Pahayag

Pamunuan ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan laban sa Imperyalismo, Pyudalismo at Pasismo!

,

Download here: PDF | EPUB

Sa Ika-52 Anibersaryo ng muling-tatag na Partido Komunista ng Pilipinas, nagdiriwang ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino sa mga tagumpay at pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa bansa. Binabati ng Partido sa Timog Katagalugan ang lahat ng rebolusyonaryo at masa sa buong kapuluan sa kanilang nakamit na mga tagumpay sa paglaban sa paghahari ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo sa Pilipinas.

Mataas na nagpupugay ang Partido sa rehiyon sa mga kadre at kasapi ng Partido, sa mga kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan at sa rebolusyonaryong masa sa kanayunan at kalunsuran sampu ng mga bayani at martir ng rebolusyon dahil sa kanilang kagitingan at determinasyong isulong at ipagwagi ang demokratikong rebolusyon ng bayan sa Pilipinas. Nagpupugay din ang Partido sa lahat ng detenidong pulitikal na patuloy na nakikibaka para sa kanilang mga karapatan at paglaya sa likod ng mga rehas na bakal. Ang kanilang di-magagaping diwa ay hindi kailan man maaaring supilin at hadlangan ng anumang bilangguan.

Iginagawad ng KRTK ang pinakamataas na pagpupugay kina Kasamang Julius Giron, Fidel V. Agcaoili, Randall Echanis, Eugenia Magpantay at Agaton Topacio—mga huwaran at matatapat na lider ng Partido na walang pag-iimbot na iniukol ang kanilang buhay para sa mithiin ng pambansang demokrasya at sosyalismo. Si Kasamang Randall ay nagsilbi bilang konsultant ng NDFP sa peacetalks sa pagitan ng NDFP at gubyerno ng Pilipinas. Naging susi ang kanyang papel sa pagbalangkas ng mga mahahalagang probisyon sa Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms o CASER laluna sa bahagi ng Agrarian and Rural Development. Ginamit niya ang kanyang matagal na karanasan sa paglilingkod sa masang magsasaka upang maitaguyod ang kanilang interes at kapakanan sa nagaganap na usapang pangkapayapaan. Siya ang tumatayong tagapangulo ng Anakpawis Partylist nang siya ay walang-awang paslangin sa edad na 72 ng mga buhong na berdugo ng estado.

Si Kasamang Eugenia Magpantay ay naglingkod bago magretiro bilang kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap at Kawanihang Pampulitika ng Komite Sentral. Gumampan siya ng mahalagang papel sa paghahanda sa Ikalawang Kongreso ng Partido at nahalal siya bilang Pangkalahatang Kalihim ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Ikalawang Kongreso. Pinakamataas na parangal din ang ibinibigay ng Partido sa rehiyon sa asawa niyang si Kasamang Agaton Topacio, kagawad ng Komite Sentral bago nagretiro. Sila ay kapwa mga NDFP Consultant sa peace talks at protektado ng JASIG subali’t brutal at pataksil na pinaslang ng mga pasista at mersenaryong tauhan ng rehimeng Duterte sa kabila ng kanilang katandaang gulang na 69 taon, mahihina’t sakitin at matahimik nang namumuhay bilang mga retiradong rebolusyonaryo.

Nagpupugay din ang Partido sa rehiyon sa mga rebolusyonaryong martir sa Timog Katagalugan—kina Kasamang Bonifacio Magramo at Mario Caraig, kapwa kagawad ng Komiteng Tagapagpanap ng KRTK, Andrea Rosal, Dioscorro Cello, Noli Ciasico, Lorelyn Saligumba, Rona Jane Manalo, at Dario Almonte at lahat ng iba pang mga kasama at masang nag-alay ng kanilang dakilang buhay para sa pagtatagumpay ng rebolusyon.

Laging tatanawin ng Partido ang kanilang kabayanihan at walang kawangis na ulirang paglilingkod sa masa at rebolusyon na permanenteng maitatala sa kasaysayan ng rebolusyonaryong kilusan at paglaban ng mamamayan.

Higit sa anumang panahon, napakapaborable at hinog na hinog ang kalagayan sa pagrerebolusyon sa Pilipinas. Ang mga obhetibong salik para sa rebolusyon ay araw-araw na nililikha ng kronikong krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan sa Pilipinas at ng pangkalahatang krisis ng monopolyo-kapitalismo sa daigdig. Sa harap ng pandemyang Covid-19 na sumalanta sa mga ekonomya kapwa sa maunlad na mga bansang kapitalista, bagong nag-iindustrialisang mga bansa at atrasadong mga bayan, lalong nalantad ang kainutilan ng neoliberal na modelo nang “walang hanggang paglawak ng kapitalistang produksyon” gayundin ng pagiging bangkarote ng sistemang malakolonyal at malapyudal sa Pilipinas.

Ang mga kundisyong ito na nag-aanak ng kahirapan at labis na paghihikahos ng masang anakpawis at iba pang inaapi’t pinagsasamantalahang uri sa lipunan ay itinutulak na kumapit sa patalim, makibaka, maglunsad ng mga pangmasang aksyon at armadong paglaban para isulong ang kanilang interes at karapatan sa sariling pagpapasya sa ilalim ng mapaniil na sistemang panlipunan.

Sa Pilipinas, isinusulong ng Bagong Hukbong Bayan ang armadong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan na nasa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas—isang demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang hinaharap. Ito’y isang rebolusyon laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo at para sa pagtatatag ng isang demokratiko, malaya at maunlad na lipunan na nakabatay sa pagkakamit ng hustisyang panlipunan para sa pinakamalaking mayorya ng populasyon—sa masang anakpawis ng mga manggagawa’t malamanggagawa, magsasaka at iba pang demokratikong uri’t pwersa sa lipunang Pilipino.

Sa mahigit limang dekada, matagumpay na lumawak at umugat ang rebolusyonaryong adhikain sa masa ng sambayanan sa kanayunan at kalunsuran. Dahil ito sa wastong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas at sa di masusukat na pagpapakasakit ng lahat ng mga proletaryong rebolusyonaryo. Sa masikhay na pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa, naging materyal na pwersa ng rebolusyon ang unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo (MLM) sa Pilipinas. Sa loob ng 52-taon ng buhay at kamatayang pakikibaka ng Partido, nabigyan ng pambansang anyo ang MLM sa Pilipinas na nilipos ng kolektibong karanasan ng nakikibakang mamamayan laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Ngayon, malalim na nakaugat ang simulain ng pambansang demokrasya sa Bagong Hukbong Bayan at sa mga nakatayong pulang kapangyarihang pampulitika at rebolusyonaryong organisasyon ng mamamayan sa kanayunan at sa kilusang lihim ng mga manggagawa, malamanggagawa, kabataan, kababaihan at iba pang demokratikong mga uri at sektor sa kalunsuran. Nasa bag-as at gulugod ng armadong kilusang rebolusyonaryo at kilusang lihim na ito ang Partido para pamunuan, bigyan ng direksyon at malayong tanawin ang hinaharap ng kilusan at pakikibaka ng mamamayan.

Nililikha ng Krisis ng Pandaigdig na Sistemang Kapitalista ang mga Kundisyon sa Rebolusyon

Mabilis na lumulubha ang krisis ng pandaigdig na sistemang kapitalista. Patuloy na umiigting ang lahat ng pangunahing kontradiksyon ng monopolyo-kapitalismo. Ito ay ang kontradiksyon sa pagitan ng paggawa at kapital sa mga imperyalistang bansa, yaong sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at inaaping mga mamamayan at bayan, yaong sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at mga estadong naggigiit ng pambansang kasarinlan at sosyalismo; at yaong sa hanay ng mga imperyalistang kapangyarihan.

Matagal nang binabagabag ang pandaigdig na sistemang kapitalista ng krisis ng labis na produksyon. Nagresulta ito sa pagbagsak ng tantos ng tubò ng mga kapitalistang empresa sa sariling mga bansa. Humina ang produksyong panlipunan, tumumal ang pamilihan at bumagsak ang halaga ng mga kalakal. Inudyukan nito ang higit na paligsahan ng mga monopolyo-kapitalistang rehimen para sa teritoryo, larangan ng pamumuhunan, suplay ng murang hilaw na materyal at murang lakas-paggawa.

Rumurok ang krisis na ito sa mga gerang mapanakop, dalawang digmaang pandaigdig at mga gerang rehiyunal bilang resulta ng kumpetisyon at ribalan ng mga imperyalistang kapangyarihan sa teritoryo, impluensya, rekursong langis, larangan ng pamumuhunan, pamilihan ng labis na produkto, suplay ng murang hilaw na materyal at lakas-paggawa. Nagbunsod ng paulit-ulit na paghahati sa daigdig sa pamamagitan ng mga inter-imperyalistang digmaan at proxy war ang kumpetisyong ito sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan sa layuning palawakin at patigasin ang geopolitikal na kontrol sa saklaw ng kani-kanilang impluensya.

Umiigting ang kontradiksyon sa pagitan ng paggawa at kapital sa loob ng mga imperyalistang bansa at yaong sa hanay ng mga imperyalistang kapangyarihan sa pagsahol ng krisis ng labis na produksyon bilang resulta nang biglang pagbagsak ng kita ng uring manggagawa at panggitnang uri sa loob ng mga imperyalistang bansa at sa kabuuan ng pandaigdig na sistemang kapitalista. Naliligalig ang masang manggagawa at ang lumiliit na panggitnang uri dahil sa kawalan ng trabaho, pagbaba ng kita, mataas na presyo ng mga batayang pangangailangan, paghihigpit ng sinturon at pagsupil sa kanilang mga demokratikong karapatan at sa lumalakas na sobinismo, rasismo at pasismo.

Sa mga imperyalistang kapangyarihan, nagpapaligsahan ang US at China para sa muling paghahati ng mundo. Nagtatayo ang bawat isa ng sari-sariling alyansa sa iba pang imperyalistang kapangyarihan. Nagiging kapakipakinabang ang tradisyunal na alyansa ng US, Europe at Japan sa mga multilateral na ahensya tulad ng IMF, World Bank at WTO at ang NATO at iba pang alyansang militar. Sa kabilang panig, ang China ay may malapit na relasyon sa Russia at pinalawak nila ang kanilang alyansa sa BRICS, Shanghai Cooperation Organization, BRICS Development Bank, ang Belt and Road Initiative at ang Asian Infrastructure Investment Fund.

Iniiwasan ng mga imperyalistang kapangyarihan na tuwirang salakayin ang isa’t isa dahil natatakot silang kapwa mawasak ng gerang nukleyar. Kaya naglulunsad sila ng mga proxy war kahit na tuwirang naglulunsad ng gerang agresyon ang US sa mga di maunlad na bansa sa Asia, Africa at Latin America. Napaunlad nila ang neokolonyal na pamamaraan para ipasa ang krisis sa mga atrasadong bansa habang kasabay na pinipiga ng supertubo ang sariling mga mamamayan sa ilalim ng mga patakaran ng neoliberal na rehimen. Kahit na nagsisikap silang muling hatiin ang mundo, hindi pa umaabot ito sa pagsasalakayan para magdagdag at mapalawak ang pinagkukunan nila ng murang paggawa at hilaw na materyal, pamilihan, larangan ng pamumuhunan at impluensya.

Sa mga atrasadong bansa, pinakakawalan ng imperyalismong US at mga papet na rehimen ang pinakamasahol na anyo ng pananalakay at terorismo ng estado laban sa mamamayan upang ipagpatuloy ang neoliberal na patakaran nang walang hanggang kasakiman. Sapul sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig(WW II) ang inilunsad na mga gera at kampanya ng lagim ng US ay nagresulta sa 20 hanggang 30 milyon namatay sa Korea, Indochina, Indonesia, Afghanistan, Iraq, Libya, Syria at sa marami pang bansa.

Katambal ng neoliberalismo, ipinatupad ng imperyalismong US ang konserbatibong patakaran upang gamitin ang buong pwersa ng karahasan at pagbabanta para panatilihin ang hegemonyang kontrol sa daigdig sa ika-21 siglo.

Subalit, sa bawat pagputok ng krisis ng imperyalismo ay nalilikha ang mga paborableng kundisyon sa rebolusyon at pagsulong ng mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya sa mga kolonya at malakolonya ng mga monopolyo-kapitalistang rehimen.

Ang Malaking Depresyon ng dekada 1930 ay humantong sa WW II na sa saligan, isang gerang inter-imperyalista kung saan naobligang ipaloob ng Allied Powers ang Unyong Sobyet sa alyansa upang talunin ang Axis Powers. Bilang resulta, sangkatlo ng sangkatauhan ang sumailalim sa pamamahala ng mga sosyalistang estado at lumaganap ang mga pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya sa Asia, Africa at Latin America.

Ngunit kaalinsabay nito, naging pinakamalakas na imperyalistang kapangyarihan ang US. Nakinabang nang husto ang US sa pagkawasak ng ekonomya ng iba pang imperyalistang kapangyarihan upang maipataw ang kanyang hegemonya sa buong daigdig. Noong 1947, iprinoklama ng US ang Cold War sa likod ng anti-komunistang bandila para pigilan ang pag-usbong ng sosyalismo at mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya. Inihain nitong solusyon ang neokolonyalismo bilang alternatibo sa proseso ng pambansang pagpapalaya mula sa kolonyalismo at imperyalismo.

Sa maikling panahon, nakabawi ang Unyong Sobyet mula sa pinsala at pagkamatay ng mahigit 25 milyong mamamayang Sobyet at sa pagkawasak ng 85 porsyento ng industrial na kapasidad nito dahil sa pananalakay ng Nazi Germany. Muling ibinangon ng Unyong Sobyet ang produksyon sa walang kapantay na saklaw at nakahabol sa US sa pagpapaunlad ng teknolohiyang nukleyar upang ilagay ang huli sa patas na kakayahang nukleyar.

Hindi nilutas ng WW II ang krisis ng monopolyo-kapitalismo sa daigdig. Inilantad lamang nito ang bulnerabilidad at pagiging likas ng krisis sa kapitalistang sistema.

Ang saklaw ng malawakang pagkawasak sa mga pwersa sa produksyon na ginawa ng WW II ay nagsadlak sa mas malalim na krisis ng pandaigdig na sistemang kapitalista. Upang simulan ang rekonstruksyon ng mga ekonomyang winasak ng digmaan, nagtipon sa Bretton Woods sa Estados Unidos ang 730 delegado ng 44 magkakaalyadong bansa sa pagtatapos ng digmaan noong 1944 upang itatag ang isang bagong pandaigdig na pinansyal na kaayusan. Tinawag itong Bretton Woods Conference na layuning magkaroon ng istabilidad ang internasyunal na sistema ng pananalapi at tulungan ang mga bansang winasak ng digmaan na mabilis na makabangon.

Sa nasabing kumperensya, pinalitan ng dolyar ang ginto bilang istandard sa palitan at bayaran. Naging representatibo ng halaga ng ginto ang dolyar ng US kung saan ipinirme sa USD35 ang katumbas na halaga ng isang onsang ginto sa tantos sa palitan, at sa kahalintulad na paraan, itinali sa dolyar ng US ang halaga ng iba pang salapi sa upisyal na palitan. Sa sistemang ito na tinawag na sistemang Bretton Woods, ang dolyar at iba pang salapi ay maaaring ikumbert sa ginto bilang sukatan ng halaga sa palitan. Dahil pag-aari ng US ang mahigit kalahati ng reserbang ginto sa daigdig na katumbas ng 574 milyong onsa sa pagtatapos ng WW II, inakala na ligtas at matatag ang sistemang ito. Ibig sabihin, ang dolyar ng US ay kasinghusay at kapareho din lang ng ginto bilang imbakan ng halaga (storage of value).

Samantala, nagpatuloy ang pagsulong ng mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya na humugot ng inspirasyon sa tagumpay ng Dakilang Rebolusyong Oktubre ng 1917 sa Russia sa pamumuno ni Lenin at sa Rebolusyong Tsino noong 1949 sa ilalim ni Mao Zedong. Magiting na nilabanan ng mamamayang Koreano ang pananalakay ng imperyalismong US tungo sa isang pagkakapatas noong 1953. Dinagukan naman ng matinding pagkatalo ng mamamayang Byetnames ang imperyalismong US noong 1975. Noong 1961, kumalas ang mamamayang Cubano sa saklaw ng impluensya ng US at naging inspirasyon ng mga sambayanan ng Latin Amerika na labanan ang imperyalismong US. Samantala, nagwakas ang rehimeng apartheid sa South Africa sa katapusan ng dekada 1990.

Sa harap ng panibagong pag-igting ng krisis ng imperyalismo, unilateral na idineklara noong Agosto 1971 ni Richard Nixon, presidente ng US noon, na hindi na maaaring ikumbert ang dolyar ng US sa ginto. Tinawag ang serye ng pang-ekonomyang hakbang na ito bilang Nixon Shock. Ang dating sistemang Bretton Woods ay pinalitan ng madaling magbago-bagong halaga ng dolyar sa palitan (freely floating fiat currency).

Ibinunsod ang ganitong serye ng mga hakbangin sa pagbagsak ng bahagi ng US sa nalilikhang produkto sa daigdig mula 35 porsyento tungong 27 porsyento matapos makabangon ang Germany at Japan mula sa pinsala ng digmaan sa pagitan ng 1950-1969. Higit pa, dagdag na naging salik ang negatibong balanse sa bayaran at lumalaking pampublikong pagkakautang ng US dahil sa gerang agresyon nito sa Vietnam at ang implasyon ng dolyar noong dekada 1960. Sa panahong iyon (1971), ang tantos ng kawalang trabaho sa US ay umabot na sa 6.1 porsyento at ang tantos ng implasyon ay 5.84 porsyento.

Dahil wala nang pinagbabatayang depinidong halaga sa ginto ang dolyar ng US tulad ng iba pang salapi na nakatali sa dolyar ang palitan, maaari nang mag-imprenta kung gaano karaming salapi na nakikitang kailangan. Kung tutuusin, ang isang walang kwentang salaping papel ay salaping ipinataw ng gubyerno sa lipunan (fiat currency)—isang bagay na walang halaga tungo sa isang bagay na nagkaroon ng halaga dahil sa isang pampulitikang dekreto.

Pinakawalan ng Nixon Shock ang malakihang ispekulasyon laban sa dolyar. Iniluwal nito ang pagiging di istable’t di maaasahan ng floating currencies at ibayong paglubha ng krisis ng kapitalismo na humantong sa istagplasyon ng dekada 1970. Lumikha ito ng kawalang kaseguruhan sa pandaigdig na kalakalan at pamumuhunan.

Hinawan ng Nixon Shock ang isang bagong sistemang pinansyal at pananalapi na nagbukas ng pinto sa papataas na pinansyalisasyon ng sistemang kapitalista at ispekulasyon sa pamilihan ng sapi (stocks). Ang pagsabog ng mga ekonomikong bulâ at mga nangyaring krisis pinansyal ay resulta nang walang rendang ispekulasyon at labis-labis na pag-abuso sa mga instrumentong pinansyal kung saan ang yamang nalilikha sa mga pinansyal na transaksyon ay malayong-malayo na ang agwat sa katumbas nitong halaga ng mga nalilikhang yaman sa larangan ng produksyong panlipunan. Lumilikha ito ng artipisyal na yaman o bulâ na nakabatay sa ispekulasyon at ilusyon ng pangakong kasaganaan sa gitna ng malaganap na kahirapan at kagutuman ng marami.

Ang pandaigdig na krisis pinansyal ng 2007 at 2008 ang pinakamalubhang krisis sa pinansya sapul ng Malaking Depresyon ng dekada 1930. Iniluwal ito ng akumulasyon at mataas na tantos ng hindi makabayad ng mga umutang sa banko para sa pagbili ng bahay. Humantong ito sa mabilis na pagbagsak ng halaga ng mga pinansyal na instrumento at ang pagkalugi ng mga banko na namuhunan nang malaki sa mga ari-ariang ito. Sa kabila ng mga pagsisikap ng monopolyo-kapitalistang estado na sagipin sa pagkalugi ang mga dambuhalang banko para sawatain ang pagbagsak ng pandaigdig na sistemang pinansyal, ang krisis ay nasundan pa ng Malaking Resesyon at krisis sa pautang sa mga bansang kabilang sa European Union o EU.

Bago pa ng panahong ito, nadagdag sa kumikitid na mundo ng pandaigdig na sistemang kapitalismo ang modernong rebisyunismo at sosyal-imperyalismong Sobyet pagkamatay ni Stalin noong 1953. Matapos magkudeta si Krushchov noong 1956, dinistrungka niya ang sosyalistang estado at ekonomyang Sobyet. Ipinagpatuloy naman ni Breznev ang higit na pagpapatatag ng monopolyo-burukratang kapitalismo at itinaguyod ang sosyal-imperyalismo.

Samantala, magiting na ipinagtanggol at isinulong ni Mao ang pandaigdig na proletaryong rebolusyon laban sa modernong rebisyunismo at sosyal-imperyalismong Sobyet mula sa pagsisimula ng pang-ideolohiyang debate at paghihiwalay ng landas ng China at Unyong Sobyet noong 1959 hanggang sa Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura mula 1966-1976. Subalit, di nagtagal matapos pumanaw si Mao noong 1976, isinagawa ni Deng Ziaoping ang isang kontra-rebolusyanaryong kudeta laban sa mga proletaryong rebolusyonaryong Tsino at sosyalistang estado ng uring manggagawa. Ipinatupad ni Deng ang mga kapitalistang reporma at pagpapaloob sa China sa pandaigdig na sistemang kapitalista.

Noong Disyembre 1991, bumagsak ang Unyong Sobyet at nalusaw ang mga rebisyunistang rehimen sa Eastern Europe na nasa saklaw ng impluensya ng una. Nakontrol ng burgesya ang lahat ng mga bansa sa blokeng Sobyet. Naging nagsosolong superpower ang imperyalismong US at pinunuan nito ang naiwang pugwang ng sosyal-imperyalismong Sobyet sa Eastern Europe, Central Asia, Middle East at Africa. Iprinoklama ng imperyalismong US ang pagkamatay ng sosyalismo at ang katapusan ng kasaysayan kaalinsabay nang walang hanggang pag-iral ng kapitalismo at liberal na demokrasya.

Sa pagiging solong superpower, nasa pusisyon ang US na ipataw sa mundo ang patakaran ng neoliberal na globalisasyon at mga gerang agresyon sa Middle East (sa Iraq, Libya at Syria), sa Central Asia (Afghanistan) at sa mga bansang kanugnog o kadikit ng Russia (dating Yugoslavia, Georgia at Ukraine). Pinasaklaw nito ang NATO sa hangganan ng Russia at para sa pananalakay sa Central Asia. Labis na magastos ang mga gerang ito at pinalubha lamang ang problema na naging sanhi ng estratehikong paghina ng US mula kalagitnaan ng dekada 1970.

Sapul nang maging nagsosolong superpower, gumasta ang US ng ilang trilyon para ilunsad ang walang katapusang gerang agresyon na mabilis na nagpalobo sa publikong utang nito. Subalit di nagresulta ang pagpapalawak na ito ng estableng pang-ekonomyang teritoryo ng US upang lutasin ang krisis ng labis na produksyon. Bilang resulta, pinahina mismo ng US ang sarili sa pagpapalakas ng produksyon para sa gera, pagtatayo ng daan-daang base militar sa ibayong-dagat at paglulunsad ng mga gerang agresyon habang inaayudahan ang rekonstruksyon ng mga kapitalistang bansang winasak ng WW II. Ibayong lumubha ang krisis ng labis na produksyon. Bilang resulta, tinamaan ang US ng istagplasyon sa kalagitnaan ng dekada 1970.

Upang lutasin ang problema sa istagplasyon, ipinatupad ng US ang neoliberalismo at pinasigla ang military-industrial complex para palakasin ang sandatahang lakas ng US at pagbentahan ng armas ang mga bansang oil-producing. Subalit di rin nilutas ng neoliberalismo ang krisis ng labis na produksyon at labis-labis na paggastang militar bilang ugat ng istagplasyon.

Dahil sa pangangailangang patuloy na palawakin ang sariling pamilihan bunga ng lumalala at nagpapaulit-ulit na krisis ng labis na produksyon, ginawa nitong pangunahing partner ang China sa neoliberal na globalisasyon at ipinaubaya dito ang paglilipat ng mababang teknolohiya para sa manupaktura ng mga produktong pangkonsumo at ang malalaking pamilihan ng mga konsyumer sa US. Sa ganito, makapaglalaan ang US ng diin sa produksyon para sa gera, pinansyalisasyon ng ekonomya at tuwirang pamumuhunan sa China.

Sa pag-integra sa China sa pandaigdig na sistemang kapitalista, ipinagpalagay ng US na makikinabang ito nang malaki sa dambuhalang pamilihan ng China. Sa halip, di sinasadya ng US na palalain pa lalo ang krisis ng labis na produksyon at tulungan ang paglakas ng China bilang bagong karibal na kapangyarihan. Sa kabilang banda, pinahina nito ang sariling manupaktura para sa konsumo at pagkawala ng trabaho ng milyon-milyong manggagawang Amerikano. Lumaki ang kita at sarplas ng China sa eksport habang dumanas ng pagkalugi ang US sa kalakalan. Mula sa pinakamalaking nagpapautang sa daigdig, naging pinakamalaking mangungutang ang US sa pagtatapos ng dekada 1980.

Pinahihirapan ang imperyalismong US ng sariling tigíl na ekonomya, paghina sa kumpetisyon ng mga produktong US, labis na gastos sa mga baseng militar ng US sa ibayong-dagat, walang katapusang gerang agresyon at mabilis na pagsirit ng pampublikong utang. Umabot sa di kukulanging USD 6 trilyon ang gastos sa mga gerang agresyong ito.

Naging pangunahing kakumpitensya at karibal naman ng US ang China sa ekonomya at pulitika. Ambisyosong ipinatupad ng China ang Belt and Road Initiative para makawala sa padron ng pandaigdig na kalakalang pandagat na itinatag noong ika-16 na siglo ng mga dating kolonyal na kapangyarihan sa Kanluran. Kaalinsabay, nais nitong dominahin ang rutang pandagat ng Indo-Pasipiko. Subalit seryoso ang problema ng China sa ekonomya mula sa gabundok nang di mabayarang pagkakautang ng mga lokal na gubyerno at korporasyon, ang mataas na resyo ng pampublikong utang sa GDP at ang mabigat na mga kasunduan sa mga dayuhang pautang ng China na bulnerableng di mabayaran.

Sinuhayan ng neoliberal na patakaran ang maling palagay ng US na maaari nitong pabilisin ang walang hanggang sentralisasyon at akumulasyon ng kapital sa kamay ng mga monopolyong burgesya para diumano lumikha ng maraming trabaho ngunit sa totoo’y para gamitin lamang sa kanyang kapakinabangan ang pagbabawas ng buwis, pagpako sa sahod, pagbawas ng panlipunang benipisyo, pribatisasyon ng mapagkikitaan na mga pag-aaring pampubliko, anti-sosyal at kontra-kapaligirang deregulasyon at denasyunalisasyon ng mga ekonomya ng mga kliyenteng estado. Subalit, sa pagpapababa ng kita ng mga nagtatrabaho’t nagkokonsumong publiko, pinakikitid lalo ang lokal na pamilihan at higit na pinalulubha ang krisis ng labis ng produksyon.

Isa pang pamamaraan ng neoliberal na patakaran ay ang manipulasyon ng suplay ng salapi at tantos ng interes para pigilan ang implasyon o istagplasyon pabor lagi sa monopolyo-burgesya sa pamamagitan ng pagpapalawak ng utang pampubliko at pagsadlak sa uring manggagawa sa higit na paghihigpit ng sinturon at pagbawas sa tunay na halaga ng sahod. Kaalinsabay, ipinapatupad ang mga hakbanging ligal at pulitikal para atakehin ang seguridad sa trabaho at supilin ang pag-uunyon at iba pang demokratikong karapatan.

Sinasalamin ng krisis ng labis na produksyon ang walang pagkalutas ng kontradiksyon sa kapitalistang lipunan at sistema ng produksyon. Higit na nagiging mapaminsala at mapanibasib ang krisis na ito sa mga pwersa sa produksyon sa yugto ng monopolyo-kapitalismo kung saan ibayong nagiging malaganap ang karalitaan, kagutuman at paulit-ulit na pagkawasak ng kabuhayan ng malaking mayorya ng populasyon ng mundo habang sa kabilang dulo, nagpapasasà ang maliit na minorya sa karangyaan at natipong yaman na nagmula sa pagpiga sa produktibong paggawa ng masang manggagawa at anakpawis.

Sa kasalukuyan, ang isang porsyento ng pinakamayayaman sa mundo ay nag-aari nang katumbas sa mahigit dalawang ulit ng inaaring yaman ng 6.9 bilyong mamamayan. Ang mga bilyonaryo sa mundo ay higit ang pag-aaring yaman sa 4.6 bilyong katao na bumubuo sa 60 porsyento ng populasyon sa mundo. Samantala, mahigit kalahati ng sangkatauhan ay nabubuhay sa kulang sa USD 5.50 bawat araw. Isa sa bawat lima ng 258 milyong bata ang pinagkakaitang makapag-aral. Salaminan ito kung paano lumalaki nang lumalaki taon-taon ang agwat ng mga mahihirap at mayayaman sa kabila ng malalaking pagsulong sa syensya at paglawak ng produksyong panlipunan.

Ang kapitalistang lipunan ay lintang nabubuhay sa dugo’t pawis ng masang nagtatrabaho—isang parasitikong lipunan na patuloy na nirereprodyus ang kahirapan at grabeng paghihikahos sa hanay ng masang nagtatrabaho’t pinagsasamantalahan.

Ang mapagsamantala at mapang-aping kundisyong ito ang pumupukaw sa mamamayan na maglunsad ng rebolusyonaryong paglaban. Kahit naging pinakamalakas na imperyalistang kapangyarihan ang US, hindi nito napigilan ang proseso ng dekolonisasyon sa mga kolonya at malakolonya. Patuloy na nagpupunyagi ang mga proletaryado at mamamayan sa matagalang digmang bayan sa Pilipinas, India, Kurdistan, Turkey, Palestine, Peru, Columbia at sa iba pang mga lugar.

May mga gubyerno tulad ng Democratic People’s Republic of Korea, Cuba, Vietnam, Venezuela at Syria na naggigiit ng pambansang kasarinlan at sosyalistang mithiin. Sinusuportahan sila ng kanilang mamamayan sa paglaban sa imperyalismong US.

Sa kabilang banda, lumalawak at lumalakas ang mga ga-higanteng anti-imperyalistang kilusang protesta kapwa sa mga di maunlad at maunlad na mga bansa mula pa ng nagdaang taon bilang resulta ng bangkarote at malubhang krisis ng pandaigdig na sistemang kapitalista at ng mga lokal na naghaharing sistema. Ipinapakita nito na hindi na makapaghari sa dating paraan ang mga imperyalistang kapangyarihan at mga kliyenteng estado. Nangangahulugan ito ng pagtransisyon sa walang kapantay na anti-imperyalistang pakikibaka sa buong mundo at ang muling pagbangon ng pandaigdig na proletaryong rebolusyon mula sa naging mayor na pag-atras nito sapul 1976.

Ang malalaki, sustenido at nagpapatuloy na mga protestang masa sa maraming bansa sa Europe, North America, Latin America, Asia at Africa ay naglalantad sa malalim na pagkamuhi ng mamamayan sa dinaranas nilang masahol na pang-aapi at pagsasamantala. Lumalaban ang uring manggagawa at mamamayan ng daigdig. Ang malawak na masa ng sambayanan ay nag-aaklas laban sa pinakamasahol na anyo ng imperyalistang pang-aapi at pagsasamantala tulad ng neoliberalismo, paghihigpit-ng-sinturon, diskriminasyon, pang-aapi sa mga katutubong mamamayan, pasismo, gerang agresyon at pagwasak sa kapaligiran.

Sa India, 250 milyong magsasaka at manggagawa ang nagmartsa sa pambansang kabisera at iba’t ibang bahagi ng bansa upang tutulan ang neoliberal na mga patakaran sa agrikultura ng pasista at maka-imperyalistang rehimeng Modi. Sa US, lumawak ang makapangyarihang kilusang Black Lives Matter sa gitna ng palpak na tugon ni Trump sa pandemya at pasista’t rasistang hakbang kung saan umabot sa 26 milyon ang lumahok sa mahigit 7,000 mga pagkilos nitong Oktubre lamang.

Sa Indonesia, daanlibong manggagawa ang naglunsad ng 3-araw na pambansang welga sa 60 lugar laban sa pagtanggal sa mga benipisyo ng mga manggagawa at pagbibigay-daan sa kontraktwalisasyon. Sa Thailand, umabot sa 100,000 ang nagprotesta sa lansangan para alisin ang absolutong kapangyarihan ng monarkiya. Sa Hong Kong, nagtuloy-tuloy ang protesta ng daanlibo din laban sa batas sa ekstradisyon na itinutulak ng China. Sa Israel at Lebanon, puo-puong libo ang nagrali laban sa bigong tugon ng kani-kanilang gubyerno sa pandemya, pagbagsak ng ekonomya sanhi ng lockdown at korapsyon.

Nitong Nobyembre, 50,000 ang nagdemonstrasyon sa France laban sa brutalidad ng pulis at rasismo at pagtuligsa sa mapanupil na security bill ni Macron na nagbabawal sa pagkuha ng litrato at bidyo sa mga pulis at pagpapaigting ng paniniktik sa mamamayan. Nagpatuloy ang mga protesta kahit iniurong na ni Macron ang mapaniil na security bill.

Mula pa Marso, naganap ang serye ng mga pagkilos ng mga maralita sa Brazil, Mexico, Colombia, Guatemala at Chile para sa ayuda, badyet sa mga serbisyong panlipunan at dagdag na suporta sa mga manggagawang pangkalusugan. Pinakamalaki ang naganap na martsa sa Chile na nilahukan ng 120,000 nagpoprotesta para sa karapatan ng kababaihan at pagkondena sa pagsirit ng presyo ng pagkain at tubig. Noong Nobyembre 21, libo-libo ang nagprotesta sa Guatemala laban sa pagpasá ng Kongreso sa pambansang badyet na malaking nagkaltas sa badyet para sa kalusugan at edukasyon. Sinunog ng galit na galit na mamamayan ang isang bahagi ng gusali ng Kongreso.

Kung susuriin, ang pinakahuling matarik na pagbulusok ng dati nang sadsad na pandaigdig na sistemang kapitalista ay sinindihan at nataon sa paglaganap ng pandemyang Covid-19. Nagresulta ito sa mga lockdown at iba pang mapanupil na hakbang sa maraming bansa. Nagluwal ito ng malawakang disempleyo ng masang anakpawis at pagtigil ng produksyon. Habang nagtitiis sa kasalatan sa kabuhayan at serbisyong panlipunan, hindi nakatatanggap ang mamamayan ng maaasahang serbisyong medikal dahil pinahina ang sistema ng pampublikong kalusugan ng pagpribatisa ng mga ospital at pagkaganid sa tubo ng mga kumpanyang pharmaceutical.

Bago pa ang pagtama ng Covid-19, araw-araw, 10,000 ang namamatay dahil sa kulang ng akses sa abot-kayang serbisyong pangkalusugan. Bawat taon, 100 milyon katao ang naitutulak sa labis na kahirapan dahil sa napakataas na gastos sa mga serbisyong pangkalusugan. Sa pananalasa ng pandemya, aabot na sa mahigit 79.8 milyon ang nagkasakit ng Covid-19 at mahigit 1.75 milyon na ang namamatay sa buong mundo nitong Disyembre 25.

Ang krisis pang-ekonomya at panlipunan na pinalubha pa ng pandemya, ay mataas ang potensyal na sindihan ang mas malalaki at mas malaganap na mga protestang masa at rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan sa buong mundo. Hitik ang mga kalagayan para sa rebolusyon at muling paglakas ng mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya sa mga kolonya at malakolonya at sosyalismo laban sa imperyalismo at lokal na reaksyon.

Ibayong Pinaiigting ni Duterte ang Krisis sa Lipunang Pilipino at Hinuhukay ang Sariling Libingan

Walang kasing-lubha at patuloy na binabayo ng kronikong krisis ng malapyudalismo at neokolonyalismo ang lipunang Pilipino. Ang krisis na ito ay sumpang nagsadlak sa mamamayang Pilipino sa labis na kahirapan, paghihikahos, kagutuman at pagkaatrasado. Higit na pinasahol ito ng pagragasa ng pandemyang Covid-19 na nagwasak sa kabuhayan ng milyon-milyong Pilipino dahil sa palyadong pagtugon ng rehimeng Duterte at sa malupit na lockdown na ipinatupad ng kanyang gubyerno. Dahil sa lockdown, maraming mga empresa at negosyo ang nagtiklop ng operasyon, daan-daang libong manggagawa ang nawalan ng trabaho, tumigil at naparalisa ang komersyo, milyon-milyong mamamayan ang dumanas ng pagkagutom habang ang gubyerno ay inutil sa paghahatid ng panagip na tulong at serbisyong pangkalusugan sa daan-daang libong nagkakasakit ng Covid-19.1

Habang nagwawaldas ng pera ang gubyerno sa mga proyektong Build, Build, Build at sa gerang supresyon laban sa armadong rebolusyonaryong kilusan, abala naman ang mga ganid na upisyal sa mga ahensya ng gubyernong Duterte at ng AFP/PNP sa pagkurakot at pandarambong sa pondong nakalaan para sa Covid-19 at ayudang pangkabuhayan para sa mamamayan. Ang buong nakapaligid na kampon at bulag na tagasunod ni Duterte na nasa mga ahensyang sibilyan tulad ng DOH, DSWD, DPWH, PCOO at sa militar tulad ng DND, NTF-ELCAC at AFP/PNP ay buong kasakimang nag-aagawan sa madadambong na pondo na nakalaan para sa mamamayang sinasalanta ng pandemya.

Nagpupuyos ang damdamin ng mamamayan sa kriminal na kapabayaan ng rehimeng Duterte at sa sibilyan-miltar na paksyon na nakapaligid kay Duterte. Hanggang ngayon—matapos ang siyam na buwang pananalasa ng pandemya—ay wala pa ring naisasagawang Covid-19 mass testing. Nangangapa sa dilim ang DOH kung saan at paano magsisimula. Inuuwido ng rehimen ang paglaban sa pandemya. Ipinaubaya nito sa mga istupidong retiradong heneral ang task force sa paglaban sa Covid-19 sa halip na sa mga dalubhasang doktor at siyentista na may mataas na pagsasanay at kwalipikasyon sa paglaban sa epedemiko at pampublikong kalusugan. Labis itong umaasa sa militaristang solusyon sa halip na solusyong medikal at syentipiko sa pagsawata sa pandemya. Mas masahol pa, ginagamit ng rehimeng Duterte at ng NTF-ELCAC ang pandemyang Covid-19 upang magpatupad ng malupit na mga pagbabawal at pagkontrol sa populasyon upang ibayong supilin ang demokratikong karapatan sa pamamahayag, pagpaparating ng mga hinaing at pagsusulong ng mga kahilingan para sa kagalingan ng bayan.

Sa mga probinsya ng Timog Katagalugan, inutil ang mga pribado at pampublikong ospital sa pagbibigay ng serbisyo sa maraming pasyenteng nahawa at nagkasakit ng Covid-19. Bulok ang mga pasilidad at sobrang taas kung sumingil ang mga ito ng bayad para sa Covid-19 testing habang mabagal naman ang paghahatid ng serbisyo. Sa mga enklabo at sonang industrial, pinagtatrabaho ang mga manggagawa ng mga kapitalista nang walang ipinatutupad na mekanismo para protektahan silang di mahawaan ng bayrus sa pook-trabaho. Walang pasilidad sa paghihiwalay sa mga nahawa at nagkasakit ng Covid-19, walang hazard pay, hindi sagot ng mga kapitalista ang Covid-19 testing at walang ispesyalisadong klinika para tugunan ang pangangailangang medikal ng mga manggagawa.

Ang krisis ng malapyudalismo at neokolonyalismo ay nakaugat sa atrasadong ekonomya ng bansa na nilulukuban ng imperyalismo—isang ekonomyang nakabatay sa pyudal at atrasadong sistema ng agrikultura at para sa pagluluwas ng hilaw na materyal at mga manupakturang bahagyang prinoseso na nakasandig naman sa importasyon ng mga komponente para sa asembli tulad ng sa electronics at pyesa ng mga sasakyan at makina. Wala itong saligang industria para sa produksyon ng makinarya at kagamitan sa produksyon.

Ang malaking mayorya ng mga magsasaka ay walang sariling lupa at nagtatrabaho bilang mga tenante at manggagawang bukid o kinontratang paggawang-bukid na pakyaw at arawan. Konsentrado at monopolisado sa kamay ng malalaking burgesya-kumprador, panginoong maylupa’t burukrata at mga kasosyong malaking negosyong dayuhan ang pag-aari at operasyon ng malalawak na lupain para sa iba’t ibang gamit na komersyal, industrial, ekoturismo, residensyal, real estate at agrikultural laluna ng mga patanimang plantasyon ng cash crops na pang-eksport. Walang ipinatutupad na tunay na reporma sa lupa kundi mga huwad at pakitang-tao lamang para buhusan ng malamig na tubig ang masang magsasakang nag-aaklas.

Dati nang sadsad ang ekonomya ng Pilipinas bago tumama ang pademya. Subalit dahil sa maling pamamalakad ng rehimeng Duterte, lalo pang lumubha ang sitwasyon. Ang dati nang mataas na tantos ng kawalang trabaho ay higit pang sumirit dahil sa paghinto at pagbagal ng produksyon at manupaktura sa mga enklabo at sonang industrial sa bansa. Nagambala ang daloy ng komersyo dahil sa militaristang lockdown. Nangabulok ang mga produktong agrikultural na hindi madala sa pamilihan sa tamang panahon.

Walang sapat na ayuda at subsidyo ang rehimen sa agrikultura para pasiglahin ang produksyon at ibsan ang kahirapan sa kanayunan. Sa halip, ipinagpatuloy lamang nito ang liberalisasyon sa agrikultura at importasyon ng mga produktong agrikultural sa kapariwaraan ng masang magsasaka at lokal na produksyong agrikultural. Ang pagsasabatas ng Rice Tariffication Law ay ibayong sumira sa produksyon ng lokal na industria ng palay at bigas na dati nang pinahihirapan ng mataas na gastos sa produksyon at bagsak ng presyo ng palay. Iniutos ni Duterte ang muling pagbubukas at pagpapalawak ng operasyon ng dambuhalang pagmimina at mga plantasyon sa bansa para diumano muling buhayin at pasiglahin ang bangkaroteng ekonomya.

Sa kabilang banda, nalantad ang kawalang paghahanda ng bulok at korap na gubyerno nang tumama na ang pandemya. Lalong nahubad ang malaking bulnerabilidad ng sistema ng pampublikong kalusugan sa bangkaroteng pagharap nito sa banta ng pandemya: kawalan ng malayuang plano, kulang na kulang ng suplay ng testing kits at mga personal protective equiptments (PPE’s) para sa mga medical frontliners, kapos na mga imprastrukturang medikal at malaking kakulangan ng medical personnel sa mga pampublikong ospital na pinagtatrabaho sa napakahabang oras kaysa karaniwan nang walang kaukulang kumpensasyon. Kahit ang hazard pay at ayuda sa mga medical frontliners ay iniipit at pinagkakait pa ng gubyerno. Ito na ang resulta ng pagpribatisa ng mga ospital dahil sa ipinatutupad na neoliberal na patakaran sa Pilipinas at ang kakulangan ng opurtunidad sa trabaho na nagtutulak sa maraming nasa medical profession na mangibang bansa para maghanap ng disenteng empleyo.

Kabilang ang Pilipinas sa nangungulelat na bansa sa daigdig sa pagharap at pagkontrol sa Covid-19. Sa ginawang pag-aaral ng The Lancet, isang international medical journal, pang 66 ito sa 91 na mga bansang sinuri sa usapin ng pagsugpo sa Covid-19. Ayon sa Japan Center for Economic Research (JCER), isa ang Pilipinas sa makararanas hindi lamang ng malalim na resesyon ngayong taon kundi ng mas matagal na paghilom ng ekonomyang sinira ng pandemya. Ayon sa JCER, inaasahang iimpis ng 8 porsyento ang GDP ng Pilipinas ngayong taon. Samantala, tinataya naman ng mga ekonomista na dadausdos ang GDP ng Pilipinas sa 8.5 hanggang 9.5 na porsyento ngayong 2020, ang pinakamalaking pagkupis matapos ang WW II. Nasa hanay ng Canada, India, Indonesia at US ang Pilipinas sa matinding tatamaan ng krisis sa medium term. Palulubhain pa ito ng paghina ng remitans mula sa mga OFW na mayor na pinagkikitaan ng reserbang dolyar ng bansa.

Hanggang sa ngayon, walang matinong plano at programa ang gubyerno sa pag-andika ng bakuna para sa maramihang pagbabakuna sa populasyon. Wala itong inilaan na pondo sa pagbili ng bakuna at sa halip ipinauubaya sa pribadong sektor ang pagbili nito. Sa inaprubahang badyet ng gubyerno para sa taong 2021, dinagdagan pa ang badyet ng NTF-ELCAC at militar para sa kanyang kontra-rebolusyonaryong gera habang binawasan pa ang badyet sa edukasyon at kalusugan.

Patuloy na tumataas ang kagutuman sa Pilipinas. Sa SWS survey noong Setyembre, aabot sa sangkatlo (1/3) ng mga pamilyang Pilipino o 7.6 milyong sambahayan ang walang sapat na makakain. Kabilang dito ang 2.2 milyong pamilya na nakararanas ng matinding pagkagutom. Ito na ang pinakamataas sa lahat ng panahon. Patuloy na tumataas ang bilang ng mga pamilyang nagugutom sapul Mayo matapos ipailalim ang bansa sa malupit na lockdown.

Ayon naman sa UN Food and Agriculture Organization, humigit-kumulang sa 59 milyong Pilipino ay nakakaranas ng kawalang seguridad sa pagkain sa pagitan ng 2017-2019. Ito na ang pinakamataas sa Southeast Asia. Bukod sa epekto ng SARS-CoV-2 virus, mas ibayong pinagrabe pa ang kagutuman sa bansa ng mga tumamang bagyo sa nakaraang mga buwan na sumira sa mga pananim at puo-puong libong mga kabahayan.

Ang krisis ng malapyudalismo at neokolonyalismo ay nag-aanak ng pasismo. Umabot na ito sa panibagong katindihan para hindi na makapaghari sa dating paraan ng burges-demokrasyang pagpapanggap ang lokal na mga naghaharing-uri sa Pilipinas—ang malalaking burgesya-kumprador, panginoong maylupa’t burukratang kapitalista. Pinaglalagablab pa ang krisis ng lokal na naghaharing sistema sa Pilipinas ng krisis ng pandaigdig na sistemang kapitalista.

Kasuklam-suklam ang rehimen sa ginagawang panggigipit ng mersernaryong tropa nito sa masang magsasaka at mga katutubong mamamayan tuwing naglulunsad ng mga operasyong militar sa kanayunan. Binabawalan ng mga tropa ng AFP at PNP ang masa na pumunta sa kanilang mga kaingin at sakahan, hinaharang nila ang pagpasok ng pagkain at panagip na ayuda ng mga independyenteng entidad at makataong organisasyon na nagsasagawa ng mga relief operations lalo sa panahon ng pagtama ng mga kalamidad at bagyo. Ganito ang karaniwang nararansan ng mga mamamayang Batangueño nang pumutok ang bulkang Taal at ng mamamayan ng North Quezon, Bondoc Peninsula, Mindoro at Rizal matapos tumama ang magkakasunod na bagyong Quinta, Rolly at Ulysses sa rehiyon.

Naghahasik ang mersenaryong AFP-PNP ng takot sa mga residente tuwing naglulunsad ito ng mga operasyong militar. Ginagawa ng mga pasista ang pagkontrol sa populasyon at suplay ng pagkain. Iniipon ang mga suspetsadong suporter ng kilusan at isinasailalim sa imbestigasyon, pagbabanta at samu’t saring panggigipit at pagpatay. Nagsasagawa sila nang walang habas na pambobomba at walang-piling pamamaril para takutin ang mga taumbaryo at gambalain ang kanilang mapayapang pamumuhay. Sa dulo, sapilitan nilang pinasusuko ang mga sibilyan at ipiniprisinta sa media bilang mga sumukong NPA. Sa ganito, nagagawa ng mga upisyal militar na kurakutin ang pondo sa E-CLIP at tumanggap ng promosyon sa serbisyong militar sa kapariwaraan ng karaniwang mamamayan. Kinokopo din ng mga upisyal ang pabuya sa mga napapaslang at nadadakip nilang personahe ng Partido at NPA na may malaking patong sa ulo.

Nakadeploy sa Timog Katagalugan ang katumbas ng pinagsamang pwersa ng humigit-kumulang sa 28 batalyon ng AFP, PNP at CAFGU na ginagamit sa kontra-rebolusyonaryong gera ni Duterte. Sa saklaw ng mga larangang gerilya ng Mindoro, Quezon, Rizal at Palawan, halang ang kaluluwa ng mersenaryong AFP at PNP sa pagmamalabis at pang-aabuso sa masang magsasaka at katutubo. Nililinlang silang dumalo sa mga pagpupulong para diumano mamigay ng ayuda sa ilalim ng social amelioration program ng rehimen para lamang magulantang sila sa bitag ng pagpapasuko at pagpaparada sa kanila bilang mga sumukong NPA at suporter ng rebolusyonaryong armadong kilusan. Ang mga tumatangging pumirma sa kasulatan ng pagsuko ay binabantaan na kakasuhan at ikukulong.

Samantala, inuudyukan ni Duterte at NTF-ELCAC na lapastanganin ng mga pasista at mersenaryong tropa ang bangkay ng mga NPA na napapaslang sa labanan. Pinagkakaitan din ng militar ng disenteng libing ang mga martir ng rebolusyon. Walang habas ang pagpaslang sa mga hors de combat sa tabing ng gasgas nang kwento na “nanlaban habang isinisilbi sa kailaliman ng gabi ang mandamiento de aresto”. Kinakastigo, pinahihirapan at pinasusuot sa butas ng karayom ng mga pasista at mersenaryo ang mga kapamilya sa paghahanap at pagkuha sa labi ng kanilang mahal sa buhay at ipinagkakait sa kanilang maipagluksa ang mga ito. Ganito ang kanilang ginawa sa labi ng mga nasawi sa labanan na tinaguriang Kalayaan 2 at 3, Palawan 5 at Aguas 4 at sa mga hors de combat tulad sa kaso nina Julius Giron at Dra. Lourdes Tan Torres, Mario Caraig, Randall Echanis, mag-asawang Eugenia Magpantay at Agaton Topacio, at ng kabilang sa Antipolo 3 at reyd sa Baras, Rizal kung saan kasama sa pinaslang ng mga pasista ang 3 sibilyan habang malubhang nasugatan ang isang bata. Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa malinaw na mga paglabag sa CARHRIHL at internasyunal na makataong batas na sumasaklaw sa mga panloob na armadong labanan at gera sibil.

Sa pagpapatindi ng pasismo ng estado lalo lamang lumalalim ang krisis ng naghaharing sistema. Ang kabiguan at pagiging bangkarote ng neoliberal na globalisasyon at lokal na naghaharing sistema sa maraming mga bansa ay nagbigay daan sa pag-akyat sa kapangyarihan ng mga ultra-Kanan at populistang rehimen sa Europe, Asia at kontinenteng America. Ang mga ultra-Kanan at populistang rehimeng ito ay sumakay sa popular na agos at kagustuhan ng mamamayan na repormahin ang depektibong istruktura ng pulitika, ekonomya at lipunan ng kani-kanilang bansa. Sa ganito, umakyat sa kapangyarihan si Trump sa US at si Duterte sa Pilipinas na nangampanya sa likod ng plataporma ng pagbabago para sa nakararami.

Nakuha ni Duterte ang suporta ng mamamayan at nanalo sa eleksyong pampanguluhan noong 2016 sa likod ng pagpapanggap na “Kaliwa” at “sosyalista” at “anti-oligarko”. Sumakay si Duterte sa likod ng popular na sentimiyento laban sa korapsyon, iligal na droga at mga pangako para sa makabuluhang repormang panlipunan. Ganito ipininta ni Duterte ang sarili sa mamamayan bilang unang “Kaliwang presidente”.

Subalit tulad ng mga demagohikong lider at pulitiko, hindi naging matagal ang pagkalantad ni Duterte bilang pasista, korap, kriminal, anti-mamamayan at papet ng imperyalismo. Kaagad na nalantad ang pekeng postura ng “nagsasariling patakarang panlabas” ni Duterte sa harap ng paghamon ng China sa West Philippine Sea. Kahiya-hiya ang pagiging lampa ni Duterte na itaguyod at ipagtanggol ang soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas sa West Philippine Sea alinsunod sa naipanalong kaso ng bansa sa UNCLOS. Tupi at bahag ang buntot ni Duterte sa harap ng pagtatayo ng China ng mga artipisyal na istrukturang militar sa mga bahura sa Spratly Islands at pag-okupa nito sa Scarborough Shoal gayundin ang pagdambong ng China sa patrimonial asset ng bansa na nasa exclusive economic zone ng Pilipinas sa Recto Bank.

Pawang postura din lang ang anti-US na diskurso ni Duterte sa mga internasyunal na porum sa panahon ni Obama. Nang umakyat sa kapangyarihan si Trump, kaagad nagbago ng timpla si Duterte matapos makatanggap ng ayudang militar mula sa US. Kapalit ito ng pangako ni Duterte kay Trump na wawakasan ang “rebelyon” ng CPP-NPA-NDFP bago matapos ang kanyang termino. Sa katunayan, namamangka sa dalawang ilog si Duterte sa pagkuha ng pabor kapwa sa US at China.

Sa pagkaupo pa lamang, inilunsad nya ang madugong gera laban sa iligal na droga na kumitil sa humigit-kumulang sa 30,000 pinaghihinalaang maliliit na adik at tulak ng droga habang nakakapamayagpag nang libre ang mga druglord na malapit sa angkang Duterte. Hindi naglaon, kanyang itinuon ang pekeng kampanyang kontra-iligal na droga sa pagtarget sa mga aktibista’t organisador ng progresibong mga organisasyon sa mga maralitang komunidad.

Nang bumagsak ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP bunga ng malawakang paglabag ng pasistang AFP sa ceasefire, inilunsad ni Duterte ang total war laban sa rebolusyonaryong armadong kilusan pagkaraang ilabas ang sunod-sunod na kautusan na tumatapos sa peace talks at nagtuturing sa CPP-NPA-NDFP bilang mga teroristang organisasyon. Pagkaraan, ipinailalim nito ang buong Mindanao sa Batas Militar at pinakawalan ang malupit at mabagsik na gera laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan sa kanayunan. Tuluyan nang napinid ang pinto at mga pagsisikap para sa paghahanap ng pulitikal na solusyon upang tapusin ang gera sibil sa Pilipinas at makamit ang isang pangmatagalang kapayapaan batay sa katarungan at hustisyang panlipunan.

Kaalinsabay, nagsagawa ito ng gerang henosidyo laban sa mamamayang Bangsamoro sa likod ng bandilang anti-terorismo at ekstremistang Islam. Ipinag-utos ang pagpulbos sa Marawi City, ang sentro ng pananampalatayang Islam sa katimugan ng bansa. Higit kalahating milyong mamamayang Bangsamoro ang naging biktima ng pagkawasak ng tirahan, sapilitang pagpapalikas, nawalan ng hanapbuhay, iligal na pang-aaresto, tortyur, pagkulong, pagmamalupit at pagpatay.

Pinag-iibayo ni Duterte ang kanyang gerang kontra-rebolusyonaryo sa ngalan diumano ng anti-komunismo at anti-terorismo. Binuhusan ng rehimen ng pondo ang militar at pulis para supilin ang lahat ng klase ng oposisyon—nagmumula man ito alinman sa mga progresibo at demokratikong organisasyon ng mamamayan, simpleng mga kritiko o burges na oposisyon at kalaban sa pulitika’t negosyo ng kanyang pamilya’t mga kroni.

Isinabatas ng rehimen ang higit na mabagsik na Anti-Terror Law o Republic Act 11479 upang supilin ang lahat ng klase ng oposisyon sa gubyernong Duterte. Pinormalisa lamang ng batas na ito ang dati nang umiiral na di deklaradong Batas Militar sa bansa at ang paghahari-harian ng sibilyan-militar na junta sa Pilipinas na nasa tuktok at nakakubabaw sa diumanong sibilyang awtoridad. Ang mga anti-komunistang panatiko sa NTF-ELCAC at AFP ang pinakabisyoso sa pagpapakalat ng pekeng balita, pang-uupat at demonisasyon sa mga progresibo, aktibista at armadong rebolusyonaryong kilusan. Walang pakundangan nilang pinasaklaw ang anti-komunista at anti-rebolusyonaryong panunugis hanggang sa mga aktibista’t ligal na mga samahang progresibo at sa mga kinatawan nila sa Kamara na tinatatakan ni Duterte na “ligal na mukha” ng CPP-NPA-NDFP.

Nagsisinungaling ang rehimen at NTF-ELCAC sa pagbunton ng sisi sa CPP-NPA-NDFP sa pananatiling atrasado ng malakolonyal at malapyudal na Pilipinas. Pinagtatakpan nito ang maraming taon nang kurapsyon at pandarambong ng lokal na naghaharing-uri sa ekonomya ng bansa; ang bisyosong siklo ng kahirapan at pagkaganid ng mga nasa kapangyarihan; ang paninikluhod sa dayuhang kapangyarihan; at ang kawalan mismo ng saligang industrialisasyon at tunay na reporma sa lupa sa bansa. Ang mga ito ang tunay na sanhi at ugat ng kahirapan at pagiging atrasado ng Pilipinas.

Binibilog ng mga ahente sa say-ops ng rehimen at mismong ni Duterte ang mamamayang Pilipino na paniwalain sa isa diumanong grandyosong sabwatan ng mga rebolusyonaryo, progresibo at burges na oposisyon para ibagsak ang kanyang gubyerno. Sinusuhayan ng nilubid na istoryang ito ang masugid na red-tagging at pagbuhay sa anti-komunistang panunugis at red-baiting sa panahon ng McCarthyismo ng dekada 1950 sa US at ng katumbas nitong Committee on Anti-Filipino Activities (CAFA) sa Kongreso ng Pilipinas. Pinakamasugid ang NTF-ELCAC at mga ahente’t troll ni Duterte sa pag-aakusa na mga komunista at NPA ang mga progresibong personahe at organisasyon na nasa ligal na oposisyon nang walang ipiniprisintang ebidensya bilang pasakalye sa gagawin pang mas bisyosong demonisasyon hanggang likidasyon katulad ng maraming biktima na unang isinailalim sa red-tagging bago brutal at pataksil na pinaslang ng mga death squad ng rehimen na nasa militar at pulisya.

Sa likod ng red-tagging, pinapakana ni Lorenzana at ng NTF-ELCAC ang diskwalipikasyon ng mga progresibong partylist sa Kamara. Maitim na pakana ito para mapatalsik sa Kamara ang mga kinatawan ng progresibong oposisyon at upang tuluyan nang alisan ng boses ang sambayanan sa lehislaturang dati nang monopolisado ng mga kinatawan ng lokal na naghaharing-uri ang kontrol sa reaksyunaryong Kongreso. Dating nang nagkukumpulan sa Senado at Kamara ang mga kadikit na alyado at kroni ni Duterte na nanalo sa mid-term election ng 2019 dahil sa manipulasyon ng makinarya sa pandaraya ng rehimen sa Comelec.

Tinik sa kanilang lalamunan ang mga nanalong Kongresista na kinatawan ng mga progresibong partylist na malakas na sinuportahan ng mga mamamayan sa kabila ng masinsing anti-komunistang kampanya ng paninira at demonisasyon ng AFP at mga panatikong Dutertards. Kaya pinakikilos ni Duterte ang buong makinarya ng estado para linisin ang Kongreso sa mga progresibong kinatawan ng bayan para alisin ang anumang magiging hadlang sa pagtatatag ng lantad ng pasistang diktadura sa bihis ng pederalismo o sa paraan ng kudetang konstitusyunal.

Subalit habang patuloy na pinakakawalan ng rehimeng Duterte ang pasismo at terorismo ng estado sa pagsupil sa lehitimong pagtutol ng sambayanang Pilipino, lalong iniluluwal ang mga kundisyon sa popular na paglaban ng pinakamalawak na hanay ng mga mamamayan laban sa tiranya ni Duterte. Kaalinsabay, namumulat ang mga mamamayan para tutulan at labanan ang mga anti-nasyunal at anti-demokratikong imposisyon ng imperyalismong US at China at ipaglaban sa isang rebolusyonaryong paraan ang pagkakamit ng panlipunang hustisya na malaon nang ipinagkakait sa pinakamalawak na hanay ng mga uring api’t pinagsasamantalahan.

Ang tiranya, anti-nasyunal at anti-mamamayang rehimeng Duterte ang mismong humuhukay sa sarili nitong libingan at ng mapang-api at mapagsamantalang sistemang kinakatawan nito.

Mga Prospek at Hamon para sa Panibagong Pagsulong at ang Ating mga Tungkulin

Walang tinatanaw ng pagbuti ang lugmok na ekonomya ng Pilipinas at ng pandaigdig na sistema ng monopolyo-kapitalismo sa darating na mga taon. Niyanig ng pandemya ang pundasyon ng pandaigdig na ekonomya na lumikha ng gahiganteng dislokasyon at kaguluhan sa maraming mga bansa sa lahat ng kontinente sa daigdig.

Haharapin ng buong mundo ang isang bugbog na ekonomya at mas matagalang resesyon at depresyon. Higit na itutulak ang agos ng pagbaba ng sahod, papalaking disempleyo at lumalalim na di pagkakapantay-pantay. Tinamaan nang matindi ng pandemya ang milyon-milyong negosyo na humaharap sa potensyal na pagkalugi oras na natigil at natuyo ang suportang subsidyo ng mga gubyerno. Palalakasin ng Covid-19 ang agos ng di pagkakapantay-pantay at istagnant na sahod ng may mababang-kasanayan sa paggawa (low-skilled labor). Ang kilusang Black Lives Matter sa US at kahalintulad na malalaking protestang masa sa mga bansa sa Latin America, Europe, Asia at Africa na sinindihan ng Covid-19 ay nakaugat sa dati nang umiiral na malalim na di pagkakapantay-pantay, pasismo, sosyal-sobinismo, rasismo at xenophobia. Inilantad din ng pandemya ang malalim na bulnerabilidad na nilikha ng neoliberalismo sa mga ekonomya ng mga nasabing bansa.

Kahit nakapagtuklas at sinimulan na ang produksyon ng bakuna laban sa Covid-19 ng ilang kumpanyang pharmaceutical, malayo pa sa pagkalutas ang pandemya sa mga bansa. Kinopo na ng mga imperyalistang bansa ang 66 porsyento ng suplay ng bakuna at ang natitirang 34 porsyento ang siyang paghahati-hatian ng iba pang atrasadong mga bansa. Magiging matagalan ang epekto ng pandemya sa mga ekonomya ng mga bansa sa buong mundo at sa pandaigdig na sistema ng monopolyo-kapitalismo.

Samantala, ang umiigting na kontradiksyon sa pagitan ng US at China na humantong sa pagkakasira ng kanilang relasyon ay maaaring magdala sa mundo sa panibagong Cold War. Higit na palulubhain nito ang tension at kaguluhan sa daigdig. Ito ang mga kalagayang haharapin ng mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya at sosyalismo.

Malaking hamon para sa Partido at rebolusyonaryong kilusan kung papaano mabilis na pag-iisahin at pamumunuan ang masa ng sambayanang Pilipino sa likod ng programa ng pambansa-demokratikong rebolusyon ng bayan sa gitna ng mga kumukulong usaping pambansa at panlipunan. Naghahanap ang mamamayan ng alternatibo sa malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas na bulok at bangkarote sa kaibuturan. Ang Partido at iba pang suhetibong pwersa ng rebolusyon lamang ang tanging makapagbibigay nito sa malawak na mamamayang Pilipino. Alinsunod dito, tupdin natin ang mga sumusunod na tungkulin at panawagan:

Pagkaisahin ang mamamayang Pilipino sa Programa para sa Demokratikong Rebolusyong ng Bayan

Kailangang patuloy na ipalaganap at ipaunawa sa pinakamalawak na hanay ng mamamayan ang nilalaman ng Programa ng Partido Komunista ng Pilipinas para sa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan. Malaon nang naghahanap ang sambayanang Pilipino ng solusyon at alternatiba sa kasalukuyang bulok na sistemang panlipunan ng lokal na mga naghaharing-uri sa bansa. Ang malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas na pinaghaharian ng malalaking burges-kumprador-panginoong maylupa’t burukratang kapitalista ang dahilan ng dantaong pagkaatrasado at malaganap na kahirapan at kaapihan na nararanasan ng bumubuo sa 97 porsyento ng populasyon ng Pilipinas—ng masang manggagawa, magsasaka at iba pang uring anakpawis at petiburgesya sa kalunsuran na pinagsasamantalahan ng tatlong salot sa lipunang Pilipino—ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo.

Ang programa para sa demokratikong rebolusyon ng bayan ay isang programa na layuning wakasan ang mapang-api at mapagsamantalang malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas. Dahil hindi kailanman isusuko ng reaksyunaryong uri ng malaking kumprador at panginoong maylupa ang kanilang kapangyarihan, kailangan ng sambayanang Pilipino na tahakin ang landas ng armadong rebolusyon at kailangan nilang magpunyagi sa matagalang digmang bayan hanggang makamit ang ganap na tagumpay.

Sa larangan ng pulitika, isusulong ang rebolusyonaryong kilusang masa ng batayang masang anakpawis ng mga manggagawa, magsasaka at panggitnang saray ng lipunan. Nasa gulugod ang Partido at pinamumunuan ng proletaryado ang kilusang masang ito. Ultimong layunin na maitatag ang demokratikong gubyernong bayan, isang gubyernong koalisyon o nagkakaisang prente ng lahat ng uring inaapi sa lipunan—ng uring manggagawa, magsasaka, petiburgesyang lungsod at panggitnang burgesya—kapag naipasakamay ng sambayanan ang kapangyarihan. Papawiin at aalisin ang batayang makapagsamantala ang mga imperyalista at lokal na naghaharing uri sa masang anakpawis. Gagarantiyahan ang mga karapatang pang-ekonomya at pampulitika ng mamamayan, karapatan sa serbisyong panlipunan, kalusugan, edukasyon at iba pa. Palalawakin ang saklaw ng serbisyong panlipunan lalo ng sistema ng publikong kalusugan.

Sa larangan ng ekonomya, itatatag ang ekonomiyang umaasa-sa-sarili na malaya sa dayuhang monopolyo-kapitalismo at pyudalismo. Ipatutupad ang tunay na reporma sa lupa at ilulunsad ang pambansang industrialisasyon at agad na sisimulan at gagawing posible ang sosyalistang konstruksyon. Pangangalagaan ang pambansang patrimonya at pangangalagaan ang kalikasan para sa sustenableng pag-unlad. Hahawakan ng demokratikong estado ng bayan ang pinakamapagpasyang salik ng ekonomya kabilang ang mga banko at iba pang pinansyal na institusyon, mga estratehikong empresa, pinagkukunan ng hilaw na materyal at mga kagamitan sa transportasyon at komunikasyon. Titiyakin ang planadong pag-unlad ng ekonomya upang maitatag ang pundasyon ng sosyalismo.

Sa larangan ng militar, bubuuin at palalakasin ang Bagong Hukbong Bayan sa ilalim ng absolutong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas bilang pangunahing instrumento ng sambayanan para durugin sa pamamagitan ng digmang bayan ang makinaryang burukratiko-militar ng estado ng malalaking kumprador at panginoong maylupa at hawanin ang daan sa pagtatatag ng mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika. Estratehikong linya ng digmang bayan ang matagalang kubkubin ang kalunsuran mula kanayunan hanggang maging posible nang agawin ang kapangyarihan sa mga kalunsuran.

Sa larangan ng kultura, ipapalaganap sa sambayanan ang pambansa, syentipiko at pangmasang kultura at edukasyon at lalabanan ang lahat ng kontra-rebolusyonaryong kaisipan sa pamamagitan ng mga kampanya sa edukasyon at impormasyon. Igagalang ang kalayaan sa pag-iisip at paniniwala. Itataguyod at paiigtingin ang patriyotikong diwa ng sambayanang Pilipino laban sa imperyalismo at kolonyal na mentalidad. Itataguyod ang pagmamamahal at pagpapahalaga sa pambansang pamana sa kultura. Itataguyod ang pangingibabaw ng siyentipikong edukasyon sa paniniwala sa pamahiin at sadyang paghadlang sa kaalaman. Paglilingkurin ang syensiya at teknolohiya sa lahatang-panig na pag-unlad ng lipunan. Palalawakin ang libreng edukasyong publiko.

Sa larangan ng relasyong panlabas, aktibong itataguyod ang nagsasariling patakarang panlabas at pagpapaunlad ng mga relasyon sa antas ng mga bayan, mamamayan, partido at gubyerno alinsunod sa prinsipyo ng proletaryong internasyunalismo. Bibigyan ng pangunahing halaga ang pakikipagkapatiran sa mga rebolusyonaryong pwersa at mga kilusan sa ibayong-dagat na nakikibaka para sa pambansang kalayaan, kapayapaan at kaunlaran laban sa imperyalismo. Itatatag ng demokratikong gubyernong bayan ang relasyong diplomatiko sa lahat ng mapagkaibigang bayan alinsunod sa 5 prinsipyong gumagabay ng relasyong internasyunal: mutwal na paggalang sa teritoryal na integridad at soberanya, mutwal na walang agresyon, walang panghihimasok sa mga panloob na usapin ng isa’t isa, pagkakapantay-pantay at mutwal na suporta at mapayapang pakikipamuhay.

Hinihikayat ang lahat na pag-aralan ang buong Programa sa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan na pinagtibay ng Ikalawang Kongreso ng Partido Komunista ng Pilipinas para higit na maunawaan ang nilalaman ng mga partikular na programa ng DRB.

Buuin ang malawak na nagkakaisang prenteng anti-Duterte at puspusang labanan ang pasismo at terorismo ng estado

Hinog ang batayan para buuin ang malawak na nagkakaisang prenteng anti-Duterte. Ginawa itong posible ng brutal, madugo at kamay-na-bakal na paghahari ng rehimen sa ipinatutupad nitong pekeng gera laban sa iligal na droga, sa gerang henosidyo sa mamamayang Bangsamoro at sa kontra-rebolusyonaryong gera laban sa mamamayang Pilipino. Sa ngalan ng diumanong anti-komunismo at anti-terorismo, pinakakawalan nito ang pasismo at terorismo ng estado laban sa armadong kilusan ng CPP-NPA-NDFP, mga ligal na progresibong organisasyon, aktibista, kritiko mula sa hanay ng masmidya, simbahan, akademya, medical at legal profession at kahit sa burges na oposisyon.

Patuloy na nahihiwalay ang rehimen sa malawak na mamamayan dahil sa mga ipinatutupad nitong anti-mamamayan at anti-demokratikong patakaran sa larangan ng pulitika, ekonomya, patakarang panlabas at lipunan. Kabilang dito ang pagpataw ng mabigat na pasaning buwis sa mamamayan sa ilalim ng TRAIN 1 at 2, pagsupil sa kalayaang sibil, pamamahayag, akademiko at karapatang tao, at pagpapakawala ng terorismo ng estado laban sa mamamayan sa pamamagitan ng mga mapanupil na batas.

Humaharap sa malakas na oposisyon at paghamon mula sa malawak na hanay ang Anti-Terror Law ni Duterte di lamang sa parlamentaryo ng lansangan kundi sa Korte Suprema at larangang ligal. Nilalabanan ng mga mamamayan at ng rebolusyonaryong kilusan ang bisyosong red-tagging ng NTF-ELCAC at ng AFP-PNP sa paraang hayag at lihim, ligal at iligal, at armado’t hindi armado.

Lumalaki ang internasyunal na pagkakahiwalay ni Duterte dahil sa inilunsad nitong malupit at madugong gera laban sa iligal na droga. Lubhang nababahala si Duterte at mga pasistang kasapakat sa gagawing imbestigasyon at pag-uusig ng International Criminal Court (ICC) sa krimen nito laban sa sangkatauhan. Kamakailan nabuo ang pandaigdig na koalisyon sa karapatang-tao na binubuo ng iba’t ibang simbahan na nasa labas ng bansa, mga abogado at lider sa pulitika sa ilalim ng Investigate PH. Nagboluntaryo ng tulong ang koalisyong ito sa ICC sa pagdinig at pag-iipon ng mga ebidensya kaugnay sa mga krimen laban sa sangkatauhan ni Duterte at mga upisyal ng kanyang gubyerno.

Hindi lamang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao kaugnay sa gera kontra-iligal na droga ni Duterte ang iimbestigahan kundi isasama rin ang ginagawang red-tagging ng gubyerno sa mga aktibista, tagapagtaguyod ng karapatang-tao, mga abogado, dokor, titser at mga lider relihiyoso at ang pag-uugnay sa kanila sa NPA. Layon ng grupong ito na isumite ang resulta ng imbestigasyon sa ICC para litisin si Duterte at mga upisyal ng Pilipinas na sangkot sa ekstra-hudisyal na pagmamaslang. Pangungunahan ang Investigate PH ng International Coalition for Human Rights in the Philippines.

Sa harap nang mabilis na pagkakahiwalay ng tiranong si Duterte, kailangang puspusang ilunsad ang iba’t ibang tipo ng kampanyang masa para tuloy-tuloy na ihiwalay ang rehimeng Duterte sa loob at labas ng bansa. Palawakin ang ugnayan at pagtutulungan ng lahat ng positibong grupo at kilusan laban sa pasismo at tiranya ng rehimeng Duterte. Paunlarin ang ugnayan sa mga organisasyon at kilusan sa ibayong-dagat upang higit pang palawakin ang nagkakaisang hanay na lumalaban sa tiranikong rehimen ni Duterte.

Pamunuan ang paglaban ng masa ng sambayanan para isulong ang kanilang pambansa at demokratikong mithiin

Ang sadsad na kabuhayan ng mamamayan dulot ng krisis at pandemya ay nagbubukas ng maraming paborableng pagkakataon para pukawin, organisahin at pakilusin nang maramihan ang masa sa mga puputok na maiinit na isyung panlipunan. Tungkulin ng Partido na pamunuan ang masa at pumaloob sa mga pakikibakang pang-ekonomya at pampulitika ng mamamayan.

Ang mga isyu at kahilingan sa kagyat na ayuda at trabaho sa harap ng pandemya at mga kalamidad ay may potensyal na magpakilos nang marami upang igiit ng gutom na mamamayan sa bulok at pabayang gubyerno ang kagyat na pagpapabuti sa kanilang kabuhayan at kagalingang panlipunan. Ang garapal na panunupil at paglapastangan sa karapatang pantao at ang brutalidad ng mga pulis at militar ay kayang pag-isahin ang malawak na hanay ng sambayanan upang labanan ang tiranya ng rehimeng Duterte.

Sa kalunsuran, organisahin ang paglaban ng masang manggagawa para igiit ang karapatan sa pag-uunyon at pakikipagtawaran sa mga kapitalista, ipaglaban ang pagpapataas ng sahod at labanan ang mga iskema ng ibayong pagpiga ng tubo mula sa paggawa ng mga manggagawa tulad ng flexible labor, kontraktwalisasyon at kaswalisasyon. Dapat pamunuan ang paglaban ng mga manggagawa laban sa kriminalisasyon sa kilusang paggawa ng estado at red-tagging sa militanteng unyonismo.

Pakilusin ang mga kabataang estudyante at titser sa pagtatanggol ng kanilang mga karapatan at kalayaang akademiko gayundin ang pagtutol sa patuloy na komersyalisasyon ng sistema ng edukasyon at pagsamá ng kalidad nito. Tutulan ang pagpapalayas at paggiba ng mga tahanan ng mga maralitang-lungsod para bigyang-daan ang pagbubukas ng malalaking negosyo at proyekto ng gubyernong Build, Build, Build. Gayundin, dapat na ilantad at labanan ang pagsosona ng mga pulis sa mga maralitang komunidad sa tabing ng kampanya laban sa iligal na droga at ang red-tagging sa mga lider ng komunidad sa mga eryang relokasyon.

Ang paulit-ulit na paglait, pag-alimura, pagmamaliit at paghamak ni Duterte sa kababaihan bilang paksa ng sekswal na pang-iinsulto at pagmamalabis ay dapat na puspusang ilantad at labanan. Pukawin ang masang kababaihan sa pagtatanggol na kanilang karapatan, kagalingan, proteksyon at bilang kapantay ng kalakihan sa pook-trabaho at opurtunidad sa lipunan.

Ang petiburgesyang-lungsod ay dumadanas ng pagdausdos ng kabuhayan at katayuan sa lipunan dahil sa krisis at pandemya. Unti-unting nasasaid ang kanilang impok dahil sa pagbawas ng gastos ng mga employer, pagpapatupad ng flexible work scheme at paghihigpit ng sinturon. Nagiging balisa sila sa kanilang kalagayan at mabilis na namumulat sa kabulukan at katiwalian ng rehimen

Sa kanayunan, kailangang isulong at pamunuan ng Partido ang mga antipyudal na pakikibaka ng masang magsasaka para ibaba ang sistema ng partihan sa ani, itaas ang sahod ng mga manggagawang-bukid, itaas ang presyo ng mga produktong bukid sa farmgate at pawiin ang praktis ng usura at mga pandaraya ng mga komersyante-usurero sa timbang, presyo at patung-patong na kolateral sa mga pautang. Sa mga lugar na kinakaya na ng lakas ng kilusang magsasaka at armadong pakikibaka, selektibong ipatupad ang maksimum na layunin ng rebolusyong agraryo para kumpiskahin ang mga lupaing pag-aari ng mga despotikong panginoong maylupa, mga sagad-saring kontra-rebolusyonaryo at imperyalista para libreng ipamahagi sa masang magsasaka na wala at kulang sa lupang mabubungkal partikular ang nasa batayang saray.

Pukawin, organisahin at pakilusin ang pambansang minorya para labanan ang pambansang pang-aapi at sobinismong itinataguyod ng reaksyunaryong estado. Organisahin ang paglaban ng mga pambansang minorya para ipagtanggol ang kanilang lupang ninuno at kabuhayan laban sa pangwawasak ng mga dambuhalang minahan at plantasyon ng mga kumprador at dayuhan. Ilantad at labanan ang pangangamkam ng lupaing ninuno ng mga katutubong mamamayan sa likod ng programa at batas ng reaksyunaryong gubyerno tulad ng National Greening Program, Mining Act of 1995 o RA 7942, NIPAS Law, CADC-CALC at mga kaugnay na programang inilalako ng NCIP.

Paigtingin ang pakikibakang bayan laban sa imperyalismong US at China

Nasa gitna ang Pilipinas ng dalawang nag-uumpugang imperyalistang kapangyarihan, ang US at China, para sa geopulitikal na kontrol at impluensya sa West Philippine Sea (WPS). Mahalaga at estratehiko ang pagkontrol sa karagatang ito bilang internasyunal na rutang pangkalakalan. Sa mapang nine-dash-line ng China, sinaklaw nito ang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas sa Spratlys at nagtayo ito ng mga artipisyal na islang militar sa mga bahura na tuwirang humahamon sa hegemonya ng US at nanghihimasok sa soberanya at teritoryo ng bansa. Bilang tugon, pinadalas ng US ang patrulyang panghimpapawid at paglalayag ng mga barkong pandigma sa karagatang saklaw ng WPS sa ngalan ng freedom of navigation at pagprotekta sa ruta ng international maritime trade.

Kapwa mahalaga sa US at China ang kontrol at pag-impluensya sa Pilipinas. Pinatitigas ng US ang relasyon sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbibigay ng ayudang militar sa anyo ng pagsasanay sa AFP sa kontra-insurhensya, modernisasyon ng depensa at mga sandata, pagpapalakas ng inteligens at mga joint training exercise sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA), Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), Acquisition and Cross-Servicing Agreement (ACSA) at Mutual Defense Treaty. Samantala, nagbubuhos naman ang China ng bilyon-bilyong pautang para pondohan ang mga flagship project sa ilalim ng programang Build, Build, Build ni Duterte.

Ipinapataw ng imperyalismo ang neoliberal na reseta sa Pilipinas upang ibayong pigain ng sarplas na halaga ang paggawa ng manggagawang Pilipino, dambungin ang likas na yaman ng bansa at patuloy na ilubog ang ekonomya sa mabibigat na kundisyon ng pautang at panatilihin itong pre-industrial at agrikultural.

Dapat mariing tutulan at labanan ang imperyalistang imposisyon sa ekonomya at interbensyong militar sa Pilipinas ng US. Dapat na puspusang ilantad ang mga di pantay at makaisang panig na kasunduang pinapasukan ng reaksyunaryong estado sa mga imperyalistang bansa tulad ng sa US at China. Ilunsad ang mga kampanyang masa at pakilusin ang pinakamalawak na hanay ng mamamayan sa paglaban sa hegemonyang ambisyon ng US at China sa Pilipinas sa balangkas ng isang kumprehensibong kilusang anti-pasista, anti-imperyalista at antipyudal.

Isulong ang matagalang digmang bayan at magpakahusay sa mga taktika ng pakikidigmang gerilya

Patuloy na magpunyagi sa matagalang digmang bayan. Isulong ang malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa lumalawak at lumalalim na suporta ng mamamayan. Ito ang angkop at wastong linyang militar sa yugto ng estratehikong depensiba.

Sumulong mula sa maliit at mahina tungo sa malaki at malakas. Pangibabawan ang mga limitasyon at kaliitan pa ng ating armadong pwersa kumpara sa mas superyor na kaaway na higit na nakalalamang sa bilang, armas, lohistika’t rekurso at organisasyon. Sa pamamagitan ng mahusay na paggamit ng superyor na taktikang gerilya, magagawang patamaan sa ulo at katawan ang palalong kaaway, durugin ang mahina at nahihiwalay na pwersa at kumpiskahin ang kanilang sandata. Isang naglalakad na armori ang kaaway. Habang patuloy na pinauunlad ng kaaway ang kalidad ng kanilang kagamitang militar at armas, laging nariyan ang potensyal na mapasakamay ito ng mga pwersang gerilya sa pamamagitan ng matatagumpay ng batayang taktikal na opensiba na iba’t iba ang tipo.

Masterin ang moda ng operasyon ng platun bilang pinauunlad nating saligang pormasyon ng hukbong bayan. Dapat magpakahusay sa pleksibleng pagtatalaga ng mga bahagi ng platun kapag nagtitipon, kumakalat at lumilipat. Hindi kailangang palaging tipon ang platun. Kumakalat ito sa mga iskwad at ang iskwad sa mga tim kapag naggagawaing masa at nagpapalawak at kung ipinahihintulot ng sitwasyong militar. Dapat na gawin ang pagkalat sa maiksing radyus nang may tumatayong sentro de grabidad ng mga iskwad at tim na nakadispers. Sa ganito, mabilis itong makakapagtipon kapag may sitwasyong militar o kapag lumitaw ang gintong pagkakataon para maglunsad ng taktikal na opensiba sa nahihiwalay at mahinang bahagi ng kaaway na nag-ooperasyon. Ginagawa nito ang paglipat para iwasan ang malakas na atake ng kaaway, pinasusuntok ang kaaway sa hangin para pagurin at naghihintay ng pagkakataon para magkontra-opensiba. Sa ganito, parating mahahawakan ng platun ang inisyatiba at mapapanatili ang aktibong postura para magtanggol o magkontra-opensiba.

Sa anumang pagkakataon, dapat na iwasan ang absolutong konsentrasyon at absolutong dispersyon ng mga pwersa sa isang larangang gerilya o teatrong gerilya. Sa una, inilalagay natin sa panganib na mailagay ang mga pwersang gerilya na absolutong nakatipon sa mapagpasyang mga sagupaan at mapinsala nang malaki kapag inatake ng superyor na pwersa ng kaaway. Sa pangalawa, inilalagay natin sa panganib na paisa-isang malipol ang mga maliliit na pwersang nakadispers na walang sentro ng lakas-militar na magiging tipunan kapag isinailalim sa mga operasyong paghanap at paglipol ng kaaway.

Ang linya para ipreserba ang pwersa ay aktibong magtanggol. Kapag isinasailalim ang mga yunit ng hukbong gerilya sa isang larangang gerilya o subrehiyunal na eryang militar sa tuloy-tuloy na kampanyang supresyon ng kaaway, ginagawa natin ang aktibong depensa sa balangkas ng mga kontra-kampanya at mga labanan. Hindi dapat bitiwan ang inisyatiba at maitulak ang maliit at mahina pa nating pwersa sa pasibidad.

Sa lahat ng pagkakataon, dapat iwasan ang mga labanan na di natin pinaghandaan, wala sa ating inisyatiba at hindi kayang ipanalo. Dapat na iwasan ang mga depensibang labanan at kaswalti sa mga labanang ito. Kailangang laging nakahanda ang isip ng bawat elemento ng yunit gerilya sa posibilidad na mapalaban anumang oras. Kung kaya, sa lahat ng panahon, kailangang tuloy-tuloy na itaas ang kahandaan at alerto ng yunit—naglalakad man, nakahimpil o nagpapahinga. Laging tiyakin na may planong pandepensa, may sistema ng talabantay, plano ng maniubra, team work at suportahan sa pamumutok, at plano sa ligtas na pag-atras kapag napalaban. Abutin sa pang-araw-araw na pagkilos ang antas ng disiplina at kasanayan ng isang regular at panlabang pwersa.

Maging mahusay sa pagkakatuto sa leksyon mula sa mapapait na karanasan at pansamantalang mga kabiguan. Turo nga ni Mao, “matuto sa pakikidigma mula sa pakikidigma.” Wika naman ni Sun Tzu, “kilalanin ang sarili at kilalanin ang kaaway, sa sandaang labanan, sandaan na tagumpay.” Maging mahusay sa paglalapat ng mga saligang turong ito sa pang-araw-araw na pagkilos ng mga yunit gerilya.

Esensyal sa pakikidigmang gerilya ang baseng masa na pagmumulan ng balon ng suportang masa. Ang kumbinasyon ng paborableng tereyn at relatibong makapal na populasyon ang ideyal sa pakikidigmang gerilya. Habang sa maraming pagkakataon, magagamit na bentahe sa maniubra ng mga pwersang gerilya ang mabundok at magubat na tereyn, mahaharap ito sa labis na kahirapan at sitwasyong lantay-militar kapag manipis o mahina ang suportang masa. Kaya sa pagbubuo at pagpapalawak ng mga larangan at sonang gerilya, kailangang kumbinahin ang pagkilos sa mabundok at magubat na tereyn, bulubunduking kapatagan, tabing haywey at tabing dagat. Magagamit na bentahe at mamaksimisa ang ganitong tereyn sa makilos na operasyon ng mga pwersang gerilya.

Sa maraming karanasan natin, hindi kayang saklawin ng maraming nag-ooperasyong kolum ng kaaway na bumibilang ng ilang kumpanya at batalyon ang bawat pulgada ng ating mga larangang gerilya. Basta’t may suportang masa, magagawang ikutan at iwasan ng maliit na pwersang gerilya ang malaking operasyon ng kaaway upang di malagay sa lantay na sitwasyong militar. Bentahe ng mga pwersang gerilya ang kaalaman at kabisadong tereyn para sa mabilis na maniubra at kontra-maniubra para sa aktibong depensa.

Palakasin ang Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon

Pamalagiang tungkulin ng Partido na patuloy na magpalakas sa ideolohiya, pulitika at organisasyon upang pamunuan ang masa at isulong ang pambansang demokratikong rebolusyon, tiyakin ang sosyalistang hinaharap ng rebolusyon at tanawin ang komunismo. Patuloy na mag-aral at magpakalubhasa sa paggamit ng Marxismo-Leninismo-Maoismo bilang pinakasiyentipiko at pinakasulong na teoryang gabay sa rebolusyong Pilipino.

Labanan ang katamaran sa pag-aaral ng teorya. Magpakabihasa at magsinop sa kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan, paglalagom ng karanasan at paggamit ng teorya ng MLM para gabayan ang ating rebolusyonaryong praktika. Labanan ang lahat ng tipo ng suhetibismo—ang dogmatismo at emperisismo—na pumipinsala sa tuloy-tuloy na pagsulong ng rebolusyon. Iniluluwal ang una sa kabiguang ilapat ang teoryang MLM sa rebolusyonaryong praktika; at ang pangalawa, ng kabiguang iugnay at itaas ang rebolusyonaryong praktika sa teorya. Sa parehong kaso, nagpapakita ito ng kababaan ng pag-unawa at paggamit sa MLM bilang gabay sa paglutas sa mga praktikal na problema sa rebolusyon.

Patuloy na ipalaganap ang tatlong antas ng edukasyon sa Partido, ang primarya, intermedya at abanteng kurso upang sandatahan ang buong kasapian ng rebolusyonaryong teorya at prinsipyo ng MLM. Malaking tagumpay natin sa larangang ito ang pagpapatapos ng abanteng kurso ng Partido sa mga kadre mula rehiyon hanggang sa antas ng mga komiteng probinsya/SR at marami-raming bilang sa antas ng mga komite sa larangang gerilya at komiteng seksyon sa kalunsuran. Mahigit kalahati naman ng kasapian ng Partido ay napagtapos na ng primaryang kurso ng Partido habang ang malaking mayorya ng mga pultaym at signipikante sa mga nasa KT ng mga SPL ay nabigyan na ng intermedyang kurso.

Patuloy na magsanay at linangin ang kakayahan ng mga kadre sa lahat ng antas at andana ng organisasyon ng Partido. Paramihin ang mga kadreng mula sa uring manggagawa at kabataang nakapag-aral. Sa kanayunan, paramihin ang mga kadre ng Partido mula sa hanay ng mga maralita at magsasakang intelektwal. Mahusay na pagkumbinasyunin ang mga kadreng manggagawa, kabataang intelektwal at magsasaka gayundin ng mga kadreng matatagal na at mga bata upang mapalakas ang kumposisyon ng kadreng bag-as sa hukbong bayan.

Itaas ang pag-unawa ng kasapian ng Partido sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo. Tiyakin lagi ang solidong pagkakaisa ng mga komite ng Partido sa lahat ng antas. Bantayan at bakahin ang paglitaw at paglakas ng liberalismo, ultra-demokrasya, sektarismo, kaisipan ng maliit na grupo at burukratismo. Mga manipestasyon ito ng burges at pyudal na impluensya na nakapagpapahina sa militansya ng Partido bilang abanteng destakamento ng proletaryado at pinunong pampulitika ng masa.

Paunlarin ang pagiging kritikal-sa-sarili, mababang-loob, pagiging bukas sa puna at kahandaang tumanggap ng pagkakamali at higit sa lahat ang pagwawasto sa mga kakulangan at kamalian. Ang prinsipyo ng pagpuna at pagpuna-sa-sarili ang sandata ng Partido sa pagpapanatili ng mahigpit na pagkakaisa at disiplina at pagwawaksi ng lahat ng hindi malusog na impluensya ng bulok na lipunan at maling tunguhin ng pag-iisip sa loob ng Partido.

Paunlarin ang pakikipagtulungan sa lahat ng positibong pwersa at kilusan sa ibayong-dagat

Paunlarin ang bilateral na relasyon sa mga mapagkaibigang partido, kilusan at progresibong entidad sa ibayong-dagat para sa rebolusyong Pilipino at armadong pakikibaka sa Pilipinas. Magbuo at paunlarin ang pinakamalawak na suportang pulitikal para sa demokratikong rebolusyon ng bayan.

Tungkulin ng kilusang masa ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan at iba pang seksyon ng petiburgesyang lungsod ang umugnay at magpaunlad ng relasyon sa katapat nilang mga kilusan sa ibayong-dagat. Pagsikapan na magkaroon ng internasyunal na komponente ang mga inilulunsad na kampanyang masa sa loob ng bansa upang higit na palawakin ang nagkakaisang prente at para ihiwalay ang bulok at kasalukuyang naghaharing rehimen sa Pilipinas.

Linangin ang lahat ng maaaring pagkunan ng suportang internasyunal para sa rebolusyon sa Pilipinas. Makatwiran na tumanggap ang Partido at rebolusyong Pilipino ng lahat ng maaaring tulong mula sa mga anti-imperyalistang kilusan at kapatid na mga partido sa labas ng bansa sa harap ng malaking ayudang ekonomiko’t militar na tinatamasa ng rehimeng Duterte mula sa mga imperyalistang bansa at sa harap ng papalaking interbensyong militar ng US sa Pilipinas para sugpuin ang rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Mabuhay ang Ika-52 Anibersaryo ng Partido!

Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay!

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

Pamunuan ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan laban sa Imperyalismo, Pyudalismo at Pasismo!