Pulang pagpupugay at saludo sa New People's Army! Ang tunay na Hukbo ng mga Palaweño at buong sambayanang Pilipino!
Binabati, pinagpupugayan at sinasaluduhan ng buong rebolusyonaryong kilusan at nakikibakang mamamayang Palaweño ang New People’s Army sa ika-56 anibersaryo nito noong Marso 29. Mula nang itatag ng Communist Party of the Philippines, gumampan na ang NPA bilang tanging hukbong tagapagtanggol at tagapagsulong ng interes at kapakanan ng mamamayan. Tugon ito sa malaon nang sigaw ng mamamayang api at pinagsasamantalahan para wakasan ang kanilang abang kalagayan at kamtin ang pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo.
Itinatag noong 1969 sa Capas, Tarlac, lumaki at ibayong lumakas ang NPA hanggang sa naipalaganap ang digmang bayan sa buong kapuluan. Dekada 1980 nang unang magkaroon ng yunit ng NPA sa Palawan. Hinarap ng Pulang Hukbo ang lahat ng kahirapan, pinangibabawan ang mga balakid at tinanggap ang napakaraming mga sakripisyo maging kamatayan alang-alang sa dakilang misyong kamtin ang tagumpay ng rebolusyon at ibagsak ang mapang-aping estado ng malakolonyal at malapyudal na lipunan.
Pambihira ang hamon sa mga rebolusyonaryong pwersa na makapanatili at magpunyagi sa gitna ng mahirap na kalagayan ng Palawan. Ito ang probinsyang pinakamalayo sa Luzon at higit pang inilalayo ng mga dagat na di paborable sa regular na pag-uulat, pagpapadala ng suportang pulitikal, laluna ng pwersa at lohistika at paghingi ng gabay sa sentro ng Partido sa rehiyon. Mayroon itong sariling katapat na area command ng AFP, ang Western Command na may malalakas na pwersang panagupa na ilang beses na mas marami kaysa Hukbong bayan. Palaging sinasalubong ng matitinding operasyon ng paglipol ng estado at AFP ang mga pagsisikap na magtayo ng mga yunit ng Hukbo sa isla. Ngayon, may direktang interbensyon pa ang imperyalismong US dahil sa presensya ng mga tropa nito na nakakampo sa Ulugan Bay, habang pinapakana pang dagdagan ang base nito sa Balabac island, timog na bahagi ng isla.
Nakapanghahamon din sa mga Pulang mandirigma ang pisikal na tereyn ng Palawan. Pinamumugaran pa ito ng mga lamok na may malaria. Marami nang mga kasama ang tinamaan ng sakit na ito.
Lahat ng ito ay matiyagang hinarap at pinangibabawan ng NPA at iba pang rebolusyonaryong pwersa sa Palawan. Mahigpit nilang pinanghahawakan ang halaga ng pagpapaunlad ng armadong pakikibaka sa probinsya at ang bahagi nito sa pambansang pagsusulong ng digmang bayan. Bilang isa sa 10 pinakamalalaking isla ng Pilipinas, tinukoy ng Partido ang Palawan bilang mayor na larangan sa pagpapalakas at pagpapatatag ng armadong pakikibaka sa rehiyong TK at buong bansa. Bukod pa rito, kailangan ang armadong paglaban upang ipagtanggol ang patrimonyang yaman ng isla at tiyaking mailaan ito para sa tunay na pambansang kaunlaran at kapakinabangan ng mamamayan.
Sa pamumuno ng Komite ng Partido sa probinsya, nagawa ng Pulang hukbo na makaugat nang malalim sa masang Palaweño. Ang NPA ang naging katuwang nila sa araw-araw na pakikibaka para mabuhay. Nakasama nila ang kanilang Pulang hukbo sa pagtatanim at pagkakaingin, pangingisda hanggang sa pagbubugta ng kanilang mga palayan. Kaagapay at nagsisilbing gabay nila ang NPA sa pagbubuo ng kanilang pagkakaisa at pagpapalakas ng mga organisasyong masa. Nakinig ang NPA sa kanilang mga hinaing at sumbong hinggil sa mga proyektong mapangwasak sa kalikasan at nang-aagaw ng kanilang lupa’t kabuhayan, sa mga kumpanyang nagpapatupad ng di-makataong kaayusan sa trabaho, sa mga berdugong militar at pulis na yumuyurak sa kanilang karapatan.
Sa mahigpit na tulong ng mamamayan, naisakatuparan ng NPA ang iba’t ibang mga taktikal na opensiba sa anyo ng mga punitibong aksyon laban sa mga mapagsamantalang mga kumpanya ng mina, agrokorporasyon, ekoturismo, mga abusadong yunit ng militar at pulis. Kabilang sa mga ito ang reyd sa istasyon ng mga abusadong pulis sa Roxas noong 2013, reyd sa mapandambong na mga kumpanyang Ipilan Nickel Corporation at Macro-Asia Corporation noong 2010, pagsira sa kagamitan ng mapanirang mga kumpanya ng Agumil, Citinickel, Newington at San Andres noong 2016, reyd sa pinuno ng goons ni JCA na si Gilbert Baaco noong 2017 at marami pang iba. Resulta ng mga ito, lalong humigpit ang pagkakabigkis ng mamamayang Palaweño sa kanilang Hukbo kaya higit nilang tinangkilik, sinuportahan at niyakap ang rebolusyong Pilipinong pinamumunuan ng CPP.
Ang nabuong pagkakabigkis ng Hukbo at masang magsasaka, manggagawa, mangingisda at pambansang minorya ay naitransporma sa ibayong paglaki at paglakas ng NPA sa probinsya. Sumampa sa hukbo ang pinakamabubuting anak ng Palawan. Inabot ng pag-unlad nitong matayuan ng dalawang larangang gerilya ang probinsya.
Malaki at mabigat ang puhunang dugo at buhay ng nagpasalin-saling henerasyon ng mga rebolusyonaryo sa Palawan. Marapat na gunitain at dakilain ang alaala ng magigiting na mga martir ng rebolusyon sa isla kabilang sina Bonifacio “Ka Boiwan” Magramo, Charity “Ka Rise” Dinio, Noli “Ka Selnon” Siasico, Ma. Andrea “Ka Naya” Rosal, Rona Jane “Ka Lemon” Manalo, Jay-ar “Ka RG” Sento, Nelyn “Ka Aldin” Dabdab Emon, Remel “Ka Azumi” Padilla Rodriguez, Justine Ella “Ka Pia” Vargas, Christopher “Ka Omar” Buton, Bienvenido “Ka Brendo” Vallever, at marami pang iba. Sila ang pinakamagigiting na mandirigmang sumuong sa napakalaking hamon ng paglulunsad ng armadong pakikibaka sa Palawan. Bagamat ang iba’y ipinanganak at lumaki sa ibang bayan, lahat sila’y naging pinakamahuhusay na anak ng Palawan. Walang katumbas na halaga ang kanilang iniambag sa pagsusulong ng digmang bayan, hindi lamang sa isla kundi sa buong bansa.
Datna’t panawan man ng mga yunit ng Hukbo ang Palawan, ang mga binhing isinabog ng rebolusyon ay patuloy na lumalago at namumunga. At tulad ng mga puno, habang may matatandang punong namamatay at nabubuwal, mas maraming bagong binhi ang mabubuhay at lalago. Laging maalab at mainit ang pagnanais ng mamamayang Palaweńo na magrebolusyon dahil sa kanilang abang kalagayan. Sa kasalukuyang malaganap ang kahirapan at karalitaan sa buong bansa at probinsya, lalong itutulak ng sitwasyon ang mga Palaweño na muling sindihan ang apoy ng armadong pakikibaka at paglagablabin ito sa buong Palawan.
Mabuhay ang NPA!
Digmang bayan, sagot sa kahirapan!