seguridad sa trabaho, laban sa kontraktwalisasyon, pamamaslang at pasismo ng rehimen. Pumuputok ang pakikibaka ng mga manggagawa, magsasaka, manggagawang bukid at mga plantadores sa tubuhan at asukarera sa harap ng pagkawasak ng produksyon ng asukal dahil sa pagpabor ng rehimen sa importasyon, deregulasyon at liberalisasyon ng industriya ng asukal sa bansa.

Umani ng galit ng sambayanan ang pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo, mga pangunahing bilihin, yutilidad, pamasahe at iba pang serbisyong panlipunan. Sumiklab ang matatapang na mga sama-samang pagkilos ng mamamayan laban sa malakihan at dayuhang pagmimina. Pinakatampok ang paglaban ng mamamayan sa South Cotabato laban sa Sagittarius Mines; sa pagbubukas ng quarry ng Altai Philippines sa Sibuyan, Romblon; at paglaban sa Ipilan Mining Corporation at Macro Asia Mining Corporation sa Brooke’s Point, Palawan. Gamit ang lakas ng pagkakaisa, inihaharang ng mamamayan ang kanilang mga sarili upang pigilan ang mga makina ng mga kumpanyang mina at labanan ang pangwawasak sa kilos protestang ginagawa ng mga pulis at militar. Nahihinog ang sitwasyon sa pagdaluyong ng paglaban ng masa laban sa papet, ilehitimo, pasista’t mandarambong na rehimeng US-Marcos II.

Samantala, nagsisimula nang muli ang armadong paglaban ng mamamayang Moro. Nag-uugat ang armadong paglaban na ito sa pakikibaka para sa sariling pagpapasya ng mamamayang Moro, sa sigaw ng hustisya para sa mga biktima ng pagpulbos sa Marawi ng rehimeng US-Duterte at paniningil sa inutang na dugo ng rehimeng US-Marcos I noon pang dekada ’70. Sa harap ng pagtalikod ng MNLF at MILF sa armadong pakikibaka, nakakakuha ng suporta ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at iba pang armadong grupo ng mga Moro na naglulunsad ng armadong paglaban. Ilang panahon lamang, tiyak ang paglakas ng rebolusyonaryong armadong pwersa ng sambayanang Moro para sa sariling pagpapasya.

Bigung-bigo ang rehimeng US-Duterte at ang ilehitimong rehimeng US-Marcos-Duterte na durugin at estratehikong pahinain ang rebolusyonaryong paglaban ng sambayanan na inilulunsad ng PKP, BHB at NDFP. Patuloy na nakapagpreserba’t nakapagtipon ng lakas ang Bagong Hukbong Bayan sa buong bansa at sa mayor na mga isla at rehiyon sa kabila ng mga seryosong pinsala sa ilang bahagi ng kilusan. Patuloy itong nag-aaral, naglalagom at matapat na nagsasagawa ng mga pagpuna sa sarili upang maiwasto ang mga pagkakamali at pagkukulang. Nasa pusisyon ito upang sagpangin ang napakapaborable at napakahinog na kalagayan upang pamunuan at ibayong isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Buo at napakataas ng determinasyon nitong isulong ang armadong pakikibaka sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Tiyak ang ibayong pagsulong at paglakas nito sa mga susunod na taon habang lumalaban sa ilehitimong rehimeng US-Marcos-Duterte at sa inilulunsad na gerang interbensyon ng imperyalistang US sa Pilipinas at sa iba’t ibang panig ng Asia at daigdig.

III. Pag-ibayuhin ang Paglahok ng Masa sa Digmang Bayan para sa Pambansang Kalayaan at Demokrasya at Palakasin ng Ilampung Ulit ang di-magagaping Bagong Hukbong Bayan

Upang tubusin ang sarili, walang ibang mapagpipiliang landas ang masang Pilipino kundi maglunsad ng armadong paglaban at lumahok sa digmang bayan upang ibagsak ang imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo at kamtin ang pambansang kalayaan at demokrasya. Ito lamang ang nakikita nilang tanging kalutasan sa dinaranas na grabeng kahirapan, pagkabusabos, pagsasamantala at kaapihan sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na lipunan. Kailangang gawin ng Partido at BHB ang buong makakaya upang pag-ibayuhin ang paglahok ng masa sa digmang bayan at palakasin ng ilampung ulit ang BHB. Ang masa ang bertud ng ‘di magagaping BHB at ng mahigit limang (5) dekada nang isinusulong na matagalang digmang bayan. Ang masa ang mapagpasya sa bawat pagsulong at pagkakamit ng tagumpay. Walang anumang lakas ng imperyalismo at kanilang mga papet ang maaaring makatalo sa malawak at determinadong rebolusyonaryo’t armadong pagkilos ng masang Pilipino na may malakas na Bagong Hukbong Bayan na nasa absolutong pamumuno ng proletaryong Partido, ang Partido Komunista ng Pilipinas.

Habang kinikilala natin ang maningning na mga tagumpay ng Partido’t BHB sa nakaraang 54 na taon, malaki pa ang dapat gawin upang pandayin ang rebolusyonaryong lakas ng masa at ng BHB. Sa nakaraang anim na taon, di lamang tayo nagtagumpay na pangibabawan at biguin ang mga malupit na Oplan ng kaaway, kundi patuloy tayong nakapagtipon at nakapagpreserba ng sapat na lakas. Sa kabilang banda, nagkamit din tayo ng mga seryosong pinsala at kabiguan bunga ng nagawa nating mga pagkakamali. Kailangang matapat na punahin natin ang ating sarili at iwasto ang mga kamalian ng pagkukutang bundok, konserbatismo sa gawaing masa at gawaing militar, pasibidad sa harap ng pag-atake’t panunupil ng kaaway, pagbitaw sa pagsusulong ng pakikibakang anti-pyudal, gerilyaismo, milisyaismo at gawi ng rebeldeng lagalag. Lahat ng ito ay labag sa saligang Marxistang prinsipyo ng linyang masa na nagtuturong ang masa at ang masa lamang ang tunay na bayani, ang balon ng di magagaping lakas at siyang tagapaglikha ng kasaysayan. Kailangan natin mapagpasyang maiwasto ang ating pagkakamali upang makasulong tayo’t madala ang digmang bayan sa susunod na estratehikong yugto hanggang sa tagumpay.

Sa pagwawasto, kailangang mahigpit na hawakang maisulong ang tatlong hindi maipaghihiwalay na sangkap ng digmang bayan: ang armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagtatayo ng base.

Kailangang isulong ang armadong pakikibaka, ang pangunahing anyo ng pakikibaka upang baliin ang gulugod ng naghaharing estado. Kung wala ang armadong pakikibaka, hindi kailanman makakamit ang pundamental na pagbabago sa lipunang Pilipino. Sa kasalukuyang yugto ng estratehikong depensiba ng matagalang digmang bayan, isulong natin ang armadong pakikibaka alinsunod sa taktikal na linyang militar ng Partido na ilunsad ang malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya na umaani ng papalawak at papalalim na suportang masa.

Sa yutong ito, pakikidigmang gerilya ang pangunahing anyo ng ating pakikidigma. Ito ang angkop na anyo ng pakikidigma at linya ng pagsulong ng maliit at mahina pang hukbong bayan na humaharap sa di hamak na mas malakas na reaksyunaryong hukbo na suportado ng US upang sumulong na maging malaki at malakas. Kailangang mahigpit na ipatupad ang wastong istruktura ng pwersa ng BHB. Nangangahulugan ito ng pagtatalaga sa 70-80 porsyento ng pwersa sa mga horisontal na pormasyong gerilya habang ang 20-30 porsyento ng pwersa ay nasa mga bertikal na pormasyong gerilya. Ang mga pwersang horisontal ang pangunahing tumutupad ng gawaing masa, pagpapalawak at pagpapatatag ng mga larangang gerilya habang ang mga bertikal na pwersa ang tumutupad pangunahin sa gawaing panlaban at pagdurog sa kaaway.

Pangunahing laman ng taktikal na linyang militar, ang paglulunsad ng mga taktikal na opensiba na ang pangunahing anyo ay anihilatibo o batayang taktikal na opensiba (BTO) sa anyo ng mga reyd at ambus upang paisa-isang durugin ang mahinang bahagi ng kaaway at kumpiskahin ang kanilang armas at kagamitang militar. Sa pamamagitan ng mga BTO, pinapanday ang mapandurog na kapasidad ng BHB. Inilulunsad din ang mga atritibong taktikal na opensiba (ATO) na may malinaw na resulta sa anyo ng mga operasyong isnayp, haras at mga operasyong saper upang parusahan ang kaaway, lumikha ng mga pinsala upang pabagalin ang kanilang pag-abante, isabotahe ang kanilang planong militar o likhain ang mahusay na kundisyon para sa mga inilulunsad na BTO. Bukod sa mga BTO at ATO na inilulunsad sa kanayunan, inilulunsad din ang mga espesyal na TO (ETO) sa likuran at tungki ng ilong ng kaaway sa mga kalunsuran, kapitolyo at malalaking sentrong bayan. Kailangan ang mga espesyal na TO upang pinsalain ang mga imprastrukturang militar at parusahan ang mga sagad-saring kaaway ng masa na nagtatago sa kalunsuran at para obligahin ang kaaway na magtali ng malaking pwersa sa kanyang likuran.

Dapat puruhan ng mga TO ng BHB ang mga pangunahing kaaway ng masa laluna yaong may mga utang na dugo at lubhang nagpapahirap sa kanila, mga operasyon ng malalaking negosyo na sumisira sa kabuhayan ng masa, kinakamkam ang kanilang lupain at dinadahas ang kanilang matahimik na pamumuhay. Dapat na suportahan ng mga TO ng BHB ang pagpapalaganap at pagpapalakas ng iba’t ibang kampanya at pakikibakang masa sa kanayunan at kalunsuran upang patibayin ang determinasyon ng masa sa paglaban sa kagutuman, kahirapan at walang habas na pambubusabos ng mga dambuhalang mandarambong at nagsasamantalang dayuhan at lokal.

Kaugnay nito, kailangang mapagpasyang maiwasto ang konserbatismo’t pasibidad sa paglulunsad ng taktikal na opensiba na tumatagal na kung ilang taon. Nararapat nang tapusin ang matumal na mga taktikal na opensiba ng BHB sa harap ng todo-todong pananalakay ng AFP-PNP-CAFGU laban sa masa’t rebolusyonaryong pwersa. Ang kawalan o kabiguang maglunsad ng matatagumpay na TO, laluna ng mga BTO, ang pangunahing dahilan ng pagkauk-ok ng mapanlabang diwa ng BHB at ng katumbas na paghina ng kumpyansa ng masa sa lakas at kapasidad ng BHB na ipagtanggol ang kanilang mga demokratiko’t pambansang interes. Nararapat na hawakan na ang lahat ng yunit ng BHB ay mga pwersa sa paglaban ng rebolusyong Pilipino upang gapiin ang kaaway. Sa gayon, dapat tupdin ng bawat isa ang kanyang tungkulin upang maisulong ang armadong pakikibaka.

Upang itulak ang pagpapasigla ng mga taktikal na opensiba, nararapat na itaas ang kamulatang makauri ng mga mandirigma ng BHB at itaas ang makauring pagkamuhi sa kaaway. Kailangang isapuso ng lahat ng mga mandirigma ang kanyang dakilang tungkulin bilang pangunahing pwersang panlaban ng rebolusyong Pilipino na may pangunahing tungkuling durugin ang armadong pwersa ng imperyalismong US at ng mga lokal na naghaharing uring malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa. Sa gayon, nararapat na taglayin ng bawat mandirigma ang napakataas na antas ng katapatan, katapangan, disiplinang bakal, walang hanggang kabayanihan, kawalang takot sa kamatayan at pagpapakasakit alang-alang sa dakilang layunin ng Partido para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo.

Kailangang itayo’t paganahin ang mga kumand sa operasyon sa antas ng larangan, probinsya/subrehiyon hanggang sa antas ng rehiyon. Sa pamamagitan nito, matitiyak na mayroong tumututok sa usaping militar laluna sa paglulunsad ng taktikal na opensiba’t paglutas sa mga bara dito. Kumpletuhin ang iba pang sangkap sa pagpapalakas ng BHB sa pagtatayo ng kinakailangang mga istap para sa tauhan at pagsasanay, paniktik, lohistika at ordnans, medikal at komunikasyon.

Katapat ng kumand sa operasyon, nararapat na itayo, palakasin at mahusay na paganahin ang mga kinauukulang organo at departamento sa pulitika sa antas ng yunit, larangan, probinsya/subrehiyon hanggang antas rehiyon. Pangunahing tungkulin nitong tiyakin ang napakataas na makauring kamulatan ng lahat ng mga mandirigma, mulat na pagpapatupad ng disiplina at paglulunsad ng gawaing pampulitika sa Hukbo, sa hanay ng masa at sa kaaway.

Mataas ang pangangailangang dalhin sa bagong antas ng sigla, lakas at daluyong ang pakikidigmang gerilya ng masa sa pamamagitan ng pagpapalahok sa pinakamaraming bilang ng masa sa paglaban sa kaaway. Lahat ng mamamayang may kapasidad sa pakikipaglaban ay palahukin sa pakikidigmang gerilya. Lahat ng 18 anyos ang edad pataas na may malusog na pangangatawan at pag-iisip ay pasampahin sa mga yunit gerilya at yunit milisya. Lahat ng 15 hanggang 17 anyos ang edad ay buuin sa yunit pananggol sa baryo. Itayo at paganahin ang dalawang tipo ng yunit milisya, una ay ang yunit sa opensa at ikalawa ay ang yunit sa depensa. Gamitin ang lahat ng sandatang maaaring gamitin laban sa kaaway mula sa sariling lakas at kaalaman sa martial arts, bato, itak, kutsilyo, pamalo, mga shotgun at baril na gawang bahay, pistola at mga mataas na kalibreng armas na maaaring maipagamit sa masa. Palaganapin ang pakikidigmang pasabog at iskirmiser sa hanay ng masa upang lumikha ng malaking pinsala sa kaaway. Pakilusin ang masa para sa paniktik, dis-impormasyon, suporta sa likuran at pangangalaga sa mga sugatang mandirigma.

Mahigpit ang pangangailangang isulong ang rebolusyong agraryo upang lutasin ang problema sa lupa ng masang magsasaka at paunlarin ang produksyon sa kanayunan. Ito ang susing kawing sa gawaing masa sa kanayunan at magtitiyak sa walang maliw na pagsuporta ng uring magsasaka sa BHB at armadong pakikibakang isinusulong nito. Ang rebolusyong agraryo ay may minimum at maksimum na layunin. Minimum na layunin nitong ibaba ang upa sa lupa, itaas ang sahod ng manggagawang bukid, pawiin ang usura, itaas ang presyo ng produktong bukid, ibaba ang presyo ng mga kailangan sa produksyon at isulong ang paglaban sa iba pang pagsasamantalang pyudal at malapyudal. Maksimum na layunin nitong kumpiskahin ang lupa ng mga panginoong maylupa at ipamahagi ito nang libre sa mga magsasakang wala o kulang sa lupang binubungkal. Palagiang layunin ng rebolusyong agraryo na ibunsod ang kooperasyon at sama-samang paggawa sa hanay ng masa at paunlarin ang produksyon para sa dagdag na kita at pagkain. Kagyat ang halaga ng pagsusulong ng rebolusyong agraryo sa harap ng paglala ng problema sa lupa bunga ng ibayo pang paglala ng krisis ng lipunang malakolonyal at malapyudal.

Bukod dito, nararapat na ipaglaban ang iba pang pang-ekonomya’t pampulitikang pakikibaka ng mga magsasaka tulad ng paglaban sa dayuhan at malakihang pagmimina na nangangamkam sa lupain ng mga magsasaka at sumisira sa kalikasan. Nararapat ding palakasin at pasiglahin ang mga anti-pasistang pakikibaka sa harap ng brutalidad ng pasistang estado.

Ang tagumpay sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo ang pinakamatalas na epektibong paraan ng pagbigo sa kampanyang demonisasyon, panunupil, panlilinlang at pangwawasak sa rebolusyon na isinasagawa ng mga pasistang kapural ng rehimeng US-Marcos II. Habang nilalabanan ng kaaway ang pagsusulong ng rebolusyong agraryo at iba pang pakikibaka ng masa at ng BHB, lalong inilalantad ng kaaway ang kanilang mga sarili bilang mga papet at sundalo ng imperyalismong US, malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa at lalong itinutulak ang masa sa rebolusyonaryong paglaban. Sa kabilang banda, habang itinataguyod at sinusuportahan ng BHB ang pakikibaka ng masang magsasaka para sa rebolusyong agraryo, ibayong nalilikha ang matibay at malalim na bigkis ng masa sa BHB at armadong pakikibaka.

Hindi masusustini at kakapusin ng hangin ang pagsusulong ng armadong pakikibaka kung hindi matagumpay na isusulong ang rebolusyong agraryo sa papalawak na saklaw at papasiglang tempo. Sa kabilang banda, walang malayong mararating ang pagsusulong ng rebolusyong agraryo kung hindi palalakasin ang Bagong Hukbong Bayan at isusulong ang armadong pakikibaka. Kailangang maunawaan ng masang magsasaka ang halaga ng lakas ng BHB at armadong pakikibaka upang durugin ang gulugod ng kapangyarihan ng mga panginoong maylupa at iba pang mga kaaway nito sa uri para magkamit at maipagtanggol ang tagumpay sa rebolusyong agraryo.

Sa kabilang banda, walang malayong mararating ang rebolusyong agraryo at armadong pakikibaka kung hindi itatayo ang malawak at malalim na baseng masa ng rebolusyon na pinanday sa apoy ng paglaban sa kaaway. Ang hiwa-hiwalay na paglaban ay magiging mahina at pipitsuging target ng kaaway kung hindi ito nabubuo sa iisang solidong lakas at malawak na antas ng paglaban. Hindi maaari na ang mga pagkilos ay indibidwal at antas ng kulumpon ng bahayan o sa iilang sityuhan lamang. Kailangang buuin ang pagkakaisa’t rebolusyonaryong lakas sa minimum na antas baryo, karaniwang munisipalidad at matapos ay sa antas ng mga distrito, probinsya at rehiyon. Sa ganito lamang maaaring kalitatibong makasulong ang digmang bayan tungo sa susunod na estratehikong yugto.

Alinsunod dito, kailangang itayo ang mga balangay ng mga rebolusyonaryong samahang masa ng mga magsasaka, kababaihan at kabataan sa antas ng baryo, asyenda’t komunidad. Sa bisa ng pagtatayo ng balangay sa baryo, itayo ang balangay sa munisipalidad at sa bisa ng mga naitayong mga balangay sa munisipalidad ay itayo ang balangay sa distrito at mga probinsya. Maaari ding pabaliktad na paraan ang pag-oorganisa, basta’t tiyaking sa proseso ay makamit ang rekisito sa pagtatayo ng mga saligang organisasyong masa. Abutin ng pag-oorganisa ang mga panggitnang pwersa sa kanayunan na pangunahing kinakatawan ng mayamang magsasaka, mataas na panggitnang magsasaka, mga propesyunal at ilang naliliwanagang panginoong maylupa. Abutin ang lahat ng estratehikong bahagi ng kanayunan mula sa interyur, laylayan, mga kabundukan, bulubunduking kapatagan, kapatagang rural, tabing dagat at mga isla. Gawin ito sa paalon na paraan.

Sa bisa ng pagkakaorganisa ng mga balangay ng rebolusyonaryong samahang masa at mga selula ng panggitnang pwersa at ng pagkakabuo’t pagpapalakas ng mga sangay ng Partido sa lokalidad at teritoryal na istruktura ng mga organisasyon ng Partido, itayo at paganahin ang mga organo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika sa antas ng baryo, munisipalidad, distrito at probinsya. Sa pagkakabuo ng mga OKP, ibayong mapapalawak ang paglahok at pagkilos ng masa sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan.

Sa antas na katumbas ng distritong kongresyunal nararapat na itayo at palakasin ang mga larangang gerilya na may malawak at malalim na baseng masa at may laking kumpanyang pwersang gerilya, bukod pa ang laking batalyong mga yunit milisya. Kailangang kamtin ang target ng Komite Sentral na 170 larangang gerilya sa buong bansa na may ganitong antas ng lakas ng BHB at baseng masa. Ang mga larangang gerilya ang batayang teritoryal na yunit sa pagsusulong ng pakikidigmang gerilya at sa antas na ito ginagawa ang taktikal na koordinasyon ng iba’t ibang pwersang gerilya at pinararami ang mga platung gerilya bilang yunit pangmaniobra. Sa bisa ng pagtatayo ng 3-5 magkakatalikurang lakas kumpanyang larangang gerilya, maitatayo ang malalakas ng mga teatrong gerilya sa mga probinsya’t subrehiyon. Sa pagsasanib ng mga magkakarugtong na mga larangang gerilya sa abanteng bahagi ng estratehikong depensiba, lilitaw ang mga istableng baseng purok at mapapaunlad ang mga kumpanya bilang yunit pangmaniobra.

Ang mga nabanggit ang ultimong layunin ng ating pagtatayo ng base sa kanayunan. Ang baseng masa nating naipundar sa nakaraang 54 na taon ng rebolusyonaryong pagsulong ay palaging dumadaan sa relatibong paglawak at pagkitid sa bawat siklo ng ating pagsulong at pagbigo sa pangwawasak ng kaaway. Walang puknat na winawasak ng kaaway ang naipundar na rebolusyonaryong baseng masa ng rebolusyon. Nararapat na makipagitgitan ang Partido, BHB at baseng masa upang labanan ang pangwawasak ng kaaway. Hindi maiaalis na mayroong mga baseng pansamantalang naiiwanan at nabubuwag. Sa proseso ng pagsulong at pagpapalakas, nararapat na balikan ang mga baseng ito at muling isaayos at paganahin ang baseng masa’t mga larangang gerilya. Madali naman itong nababalikan lalu’t naghihintay lamang ang masa sa ating pagbalik.

Bukod sa mga nabanggit, kailangang magpakahusay ang Partido at BHB sa pagkukumbina ng armadong pakikibaka sa lahat ng iba pang arsenal ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Nangangahulugan ito ng paggamit sa ligal at iligal na anyo, hayag at lihim na paraan, armado at di-armadong tipo; larangang pulitikal at militar; pakikibaka sa kanayunan, kalunsuran at kabayanan; pakikidigma sa kabundukan, bulubunduking kapatagan, panabihang dagat, katihan, katubigan at karagatan; pakikibaka sa loob ng bansa at pakikibaka sa larangang intenasyunal, atbp.

Habang pangunahing anyo ng pakikibaka ang armadong pakikibaka na pangunahin ay isinusulong ng BHB, kailangang iwasto ang tunguhin ng ilang organo ng Partido sa kanayunan na ibatay sa naging pagliit ng Hukbo at mga larangang gerilya ang pamumuno sa masa.

Ani Tagapangulong Armando Liwanag: “Dapat mas masaklaw ang balangkas ng Partido kaysa sa Hukbo. Lalong liliit at maaagnas ang buong kilusang rebolusyonaryo kapag ang kawalan, kaliitan o pagliit ng hukbo at mga larangang gerilya nito ang magdidikta sa balangkas ng buong Partido at buong kilusang rebolusyonaryo. Dapat palakasin ang Partido at mga organisasyong masa sa kalunsuran para may panggalingan ng mga kadreng manggagawa at edukadong kabataan para sa Hukbo at kanayunan. Ang Partido sa labas at loob ng Hukbo ang naglilikha sa Hukbo kung saan maliit o wala pa ito.”

Pag-ibayuhin ang Paglahok ng Masa sa Digmang Bayan para sa Pambansang Kalayaan at Demokrasya!