Sa ika-2 taong ng anibersaryo ng Bloody Sunday Massacre, Ipagpatuloy ang pakikibaka para sa hustisya ng mga biktima ng ekstra-hudisyal na pamamaslang! Magpunyagi sa pambansa-demokratikong rebolusyon!

Kaisa ang Partido Komunista ng Pilipinas -Timog Katagalugan (PKP-TK) sa paggunita ng mamamayan ng Timog Katagalugan sa karumal-dumal na Bloody Sunday Massacre. Ang Bloody Sunday ay ang araw kung saan sabay-sabay na pinaslang ng mga ahente ng estado ang siyam na aktibista at lider at dinakip ang anim na iba pa mula sa mga hayag na pambasa-demokratikong organisasyon sa Timog Katagalugan. Ang mga biktima ng madugong masaker ay sina Emmanuel “Manny” Asuncion ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN)-Cavite; mag-asawang Ana Mariz “Chai” Lemita at Ariel Evangelista ng Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pagwawasak ng Kalikasan at Kalupaan (UMALPAS KA); Michael Dasigao, Mark Lee Bacasno, at Abner at Edward Mendoza ng San Isidro Kasiglahan, Kapatiran at Damayan para sa Kabuhayan, Katarungan at Kapayapaan (SIKKAD-K3); at dalawang Dumagat na sina Puroy dela Cruz at Randy “Pulong” dela Cruz.

Pinaparangalan ng PKP-TK ang mga nasabing martir na dahil sa kanilang pagmamahal sa kanilang mga kauri ay walang pag-iimbot na inialay ang kanilang mga sarili para isulong ang interes ng mga magsasaka, manggagawa at mga katutubo. Sa mata ng pasistang estado, isang krimen at pagiging terorista ang kumilos at pamunuan ang paglaban para sa kapakanan ng mga inaapi at pinagsasamantahan, ang isulong ang kanilang mga lehitimong interes para sa lupa, kabuhayan at karapatan. Sa kabila ng lantarang paninibasib ng rehimeng US-Duterte, nangahas silang itaas ang kanilang kamao, at pagliyabin ang sulo ng paglaban ng masang anakpawis. At dahil hindi pinag-iiba ng pasistang estado ang hayag na pakikibaka at armadong pakikibaka, ginamit sa kanila ang pinakamarahas na anyo ng panunupil at pinatay silang lahat ng walang kalaban-laban! Matapos ang madugong masaker, sinabi ng mga pulis at militar na napatay sila dahil sa sila’y “nanlaban” upang bigyang katuwiran ang kontra-rebolusyonaryong kampanya ng estado.

Ang Bloody Sunday Massacre noong Marso 7, 2021 ay maihahalintulad sa kilala sa kasaysayan na Bloody Sunday na naganap sa Rusya noong 1905, kung saan libu-libong manggagawang nagrarali ang minasaker ng mga pulis ng estado ng tsaristang Rusya. Ang estilong pagpatay ng maramihan at sabay-sabay ay bahagi ng arsenal ng pasistang rehimen para maglikha ng “shock and terror” upang sindakin at paralisahin sa takot ang mamamayang lumalaban. Paraan ito upang patahimikin sila sa harap ng mga atake sa kanilang kabuhayan at mga karapatan. Ito ang estilo ng madugong Synchronized Enhanced Management of Police Operation o SEMPO sa ilalim ng Oplan Sauron ng PNP na kumitil ng maraming buhay ng mga ordinaryong sibilyan sa ilalim ng rehimen ni Rodrigo Duterte.

Sa loob ng dalawang taon, naging mailap ang hustisya para sa mga biktima ng Bloody Sunday Massacre. Kamakailan lamang ay inabswelto ang 17 pulis at isang ahente ng CIDG sa kaso ni Emmanuel “Manny” Asuncion, isa sa mga biktima ng Bloody Sunday. Sa kabila ito ng papapatunay ng mismong mga kaanak ng biktima na kitang-kita kung paano pinaslang si Manny at narinig ang nagmamakaawang sigaw ng biktima na “…MGA TAO RIN KAMI!” bago barilin. At noong 2022, binigyan ng promosyon si Gen. Felipe Natividad, noo’y hepe ng PNP-CALABARZON na isa sa mga utak ng Bloody Sunday Massacre, at si Judge Jose Lorenzo dela Rosa, ang hukom na nag-isyu ng search warrant laban kay Manny.

Nagkikibit-balikat ang reaksyunaryong rehimeng US Marcos-Duterte para mabigyan ng katarungan ang mga biktima ng mga ekstra-hudisyal na pagpatay, tulad ng nangyari sa mga biktima ng Bloody Sunday. Hinahadlangan nito maging ang pang-uusig sa mga krimen laban sa sangkatauhan ni Rodrigo Duterte na ngayon ay nakasampa sa International Criminal Court (ICC). Nakapanlulumong isipin, laluna sa mga kapamilya ng mga biktima ng extra-judicial killings na kapag ang mga kasapakat ng naghaharing-uri ang napapatay, tulad na lamang ng napabalitang ambus kay Gob. Degamo ng Negros nitong Marso 4, ay mabilis pa sila sa alas-kwatro na manawagan para hustisya. Kapansin-pansin na magkakasunod na nagpahayag at nanawagan ng hustisya ang ilehitimong pangulo na si Marcos Jr., bise presidente nitong si Sara Duterte, anak ni Marcos Jr. na si Sandro Marcos at iba pang mga mambabatas. Ayon sa kanila dapat agarang matukoy ang mga salarin at mabilis na mapanagot sa krimen. Ito naman ang sadyang nararapat. Subalit ang mapait na katotohanan: kapag karaniwang mamamayan ang biktima ay tahimik ang estado, laluna ang DOJ. Masahol pa’y sisihin ang mga biktima na “nanlaban” o mga “terorista” kaya napatay!

Dapat papanagutin ang mga salarin sa madugong kampanyang crackdown sa mga hayag na pambansa-demokratikong organisasyon. Dapat ipagpatuloy ng mga kaanak ng biktima, mga kaibigan ang pagsampa ng kaso laban sa mga may kagagawan ng krimen. Dapat hindi sila masiphayo sa kawalan ng interes ng mga nasa ahensya ng reaksyunaryong gubyerno na umabante ang kaso at ikulong ang mga salarin. Dapat patuloy na ilantad at labanan ang mga manipulasyon at “white washing” ng rehimeng US Marcos-Duterte sa pamamagitan ng DOJ para mapawalang-sala ang mga ito. Dapat suportahan ang pag-uusig kay Rodrigo Duterte ng ICC para sa maraming kaso ng ekstra-hudisyal na pamamaslang sa mga aktibista’t masa at maramihang pagpatay sa ilalim ng kanyang gyera-kontra-droga.

Lampas pa sa mga nabanggit, totoong hindi sapat na umasa ang mamamayan sa sistema ng hustisya ng reaksyunaryong estadong nagtatanghal sa kultura ng impyunidad at tagapagtanggol sa interes ng mga mapagsamantala at mapang-aping uri. Nasa kamay ng mamamayang lumalaban ang paghahanap ng tunay na hustisya para sa biktima ng kawalang katarungan sa ilalim ng sistemang malakolonyal at malapyudal. Dapat magpunyagi para sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Sa hakbang-hakbang na paglawak, pagtatag at paglakas ng organo ng kapangyarihang pampulitika ng mamamayan mabibigyan ng katarungan ang lahat ng biktima ng walang habas na pamamaslang at inhustisya. Ang lahat ng nag-alay ng buhay para sa pagkakamit ng tunay na kalayaan, katarungan at demokrasya ay tatanghaling tunay na mga bayani na mananatili sa puso at pananatilihing nag-aalab ang pakikibaka ng sambayanang sinusupil, inaapi at pinagsasamantalahan ng papet, pasista-teroristang estado.

Aasahan ng mamamayan sa Timog Katagalugan na patuloy na palalakasin at patatatagin ng PKP-TK ang pamumuno nito sa Bagong Hukbong Bayan at sa lahat ng rebolusyonaryong pwersa. Patuloy nitong pangingibabawan ang mga kahirapan sa harap ng kampanyang supresyon ng reaksyunaryong estado. Ang ibayong paglalim ng krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal na nagdudulot ng labis-labis na kahirapan ng malawak na mamamayan at ang kaakibat na pagtindi ng pasismo-terorismo ng estado ay nagpapatunay sa kawastuhang isulong at ipagtagumpay ang pambansa demokratikong rebolusyon.###

Sa ika-2 taong ng anibersaryo ng Bloody Sunday Massacre, Ipagpatuloy ang pakikibaka para sa hustisya ng mga biktima ng ekstra-hudisyal na pamamaslang! Magpunyagi sa pambansa-demokratikong rebolusyon!