Retooled Community Support Program (RCSP) - isang inasukalang bala ng pasistang rehimeng US-Duterte laban sa mamamayang Pilipino.
Matamis kung pakinggan subalit marahas at madugo sa kaibuturan.
Ganito maisasalarawan ang katangian ng RCSP na binalangkas ng DILG bilang bahagi ng ahensya sa pagtupad sa Executive Order 70 na inilabas ni Duterte noong Disyembre 2018. Umaalinsunod ang RCSP sa niresiklong whole-of-nation approach (WNA) at pagbubuo ng National Task Force (NTF) ng rehimeng US-Duterte bilang kakumplementaryo ng focused military operation (FMO) para wakasan ang armadong rebolusyon sa bansa na pinamumunuan ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Binuo ang RCSP para diumano’y palakasin ang komponenteng sibilyan ng kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimeng US-Duterte at maging kasangkapan sa paghahatid ng serbisyo publiko sa mga liblib na bahagi ng bansa. Inaakala ni Duterte na sa pamamagitan ng pagbibigay ng malaking papel sa DILG kabilang ang mga lokal na gubyerno sa kontra-rebolusyonaryong digma nito, mawawakasan ang rebolusyonaryong kilusan na hindi nagawa sa nakaraan sa pamamagitan ng lantay militar na paraan. Kunwari’y nagsasagawa ng mga papulong at diyalogo sa mga tao sa baryo upang mag-alam sa kalagayan at marinig ang kanilang hinaing sa gubyerno. Nagpapakitang gilas sa pag-iimbwelto sa tao na bahagi sila sa pagbubuo ng mga programa at proyekto. Gumagamit ng mga mabulaklak na lenggwahe upang makapanlinlang at para tabingan ang tunay na intensyon nitong kontra-mamamayan.
Maramihan ding isinasangkot sa pagpapatupad ng programa ng RCSP ang diumano’y mga kabilang sa national government agencies (NGAs), non-government organizations (NGO’s), people’s organizations (PO’s), civic organizations, media, taong simbahan at iba pa para palitawing sinusuportahan at iniindorso nila ang RCSP.
Ang tanging hangad nito ay wasakin ang mga pangunahing base ng rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan, na sa iba’t ibang kalagayan at sirkumstansya ay nagtatamasa ng mga benepisyo at pakinabang resulta ng kanilang mga tagumpay sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo at iba pang mga antipyudal na pakikibaka. Nakaayon at nakadisenyo ang RCSP sa kabuang balangkas ng JCP-Kapanatagan na isang madugong kontra-rebolusyonaryong digma na naglalayong tapusin ang armadong tunggalian sa bansa sa pagtatapos ng termino ni Duterte sa Hunyo 30, 2022.
Ipapatupad ang RCSP hindi sa lahat ng barangay sa Pilipinas at hindi rin nakabatay sa kalagayang pang-ekonomiya at sosyo-kultural ng mga barangay. Ang pagtukoy at pagpili sa mga barangay na lulunsaran ng RCSP ay pangunahing nakasandig sa intelligence estimate o sa naipong paniktik ng AFP at PNP sa kung aling mga barangay sa bansa ang nasa kategorya nila bilang impluwensyado, di gaanong impluwensyado at may banta ng rebolusyonaryong kilusan. Halimbawa, sa Timog Katagalugan, klinasipika ng AFP at PNP na 11 barangay ang impluwensyado, 21 ang di gaanong impluwensyado at 315 ang may banta ng rebolusyonaryong kilusan. May kabuuang bilang ito na 347 barangay o katumbas na 6.3% lamang ng 5,469 na barangay sa saklaw ng rehiyon (4,019 ang nasa CALABARZON o Region IV-A at 1,450 ang nasa MIMAROPA o Region IV-B batay sa census ng March 2019 ) ang balak lunsaran ng RCSP.
Sa ganitong kategorisasyon at pokus ng paglulunsaran ng RCSP, malinaw at walang duda na isa itong marahas na kampanyang pulitiko-militar ng AFP at PNP na nagkukunwaring nakapailalim sa pamamatnugot ng mga lokal na ehekutibo pero sa saligan ay mga palamuti lamang ang ginagampang papel ng mga ito sa pagpapatupad ng RCSP. Sa buong proseso ng pagpapatupad ng RCSP ang AFP at PNP, sa pamamagitan ng Peace, Law Enforcement & Development Support (PLEDS) Team nito, ang makapangyarihan, mapagpasya at nakakapanaig sa pagpapatupad sa buong proseso at kondukta ng RCSP ng DILG.
Ang PLEDS Team na binubuo ng 9-kataong CSP Team ng AFP, dalawang tauhan ng PNP/BFP/BJMP at mga ex-NPA ang armadong komponente ng RCSP na lulubog sa mga barangay na target na ‘linisin’ sa impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan. Ito ang maglulunsad ng operasyong saywar na walang pinagkaiba sa napatunayang bangkarote at mga bigong operasyong sibil-militar (CMO’s) ng AFP sa nakaraan tulad ng PAMANA, Kapit Bisig Laban sa Kahirapan (KALAHI), Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (CIDSS), Balik-Loob Program, at 4P’s.
Ang lubusang pagtalikod ng rehimeng US-Duterte sa usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ay pagtalunton niya sa landas ng kontra-mamamayang digma at pag-abandona sa nilalayon ng usapang pangkapayapaan na kamtin ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.
Tulad sa mga kontra rebolusyonaryong digma na ipinatupad ng mga nakaraang rehimen, tiyak na mauuwi lamang din sa kabiguan ang RCSP at ang buong JCP-Kapanatagan ng pasistang rehimeng US-Duterte dahil hindi ito nakatuntong at umaayon sa pagresolba sa sanhi at dahilan ng nagpapatuloy na armadong paglaban ng sambayanang Pilipino para ibagsak ang imperyalismo, burukrata-kapitalismo at pyudalismo.
Huwag magpalinlang. Labanan at biguin ang kontra mamamayan at mapalinlang na Retooled Community Support Program ng pasistang rehimeng US-Duterte. Ibayong isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan at magkamit ng mga tagumpay.###