Pelikulang Maid in Malacañang ng mga Marcos, basura!
Mariing kinukundena ng Artista at Manunulat ng Sambayanan-Timog Katagalugan (ARMAS-TK) ang lansakang pagbabaluktot at pagsalaula ng pamilya Marcos sa madilim na kasaysayan ng bansa sa ilalim ng diktadurang Marcos at sa pagpopondo at pagpapalabas ng pelikulang Maid in Malacañang. Ito ay itim na propaganda ng mga Marcos para patibayin ang kanilang naratibo na sila ay biktima sa kabila ng katotohanang pinagdusa nila ang mamamayan sa 21 taong paghahari ng kanilang angkan. Sa pamamagitan ng pelikulang ito, nais ng pamilya Marcos na linisin ang kanilang pangalan sa pananagutan at krimen sa sambayanang Pilipino, sa malakihang korapsyon at pag-abuso sa kapangyarihan, sa maraming dinukot, pinatay, pinahirapan at sa mga desaparecidos.
Kasuklam-suklam ang desperadong maniobra ng mga Marcos na gamitin ang pelikula sa ngalan ng sining upang tabunan ang mabaho at kriminal na kasaysayan ng kanilang angkan. Ninakaw ng mga Marcos at Duterte ang resulta ng eleksyon sa pamamagitan ng malawakang pandaraya at manipulasyon ng de-kompyuter na pagbibilang ng boto. Ngayong nakabalik sa kapangyarihan at nakaupo ang ilehitimong rehimeng Marcos II, ginagamit nila ang buong makinarya ng estado at superistruktura para patatagin ang kanilang paghahari. Magkasabay na ginagamit ang armadong dahas at reaksyunaryong kultura sa panlilinlang at panunupil sa mamamayan.
Sadyang prinoyekto ang pelikulang Maid in Malacañang para magsilbi at patibayin ang hinabing istorya ng mga Marcos. Panloloko ang sinasabi nilang dapat marinig ng mamamayan ang kanilang panig ng kasaysayan. Ang kasaysayan ng Martial Law ay isinulat batay sa kolektibong karanasan ng mamamayang Pilipino at hindi kailanman sa punto de bista ng pamilya Marcos. Kung kaya’t matagal nang hinusgahan ng sambayanang Pilipino ang krimen ng mga Marcos na humantong sa pagpapatalsik sa kanila sa kapangyarihan.
Sa layuning linlangin ang mamamayan, pinalutang at pinuno ng maraming misrepresentasyon at kasinungalingan ang nilalaman ng pelikula. Itinatago nito ang katotohanang laganap ang krimen ng diktadurang US-Marcos I at nasa rurok ng krisis pang-ekonomiko ang bansa dahilan para mag-alsa’t patalsikin sila sa kapangyarihan ng mamamayan. Mas masahol pa, tinanggalan nito ng konteksto ang paglaban ng bayan at pinagmumukhang demonyo ang mamamayang lumahok sa protesta at pakikibakang bayan laban sa diktadura. Lantaran nitong binabastos at pinawawalang saysay ang kolektibong pagkilos ng sambayanang Pilipino para patalsikin ang diktadurang US-Marcos I sa palasyo.
Katwiran ng direktor ng pelikula na si Darryl Yap, gumamit lang siya ng “creative vision and freedom” sa pagbabago sa talâ ng kasaysayan. Hindi maaaring gawing lisensya ang kalayaan sa artistikong pamamahayag (freedom of artistic expression) para baguhin ang obhetibong mga kaganapan sa lipunan. Dapat malaman ni Yap na ang freedom of artistic expression ay kailangang nakabatay sa obhetibong katotohanan at sa interpretasyon ng kasaysayan batay sa kolektibong karanasan ng mamamayan. Kung binabaluktot ang realidad at hiwalay sa kolektibong karanasan ng bayan ang sining, ito ay bulgar na misrepresentasyon ng katotohanan ni Yap.
Inilantad ng pelikulang ito ang hangarin ng mga Marcos na baguhin ang kasaysayan. Pagsasalaula ito sa mga buhay na karanasan ng mga biktima at ng alaala ng mamamayang nakibaka laban sa diktadura. Binubudburan pa ng asin ang di pa naghihilom na sugat ng mga biktima ng Martial Law. Hustisya ang sigaw ng sambayanang Pilipino sa hindi nagsisising pamilyang Marcos. Isinisigaw nila ang panlipunang hustisya sa pagbawi sa nakaw at dambong na yaman ng mga Marcos at mga kroni nito. Hanggang sa ngayon ay pinagpapasasaan ang mga nakaw mula sa kaban ng bayan ng angkan ng mga Marcos, Enrile, Cojuangco, Benedicto, Lobregat, Florendo, Disini, Ongpin, Romualdez, Virata, Lucio Tan, Cuenca, Elizalde, Araneta, Panlilio, Silverio, Enriquez at marami pang iba.
Lubos na hindi katanggap-tanggap sa hanay ng mga artista at manunulat si Yap na mismong nagsulat at direktor ng Maid in Malacañang. Kapalit ng salapi at kasikatan, kinulapulan niya ng putik ang prestihiyo ng sining at lumikha ng bagong naratibo hinggil sa paghaharing Marcos para lasunin ang isip ng mamamayan sa mga kasinungalingan. Sadyang kailangan ng pamilya Marcos ng mga katulad ni Yap na nagpapagamit sa naghaharing uri para ipreserba ang kanilang interes at pagtakpan ang kanilang kasalanan sa mamamayan. Habang ginagamit ang AFP-PNP sa paghahasik ng karahasan, ang mga “alipores sa sining” ng naghaharing uri ang siyang tagalinis ng dumi ng kriminal na estado at tagapagpaganda ng imahe ng mga Marcos.
Kung mayroon mang masasabing positibong mapupulot sa pelikulang Maid in Malacañang ay ito: sa kagustuhan ni Yap na pagtakpan at baluktutin ang kasaysayan, hindi sinasadyang nailantad sa madla ang isterikal na emosyon ng mga Marcos sa huling mga sandali ng pangunguyapit sa kapangyarihan at ang labis na pagkagimbal na mawala ang paraisong pinagpapasasaan ng kanilang angkan sa kapariwaraan ng nagdurusang bayan.
Hindi nararapat tangkilikin bagkus kundenahin si Yap at ang kanyang basurang pelikula. Dapat boykotin ang mga screening ng pelikulang ito. Labanan ang kasinungalingan at maglunsad ng kampanyang edukasyon lalo sa hanay ng kabataan para linisin at iwaksi ang lason sa isip na dala ng Maid in Malacañang.
Hinihikayat ng ARMAS-TK ang mga manggagawang pangkultura na huwag magpagamit at magpasilaw sa salapi ng mga Marcos. Likhain ang sining at panitikang nakabatay sa obhetibong kalagayan at nagtatanghal sa dakilang papel ng masang anakpawis sa paglikha ng kasaysayan. Ang matalas at makauring sining ang talim na tatarak sa dibdib ng mga mapang-api’t mapagsamantala at magpapalagablab sa rebolusyonaryong apoy ng pakikibaka.
Hinahamon ng ARMAS-TK ang lahat ng mga tapat, makabayan, progresibo at rebolusyonaryong artista at manunulat na tumindig at ilantad sa iba’t ibang porma ng sining ang kabulukan ng pamana ng mga Marcos sa bansa. Maglunsad ng rebolusyon sa kultura sa pamamagitan ng masiglang gawaing propaganda at edukasyon para labanan ang pakana ng mga Marcos na muling isulat ang kasaysayan batay sa makitid na makauring interes ng malalaking kumprador, panginoong maylupa’t burukrata. Dapat likhain at ipalaganap ang makabayan, siyentipiko at makamasang kulturang tunay na naglilingkod sa sambayanan!###