Pinakamataas na parangal kay Kasamang Helenita Pardalis
Iginagawad ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas ang pinakamataas na parangal kay Kasamang Helenita Pardalis, na kilala ng mga kasama at masa sa Bicol at Eastern Visayas bilang si Ka Ning, Ka Eliz, Ka Celine at Ka Elay.
Napaslang si Ka Elay sa pambobombang mula sa himpapawid ng 8th Infantry Division noong kaagahan ng Nobyembre 23 sa Barangay Imelda, Las Navas, Northern Samar. Siya ay 65 na taong gulang. Lima pang mga kasama ang nasawi sa brutal na pambobomba na kinakitaan ng labis-labis na paggamit ng lakas ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng rehimeng US-Marcos kontra sa isang maliiit na yunit gerilya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Ipinararating namin ang aming taus-pusong pakikiramay sa buong pamilya ni Ka Elay, laluna sa kanyang asawa at mga anak, mga apo, maging sa mahal niyang mga kasama at kaibigan.
Ipinanganak at nagkamulat si Ka Elay sa Pio Duran, Albay sa Bicol. Panganay siya sa siyam na magkakapatid. Nag-aral siya sa Pio Duran Elementary School at Marcial O. Fabiola Memorial School sa kanilang bayan. Nagkolehiyo siya noong maagang bahagi ng batas militar sa Aquinas University sa Legazpi City, Albay.
Ang lansakang panlipunang di-pagkakapantay-pantay at pampulitikang panunupil noong batas militar ang nag-udyok kay Ka Elay na maging aktibista at malapit sa masa. Sa gitna ng paglukob ng takot, sa kabila ng mga banta ng aresto at mga “pagsalbeyds,” mapangahas niyang tinahak ang landas ng paglaban at niyakap ang pambansa-demokatikong adhikain. Lumubog siya sa hanay ng manggagawa at masang maralitang lunsod. Minahal siya ng masa at mga kasama dahil sa kanyang taus-pusong malasakit at gawi.
Noong maagang bahagi ng 1980, dinukot at winala ng mga ahente ng militar sa Metro Manila ang kanyang asawa. Sa loob ng maraming taon, naghanap siya at kanyang dalawang anak. Umanib siya sa iba pang biktima ng sapilitang pagwala at naging isa sa mga upisyal ng grupong Find (Families of Victims of Involuntary Disappearance). Nagpatuloy ang pulitikal na panunupil sa ilalim ng rehimeng Corazon Aquino, at siya mismo ay naaresto at nakulong nang ilang taon. Malao’y nakapag-asawa siyang muli.
Noong maagang bahagi ng dekada 1990, inspirado ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, nagpasya si Ka Elay na tumungo sa kanayunan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan. Bumalik siya sa kanilang prubinsya kung saan lumubog siya sa gawaing masa sa masang magsasaka, tumulong siyang pataasin ang kanilang panlipunan at pampulitikang kamulatan at pinukaw ang mga organisadong masa na lumaban para sa kanilang adhikain.
Kalaunan ay naging kalihim siya ng isang larangang gerilya sa erya ng Libmanan-Bato sa Camarines Sur, at pagkatapos ay naging kalihim ng Komite sa Prubinsya ng Partido sa Camarines Sur. Dahil sa kanyang di matatawarang tagumpay sa gawaing masa at pag-organisa ng Partido, nahalal siyang kagawad ng Komiteng Rehiyong ng Bicol at ng komiteng tagapagpaganap nito noong huling bahagi ng dekada 1990.
Malao’y itinalaga siya ng Komite Sentral bilang Pangalawang Kalihim ng Pambansang Komisyon sa Magsasaka. Ang mayaman niyang karanasan sa gawaing masa at pagtatayo ng base ay ibayong umunlad, nalagom at naibahagi sa buong organisasyon ng Partido at BHB. Sa maraming taon, aktibo siyang nag-ambag ng mga artikulo sa Ang Bayan.
Noong 2015, itinalaga siya sa Komiteng Rehiyon ng Eastern Visayas at nahalal siyang Pangalawang Kalihim. Naitalaga siya sa Kawanihang Pampulitika ng Probisyunal na Komite Sentral ng sumunod na taon. Delegado siya sa Ikalawang Konggreso ng PKP noong Nobyembre 2016 kung saan siya ay nahalal bilang ganap na kasapi ng Komite Sentral.
Sa kanyang pagkamatay, si Ka Elay ang kalihim ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Eastern Viasayas. Sa nagdaang mga taon, sa harap ng walang humpay na malakihang atake ng kaaway, pinamunuan ni Ka Elay ang Partido at BHB sa Eastern Visayas na maglunsad ng malaganap at maigitng na pakikidigmang gerilya batay sa papalawak at papalalim na baseng masa.
Walang dudang ang pagkamatay ni Ka Elay at ng iba pang kasama ay mag-iiwan ng puwang sa pamunuan ng Partido sa rehiyon Eastern Visayas. Gayunpaman, maraming mga beterano at nakababatang kadre ng Partido ang kumilos na upang hawakan ang renda ng pamumuno sa rehiyon. Lubos ang kanilang kakayahan at handa nilang suungin ang mabigat na gawain. Kinonsolida nila ang naumumunong komite at pumili ng kahalili ni Ka Elay. Determinadong-determinado silang pamunuan ang Partido, ang Bagong Hukbong Bayan at ang rebolusyonaryong kilusang masa ng lahat ng inaapi at pinagsasamantalang uri sa kalunsuran at kanayaunan, laluna sa gitna ng papalalang krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunan sa ilalim ng rehimeng US-Marcos.
Ginagawa nila ang lahat ng makakaya upang harapin ang sosyo-ekonomikong suliranin ng masa, ilusad ang reporma sa lupa at tulungan ang masang pagtagumpayan ang mga peste, sunud-sunod na bagyo, pagbaha at iba pang sakuna. Sa gitna ng pandemyang dulot ng Covid-19, ang BHB ang pinangkukunan ng masa sa rehiyon ng impormasyon at gabay para makapanaig sa pangkalusugang kagipitan. Patuloy na nag-oorganisa ng mga pangkat sa produksyon at tumutulong sa masa para pataasin ang produksyon, palakihin ang ani, ipaglaban ang makatarungang sahod at presyo sa mga produkto. Bunga nito, patuloy na nagtatamasa ang digmang bayan at BHB ng malalim at malawak na suportang masa sa Eastern Visayas.
Naghulog ng tone-toneladang bomba ang kaaway sa kagubatan, kabukiran at mga komunidad ng mga magsasaka at kumitil sa ilang Pulang mandirigma at kadre ng Partido. Nagpataw ng batas militar ang mga pasista sa daan-daang baryo upang kontrolin, higpitan at matinding manonitor ang bawat galaw ng mga tao, sa desperadong paghahangad na sirain ang kapasyahang lumaban ng mamamayan at pigilan silang suportahan ang kanilang mga bayaning mandirigma. Pero lalo lamang nilang pinatitindi ang galit. Nananatili ang walang maliw na pagkalinga ng masang magsasaka ng Eastern Visayas sa digmang bayan.
Ang di mabuwag na pagkakaisa ng masa at ng Bagong Hukbong Bayan ay bahagi ng di mamamatay na pamana ni Ka Elay. Ang pagmamahal niya sa aping masa ay walang hanggan at patuloy na pupuno sa diwa ng bawat Pulang mandirigma at kadre ng Partido na kanyang nakasalamuha. Maaaring nagtagumpay ang kaaway sa pagkitil sa buhay ni Ka Elay, subalit mananatili siyang buhay sa puso at isip ng rebolusyonaryong masa. (December 16, 2022)