Panibagong pamamaslang, kasabay ng hungkag na "Peace Caravan"

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng tropa ng 31st IBPA si Arnel Esperitu, 39 taong gulang noong Hunyo 20, bandang alas 4 ng umaga sa sentro ng Barangay Gogon, Donsol, Sorsogon. Dumaan lamang si Arnel sa kalsada malapit sa pwesto ng militar nang barilin sya na kaagad nyang ikinamatay.

Pagkatapos ng krimen, tinakot ng mga militar ang pamilya ng biktima upang hindi magsampa ng reklamo at imbes na lumayas sa lugar ay nagdagdag pa ng pwersa ang mga berdugo at inukopa ang evacuation center ng barangay.

Sa parehong araw dumagsa ang mahigit 60 elemento ng PNP at AFP Kasama ang DILG, at LGU sa barangay Catamlangan, Pilar, Sorsogon para sa “Peace Caravan” sa barangay Catamlangan, Pilar, Sorsogon. Inaasahang ipagpapatuloy sa iba pang mga barangay ng Pilar at Donsol ang mapanlinlang na “Peace Caravan” habang patuloy din ang paghahasik ng terorismo ng AFP at PNP laban sa mamamayan.

Kabalintunaan ang “Peace Caravan” ng AFP, PNP at lokal na gobyerno sa harap ng walang pakundangang pagpaslang at tangkang pagpaslang sa mga sibilyan. Bingi at bulag ang mga ahensya ng gubyerno sa laganap na paglabag sa karapatang tao at mga batas ng digma sa lahat ng komunidad na inuukopa ng mga militar at pulis sa kanilang mapanlinlang at mapanupil na Retooled Community Support Program (RCSP) at Focused Military Operation (FMO).

Hindi pa man napapanagot ang 31st IBPA sa pamamamaril sa mga kabataan sina Ace Adiado at Francis Literal ng Baras, Donsol noong Abril 25 at pagpaslang sa magsasakang si Domingo Malaca ng Abucay, Pilar noong Mayo 5 muli na naman itong pumatay ng walang kalaban-labang sibilyan.

Ipinapangako ng CMC-BHB Sorsogon na gagawin nito ang tungkuling papanagutin ang mga salarin sa mga krimen laban sa mamamayan. Nanawagan kami sa mamamayang Sorsoganon na tumindig at magkaisa upang ilantad at labanan ang walang habas na paghahasik ng terorismo ng mga berdugong militar. Hinihikayat din namin ang mga lokal na opisyal ng gobyerno, tagapagtanggol ng karapatang tao, simbahan midya at iba pang nagmamalasakit sa kapwa na tulungan ang mga biktima at kanilang kapamilya para makamit ang katarungan.

Panibagong pamamaslang, kasabay ng hungkag na "Peace Caravan"