Pulang saludo sa mga minamahal nating kasama na nag-alay ng buhay sa Malbang, Pantabangan!

,

 

“…pangangalagaan ang kaligtasan ng Partido at lahat ng kasama ko buhay ko ma’y ialay kung kinakailangan,”

Buhay man ay ialay. Batid ng lahat ng Pulang Kumander at mandirigma ng NPA na ang paglahok sa rebolusyon at sa armadong paglaban ng mamamayan ay dakilang pag-aambag ng buhay. Mulat na ang sinusuong ay buhay na batbat ng kahirapan at pagsasakripisyo para sa dakilang layunin na matamo ang ganap na kalayaan ng bayan mula sa imperyalistang dominasyon at matamasa ng mamamayan ang tunay na demokrasya.

Buhay man ay ialay. Maibabagsak lamang ang naghaharing estado kung may sariling Hukbo ang mamamayan na dudurog sa AFP na siyang pangunahing sandalan at sandigan ng uring panginoong maylupa at malaking burgesya kumprador. Maitatayo lamang ang demokratikong gubyernong bayan, ang pulang kapangyarihan kung ang inaaping mamamayan ay may sariling Hukbo. Ang NPA ang hukbo ng masang inaapi at pinagsasamantalahan. Ang NPA ang sentro de grabidad ng armadong paglaban ng mamamayan. Kung walang NPA, walang Hukbo ang mamamayan na mangunguna sa paglaban sa pang-aapi’t pagsasantamala.

Buhay man ay ialay. Ang digmang bayan ay malawakang pagpapakilos sa masang magsasaka sa pangunahin at sa lahat ng uring api laban sa naghaharing estado na may sandatahang lakas na naaarmasan ng modernong armas at nagtatamasa ng suporta mula sa imperyalistang US. Sa tuwiramg pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, pinangungunahan ng NPA ang pagbibigkis sa pagkakaisa ng uring magsasaka at ng iba pang pinagsasamantalahanga uri sa linya at programa ng demokratikong rebolusyong bayan. Tumutulong ang NPA para maisulong ng masang magsasaka ang mga repormang agraryo at mapagtagumpayan ang mga pakikibakang magsasaka laban sa pagsasamantalang panginoong maylupa.

Buhay man ay ialay. Walang takot sa kamatayan, ang mga Pulang Kumander at mandirigma ng NPA ay tumataya ng kanilang mismong buhay sa bawat araw at bawat sandaling tinataguyod nila at isinasakatuparan ang rebolusyunaryong tungkulin sa mamamayan.

Buhay man ay ialay…

At inialay nila ang kanilang buhay…

Nang hapong iyon, Hunyo 26, 2024, sa baryo ng Malbang, bayan ng Pantabangan, sa Nueva Ecija, sampung magigiting na Kumander at mandirigma ng NPA ang nag-alay ng buhay para sa rebolusyunaryong adhikain. Magiting silang nakipaglaban sa magkasanib na pwersa ng 703rd Brigade ng AFP na ilang ulit ang dami sa bilang at armas. Mula alas dos kwarentay singko ng hapon hanggang pagdilim ay matatag na dumipensa ang Pulang Hukbo. Kinailangan pa ng AFP ng combat drone at attack helicopters para malapitan ang posisyon sa labanan ng Pulang Hukbo, at ang nabuwal na katawan ng mga bayani ng bayan.

Tapat sa kanilang sinumpaan sa Partido at sa masang pinaglilingkuran, nag-alay sila ng buhay dahil kinakailangan. Nag-alay sila ng buhay, nang maipagpatuloy ng mga nakasaksi at nakakabatid sa kanilang kabayanihan ang kanilang dakilang adhikain.

Tunay silang mga bayani ng bayan. Karangalan nilang mag-alay ng buhay para sa dakilang adhikain ng pagsusulong ng tunay na kalayaan at demokrasya.

Pulang saludo sa mga bayani ng bayan!

Kataas-taasang pagpupugay!

  • Kay Kasamang Hilario “Larry” Guiuo na kilala natin sa mga pangalang Ka Berting, Ka Tonyo, Ka Alde, Ka Abing, Ka Jr… Siya ay pinagpipitagang Punong Kumander ng rehiyon at Kalihim ng Komiteng Rehiyon. Rebolusyunaryong Kristyano, doktor, guro, mapagmahal na ama, artista ng bayan.
  • Kay Kasamang Harold Menosa na kilala natin sa mga pangalang Ka LJ, ka Luzon, ka India, Ka Muyak…. Siya ay magiting na Pulang Kumander, kadre ng Partido, mahusay na doktor ng masa, mapagmahal na ama.
  • Kay Kasamang Marian Castro na kilala natin sa mga pangalang Ka Lunti, ka Andrei, Ka Baybay, Ka Tuesday, Ka Trining.. Pampulitikang instruktor, mahusay na opisyal pulitiko-militar, rebolusyunaryong ina, artista ng bayan.
  • Kay Kasamang Archie Arceta na kilala natin sa mga pangalang Ka Ron, Ka Teyo, Ka Tomas… Siya si Soral Malaya, rebolusyunaryong makata. Kadre ng Partido at Hukbo.
  • Kay Kasamang Asaze Galang na kilala natin sa mga pangalang Ka Shyla, Ka Jep, Ka Mabel. Kadre ng Partido at Hukbo, organisador ng kabataan, propagandista-ahitator!
  • Kay Kasamang Angelika Joan Villalon na kilala natin sa mga pangalang Ka Kira, Ka Jill, ka Molly, Ka Misa, Ka Jade, Ka PJ… rebolusyunaryong Kristyano at mapagkalingang doktor ng masa.
  • Kay Kasamang Pepito Bautista na kilala natin sa mga pangalang Ka Dylan, Ka Welfred, Ka Jestony… pinagpipitagang kasapi ng Partido at Hukbo na sa kanyang edad na 64 ay walang pagdadalawang loob na magpatuloy bilang Hukbo ng masa.
  • Kay Kasamang Reynan Mendoza na kilala natin sa pangalang Ka Mel, Ka Peter.. magiting na anak ng pakikibakang magsasaka sa Hacienda Luisita, doktor ng masa.
  • Kay Kasamang Noel Bedonia na kilala sa mga pangalang Ka Eric, Ka Felix, Ka Landas, Ka Tagumpay… propagandista-ahitador, organisasor ng maralitang lungsod at mga tsuper bago siya naging mahusay ng Hukbo ng magsasaka;
  • Kay Kasamang Noel Bedonia, Jr. na kilala sa pangalang Ka Angel at Ka Maysan.. pinakabatang mandirigma ng Silangan GL. Pagtuntong sa edad na disi otso ay pormal na naging kasapi ng NPA.

Malupit, marahas at hindi makatao ang naghaharing estado. Sinuman o anumang pagtatangkang yugyugin ang paghahari nito ay kanyang sinusupil at pinupuksa. Gayunman, hindi nito kayang supilin ang poot ng mamamayan. Hindi mapupuksa, hindi magagapi ang mamamayang lumalaban.

Ang mga putok at alingawngaw ng baril sa naganap na engkwentro ay pumukaw sa makauring kamalayan ng masang magsasaka. Ipinakita ng armadong labanang ito na hindi kailanman mapagkakasundo ang interes ng masang magsasaka na tinataguyod ng New People’s Army at ang interes ng uring panginoong maylupa na ipinagtatanggol ng mersenaryong AFP. Ang kanilang dugong pumatak sa tigang na lupa ng Pantabangan ay nanunuot sa makauring kamalayan ng libu-libong masang nawalan ng tirahan at lupang mabubungkal habang kumakamal ng dolyares na kita ang First Gen Corporation at mga kasosyo nitong pribadong korporasyon sa pagkontrol sa tubig at malawak na lupain ng Pantabangan. Hindi mapapayapa ang bayang malaon ng batbat ng kaguluhan dulot ng tumitinding terorismo ng estado sa mamamayan. Hindi mapipigilan ng anumang panunupil ang pagsambulat ng galit ng bayan. Makauring himagsikan ang kanilang sigaw!

Hindi dito nagtatapos ang kabayanihan ng mga kasamang martir. Sa ating patuloy na pagtataguyod at pagsusulong sa rebolusyunaryong adhikain na pinag-alayan nila ng buhay, mananatiling buhay ang kanilang kabayanihan.

Itanghal ang kabayanihan ng sampung kasama! Gawin nating inspirasyon ang kanilang kabayanihan. Buhay man ay ialay, tahakin ang landas ng rebolusyonaryong paglaban!

____
(Statement date: June 28, 2024)

Pulang saludo sa mga minamahal nating kasama na nag-alay ng buhay sa Malbang, Pantabangan!