Pagpupugay kay Ka Ken, Ka Karen, at Ka Jeni!
“Ang mga rebolusyonaryong kadre ay lumilikha ng mga buhay na kolektibo sa hanay ng mga mamamayan. Ang pagkawala ng isang kadre, ano man ang kanyang ranggo, ay hindi nangangahulugan ng pagkamatay ng buhay na kilusan. Ang halaga ng isang kadre ay nasa kanyang kakayahang lumikha ng isang bagay na patuloy sa pagkabuhay at paglago, kahit malipat na siya ng gawain o kaya’y mabilanggo o mamatay.” (Ka Joma Sison 1939-2022)
Ang mga pangungusap sa itaas ang silbing pahimakas ng rebolusyunaryong kilusan sa buong lalawigan ng Quezon para sa mga martir na sina Kasamang Joseph delos Santos, Dayna Benna Lagrama at Ricaño Bulalacao.
Si Kasamang Joseph, higit na popular sa pangalang Ka Ken sa buong South Quezon-Bondoc Peninsula (SQBP) ay magiting at matapang na pulang kumander ng Apolonio Mendoza Command. Siya ang kasalukuyang alamat ng mga magsasaka sa SQBP na kanyang pinaglingkuran bilang pulang Hukbo.
Si Kasamang Dayna naman ay kilalang si Ka Karen sa rebolusyunayong kilusang kabataang estudyante ng Quezon at Ka Joey sa mga sonang gerilya ng Bondoc Peninsula. Larawan siya ng kabataang babae na piniling tahakin ang landas ng rebolusyon para mamuno sa paglaban.
Si Kasamang Jeni o mas kilala sa kanilang lugar bilang si Ricaño Bulalacao, nagmula sa uring magsasaka. Kilalang tahimik, masipag at mabuting anak ng bayan sa kanilang lugar. Bilang mandirigma ng hukbong bayan, matapang at mapangahas niyang hinaharap ang mga atake ng kaaway kasabay ang mataas na pagpapahalaga sa usaping panseguridad sa loob ng yunit.
Namartir sila noong Enero 29, 2023 ng hapon sa Barangay Huyon-uyon, San Francisco. Kabilang sila sa mga kumpirmadong nasawi na unang iniulat ng pasistang sundalo.
Ang halaga ng buhay na ibinuwis ni Ka Ken, Ka Karen at Ka Jeni ay totoo ngang hindi ang pagkamatay ng buhay na kilusan sa mga larangang kanilang kinilusan.
Ang kanilang ibinigay na panahon sa rebolusyunaryong gawain ay nagluwal ng mga binhi ng pakikipaglaban ng mamamayan para sa demokrasya at kalayaan, na malawak na nakahasik sa puso at isipan ng uring magbubukid at aping anakpawis.
At ang katotohanang ito ng dakilang buhay ng tatlong kasamang martir ay hinding-hindi kayang pagtakpan ng tangkang paninira at pagsisinungaling ng rehimeng US-Marcos II. Kilala ng uring magbubukid at aping mamamayan sa Quezon ang kanilang tunay na kaibigan at kaaway.
Tuloy ang pagkabuhay ng mga binhing isinaboy ni Ka Ken, Ka Karen at Ka Jeni. Tuloy ang paglago. Hanggang sa pag-ani sa panahon ng tagumpay.
Ibinibigay ng Komite ng Partido Komunista ng Pilipinas sa lalawigan ng Quezon, kasama ang Apolonio Mendoza Command at buong rebolusyunaryong mamamayan — ang pinakamataas na parangal at pagpupugay kina Ka Ken, Ka Karen at Ka Jeni.
Pulang saludo sa inyong kadakilaan!