Pahayag

Pulang saludo sa mga kadre, kumander, at mandirigma sa ika-56 taong anibersayo ng Bagong Hukbong Bayan!

 

Mensahe sa ika-56 anibersaryo ng NPA
Jaime “Ka Diego” Padilla
Political Detainee
San Jose District Jail
San Jose, Occidental Mindoro

Taimtim tayong magbigay parangal sa mga bayani at martir na nag-alay ng kanilang panahon at buhay upang abutin ang kasalukuyang yugto ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Ikinatutuwa naming mga bilanggong pulitikal kapag may mga balita ng labanan. Dahil kalimitang walang masyadong detalye, dalawa lang ang maari naming isipin: lumaban ang BHB upang preserba ang sarili o naglunsad ang BHB ng taktikal na opensiba.

Ano’t anuman ang dahilan ng mga labanang ito, nananatili ang BHB, sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas (Marxismo-Leninismo-Maoism), na pwersang dapat harapin ng mga nagpapalit-palit na mukha ng reaksyunaryong estado.

Patuloy na naggigirian ang mga “warhawks” ng mga imperyalistang bansa at lumilikha ng tensyon na umutang ng ilampung libong buhay sa iba’t ibang panig ng daigdig nitong nakalipas na ilang taon lamang. Pinaypayan ito ng papatinding krisis pang-ekonomiya at pampulitika sa balwarte mismo ng mga imperyalistang bansa, lalo na sa mga kolonya at malakolonya nila tulad ng Pilipinas.

Sa nakalipas na halos anim na dekada, pinatunayan ng BHB, bilang pangunahing organisasyong masa ng Partido, ang kakayanan nitong gampanan ang kanyang tungkulin sa pambansa-demokratikong rebolusyon sa pagtatatag at pagpapalawak ng baseng masa, pagsusulong ng rebolusyonaryong agraryo, at sa pagbubuo ng Hukbo at pagpapaigting ng armadong pakikibaka.

Maningning ang rebolusyonaryong karanasan ng BHB upang magsilbing bisig ng lumalabang mamamayang Pilipino sa gitna ng pambansa at pandaigdigang krisis.

Gaya ng rebolusyonaryong karanasan, naniniwala kaming hindi makakamit ang mga ito sa maalwan at madaling paraan kundi sa pagsisikhay at sakripisyo, sa mga pagpuna sa mga kahinaan at pagpupunyaging magwasto, sa mga pag-atras at muling pagsulong, sa pagkamalikhain at walang kapagurang tumuklas ng bagong teknika, sa ibayong pagkatuto at pag-abante sa mas maunlad na antas.

Tulad ng inaasam ng bawat rebolusyonaryong Pilipino, naniniwala kaming makapagpapanatili at higit pang makapagpapalakas ang BHB upang tupdin ang dakila nitong misyon sa kasalukuyang pambansa-demokratikong rebolusyon at sa kasunod na yugto ng sosyalismo.

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Pakamahalin ang Bagong Hukbong Bayan, ang tunay na hukbo ng mamamayan!
Isulong at ipagtagumpay ang dalawang-yugtong Rebolusyong Pilipino!

*Si Ka Diego ay nagsilbing tagapagsalita ng Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog mula 2016-2019. Siya ay dinakip at piniit ng estado noong Nobyembre 2019. Hanggang ngayon, matatag siyang nakikibaka sa loob ng piitan.

Pulang saludo sa mga kadre, kumander, at mandirigma sa ika-56 taong anibersayo ng Bagong Hukbong Bayan!