Pahayag ng pakikiisa sa mga manggagawa ng Honda Cars Philippines Inc.

Ang National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NSDF-ST) ay karamay at kaisa ng 630 manggagawa at ng kanilang pamilya na tuwirang maapektuhan sa napipintong pagsasara ng Honda Cars Philippines Inc. (HCPI) sa darating na buwan ng Marso 25, 2020. Nababahala din ang NDFP-ST sa libo pang manggagawang maaaring matanggal sa kanilang mga pinapasukang pabrika na may kasalukuyang kontrata sa HCPI at nagsusuplay ng mga pangangailangan nito sa fuse, wirings, air bag at iba pa. Ang napipintong pagsasara ng HCPI at sa humihinang industriya ng sasakyan sa bansa ay epekto at resulta ng lumalalang pandaigdigan at domestikong krisis dulot ng monopolyo-kapitalismong sistema sa daigdig.

Mariing kinokondena din ng NDFP-ST ang nakakainsulto at nakakagalit na pahayag ng tagapagsalita ng Malacañang na si Secretary Salvador Panelo na kahit magsara ang HCPI sa bansa ay minimal ang magiging impak nito sa ekonomiya ng bansa. Mas pinili pang bigyan ng bigat ng Malacañang ang paghahambog sa Duterteconomics kaysa pagkalooban ng malasakit at mabahala sa kahihinatnan ng mga mawawalan ng trabaho at ng kanilang pamilya sa napipintong pagsasara ng HCPI. Nagawa pang ipagmalaki ni Secretary Panelo ang Build Build Build Program ng gubyerno na kuno’y kayang magbigay ng kapalit na trabaho sa mga manggagawa ng HCPI. Palibhasa’y mga manhid at walang alam sa tunay na kalagayan ng bansa akala nina Duterte at mga taga Malacañang na ganuon kadali ang maghanap ng trabaho sa Pilipinas.

Ang pagsasara ng HCPI ng planta nito sa Pilipinas ay kumbinasyon ng lumalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng kronikong krisis ng malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino na ang pangunahing tinatamaan ng hambalos ng krisis ay ang uring manggagawa at magsasaka.

Higit pa itong pinalubha ng ilang dekadang pagpapatupad ng neoliberalismo sa bansa na nakabatay sa walang hanggang pagkaganid sa pagkakamal ng supertubo ng mga kapitalista at pag-atake sa organisadong manggagawa na nakikibaka para sa nakabubuhay na sahod, proteksyon sa pook-trabaho at seguridad sa trabaho, at karapatang magtayo ng unyon at pakikipagtawaran sa kapitalista.

Ayon sa pananaliksik na ginawa ng mga unyon sa rehiyong Timog Katagalugan, kanilang naobserbahan na simula noong 2003, pababa na ang tunguhin ng produksyon sa auto manufacturing sa bansa dahil sa pagpasok ng completely build units (CBU’s) na mga sasakyan galing sa Thailand at iba pang bansa sa Asia. Sa kabilang banda, walang ginawang safeguards ang gubyerno upang maprotektahan ang mga lokal na nagmamanupaktura ng mga sasakyan sa bansa,” dagdag pa ng mga nagsaliksik.

Ayon naman sa Philippine Metalworks Alliance (PMA), “ang lokal na trabaho ang pangunahing tinatamaan sa pagpasok ng mga sasakyang CBU’s at hindi mismo ang mga kumpanya ng sasakyan. Sa global na kalagayan, paliwanag pa ng PMA, nagbabawas ng produksyon ang mga kumpanya para makapag angkat kaya hindi sila nakakaramdan ng pagkalugi. Ang mga multinational companies (MNC’s) ay patuloy na kumikita kahit umasa sila ng malaki sa pag-aangkat (imports)”, dagdag pa ng PMA.

Sa paliwanag na ito ng PMA, kung palalalimin, ang pagbabawas sa produksyon ng mga MNC’s ay kasing kahulugan ng tanggalan (retrenchment) ng mga manggagawa o pagbabawas sa gastos sa produksyon na pangunahing inilalaan ng mga kapitalista sa nagbabagong kapital (variable capital) sa anyo ng sahod bilang kabayaran sa lakas paggawa. Ang lohika sa likod ng pagbabawas ng variable capital para sa pagbili ng lakas paggawa (labor power) ay napapababa nila ang gastos sa produksyon ng kalakal kahit bawasan ang produksyon dahil sa napapalitan o nababawi naman ang nawawala (sa pagbawas ng produksyon) ng nagmumula sa importasyon. Sa ganito, walang pagkalugi ang mga kapitalista bagkus patuloy pa rin silang kikita sa kapariwaraan naman ng mga manggagawang basta na lamang tatanggalin nila trabaho.

Ayon naman sa HCPI, hindi na estratehikong panatiliin pa nila ang kanilang planta sa Pilipinas sa gitna ng paghina ng produksyon at paghina ng bentahan ng industriya ng sasakyan sa pandaigdigang pamilihan. Plano din nilang magbakasakali na pumasok sa paggawa ng elektronikong sasakyan. Bumaba diumano ang kanilang benta ng sasakyan sa 23,294 units noong 2018 at lumiit pa ito sa 20,338 units sa taong 2019. Bumaba din ang produksyon ng sasakyan ng HCPI sa bansa sa 8,000 units noong 2018 mula sa average na taunang 15,000 units. Ang mga modelong Honda City at Honda BR-V ang ginagawa sa HCPI na nasa Laguna Technopark, Santa Rosa City, Laguna.

Samantala ang kanilang planta sa UK, na ayon sa HCPI na isasara din sa 2021, ay bumaba ang produksyon sa 160, 000 units mula sa kakayahan nitong lumikha ng sasakyan ng taunang 250,000 units.

Nakadagdag na dahilan sa pagbaba ng benta ng sasakyan ng HCPI at iba pang nasa industriya ng sasakyan ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act (TRAIN LAW) na ipinatupad ng rehimeng Duterte. Ang pagpataw ng mataas na excise tax sa ilalim ng TRAIN LAW ay nagpataas sa halaga ng mga sasakyan at pagtaas ng halaga ng mga batayang pagkain at serbisyo. Bumaba ang bentahan ng sasakyan sa 2 magkasunod na taon (2018-2019) matapos ipatupad ang TRAIN LAW dahil mas binigyan ng prayoridad ng mga may kakayahang bumili ng sasakayan ang mga batayang pangangailangan nila kaysa ang bumili ng bagong sasakyan.

Union busting at pagdurog sa Tunay na Unyonismo ang nasa likod ng pagsasara ng HCPI

Ayon kay Christopher Oliquino, Bise Presidente ng Lakas Manggagawang Nagkakaisa sa Honda (LMNH-OLALIA-KMU) “biglaan ang anunsyo ng pagsasara ng kumpanya na para silang tinarakan ng punyal sa likod. Walang naunang abiso o palatandaan sa napipintong pagsasara ng pabrika liban sa nagbawas sila ng produksyon ng modelong sasakyang BR-V sa 18 kada araw nitong katapusan ng Enero mula sa dating 35-38 kada araw.”

Noong Pebrero 22 ng hapon, bago dumating ang oras ng pagtatapos ng panghapong shift, pinatawag ang mga manggagawa sa pulong sa pag-aakalang pag-uusapan ang benta ng kumpanya o ng kanilang Collective Bargaining Agreement (CBA) na nakatakdang pag-usapan sa darating na Agosto 2020.

Dagdag pa ni Ginoong Oliquino, “nasorpresa sila sa ipinalabas na video ng Presidente ng HCPI na si Noriyuki Takakura na nag-aanunsyo ng pagsasara ng planta. Kaya bilang tugon, agaran silang nagtayo ng piket protesta sa loob ng planta habang ang ibang kasamahan nilang manggagawa kasama ang pamilya at tagasuporta ay nagpiket sa harapan ng gate ng planta upang kondenahin at i-protesta ang hakbang ng HCPI.”

Naniniwala ang NDFP-ST na ang tunay na dahilan sa likod ng napipintong pagsasara ng HCPI ay hindi dahil sa nalulugi o may pangangailangan silang optimisahin ang kanilang produksyon para umayon sa kasalukuyang pandaigidigang demand lalo na sa elektronikong sasakyan. Ginagamit na lang nila itong panabing o dahilan sa tunay nilang intensyon na union busting at iligal na pagtatanggal sa mga manggagawa na bumuhay at nagpayaman sa mga kapitalista ng HCPI sa loob 28 taon na operasyon nito sa bansa. Gusto nilang durugin ang Lakas Manggagawang Nagkakaisa sa Honda na matagal nang nagtataguyod at nakikibaka para sa tunay, palaban, makabayan at anti-imperyalistang unionismo sa bansa. Nais ng mga kapitalista, katuwang ang pasistang rehimeng US-Duterte, na durugin ang mga nagtataguyod ng tunay na unyonismo at halinhan ito ng maaamo, sunod-sunuran, dilawan at aristokratang unyonismo.

Dapat magkaisa ang lahat ng mga manggagawa sa rehiyon ng Timog Katagalugan sa pagsuporta sa pakikibaka ng mga manggagawa sa HCPI at sa iba pang mga mangagawa na nakakaranas ng panunupil ng estado sa kanilang mga demokratikong karapatan para sa pagtatayo ng unyon, para sa kahilingan sa nakabubuhay na sahod, paglaban sa kontraktwalisasyon at para sa regular na trabaho at mahusay na kundisyon sa paggawa. Higit kailanman kailangan ngayon ang matatag na pagkakaisa ng lahat upang hadlangan, biguin at ipagtanggol ang hanay mula sa matinding atake ng kapital at ng pasistang estado sa mga militante, tunay, palaban at makabayang unyon. ###

Pahayag ng pakikiisa sa mga manggagawa ng Honda Cars Philippines Inc.