Pahayag ng Katipunan ng mga Gurong Makabayan (KAGUMA) sa ika-53 anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) Wakasan ang kasuklam-suklam na imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo
Buong galak na nakikiisa sa sambayanang Pilipino ang Katipunan ng mga Gurong Makabayan (Kaguma) sa pagdiriwang ng ika-53 anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Mula sa pagkakatatag nito noong ika-24 ng Abril, 1973, ang NDFP ang natatanging rebolusyonaryo at pinakakonsolidadong prente ng mga progresibong pwersa at sektor ng lipunan na nagbigay hugis sa pampulitikang kapangyarihan ng mga inaapi at pinagsasamantalahang uri ng lipunang Pilipino. Nagpupugay rin ang lahat ng mga balangay ng Kaguma sa libo-libong rebolusyonaryong martir na nag-alay ng kanilang buhay at lakas upang itaguyod ang pambansa-demokratikong rebolusyon.
Sa gitna ng umiigting na krisis sa pagitan ng mga imperyalistang bansa na nagbubunsod ng imperyalistang digma sa iba’t ibang bansang malakolonya, mahalaga ang papel ng NDFP sa pagpapakita ng lakas ng rebolusyonaryong sambayanan. Komprehensibo at nakatuon sa pagtugon sa batayang suliranin ng lipunang Pilipino ang 12-puntong programang isinusulong ng NDFP. Konkretong manipestasyon ito ng pangarap ng sambayanang Pilipino na pambansang kalayaan at demokrasya, at ihinahayag ang interes ng lahat ng uring api at pinagsasamantalahan sa lipunang Pilipino. Pangunahin dito ang pagkaisahin ang mamamayang Pilipino upang wasakin ang malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.
Patuloy na pinasasahol ng papet ng rehimeng US-Marcos Jr ang pagiging malakolonya ng Pilipinas sa kasalukuyan. Sa bagong kasunduang Pax Silica, pinahihintulutan ng gubyernong Marcos Jr ang imperyalismong US sa paggamit ng 1,619-1620 ektaryang industrial hub at “economic security zone” sa loob ng Luzon Economic Corridor na malinaw na isa sa maraming hakbang nito na pagtitiyak ng kanyang hegemonya sa militar, ekonomya, at politika sa buong daigdig. Taliwas sa maskara nitong pagpapaunlad sa ekonomya at seguridad ng bansa, ang Pax Silica ay kasunduang mas sasaid at dadambong sa likas na yaman at rekurso ng Pilipinas para sa pansariling interes ng imperyalismong US at kanyang mga kasabwat na mga lokal at dayuhang naghaharing uri. Dagdag dito, mas papalawakin lang ng mapanliniang na proyekto ang pagsasamantala sa murang lakas paggawa sa bansa, at hindi ito kailanman tutugon sa pambansang industriyalisasyon. Higit sa lahat, nilalagay sa panganib ng rehimeng US-Marcos Jr ang buhay ng sambayanang Pilipino sa pagpoposisyon at paghahanda sa Pilipinas bilang lunsaran ng imperyalistang gera.
Lalo ring lumalala ang pasismo ng estado na kamakailan lang ay naghasik ng teroristang lagim sa isla ng Negros. Nakaririmarim ang ginawang pagmasaker ng 79th Infantry Battalion (IB) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Toboso 19, kung saan kalahati sa mga biktima ay mga sibilyan. Muling pinatunayan ng pasistang AFP na wala itong paggalang sa batas ng digma. Sinasalamin din nito ang labis na pagkatuta ng rehimeng Marcos Jr sa imperyalismong US na nagkukumahog nang matapos ang armadong pakikibaka sa bansa at tuluyan na tayong kaladkarin sa inter-imperyalistang gera. Gayunpaman, pinagpupugayan natin ang mga martir na pulang mandirigma at iba pang biktima ng Toboso Massacre na walang pag-iimbot na nag-alay ng kanilang mga buhay at panahon para pagsilbihan ang interes ng uring anakpawis.
Nananawagan ang Kaguma sa lahat ng kanyang mga balangay na palakasin at patatagin ang kanyang hanay ayon sa palawak at palalim na baseng masa, pag-alabin ang makabayang diwa ng mamamayang Pilipino upang labanan ang higit na pagdayukdok ng kabuhayan ng Pilipinong anakpawis dulot ng kronikong krisis panlipunan, labanan ang pasismo ng rehimeng US-Marcos Jr at tumitinding atake at interbensyon ng imperyalismong US. Tahasang mag-ambag ng lakas at talino sa mas ibayong pagpapalakas at pagpapasigla ng rebolusyonaryong kilusang guro, at sa lalong pagpapatibay ng NDFP na nakasandal sa organisadong pwersa ng kanyang mga alyadong organisasyon na nakalubog sa malawak na masa. Ipalaganap at ipakilala pa ang 12-puntong programa ng NDFP bilang rebolusyonaryo at alternatibong lunas sa mga sakit ng lipunan, at higit sa lahat, pukawin at akayin ang masa sa landas ng armadong pakikibaka, na bubunot at magwawakas sa kasuklam-suklam na ugat ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo.
Mabuhay ang Pambansang Demokratikong Prente!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Isulong at ipagtagumpay ang pambansa-demokratikong rebolusyon!