Panagutin ang 502nd IBde, TOG2-PAF sa pinakahuling teroristang pambobomba mula sa himpapawid

, ,

Dahil sa matinding batikos at pagkundena ng mga mamamayan ng Peñablanca, Tuguegarao City at mga kalapit na bayan ng Baggao, Iguig at Amulung, naghuhugas kamay ngayon ang 5th ID upang pagtakpan ang ginagawang teroristang pambobomba mula sa himpapawid ng mga tropa ng 502nd IBde at TOG2-PAF matapos maghulog ng mga bomba at mag-istraping, alas-2 ng madaling araw noong Mayo 10.

Itinatanggi ngayon ng 5th ID ang teroristang lagim dahil sa halip na makakuha ng suporta laban sa insurhensiya, umani ito ng galit at pagkamuhi mula sa taumbayan. Ikinakahiya ng 5th ID ang katotohanang kakambal ng kanilang superyoridad sa mga kagamitang militar na ginagamit upang maghasik ng takot at teror ay ang kawalan ng pampulitikang lakas at suporta mula sa mamamayan. Batay sa naging panayam ng Radyo Pilipinas-Tuguegarao kay 5th ID Spokesperson Maj Rigor Pamittan, ibinintang nito ang sisi sa NPA sa pagsasabing “mga improvised explosive device (IED) ng NPA ang pagsabog na narinig ng mga residente.”

Ano pa man ang sabihin nito, hindi nito mababaluktot ang katotohanan, na mismong mga residente ang nakasaksi, na sa katunayan ay nakuhanan pa ng bidyo. Duda nga ng ilan, “Kung IED, bakit galing sa taas ang mga sumabog?” at “bakit sobrang lakas ng pagsabog na narinig at niyanig ang apat na bayan?” Mamamayan ang magpapatunay na ang mga fighter jet at attack helicopter ng militar ang nambomba sa Sityo Ebi, Lapi, Peñablanca, na nagresulta sa paglikas ng ilang residente ng Lagum na sumasaklaw sa limang baryo. Malakas ang loob ng AFP na bombahin ang mga komunidad dahil ito ang kanilang doktrina at pagsasanay na natanggap sa katatapos lamang na Balikatan exercises.

Pinapabulaanan ng militar na wala silang kaswalti ngunit hindi rin malayong totoong may nasawi sa kanilang hanay lalo na’t “dumb bombs” ang kanilang ipinagmamayabang na “smart bombs” na pangunahing tumatarget sa mga sibilyang komunidad at mga kabundukan, maging sa kanilang sariling mga pwersa, tulad ng nangyari sa Aridowen, Sta Teresita noong Setyembre 29, 2021.

Marapat lamang na kundenahin sa pinakamataas na antas ang walang-patumanggang pambobomba mula sa himpapawid na sumisira sa buhay at kabuhayan ng mga magsasaka sa kanayunan. Dapat ding kundenahin at ilantad na ang huwad na modernisasyon ng AFP na pangunahing ginagamit upang bumili ng bomba at kagamitang pandigma para sa terorismo ng estado. Gawang-US ang mga bomba at kanyong ginagamit ng AFP laban sa mga sibilyan, na siya ring ginagamit sa henosidyo sa Palestine.###

Panagutin ang 502nd IBde, TOG2-PAF sa pinakahuling teroristang pambobomba mula sa himpapawid