Pakikiramay at pakikiisa sa mga biktima ng baha at pagguho ng lupa

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ipinararating ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang pakikiramay at pakikiisa nito sa milyun-milyong mamamayan sa National Capital Region, gayundin sa Batangas, Mindoro, Bulacan, Pampanga at iba pang prubinsya sa malaking bahagi ng Luzon, na ang mga tahanan at komunidad ay binaha bunga ng ilang araw na malakas na pag-ulan at pag-apaw ng mga ilog kasunod ng Bagyong Carina at habagat.

Nananawagan ang Partido sa lahat ng kasapi nito at sa mga rebolusyonaryong pwersa na gawin ang lahat ng makakaya upang mangulekta ng pagkain, tubig at iba pang pangangailangan upang matulungan ang mga tao na makaraos sa kalamidad. Dapat nilang pakilusin ang kanilang hanay at mga volunteer upang tuwirang dalhin ang mga ito sa mga biktima ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa. Mayroong mga sangay at myembro ng Partido na nakatira sa mga komunidad na ito na handang makipag-ugnayan sa gawaing relief at rehabilitation. Muling ipinakikita ng gubyernong Marcos ang kawalan nito ng kakayahan na mabilis at epektibong tumugon sa isang malaking sakuna.

Dapat panagutin ng sambayanang Pilipino si Marcos at ang gubyerno ng Pilipinas sa patuloy na kabiguan ng tinatawag nitong mga proyektong pangkontrol sa baha. Ang mga ito ay matagal nang batbat ng katiwalian ng malalaking burukrata, kakutsaba ang malalaking kroni sa negosyo. Daan-daang bilyong piso ang winaldas. Dapat ding panagutin ang rehimeng Marcos sa walang pakundangang mga reklamasyon ng lupa at iba pang proyektong pang-imprastraktura, na nagpalala sa pagbaha sa mga pangunahing lungsod. Mas masahol pa, pinahintulutan nito ang pagmimina at pagtotroso na patuloy na sumisira sa kapaligiran, partikular sa mga kritikal na lugar sa kabundukan ng Sierra Madre, na humahantong sa pagkawasak ng mga kagubatan at pagkabanlik ng mga ilog.

Ang pinakahuling kalamidad na ito ay lalong nagpapalala sa malubhang kalagayan ng pamumuhay ng mga tao sa harap ng pagsirit ng presyo ng pagkain, yutilidad at serbisyo. Dapat igiit ng mamamayan ang kumpensasyon sa gubyernong Marcos para sa mga pinsalang bunga ng kapalpakan nito at mga patakarang kontra-mamamayan, gayundin, dapat nilang ipursige ang kanilang pakikibaka para ibaba ang presyo, itaas ang sahod at sweldo at iba pang kagyat na kahingiang panlipunan at pang-ekonomya.

Pakikiramay at pakikiisa sa mga biktima ng baha at pagguho ng lupa