Pahayag

Armadong Rebolusyon ang Tunay na Solusyon sa Kahirapan ng Mamamayan, Pulang Saludo sa Bagong Hukbong Bayan

Binibigyang-pugay at pinararangalan ng Katipunan ng mga Gurong Makabayan (KAGUMA) ang Bagong Hukbong Bayan na nasa unahan ng armadong pakikibaka sa loob ng 56 taon mula ng pagkatatag nito. Para sa inyong magiting at determinadong pagsusulong ng digmang bayan at sakripisyong walang pag- iimbot upang paglingkuran ang sambayanan, isang taos-pusong pulang saludo. Ang tagumpay ng Bagong Hukbong Bayan, ang tunay na hukbo ng mamamayang Pilipino, ay tagumpay para pambansang paglaya at demokrasya.

Ang demokratikong rebolusyon ay marahas na pag-aalsa ng mamamayan na magwawakas sa tanikala ng pang-aapi at pagsasamantala ng naghaharing uri at dayuhang kapangyarihan. Sa paglulunsad ng rebolusyon, ginugugol at ginagamit ang lakas at kaalaman ng nagkakaisang mamamayan upang matugunan ang problema ng lipunan. Ang mga burukrata, representante ngdinastiyang pulitikal, at tiranong nailuklok ng anumang reaksyunaryong eleksyon ay walang layuning magsilbi at hindi tunay na kinatawan ng mamamayan. Rebolusyon lamang ang magbibigay ng tunay na demokrasya at kapangyarihan sa mamamayan upang maisakatuparan ang mithiin ng nakararami.

Sa harap ng papalalang kalagayan ng mamamayang Pilipino sa kasalukuyan at daan-taong inhustisyang panlipunan na hindi natutugunan sa loob ng isang sistema na nilikha ng dayuhang kapangyarihan kasabwat ang lokal naghaharing uri para sa pansariling pakinabang, ang layunin at programa ng demokratikong rebolusyong bayan ay nananatiling maningning at dakila. Tanging ang programa ng demokratikong rebolusyong bayan ang naghahangad na lutasin ang problema sa lupa ng masang magsasaka at mapaunlad ng agrikultura upang matugunan ang pangangailangan sa pagkain at materyales para sa industriya. Layunin din ang pagtatayo ng mga industriya na magbibigay ng trabaho sa mga manggagawa at lilikha ng produktong kailangan ng lipunan para sa komprehensibong pag-unlad ng ekonomiya, at hindi sa pagkamal ng tubo ng dayuhang kapital, malalaking burgesya, at panginoong maylupa. Ang estado ay pamamahalaan ng demokratikong gobyernong bayan na may kinatawan ng iba’t ibang uri ng lipunan na nagsusulong ng matatag na pambansang pagkakaisa laban sa kontrol at panghihimasok ng dayuhang kapangyarihan at nagtataguyod sa karapatan at kagalingan ng mamamayan.

Binabati rin ang lahat ng kasapian ng KAGUMA sa buong bansa sa ika-54 na taong anibersaryo ng pagkatatag nito. Sa kaarawan ng rebolusyonaryong organisasyon ng kaguruan at kawani sa edukasyon, isapuso natin ang paglilingkod sa sambayanan at isabuhay ito sa pamamamagitan ng aktibong paggampan ng mga tungkulin sa armadong rebolusyon. Nananatiling malaking hamon ang pagmumulat sa masang kaguruan upang kanilang maunawaan na ang demokratikong rebolusyon ang magbabago sa kalagayan ng bayan, at ito ay magtatagumpay lamang sa pagkakaisa at aktibong paglahok ng malawak na mamamayan, kalahok ang kanyang hanay. Kailangang igpawan ang mga balakid sa pag-oorganisa sa hanay ng masang guro, maipaloob sa mga selyula at balangay ng KAGUMA, mapakilos upang tumugon sa pangangailangan ng digmang bayan, at mulat na magsikap na patatagin at paunlarin ito sa harap ng pasismo ng estadong naglalayon na durugin ang armadong pakikibaka at rebolusyonaryong kilusan. Mahalaga rin ang ambag ng KAGUMA sa rebolusyong kultural upang labanan ang paglulubid ng kasinungalingan ng naghaharing uri para linlangin ang mamamayan, bakahin ang mga mapanirang impluwensya na naglalayo sa ating kasapian sa rebolusyon, at maipalaganap ang kaisipang kritikal at ang makabansa, siyentipiko, at makamasang kultura. Hikayatin natin ang mga rebolusyonaryong guro na sumapi o di kaya’y makipamuhay sa mga yunit ng BHB upang direktang alamin ang kalagayan atmga pangangailangan ng hukbo at magsasaka sa kanayunan.

Sa gayon, mas mapapalalim ang ugnayan ng rebolusyonaryong kilusang guro sa armadong pakikibaka sa kanayunan. Sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan lamang matutuldukan ang lipunang puno ng inhustisya, mawawakasan ang pagpapahirap ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo sa sambayanang Pilipino, at maitayo ang lipunang tunay na malaya at demokratiko hanggang maitatag ang sosyalismo.

Isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan, Ang Tunay na Hukbo ng Sambayanan!

Armadong Rebolusyon ang Tunay na Solusyon sa Kahirapan ng Mamamayan, Pulang Saludo sa Bagong Hukbong Bayan