Papanagutin ang rehimeng US-Marcos Jr at AFP sa labis-labis na karahasan kontra sa mamamayan!

,

Noong Mayo 31 at June 7, 2024 ay nangyari ang serye ng mga labanan sa pagitan ng LCC-NPA Kalinga at tatlong batalyong nakapaloob sa 503rd Infantry Brigade ng Philippine Army (PA) sa munisipyo ng Balbalan. Sa nasabing mga labanan, matagumpay na nakuha ng mga kasamang Pulang mandirigma ang inisyatiba, hinarap at binira ang operasyong combat ng kaaway kahit pa gumamit ang mga ito ng labis-labis na pwersa at bomba. Sa datos mismo ng AFP ay mayroon silang apat na nasugatan at dalawang nasawi, habang sa panig ng NPA ay sugatan at nahuli ng kaaway si Gap-iden “Ka Simple” Bawit. Ginamot siya ng mga medic ng NPA at naipasa sa masa upang maipagamot. Dapat respetuhin ang kanyang karapatan bilang hors de combat.

Samantala bilang paglilinaw, ang sinasabing isa pang labanan sa Barangay Maling, Balbalan noong umaga ng Mayo 31 ay isang pekeng labanan at gawa-gawa lamang ng AFP. Sa katotohanan, dinakip nila ang isang masa. Pinaputukan at pinaratangan siyang NPA gayong maliwanag sa mga nakasaksi at nakarinig ng balita na sibilyan ang naturang indibidwal.

Mariing kinukundena ng LCC NPA-Kalinga ang paghulog ng kaaway ng di bababa sa 12 bomba at paggamit ng drone at helicopter para sa walang-habas na pamamaril mula sa ere (strafing) na nagdulot ng matinding takot sa sibilyang populasyon. Ang lugar na kanilang binomba ay production area na malapit sa kabahayan ng Barangay Maling at pinanggagalingan ng irigasyon ng palayan ng komunidad. Naitaon ang pambobomba sa panahon ng anihan. May gana pang itanggi ng Army, PNP at ng mismong Mayor ng Balbalan ang nangyaring pambobomba gayong dinig na dinig at kitang-kita kahit sa mga kanugnog na barangay ang mga drone at helicopter na naghulog ng mga bomba. Kahit ang mga estudyanteng nasa paaralan sa mga oras na iyon ay nakadama ng matinding takot dahil sa yanig at lakas ng pagsabog. Responsable at dapat managot ang 503rd Infantry Brigade sa pinsalang dinulot nito sa kabuhayan at mental na kalagayan ng mga masa sa nasabing lugar.

Nananawagan ang LCC NPA-Kalinga sa mga mamamayan ng Kalinga at maging sa simpatisador at nagsusulong ng karapatang-tao na ihabla ang kaso laban sa paglapastangan ng rehimeng US-Marcos Jr at AFP sa International Humanitarian Law (IHL) o pandaigdigang batas ng digma. Papanagutin sila sa pinsalang dinulot nila sa mga komunidad na ginagambala ng kanilang mga operasyong militar at walang-habas na terorismo sa himpapawid gamit ang mga drone at helicopter.

Ang serye ng mga labanang ito ay nagpapasinungaling sa deklarasyon ng kaaway na wala o humina na ang NPA sa Kalinga. Binabanggit ng AFP na 10 na lamang ang natitirang NPA sa Kalinga, ngunit gumagamit sila ng malalaking bilang ng pwersa, mga drone at helicopter. Nagaaksaya sila ng pondo ng bayan para sa walang saysay na programa kontra-insurhensiya imbes na gamitin para sa ayuda sa panahon ng El Nino at krisis sa kabuhayan ng masa.

Sa harap ng tumitinding krisis pang-ekonomya, pananakot at pandarahas ang sagot ng rehimeng US-Marcos Jr. imbes na makabuluhang ayuda para sa mamamayan. Lalo pa nitong pinapatindi ang kahirapan ng mamamayan sa pagsagka nito sa kanilang paghahanap-buhay. Sa katotohanan, hangga’t nananatili ang kalunos-lunos at aping kundisyon ng masa sa probinsya ay hindi mauubos ang sumasampa at sumusuporta sa tunay na Hukbo ng masa, ang NPA. Sa harap ng nagpapatuloy na pandarambong sa rekurso at lupaing-ninuno ng mga mamamayan ng Kalinga, tumitindig ang masa at kanilang Hukbo upang lumaban at ipagtanggol ang kanilang karapatan. Ang NPA ay binubuo, pangunahin, ng mga masang magsasaka na naghahangad ng tunay na reporma sa lupa at tunay na panlipunang pagbabago. Mahaba na ang karanasan ng tulungan at suportahan ng masang iKalinga at NPA kontra sa pandarambong ng mga dayuhang imperyalista, tuta nitong reaksyunaryong rehimen at kasapakat nitong mga naghaharing-uri at mersenaryong AFP-PNP, at hindi ito basta-basta mabubura at madudurog bagkus ibayo pang tatatag.

Imbes na matakot, inaasahang lalong titindig ang masa upang ipaglaban at igiit ang kanilang mga demokratikong karapatan. Sa sama-samang pagkilos, maipagtatanggol ang lupaing-ninuno, kabuhayan at buhay laban sa paglapastangan ng imperyalista at kasapakat nilang mga lokal na naghaharing-uri. Sa kasalukuyan mayroong 20 negosyong hydropower, isang geothermal, isang windpower, isang malaking minahan at maraming mining application sa buong probinsya.

Kasama ang kanilang Hukbo, ang NPA, matibay na haharapin ng masa ang mga hamon at pakana ng reaksyunaryong gobyernong US-Marcos Jr. na agawin, tayuan ng dam at iba pang proyekto, ang lupaing-ninuno ng mga iKalinga.

Papanagutin ang rehimeng US-Marcos Jr at 5th ID sa krimen nito kontra mamamayan at paglabag sa karapatang-tao at batas ng digma!

Ipagtanggol ang lupaing-ninuno laban sa pandarambong ng mga lokal na naghaharing-uri at kanilang imperyalistang amo!

Sumampa sa NPA at ipaglaban ang demokratikong interes ng mamamayang api’t pinagsasamantalahan!

Papanagutin ang rehimeng US-Marcos Jr at AFP sa labis-labis na karahasan kontra sa mamamayan!