Pahayag

Tinututulan ng mga Masbatenyo ang Charter-Change! Digmang bayan ang tunay na people's initiative!

Tulad ng ginawa niyang pandaraya para manalo sa pagkapresidente, tusong itinutulak ngayon ni Marcos Jr ang pagbabago sa Saligang Batas sa pamamagitan ng panlalansi sa taumbayan na pumirma sa petisyong sumasang-ayon sa naturang panukala.

Ipinapakalat ngayon sa pamamagitan ng nga alkalde sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang isang petisyon na tinatawag na people’s initiative kung saan inoobligang pumirma ang kada botante kapalit ng P100 o ayuda mula sa TUPAD at DSWD.

Ano ang pagbabago ng Konstitusyon o Charter Change, na mas kilala sa tawag na Cha-Cha? Ito ay ang ilang dekada nang tangka ng mga nakaupo sa poder na baguhin ang Saligang Batas upang patagalin ang sarili sa pwesto, gawing ligal ang terorismo ng estado at batas militar na paghahari, at tanggalin ang mga natitirang proteksyon ng lokal na ekonomya laban sa dayuhang pandarambong.

Sa Masbate, hindi pa man naipapasa ang Cha-Cha, damang-dama na ng mga Masbatenyo ang mapaminsalang epekto nito.

Damang-dama ng mga Masbatenyo ang epekto ng dayuhang kontrol at panghihimasok. Inutil ang gubyerno sa mababang presyo ng kopra dahil dayuhan ang nagdidikta sa presyo nito. Pinadapa rin ng pagbaha ng mga imported na produkto ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka. Dayuhan lang ang nakinabang sa tone-toneladang ginto na namina ng Filminera samantalang tayo ang magdurusa sa pagkawasak ng mga kabundukan at kapaligiran.

Liban dito’y hawak lang ng iilang pamilya ang mga lupain at pusisyon sa reaksyunaryong gubyerno. Halos kalahati ng kalupaan sa Masbate ay mga rantso na pinagmamay-arian ng iilan lamang na pamilya. Ang mga dinastiyang ito ang siya ring nagpapalit-palitan sa pagkontrol sa lokal na gubyerno.

Batas militar ang umiiral sa prubinsya. Linalapastangan ang konstitusyunal na prinsipyong pangingibabaw ng sibilyang otoridad sa militar. Walang habas na yinuyurakan ang mga kalayaang sibil at batayang karapatan sa lupa, kabuhayan at buhay.

Walang intensyon ang Charter Change na solusyunan ang paghihirap na dinaranas ng sambayanan. Sa halip, patitindihin lamang ng Cha-Cha ang mga kundisyon ng pang-aapi at pagsasamantalang dulot ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Sino ang makikinabang sa Cha-Cha? Walang iba kundi ang imperyalistang US, mga malalaking negosyo at mga pulitikong tulad ni Bongbong Marcos at Gov. Antonio T. Kho.

Itinatakwil ng mga Masbatenyo ang Cha-Cha at iba pang pakana para lalo silang ilugmok sa kahirapan. Handa silang iboykot anumang pakana ng panlilinlang para palabasing sinusuportahan nila ang panukalang Cha-Cha tulad ng pagpirma sa petisyong umano’y people’s initiative.

Sa halip, hangad ng mga Masbatenyo ang tunay na panlipunang pagbabago sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyon. Sa armadong rebolusyon lamang nila maibabagsak ang bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal na pinaghaharian ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo na siyang ugat ng kanilang kahirapan.

Sinusuportahan ng mga Masbatenyo ang Programa ng Partido Komunista ng Pilipinas bilang natatanging programa para sa tunay na panlipunang pagbabago. Sa halip na dayuhang panghihimasok, hangad nila’y tunay na reporma sa lupa, mekanisasyon ng agrikultura at pagtatayo ng pambansang industriya. Handa rin silang suportahan ang usapang pangkapayapaan sa balangkas ng mga naunang kasunduan. Maisasakatuparan lamang lahat ng ito sa paglahok nila sa digmang bayan bilang tunay na inisyatiba ng mamamayan.##

Tinututulan ng mga Masbatenyo ang Charter-Change! Digmang bayan ang tunay na people's initiative!