Pahayag

Winawaldas ng rehimeng US-Duterte ang kabang-bayan sa mga armas ng malawakang pagsira

,

Isang daan at limampung milyong sako ng bigas o 60 milyong pamilyang makatatanggap ng tig-5,000 ayuda o kaya naman ay 13, 520 manggagawang mapapasahod ng isang buwan – iyan ang maaari sanang pinaglaanan ng P300 bilyong pondo para sa Horizon 2 ng AFP Modernization Program. Ngunit totoo sa kanyang pagiging utak-pulburang pasista, sa halip na kapakanan ng nakararami, inuna ni Duterte ang pagbili at pagpaparami ng mga armas ng malawakang pagsira ng kanyang bayarang hukbo.

Sa ilalim ni Duterte, naging kapansin-pansin ang higit na pagdalas ng mga atakeng mula sa himpapawid na labis na kumitil sa daan-daang sibilyan, sumira sa mga kabuhayan at panirahan ng napakaraming komunidad ng mga maralita, magsasaka at pambansang minorya mula Luzon hanggang Mindanao. Itinatapon ng rehimen ang pinaghirapang buwis ng masa para sa pagsasagawa ng mga walang pinipili at malalawakang pambubomba at istraping mula sa ere.

Sa Kabikulan, apat na ang naitalang kaso ng pambubomba mula sa ere mula noong 2016 hanggang 2022. Dalawa rito ay sa Camarines Sur at dalawa naman ay naganap sa Masbate. Hindi bababa sa 1,250 sibilyan ang napilitang magsilikas dulot ng mga atake mula sa himpapawid. Pinakabago ang paghuhulog ng A-29B Super Tucano attack aircraft ng anim na bomba sa Brgy. Igang, Masbate City, alas-kwatro ng madaling-araw, nitong Pebrero 21.

Bagamat pinalalabas ng militar at pulis na ang mga naturan ay naganap sa kurso ng engkwentro sa mga yunit ng BHB, malinaw sa masang Bikolano na ang sibilyang populasyon at kanilang mga komunidad ang tunay na target ng mga pang-aatake. Una, walang ni isang kasapi ng NPA na namatay sa mga naturang pambubomba dahil wala naman ang mga yunit ng Pulang hukbo sa naturang mga lugar sa panahon ng pagpapaulan ng bomba. Ikalawa, malawak ang danyos na dulot ng naturang mga tipo ng atake. Walang pinipiling tamaan ang mga pagsabog – ang sinuman at anuman sa ruta nito ay tiyak na madadamay gaanuman ‘kapresiso’ umano ang kanilang mga operasyon. Sa katunayan, siyam na elemento ng 9th IDPA pa nga ang napaslang sa serye ng aerial bombing ng kanilang sariling yunit sa boundary ng Brgy. Bayombon at Biyong, Masbate City noong nakaraang Agosto 23, 2021.

Ang masahol pa, kung hindi upang dahasin ang masa ay ginagamit naman para sa kapritso ng matataas na upisyal-militar at pulis ang naturang mga air assets. Sampal sa mukha ng publiko, laluna sa kaanak ng namatay at mga nasugatang pulis sa pagbagsak ng Airbus helicopter, ang pahayag ni Police Gen. Dionardo Cahrlos na personal na lakad lamang ang dahilan ng kanyang pagpapasundo nitong Pebrero 22 sa isang resort sa Real, Quezon.

Sa huli, kung ang armas ng estado ay nagsisilbi lamang sa iilan at nakatutok sa sambayanan, ang tanging masasandigan ng mamamayan ay ang kanilang sariling lakas at armadong pakikibaka. Hinihikayat ng Romulo Jallores Command BHB-Bikol ang lahat ng nasa tamang edad at nasa wastong pag-iisip na nagnanais na sawang-sawa na sa walang patid na pagsasamantala at paglustay sa kanilang mga buhay, kabuhayan at kinabukasan, na sumampa na sa Bagong Hukbong Bayan.

Winawaldas ng rehimeng US-Duterte ang kabang-bayan sa mga armas ng malawakang pagsira