Pahayag

Hinggil sa Pahayag ni Sara Duterte tungkol sa Oslo Joint Statement Tinik sa daan ng tunay, makatarungan, pangmatagalang pangkapayaan si Sara Duterte

,

Hindi na nakakagulat ang naging reaksyon ni Sara Duterte mula sa “kalaban ng kapayapaan ang mga kumukwestyon sa confidential and intelligence fund” at ngayon ay “deal with the devil” ang pagpirma ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) sa Oslo Joint Declaration, ang intensyon ng dalawang panig na muling umupo sa usapang pangkapayapaan. Tulad ng kanyang ama, pareho silang hayok sa dugo kaya hindi na dapat asahan na bibigyang-puwang ng mga Duterte na muling ihapag sa mesa, pag-usapan at lutasin ang mga ugat ng armadong tunggalian sa bansa.

Sa panunungkulan ng tiranikong rehimeng Duterte, pinakawalan nito ang pinakamalulupit at mababangis na teroristang panunupil sa mamamayan at nangibabaw ang hunta-militar sa burukrasyang sibilyan. Binuo ang Executive Order No 70, Memorandum Order No 32, isinabatas ang Anti-Terror Law at binansagang terorista ang CPP-NPA-NDF at ipinapatay ang ipinakulong ang mga NDF consultants.

Taliwas sa pahayag ni Sara, si Duterte at AFP ang hindi tumupad sa mga kasunduan sa pakikipag-usapang pangkapayapaan. Hindi nito pinalaya ang mga bilanggong pulitikal, sinamantala ang matagal na tigil-putukan upang maghari ang mga militar sa baryo. Sa halip na seryosong lutasin ang ugat ng inhustisyang panlipunan at pambansang pang-aapi ay naglunsad ito ng “localized peace talks” at “community support programs” na nagpailalim sa mga komunidad sa de facto martial law.

Sa huli, ang pahayag ni Sara ay malinaw na patunay lamang na higit na tumatalim ang hidwaan sa mabuway na alyansang Marcos-Duterte. Nangangatog ang tuhod ng mga maka-Duterte na heneral sa AFP at sa ahensyang seguridad na sibakin sila sa poder ni Marcos Jr sa pagpupostura nitong para sa usapang pangkapayapaan.

Deklaradong prinsipyo ng NDFP na lagi itong bukas sa negosasyong pangkapayaan. Subalit hanggat hindi tinutuguan ang mga kagyat na praktikal na hakbang para magbukas ito—ang pagpapalaya sa mga NDF consultants at pagtanggal sa terrorist designation sa NDF (at CPP-NPA)—hindi rin ito uusad.

Huling porma sa maraming larangan ng pakikibaka ang masalimuot na landas ng usapang pangkapayapaan. Nanatiling paglulunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka ang pangunahing porma ng paglaban ng sambayanang Pilipino upang ibagsak ang tatlong ugat ng kahirapan. Malinaw sa Partido at sa buong rebolusyonaryong pwersa na ang pagpupostura ni Marcos Jr para sa usapang pangkapayapaan at amnestiya ay nasa balangkas ng pasipikasyon at kapitulasyon. Kaya nagkakamali si Sara, si Marcos Jr ang AFP, sa pag-aakalang mahuhulog ang rebolusyonaryong kilusan sa bitag na ito.

Tinik sa daan ng tunay, makatarungan, pangmatagalang pangkapayaan si Sara Duterte