Pinakamataas na pagpupugay kay ka Laura! Artista't manunulat ng sambayanan, magiting na mandirigma at dakilang guro ng Hukbong Bayan sa Timog Katagalugan!
Sa okasyong ito ng ika-160 na kaarawan ng dakilang bayaning Gat. Andres Bonifacio at araw ng kabataang Pilipino, ibinibigay ng Partido Komunista ng Pilipinas at Melito Glor Command – New People’s Army sa rehiyong Timog Katagalugan sampu ng mga rebolusyonaryong organisasyon ng mamamayan ang pinakamataas na pagpupugay at parangal kay Ka Laura/Esang/Tintin at kilala din sa tunay na pangalang Abegail Bartolome sa kanyang walang pag-iimbot na pagbibigay ng buong galing, talino, lakas, husay, at kaisa-isang buhay para sa dakilang adhikain ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo.
Namartir si Ka Laura sa bata pang edad na 30 taong gulang habang magiting na nakikipaglaban sa kaaway noong ika-19 ng Nobyembre, 2023 sa Sityo Tugas, Brgy. Sabang, Pinamalayan, Oriental Mindoro. Kasama niyang namartir sina Ka MC at Ka Aja sa dalawang magkasunod na labanan sa araw na ito.
Magiting na Pulang mandirigma ng BHB si Ka Laura. Mula sa kalunsuran, sumampa siya sa BHB noong 2014 at mula noon, walang tigil at buong husay niyang ginampanan ang kanyang mga tungkulin bilang Pulang mandirigma sa pagsusulong ng digmang bayan sa loob ng 10 taon hanggang sa siya ay namartir.
Sa loob ng isang dekadang pagkilos sa BHB gumampan ng mga susing tungkulin si Ka Laura upang pasiglahin ang armadong pakikibaka sa rehiyong TK, laluna sa panahon ng walang habas na pananalasa ng kampanyang supresyon ng tiranikong rehimeng US-Duterte at hanggang sa kasalukuyang ilehitimong rehimeng US-Marcos II.
Matapos ang halos dalawang taong paggampan ng mga tungkulin sa isang larangang gerilya sa Timog-Quezon-Bondoc Peninsula, naitalaga si Ka Laura sa gawaing istap ng panrehiyong kumand sa operasyon, una bilang opisyal sa paniktik at ikalawa bilang kagawad ng istap sa tauhan at pagsasanay. Naging bahagi si Ka Laura ng mga matutunog na taktikal na opensiba ng BHB na nagparusa sa mga pangunahing kaaway ng masang magsasaka, katutubo at mamamayan sa rehiyong TK. Pinakatampok dito ang kanyang naging susing papel sa matagumpay na magkakasunod na reyd na isinagawa ng BHB laban sa armadong pwersa at ari-arian ng numero unong malaking burgesya kumprador na si Henry Sy sa Brgy. Papaya, Nasugbo, Batangas at ang matagumpay na ambus ng BHB laban sa mga pwersa ng 202nd Brigade sa Luisiana, Laguna noong 2017. Walang takot na ginampanan ni Ka Laura ang kanyang tungkulin maging ang kumilos kalapit at nasa tungki ng ilong ng mga armadong pwersa ng kaaway na kanyang minamanmanan. Buo ang kanyang tiwala sa mga kasama at sa mga masang kumukupkup sa kanya at nagbibigay ng impormasyon laban sa kanilang kaaway.
Apat na taon, bago mamartir, si Ka Laura ay naging kagawad ng istap sa tauhan at pagsasanay ng Panrehiyong Kumand sa Operasyon. Nagsilbi siyang guro ng mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan sa Timog Katagalugan at sa lahat ng mga yunit na kanyang sinasaniban. Sa ganito, naging bahagi siya ng pagkokonsolida sa mga pwersa ng BHB at sa pagtataas ng kapasidad nila sa paglaban sa kaaway. Ilang mayor na panrehiyong pagsasanay ang pinangunahan ng yunit na kabilang si Ka Laura.
Habang at kasabay ng kanyang paggampan sa mayor na tungkulin at gawaing ibinigay sa kanya ng Partido masiglang nag-ambag si Ka Laura ng mga sulatin at akdang pampanitikan sa mga rebolusyonaryong dyaryo at literary journal ng rehiyong TK at ng mga probinsyang kanyang sinaniban. Mahusay siyang manunulat at ang kanyang mga obra ay puno ng damdaming nakakaantig sa puso at kamulatan ng mga kasama at masa.
Bago sumampa sa BHB, naging isa sa mga aktibistang masa sa hanay ng kabataang-estudyante si Ka Laura. Naging manunulat siya sa dyaryo sa kanilang eskwelahan at naging masiglang propagandista-organisador ng mga kapwa kabataang estudyante sa kanilang probinsya at sa rehiyong TK.
Ipinanganak si Ka Laura noong Mayo 12, 1993 sa San Pedro, Laguna mula sa pamilyang manggagawa at mala-proletaryado. Namulat siya sa kahirapan ng buhay na dinaranas ng kanyang pamilya. Ang kanyang ama ay mala-manggagawa. Mananahi siya na may sariling makina. Halos nawalan ng kita ang kanyang ama mula nang mauso ang ready to wear na mga damit. Ang kanyang ina naman ay kontraktwal na manggagawa sa pabrika ng tela sa loob ng halos 10 taong pagtatrabaho rito. Matapos na mapatalsik sa pabrika, naging manggagawa ang kanyang ina sa maliit na patahian na nakabatay sa piece rate ang sahod kung saan umaabot lamang sa isang libo ang sahod kada linggo. Nakita niya kung paano pumasok sa iba’t-ibang trabaho pa ang kanyang magulang maalinman sa paglilinis ng bahay ng iba, paglalabada at pagtitinda ng pangmeryenda upang punuan ang kakulangan ng kita. Lahat ng ito ay upang maitaguyod nang marangal silang 3 magkakapatid at mapagsikapang mapag-aral.
Ang kahirapang dinaranas ng pamilya at ang nakikitang kahirapan ng mga mangagagawa, malamanggagawa sa probinsya ng Laguna na kanyang kinalakhan ang mga kundisyon ng pagkamulat ni Ka Laura sa pangangailangang kumilos at lumaban upang baguhin ang hirap at aping kalagayan. Una siyang naorganisa noong 2011 matapos na sumapi sa Kabataang Makabayan. Naging kandidatong kasapi siya ng Partido noong Abril 2013 at natalagang gumampan ng tungkulin sa pag-oorganisa ng mga kabataan sa kanyang probinsya. Namulat siya sa pangangailangang isulong at ipagtagumpay ang armadong pakikibaka upang ibagsak ang marahas na paghahari ng imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Dahil dito, sumampa siya sa BHB noong Enero 2014 at naging ganap na kasapi ng Partido sa taon ding ito.
Matiyaga, masipag at masinop sa gawain si Ka Laura. Iniaambag niya ang kanyang ganang kaya anumang gawain at tungkulin ang ibigay sa kanya. Hindi siya naghahanap ng anumang pusisyon sa loob ng Partido at BHB. Masaya siya na maibigay ang anumang kanyang ganang kaya sa anumang tungkulin at o gawaing ibinibigay sa kanya ng Partido ito man ay gawaing masa o gawaing militar, gawaing teknikal o gawaing pagtuturo, maging pagbabantay at pagluluto. Sa kabila ng kanyang kaliitan at mga limitasyong pisikal bunga ng nakasanayang buhay sa kalunsuran at sentrong kabayanan, pinangibabawan niya ang kahirapan sa pag-angkop sa hirap at bigat ng pamumuhay sa kanayunan at sa loob ng yunit ng BHB. Hindi niya inalintana ang mga kahirapan at sakripisyo at wala siyang takot sa kamatayan. Buong sikap niyang hinubog ang sarili upang iwaksi ang impluwensya ng pyudal at burgis na mga gawi, mapagpakumbabang nagpupuna sa sariling kamalian at tinanganan ang proletaryong prinsipyo, gawi, kaisipan at kultura.
Sa pagpanaw ni Ka Laura, naiwan niya ang kanyang kaisa-isang mahal na mahal na anak at mahal na pamilya. Ipinapaabot ng Partido at BHB sa rehiyong Timog Katagalugan ang taus-pusong pakikiramay sa kanila kaakibat ng mensaheng hindi masasayang at mabibigo ang pinagbuwisan ng buhay ni Ka Laura at ng iba pang mga martir ng rebolusyon. Patuloy na magpupunyagi ang buong rebolusyonaryong kilusan kasama ang sambayanang Pilipino hanggang makamit ang tagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon.
Tunay na inapo ni Gat Andres Bonifacio si Ka Laura, tunay siyang isa sa pinakamabubuting anak ng bayan at abanteng kababaihan. Nararapat siyang dakilain, nararapat siyang parangalan at nararapat siyang tularan tulad ng iba pang mga martir at bayani. Tinatawagan namin ang milyun-milyong kabataang Pilipino, kasama ng iba pang aping uri at sektor: Sundan natin ang rebolusyonaryong landas at buhay na pinili ni Ka Laura. Dalhin natin sa tagumpay ang bagong tipong rebolusyong pambansa-demokratiko sa Pilipinas.
Ibaling ang pamimighati sa rebolusyonaryong katapangan!
Mabuhay ang dakilang buhay at pakikibaka ni Ka Laura!
Mabuhay ang Kabataang Makabayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!