Pantay na karapatan sa lahat ng kasarian, ipaglaban! LGBTQ+, lumahok sa rebolusyon, palayain ang bayan!

Nakikiisa ang NDFP-ST sa lahat ng bakla, lesbiyana, bisekswal, transgender, iba pang may piniling kasarian at kasapi ng LGBTQ+ community ngayong Pride Month upang kilalanin at igiit ang pagkakapantay-pantay ng mga kasarian sa bansa. Ang pakikibaka rito ay hindi nahihiwalay sa pakikibaka ng mamamayan para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Sa okasyong ito, binibigyang pugay ng NDFP-ST ang mga may piniling kasarian na tumahak sa landas ng rebolusyon at nag-ambag ng kanilang buhay para sa pagsusulong nito. Dinadakila ng NDFP-ST ang mga baklang martir at bayani ng sambayanan na sina Roval “Ka Ilor” Valerio, Ruben “Ka Sarah/SF” Villaflores, Ian “Ka Danoy” Maderaso, John Carlo “Ka Iñigo/Yago” Capistrano Alberto, Felimon “Ka Berna/Nick” Carabido, Kevin Cedrick “Ka Andres/Facio” Castro, Joel “Ka Wilfred” Pangilinan at Ka Gary; lesbyanang sina Christine “Ka Billy/Blue” Estocado at Lilibeth “Ka Moc/BJ” Donasco; at mga bisekswal na sina Josephine “Ka Ella” Lapira at Queenie Loricel “Ka Kira” Daraman. Nakatatak na sila sa kasaysayan bilang mga kadre ng Partido at magigiting na Pulang mandirigma ng NPA-ST. Gayundin, kinikilala ng NDFP-ST ang kasalukuyang henerasyon ng mga rebolusyonaryong LGBTQ+ na nakikibaka para sa pagpapalaya ng bayan.

Dapat alalahanin ang militanteng kasaysayan na nagsilbing inspirasyon sa selebrasyon ng Pride Month. Ito ay bilang paggunita sa naganap na Stonewall Riots ng Hunyo 28, 1969 kung saan nilabanan ng LGBTQ+ ang reyd at iligal na pang-aaresto ng mga pulis sa 13 tao sa Stonewall Inn, Manhattan, New York sa US. Umabot ng isang linggo ang protesta na nilahukan ng halos isang libong LGBTQ+ para igiit ang kanilang kalayaan sa pagpapahayag ng sarili at labanan ang diskriminasyon.

Sa ilalim ng pyudal-patriyarkal na kultura ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino, dinaranas ng LGBTQ+ ang diskriminasyon na dagdag pasakit sa araw-araw na pagsasamantala sa uri at pang-aapi ng imperyalismong US at malakolonyal na estado. Sa kulturang pinalaganap ng naghaharing uri, ginawa silang katatawanan, biktima ng pang-aalimura at iba pang paglabag sa kanilang karapatan sa pang-araw-araw nilang buhay. Ipinagbabawal ang mga LGBTQ+ na ipahayag ang kanilang piniling kasarian sa mga pook-trabaho at pati sa karamihan ng mga eskwelahan lalo sa mga hawak ng Simbahang Katoliko. Masahol pa, target ang LGBTQ+ ng mga karumaldumal na krimen. Naitala ng Transgender Europe sa proyektong Trans Murder Monitoring nito ang 77 kaso ng pagpatay sa mga LGBTQ+ sa Pilipinas mula 2008-Setyembre 2021. Kabilang sa mga kasong ito ang pagpaslang ni US Marines Lance Corporal Joseph Scott Pemberton kay Jennifer Laude noong 2014 matapos malamang isa siyang transwoman. Sinusupil din ang pakikibaka ng LGBTQ+ na lumalaban para sa kanilang karapatan at kabuhayan. Noong Setyembre 2022, pumunta ang mga pulis sa bahay ng lider-mangingisdang si Aries Soledad ng Pamalakaya-Cavite at pilit pinasusuko.

Patuloy na ipinagkakait ng reaksyunaryong estado ang pagkilala sa karapatan ng LGBTQ+. Maingay ang Simbahang Katoliko sa paghadlang sa paggagawad sa karapatang kilalanin ang LGBTQ+. Tatlumpu’t anim na taon nang nakabinbin sa Kongreso ang Anti-Discrimination Bill, o ang isinusulong ngayong Sexual Orientation, Gender Identitiy, gender Expression or Sex Characteristics (SOGIESC) Bill. Samantala, pinalaganap din ng imperyalismo ang mga kaisipang burgis gaya ng elitismo, hypersexism at mga katulad para bigyang ilusyong nakakamit ng LGBTQ+ ang pagpapalaya sa kanilang kasarian nang hindi nakikibaka laban sa pagsasamantala sa uri. Mapanganib ito dahil inihihiwalay nito ang LGBTQ+ sa malawak na hanay ng aping mamamayan.

Taliwas sa pakana ng imperyalismo at lokal na naghaharing uri, hindi maikakaila ang parte ng LGBTQ+ sa paghuhubog at pag-aambag sa lipunan. Nabibilang din sila sa masang anakpawis na araw-araw pinapanday sa pakikibaka para sa kanilang kabuhayan. Kabilang sila sa mga manggagawa sa pabrika na pinagkakaitan ng taas-sahod, magsasakang inaagawan ng lupa, biktima ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala, maralitang-lungsod na nakikibaka para sa karapatan sa lupang panirikan, kabataang estudyante na lumalaban para sa libre o abot-kaya at dekalidad na edukasyon at mga propesyunal, pambansang minorya at iba pa.

Tulad ng iba pang aping uri at sektor, pinagsasamantalahan at inaapi din ng naghaharing uri ang mga kasapi ng LGBTQ+ sa hanay ng manggagawa at magsasaka. Marami rin sa kanila ang salat sa kabuhayan at naghahangad ng mas maaliwalas na kinabukasan para sa kanilang pamilya at uri. Sa ganitong diwa kinikilala ng rebolusyonaryong kilusan ang mga LGBTQ+ at ang kanilang pag-aambag ng lakas at talino sa pambansa-demokratikong pakikibaka sa Pilipinas.

Kinikilala ng NDFP ang karapatan at potensyal ng mga may piniling kasarian sa lipunan. Ipinagkaloob ng patakaran ng Partido ang pagkilala sa mga may piniling kasarian sa Mga Gabay at Tuntunin sa Pag-aasawa sa Loob ng Partido na nagbibigay-karapatan sa pagpili ng kasarian hanggang sa pagtatayo at pagtataguyod ng relasyon, pag-aasawa sa kurso ng pagsusulong ng rebolusyon hanggang sa tagumpay. Kasabay nito, isinusulong ng rebolusyonaryong kilusan ang kampanyang edukasyon at pagtataas ng kamalayan para unti-unting wasakin ang pyudal, burgis at kolonyal na kultura ng lipunang Pilipino. Katunayan, sa mga sonang gerilya sa Timog Katagalugan, inilulunsad ang mga pag-aaral at talakayan kaugnay sa gender awareness and sensitivity at iba pang katulad. Niyayakap ng mga kasama ang sinumang kasapi ng LGBTQ+ na lumalahok sa rebolusyon.

Marapat na patuloy na iangat ang pampulitikang kamulatan ng mga LGBTQ+ upang maiugnay ang kanilang laban sa kasarian sa pakikibaka laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Patuloy na organisahin ang LGBTQ+ at pakilusin para sa paggigiit ng pambansang kalayaan at demokrasya at para sa pagkakapantay-pantay ng lahat ng kasarian.

Bukas ang lahat ng kasapi ng LGBTQ+ na umanib sa mga lihim na rebolusyonaryong organisasyong kaalyado ng NDFP. Dito, maieehersisyo nila ang kanilang pampulitikang karapatan. Maaari ring sumapi ang LGBTQ+ na handang humawak ng armas sa New People’s Army upang ibagsak ang bulok na estado. Ang mga pinakasulong sa hanay ng LGBTQ+ ay narerekluta bilang kasapi ng Communist Party of the Philippines para pamunuan ang kanilang kapwa api at pinagsasamantalahang mamamayan tungo sa pagpapalaya ng buong sambayanan.###

Pantay na karapatan sa lahat ng kasarian, ipaglaban! LGBTQ+, lumahok sa rebolusyon, palayain ang bayan!