Pahayag

Pahayag ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) para sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis

,

Sa ikalawang taon ng pasistang rehimeng Marcos Jr., nagpapatuloy ang rebolusyonaryong paglaban ng kababaihang anakpawis para lumahok sa armado at di-armadong porma ng paglaban sa pag-abante ng pambansa-demokratikong rebolusyong bayan!

Ang matinding pang-aapi at pagsasamantalang dinaranas ng kababaihan sa isang lipunang malakolonyal at malapyudal ang nagpapalakas at nagpaparami sa kasapian ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa tulad ng MAKIBAKA.

Kalakhan ng kababaihan ay nabibilang sa pinakamahirap na saray ng lipunan, mga manggagawa, magsasaka at katutubo, mga maralitang lungsod at maging sa kanayunan. Hindi pa man nakakabangon mula sa malawakang pagpatay sa hanapbuhay, bagsak na kita at taas ng presyo ng mga bilihin at yutilidad dulot ng pandemya, pinalala ng rehimeng Marcos Jr. ang paghihikahos ng kababaihan sa mga neoliberal na kasunduan at patakarang ipinapatupad nito.

Lantaran ang pagkiling ni Marcos Jr. sa impeyalistang US sa mga patakaran nito sa ekonomiya at pulitika. Lalong binubukas ang ekonomiya ng Pilipinas sa mga dayuhang pamumuhunan ng mga imperyalistang bansa sa pagbabago sa 1987 Konstitusyon o Charter Change.

Ginamit pa ng rehimen ang People’s Initiative (PI) na dapat ay kapangyarihan ng taumbayan na magtulak ng reporma sa konstitutsyon na ibinunga ng EDSA People Power Uprising o pagpapatalsik sa diktadurang Marcos Sr. Kaliwa’t kanan ang mga ulat ng panloloko at paggamit ng ayuda upang makakalap ng pirma para sa pekeng PI ng estado.

Wala pa mang ChaCha, todo larga na ang rehimen sa pagpapapasok ng dayuhang pamumuhunan sa bansa. Apat na dekada nang ipinatutupad ang liberalisasyon sa kalakalan at pamumuhunan at sinundan pa ng pag-amyenda sa Foreign Investments Act, Retail Trade Liberalization Act at Public Services Act para pabilisin ang dayuhang pagnenegosyo sa bansa sa mga nakalipas na taon.

Walang pag-unlad na idinulot ang pagpapatupad ng mga neoliberal na patakaran. Sa halip, palagiang depisito sa kalakalan ang Pilipinas at nananatiling nakaasa ang ekonomya sa remitans at pangungutang. Sa loob lamang ng dalawang taon umabot na sa Php1.82 trilyon ang inutang ng administrasyon, sa taong 2023 umabot na sa Php14.62 trilyon ang kabuoang utang ng Pilipinas. Tiyak na pasanin ng kababaihan at mamamayan hanggang sa mga susunod na henerasyon ang pagbabayad nito.

Dahil nakatali ang ekonomya ng bansa sa pandaigdigang sistemang kapitalista, ang krisis ng imperyalismo ay may direktang epekto sa trabaho at kabuhayan ng mga Pilipino. Habang tumitindi ang krisis, tumitindi din ang pagsasamantala ng mga malalaking kapitalista.

Ang tatlong pinakamalaking apparel manufacturer na bumubuo sa 60% ng kabuuang garments exports ng bansa ang nag-mass layoff sa pagitan ng 2019-2024 kung saan nasa 80,000 kababaihang manggagawa ang tinanggal sa trabaho. Ito ay pagkatapos maglabas ng pull-out order ng mga kapitalista sa Pilipinas para lumipat sa mga bansa tulad ng Vietnam at Cambodia kung saan mas mura ang lakas paggawa.

Nananatili ang matinding pagsasamantala sa kababaihan dahil sa kontraktwalisasyon, iba’t ibang porma ng flexible labor, mababang sahod, delikadong kondisyon sa paggawa, diskriminasyon at karahasan. Pinapalaki ang bilang ng walang trabaho para lumikha ng malaking reserbang hukbo ng lakas paggawa upang lalong baratin ang sahod at ipagpatuloy ang kontraktwalisasyon. Napakababa ng itinakdang minimum wage lalo na sa mga rehiyon. Nasa Php610 lamang sa NCR habang Php316 naman sa BARMM.

Sa kanayunan, nananatiling pinakamahirap ang mga kababaihan kabilang ang mga mangingisda, magsasaka, katutubo at pambansang minorya. Ilang dekada nang dumaranas ng matinding pagkalugi at kagutuman ang kababaihan doon dahil sa kawalan ng sariling lupang sinasaka at suporta sa lokal na produksyon ng agrikultura.

Bigo ang estado sa lahat ng repormang agraryo nito. Mula sa pagpapatupad ng Masagana 99 noong 1972 ni Marcos Sr., CARP noong 1988 ni Cory Aquino at CARP Extension with Reforms ni Arroyo noong 2009, pinoprotektahan ng estado ang mga panginoong maylupa at ang kanilang mga hacienda na matagal na dapat naipamahagi sa mga magsasaka. Sa taong 2021, may 540,000 ektarya pa ng lupang nakapailalim sa CARP na hindi pa naipapamahagi.

Ang Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) ang programa ng rehimeng Marcos Jr. sa pamamahagi ng lupa. Ang nasa likod nito ay ang World Bank Group (WB) at ng Department of Agrarian Reform (DAR) na naglalayong pabilisin ang pagbebenta ng mga lupa ng mga magsasaka sa mga negosyante at panginoong may lupa sa pamamagitan ng pag-parcelize o paghahati ng mga kolektibong Certificate of Land Ownership Award (CLOA) ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs).Tinitiyak din ng gobyerno ang kaniyang kikitain mula rito sa porma ng amortisasyon at buwis mula sa mga i-aangkat na produkto sa agrikultura.

Dahil walang sariling lupang sinasaka, karamihan sa mga magsasaka ay nakikisaka na lamang, nangungupahan o nagiging manggagawang bukid. Sa nakaambang Charter Change, matindi at malawakang pagpapalayas sa mga magbubukid at katutubo ang haharapin ng mga kababaihan sa kanayunan. Nagtukoy na ang National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) ng 14.2 milyong ektarya ng alienable and disposable lands sa Pilipinas na ibubukas para sa dayuhang pagmamay-ari.

Sa halip na suportahan ang lokal na produksyon ng pagkain, walang atubiling pumanig si Marcos Jr. sa importasyon ng mga produktong agrikultural para tugonan ang krisis sa pagkain. Limang taon na mula nang ipatupad ang Rice Liberalization Law kung saan naging No. 1 importer ng bigas ang Pilipinas na nag-aangkat ng 3.8 metriko tonelada. Pumaloob din ang rehimen sa pinakamalaking Free Trade Agreement na Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) noong Pebrero 2023.

Matindi ang pinsala at malawakang pagkitil sa hanapbuhay ng mga magsasaka at manggagawang-bukid ang dinudulot ng pagpasok sa ganitong mga neoliberal na kasunduan. Dahil sa liberalisasyon, bumabaha ng mga dayuhang produktong agrikultural sa bansa na nagreresulta sa pagkalugi ng mga magsasaka. Napipilitan silang ibenta ang kanilang mga produkto sa barat na presyo, ito ay sa kabila ng napakataas ng presyo ng bigas at pagkain sa pamilihan.

Ang pagsibol ng mga rebolusyonaryong organisasyon ng kababaihan sa kanayunan ay dulot ng pagkagutom ng sektor na siyang tagapaglikha ng pagkain ng sambayanan. Sa kawalan ng suportang natatanggap ng mga magsasaka bagkus ay dahas pa ang sinasagot, ang estado mismo ang nagtutulak sa mga kababaihan sa kanayunan na lumahok sa armadong pakikibaka sa loob ng sonang gerilya kasama ang kanilang mga anak at asawa.

Dahil tinakda ng pyudal-patriyarkal na lipunan ang pagkatali ng kababaihan sa gawaing bahay bilang primaryang tagapagtaguyod ng pamilya, kababaihan ang mukha ng biktima ng mataas na presyo ng bilihin at di nakabubuhay na pasahod sa mga manggagawa.

Ang mga kababaihang naggigiit ng karapatan sa nakabubuhay na sahod at ligtas na lugar paggawa ay tinatakot, tinatanggal sa trabaho, dinadakip at dinadahas. Sa mga rehiyon, ang mga manggagawa ay hindi na makapasok sa ibang pagawaan dahil sila ay miyembro ng unyon o asosasyon sa pinanggalingan.

Sa ganitong kalagayan nagpapatuloy ang paglahok ng kababaihang sa pagpapalit ng kaayusan ng lipunan upang palayain ang sarili. Ang matinding krisis sa ekonomiya at pulitika ang nagtutulak sa kanilang mag-organisa ng kapwa kababaihan, lumahok at manguna sa mga pakikibakang masa tulad ng piket, bungkalan at welgang bayan, at tahakin ang rebolusyonaryong landas sa porma ng armadong pakikibaka.

Kasama ang lahat ng mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan, kinakailangang wasakin ang imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo para lumaya ang kababaihan at sambayanang api.

Pagpupugay sa lahat ng mga rebolusyonaryong kababaihang martir na inialay ang buhay para sa tagumpay ng digmang bayan!

Mabuhay ang MAKIBAKA!
Mabuhay ang pambansa demokratikong rebolusyon!
Mabuhay ang pagkakaisa ng kababaihan at mamamayan ng buong daigdig laban sa imperyalismo!

Pahayag ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) para sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis