Hinggil sa lindol sa Sarangani
Ipinararating ng Partido Komunista ng Pilipinas ang mahigpit na pakikiisa sa mamamayan ng Sarangani at mga katabing prubinsya ng Mindanao na dumanas ng matinding lindol kahapon nang umaga. Nakikiramay kami sa mga pamilya ng mga nasawi at nasaktan sa mga gumuhong istruktura.
Nananawagan kami sa sambayanang Pilipino na magkapit-bisig para iparating ang kinakailangang tulong sa mamamayan na labis na sinalanta ng lindol, higit lalo ang masang anakpawis na nasira o naabala ang kabuhayan sa araw-araw nilang pagbabanat ng buto para itawid ang buhay ng kani-kanilang pamilya.
Panawagan ng Partido sa lahat ng mamamayang nagmamalasakit na magkaisa sa pag-aabot ng lahat ng anyo ng tulong na kailangan ng mga nasalanta. Mahigpit ang pagtutulungan ng mga rebolusyonaryong organisasyong saklaw ng National Democratic Front (NDF), at ng NDF-Mindanao, katuwang ang mga Pulang mandirigma ng New People’s Army, para ihatid ang lahat ng kailangang tulong sa masang nasalanta para sa kagyat nilang ginhawa at pagbangon.