Pagratipika ng RCEP, higit na pahirap sa mamamayang Pilipino!

,

Sa pagratipika kahapon ng Senado sa RCEP (Regional Comprehensive Economic Partnership), lalong isinubo ng Rehimeng Marcos Jr. sa kagutuman at kahirapan ang mamamayang Pilipino, laluna ang mga magsasaka.

Sa kabila ng pagtutol ng maraming sektor sa pagpapaloob ng Pilipinas sa RCEP, itinulak ng rehimen ang ratipikasyon upang umano’y makasabay sa mga lumalagong ekonomiya sa Asya Pasipiko at para makabangon sa pandemya. Ang RCEP ay kasunduan para sa “malayang kalakalan” sa pagitan ng mga bansa sa ASEAN at kabilang ang China, Japan, South Korea, Australia at New Zealand. Ipinagmamalaki ito ng mga tagapagtaguyod bilang pinakamalaking trading bloc sa daigdig na sumasakop sa 2.27 B populasyon (katumbas ng 30% ng buong mundo) at kinumbinang GDP na $26.1 T (29% ng daigdig), na higit na malaki sa European Union at sa US-Mexico-Canada Agreement. Instrumento din ito ng China sa kanyang pakikipagkumpetensya sa US bilang nangungunang ekonomiya sa daigdig.

Sa pagpapaloob sa RCEP, higit pang lalaki ang importasyon ng mga produkto na hindi papatawan o kung hindi man ay napakababa ng taripa. Kaya naman, ang mga produktong agrikultural natin ay higit na matatabunan ng mga inangkat na produktong mas mura, lalo at ito ang palagiang solusyon ng gobyerno tuwing may krisis sa pagkain. Hindi nito sosolusyunan ang krisis sa bigas, sa karne, asukal o sa sibuyas. Sa halip, papatayin nito ang kabuhayan ng maraming magsasakang Pilipino. Gayundin, higit na malulugi ang mga lokal na industriya taliwas sa ipinapalaganap ng rehimen na makakatulong daw ito sa mga SMEs (Small and Medium Enterprises).

Hindi natututo ang mga papet na rehimen sa karanasan ng Pilipinas sa pakikipagkalakalan. Halos tatlong dekada na ang nakalilipas nang i-ratipika din ng Senado sa pangunguna noon ni Gloria Macapagal Arroyo ang pagpapaloob sa GATT-WTO (General Agreement on Tariffs and Trade – World Trade Organization). Itinulak nito ang higit na liberalisasyon ng ekonomiya, pribatisasyon ng mga pag-aaring publiko at deregulasyon na nagpaubaya sa pribadong negosyo sa walang habas na pagtaas ng presyo ng langis at mga serbisyo katulad ng kuryente at tubig. Nagresulta ito sa pagkalugi ng mga lokal na industriya sa agrikultura at manupaktura dahil hindi makaagapay sa kompetisyon ng mga bumahang murang produkto. Pinahina nito imbes na paunlarin ang lokal na produksyon. Sa paglaki ng importasyon, lalong lumaki ang depisito sa kalakalan. Ibig sabihin, mas malaki ang halagang ginagastos sa pag-iimport kaysa sa kinikita sa pag-eeksport ng mga produkto. Noong 2022, mayroong $58.3B depisito sa kalakalan at ang depisito sa agrikultura ay nasa P2.72B noong ikalawang kwarto ng 2022 kung saan higit na tumaas ang importasyon ng pagkain at mga produktong agrikultural.

Sa ngalan ng kaunlaran, ipinipilit ng papet na rehimen ang kasunduang RCEP sa kabila ng kabiguan ng WTO at iba pang pang-ekonomiyang kasunduan na pinasok ng Pilipinas. Nagbibigay laya ito upang higit na dambungin ng mga imperyalistang bayan ang ating mga likas na yaman, magkamal ng tubo ang mga burgesya komprador at magkaroon ng napalaking kurakot ang mga burukrata kapitalista. Kapalit ito ng labis na paghihirap ng mamamayang Pilipino na makikita sa napakaliit na bilang ng nalilikhang trabaho, mataas na tantos ng disimpleyo, mababang sahod at nababansot na produktibidad at pag-unlad ng manggagawa. Nililikha nito ang isang ekonomiyang nakaasa sa pag-eeksport ng lakas paggawa at sa malaking sektor sa serbisyo kung saan mayorya ay mga kababaihan. Ekonomiya din itong nakasandig sa dayuhang pamunuhunan at napaka-bulnerable sa mga krisis ng kapitalistang sistema.

Kailanman ay hindi magpapatupad ng polisiyang makakatulong sa pagpapaunlad ng sarili nating ekonomiya ang kahit sinong rehimeng nasa kapangyarihan, dahil sa krisis at bulok na sistemang namamayani sa Imperyalistang kaayusan. Kaya dapat na tutulan at labanan ng mamamayan ang RCEP at iba pang kahalintulad na mga polisiya ng estado.

Kasabay nito, dapat na ipalaganap at patingkarin ng mga aktibista at rebolusyonaryo ang panawagan para sa pambansang industriyalisasyon at reporma sa lupa, na taliwas sa mga neoliberal na patakaran ng rehimen. Nakapaloob dito ang mga panawagan para sa subsidyo at proteksyon sa lokal na mga industriya at mga regulasyon sa dayuhang pamumuhunan at nakatuon sa pagpapalakas ng lokal na industriya at paglikha ng trabaho sa bansa. Nananawagan ang Makibaka sa kanyang kasapian na dalhin sa masiglang propaganda-edukasyon ang mga panawagang ito, sa patuloy nating pag-abot sa malawak na masa ng mamamayan. Patuloy natin silang imulat, ipaloob sa mga organisasyong masa at rebolusyonaryo at pakilusin upang labanan ang imperyalismo at mga lokal na reaksyunaryo na nagpapahirap sa sambayanan, at pakilusin sila humakbang tungo sa tagumpay ng rebolusyong Pilipino hanggang sosyalismo. #

Pagratipika ng RCEP, higit na pahirap sa mamamayang Pilipino!