Singilin ang 80th IBPA sa iligal na pagkulong kay Melchor “Dodong” Luyao

,

Mariing kinunkundena ng PKM-Rizal ang iligal na pag-aresto at pagkulong kay Melchor Luyao na isang magsasaka at masikhay na organisador ng kapwa nya magbubukid sa lalawigan ng Rizal.

Noong Hulyo 9, 2024, alas-otso ng gabi ay iligal na inaresto si Melchor o mas kilalang Dodong Bagsak sa isang pribadong farm na kanyang pinagtatrabahuhan sa Antipolo City. Ayon sa mga nakasaksi, bago ito, bandang alas-dos ng hapon ay nagtatanim si Dodong sa labas ng farm nang may biglang kumausap sa kanyang dalawang lalaki na hindi nagpakilala.

Nagulantang na lamang sila noong gabi nang may di-bababa sa sampung armadong lalaki ang pilit na binubuksan at umaakyat sa gate at nagbantang pagbababarilin sila. Sa takot nila na sila ay pagbabarilin, napilitan na lumabas si Dodong. May ipinakitang warrant of arrest sa kanya subalit mali ang apelyido.

Dinala si Dodong sa PNP-Baras Station at kinumpirma ng mga pulis na ang humuli kay Dodong ay mga sundalo ng 80th IBPA. Tahasang paglabag at pang-aabuso ito sa kapangyarihan, sapagkat inaresto siya gamit ang maling pangalan sa mandamyento de aresto na isinilbi sa kanya bukod sa hindi saklaw ng tungkulin ng mga sundalo ang mang-aresto. Ang may mandato sa pag-aresto ay ang mga pulis. Dagdag na naman ito sa sangkaterba nang paglabag sa karapatang pantao at pang-aabuso sa kapangyarihan ng 80th IBPA. Matapos interogahin ay ikinulong si Dodong sa San Mateo Municipal Jail.

Bago ang pag-aresto kay Dodong ay nakaranas na siya ng serye ng paniniktik, panghaharas at pananakot mula sa mga ahente ng 80th IBPA. Oktubre 2023, pinagbantaan siya ni Paulino “Dads” Bernal na mag-ingat. Si Bernal ay isa sa mga kontra-rebolusyonaryong taksil na dating ikinulong ng militar, tinakot, pinalaya at ngayon ay nagpapagamit bilang ahente. Hinahanap din ni Dads kay Dodong ang iba pang kasapi ng mga lehitimong organisasyon na tagapagtaguyod ng karapatan. Nitong Marso 2024 ay may ilang beses siyang pinuntahan sa kanilang bahay ng mga hindi kilalang tao at madalas tambayan at tapatan ng mga sasakyan ito na tila nagmamanman. Nag-iwan rin ng sulat sa kanyang bahay ang isang nagpakilalang “Francis” na nakasaad ang kanyang pangalan na may mga litrato nya at sulat na nagbabanta na alam diumano kung sino siya at ano ang mga ginagawa nya at makipagtulungan na lamang kung ayaw mapahamak. Hanggang sa doon na sa tapat ng kanilang bahay tumira ang mga lalaking nagbabanta at nagmamanman sa kanya. Dahil hindi nila natinag si Dodong at nagpatuloy ito sa pakikipaglaban sa karapatan ng mga magbubukid at sa pagtatrabaho upang buhayin ang kanyang pamilya at anim na anak, iligal nilang inaresto at ikinulong si Dodong sa kasong gawa-gawa lamang.

Dapat palayain si Dodong dahil hinabing kasinungalingan lamang ang ikinaso sa kanya na Illegal Possession, Manufacture and Acquisition of Firearms, Ammunition and Explosives.    Ang tangi lamang nyang ginagawa ay ipaglaban ang karapatan ng mga magsasaka sa lupang inaangkin at dinadambong ng malalaking panginoong may lupa tulad ng mga Ayala at Roxas sa bandang Rodriguez. Nanindigan din siya na hindi dapat mapalayas ang mga magsasaka at mga katutubong Dumagat kapalit ng mga ipinapatayong imprastraktura na magsasapribado lamang ng serbisyo sa tubig sa ilalim ng proyektong Wawa Violago Dam sa Rodriguez. Tinututulan din nya ang pagpapalayas sa mga maralitang magsasaka at mga mala-manggagawa sa bahaging Antipolo dahilan sa mga developer ng mga subdivision at iba pang komersyal na gamit sa lupa at mga quarry. Matapang nyang ipinaglalaban ang lupa para sa mga magsasaka at tinututulan ang malawakang kumbersyon ng lupa sa lalawigan dahilan upang mawalan ng mabubungkal ang mga magsasaka na ang epekto ay hindi pagiging sustenable ng pinagkukunan ng pagkain ng ating bansa at ang epekto rin ng pagkawasak ng kabundukan at matinding pagbaha dahilan sa mga quarry at mga dambuhalang mapanirang dam.

Nanawagan ang PKM-Rizal na palayain si Dodong at papanagutin ang 80th IBPA na iligal na umaresto at nagkulong sa kanya. Ipinapakita lamang ng pangyayaring ito na ang mga nakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa ay syang ikinukulong at walang tunay na hangarin ang gubyerno ng mga panginoong may lupa at malalaking burgesya kumprador na ipatupad ang tunay na reporma sa lupa. Gamit ang kanilang bayarang mga alipures na AFP upang supilin ang mga lehitimong nakikibaka na mga magsasaka. Sa ganitong kalagayan, saan na susuling ang mga magsasakang inaagawan ng lupa at ikinukulong o pinapatay dahi dito? Hindi na tayo magtataka kung bakit patuloy silang sumasapi sa Bagong Hukbong Bayan na nagsusulong ng bagong tipo ng demokratikong rebolusyong bayan upang ipatupad ang rebolusyong agraryo at ipamahagi ng libre ang lupa sa mga magsasaka at palayain sila sa pagsasamantalang pyudal at malapyudal.

Palayain si Melchor “Dodong” Luyao!
Panagutin ang 80th IBPA sa iligal na pag-aresto at pagkulong kay Dodong!
Mga magbubukid isulong ang rebolusyong agraryo at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Singilin ang 80th IBPA sa iligal na pagkulong kay Melchor “Dodong” Luyao