Paigtingin ang paglaban ng mamamayang Pilipino sa dayuhang pagmimina
Ipinapaabot ng masang CamNorteño ang pakikidalamhati sa mga pamilya ng halos isang daang biktima na nasawi sa pagguho ng lupa sa Masara, Maco, Davao de Oro noong Pebrero 6. Gayun din, kaisa ng mamamayan ng Davao de Oro ang mamamayan ng Camarines Norte na mariing tumutuligsa at direktang kumukundena sa kumpanya ng Apex Mining Corporation na pag-aari ng isa sa pinakadambuhalang burgesya kumprador na sinusuhan ng Rehimeng US-Marcos Jr noong nakaraang eleksyon.
Dapat sisihin at ituon ang galit ng mamamayang Pilipino sa reaksyunaryong gubyerno ni Marcos Jr dahil sa pagiging iresponsable at kapabayaan nito na bigyang proteksyon ang kabuhayan ng bawat pamilyang Pilipino. Sa halip ay ang pagpapaubaya sa mga pribado at dayuhang kumpanya na gahasain ang likas na yaman ng bansa at sa pinakamasahol ay ang kawalan nito ng pakialam sa seguridad at kaligtasan ng mga manggagawang Pilipino na nagtatrabaho sa kumpanya.
Hindi malayong mangyari rin sa mamamayan ng Camarines Norte ang nangyari sa Davao de Oro sa sandaling makapasok ang mga dayuhang pagmimina sa prubinsya katulad ng Mt. Labo Exploration and Development Corporation (MLEDC).
Kaya dapat puspusang tutulan at labanan ng masang CamNorteño at ng buong sambayanang Pilipino ang Cha-Cha na ilang beses ng tinangkang isulong ng mga nakaupo sa reaksyunaryong estado katulad ng kasalukuyang administrasyon ni Marcos Jr. Layunin ng Cha-Cha na alisin ang limitasyon sa dayuhang pamumuhunan at pag-aari ng lupa, posibilidad na pagpapalawig ng panunungkulan ng presidente at iba pang opisyal ng reaksyunaryong gobyerno at tuwirang busalan ang pagiging “demokratikong” bansa ng Pilipinas. Higit sa lahat tuwirang aalisin ng Cha-Cha ang kakayahan ng Pilipinas na paunlarin ang sarili nitong industriya at paunlarin ang sariling produksyon sa agrikultura.
Tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon ang tunay na lulutas sa ugat ng kahirapan ng milyun-milyong Pilipino! Dapat itakwil at palayasin ang dayuhang pamumuhunan na pumipinsala at sumisira sa kabuhayan at kinabukasan ng bawat Pilipino.
Tutulan ang Cha-Cha, isulong ang rebolusyon!
Ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa!
Isulong hanggang sa ganap na tagumpay ang Demokratikong Rebolusyong Bayan!